Nagkamali ako ng bayad, buti't ang konduktor ay tapat
NAGKAMALI AKO NG BAYAD, BUTI'T ANG KONDUKTOR AY TAPAT
Akala ko'y baryang P20 + P5 + tatlong P1 equals P28 ang aking ibinayad sa konduktor. Buti't honest siya. Binigyan niya ako ng P5 sukli. Nagtaka ako.
Sabi niya, binigay ko'y P33. At P28 lang ang pamasahe mula Monumento hanggang Cubao. Ang naibigay ko pala'y P20 + P10 + tatlong P1 equals P33. Imbes P5, ang naibigay ko pala'y baryang P10.
Nalitô ako roon, ah. Nagawan ko tuloy ng tulâ ang karanasang ito:
salamat sa konduktor na tapat
binalik ang limang pisong labis
di kasi ako naging maingat
dahil nagbabayad ng mabilis
bus carousel mula Monumento
hanggang Cubao Main ang pamasahe
ay dalawampu at walong piso
ngunit sobra ang bigay ko, sabi
naibigay ko'y trenta'y tres pesos
imbes na bente otso pesos lang
katapatan niya'y nakamenos
sa pamasahe, di mapanlamang
maraming namatay sa akala
limang piso pala'y sampung piso
kaya sobra'y binalik na sadya
nagkamali ng akala ako
kaya taos na pasasalamat
ang sa kanya'y ipinaaabot
dapat gantimpalaan ang tapat
buti't di siya trapong kurakot
- gregoriovbituinjr.
12.02.2025

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento