Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hulyo, 2019

Ang mga maikling kwento ni Ohyie Purificacion

ANG MGA MAIKLING KWENTO NI OHYIE PURIFICACION Maikling Sanaysay ni Greg Bituin Jr. Isa sa mga magagaling na manunulat para sa uring manggagawa si kasamang Ohyie, o Ma. Lorena Purificacion. Isa siyang dating pangulo ng unyon sa kumpanya ng Noritake, ang Noritake Porcelana Labor Union (NPLU) na isa sa kasaping unyon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Bukod sa kanya ay may dalawa pang kasamang manunulat ang may natipon ding mga sulatin - ang gurong si Prof. Ramon Miranda, na isa sa best man ko sa kasal, at si Ka Jhuly Panday na nasa Partido Lakas ng Masa. At kung makakapag-ipon tayo ng sapat na sulatin para maisaaklat ang kanilang mga naipong akda ay ilalathala natin ang mga iyon bilang aklat. Ito naman ay sa pamamagitan ng pinangangasiwaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective. Anim ang maikling kwento, dalawang tula at isang sanaysay ni kasamang Ohyie ang natipon ko. Dalawang kwento niya ang nalathala sa magasing PUGON ng NPLU. Apat na maikling kwento naman

Emisyon

EMISYON mainam ba ang kapak na lamang tiyan ay bulak kaysa nakapaloob sa kanyang tiyan ay burak ah, mabuti pang ang sawing puso'y di nagnanaknak kung magdugo'y may mabuting lunas na ipapasak kakamot-kamot ng ulo dahil di matingkala ang laksang suliranin ng bayang di maunawa bakit ba may iilang sa yaman nagpapasasa at milyong dukha'y di man lang dumanas ng ginhawa itong pagbabago ng klima'y bakit anong bilis tumataas ang tubig-dagat, yelo'y numinipis malulunasan pa ba ito't ating matitistis upang susulpot pang salinlahi'y di na magtiis mapipigilan pa ba ang laksa-laksang emisyon na bundok, lungsod, bayan at dagat ay nilalamon suriin ang kalagayan ng mundo sa maghapon at baka may mapanukala tayong lunas ngayon - gregbituinjr.

Nagbubunga nga ba ang bawat nating pagsisikap vvv

nagbubunga nga ba ang bawat nating pagsisikap upang tuluyang kamtin ang ating pinapangarap may lungkot sa iyong ngiti, ito'y aking hinagap habang mga mata mo'y patuloy na nangungusap nawa'y di na pawang kabiguan itong malasap patuloy tayong magsikap upang kamtin ang mithi halina't magtulungan sa bawat pagpupunyagi magkasabay nating ihasik ang magandang binhi baka ibunga'y mabuti, nagbabakasakali upang katwiran at kabutihan ang manatili sa anumang panata'y ayoko nang mabilanggo ayokong pangako ng trapo'y laging napapako sa pusalian ba'y kailan tayo mahahango ang kumunoy ba ng kahirapan ay maglalaho o tayo'y nalilinlang ng kapitalistang mundo - gregbituinjr.

Nagpapatuloy pa rin itong kirot ng damdamin

nagpapatuloy pa rin itong kirot ng damdamin kung kawalang hustisya'y patuloy sa bayan natin pagwawalang-bahala ba ang ating tutunguhin o nagkakaisang tinig ang ating bubuuin ilang tanong lamang itong nararapat masagot mag-ingat lang baka sagot ninyo'y may lamang poot nawa sa atin ay may mabuti itong idudulot maibsan man lang ang galit ng kung sinong sumambot maraming salamat sa pagtugon, mga kapatid kahit alam nating maraming buhay ang pinatid nawa'y hustisya't kapayapaan ay maihatid at ang mapaparusahan ay di sana malingid nawa'y matigil na ang gawaing kasumpa-sumpa nawa'y may hustisyang kamtin ang inang lumuluha katarungan sa mga tinokhang ng walang awa lalo roon sa mga batang kay-agang tinudla - gregbituinjr.

Bakit laging dapat lumaban silang maralita?

bakit laging dapat lumaban silang maralita? dahil ba ang dama nila'y wala silang dignidad? dahil dama nilang inaapakan silang lubha? dahil ba isinilang na silang dukha at hubad? dahil ba salat sa yaman, dapat silang apihin? dahil ba walang pribadong pag-aari'y alipin? dahil laging marusing basta sila gugulpihin? dahil tahanan ay iskwater, tatapakan na rin? dahil isinilang na salat, ito'y kapalaran? dahil wala silang makain, ito katamaran? dahil walang pinag-aralan, ito'y kamangmangan? dahil kayrami nila, ito'y populasyon naman? kaya may dukha, pribadong pag-aari ang sanhi at siya ring dahilan kung bakit may mga uri upang maibsan ang kahirapan, ang ating mithi ay pawiing tuluyan ang pribadong pag-aari - gregbituinjr.

Kung ako ang palarin

kahapon, nakatitig muli ako sa kawalan kailan ba matatapos ang ganitong digmaan aba'y di na mapakali ang puso ko't isipan lalo't nakangisi na sa akin si Kamatayan at ngayon, nakatunganga muli ako sa kisame kailan ba magwawakas ang pagiging salbahe at katiwalian nitong trapong di nagsisilbi sa bayan kundi sa sariling bulsa't sa sarili bukas kaya, aakyat ako't tutulay sa ulap bakasakaling marating ko ang pinapangarap kung maalimpungatan, mawala ng isang iglap ang hinehele ng diwa't puso kong nangungusap matatapos din ang paghihirap, magtatapos din ayon nga kay Kamatayan, kung ako ang palarin - gregbituinjr.

Inhustisya

nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo tulad ng lawin sa labas ng paraiso o rosas sa harap ng sawing paruparo na ang hibik ay katarungan sa bayan ko nais kong bigkasin sa inyo itong tula nang may halong hikbi, poot, luha at tuwa upang inyong madama ang bawat adhika habang hustisya'y hanap kasama ang dukha halina't ang aking tula'y inyong pakinggan baka maluha kayo sa aking kundiman sa bawat kataga'y inyong malalasahan ang lansa't pait na sa dibdib ko'y nanahan maraming salamat sa inyong pakikinig kahit yaong tula'y may tinig pang-uusig panlilinlang at tiwali'y dapat malupig upang katarungan sa bayan na'y manaig  gregbituinjr.

Nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo

nais kong bigkasin ang tula ko sa inyo tulad ng agilang hinehele ng bagyo o rosas sa harap ng sawing paruparo o boksingerong ang mukha'y bugbog-sarado nais kong bigkasin sa inyo itong tula na handog sa bawat kapwang nagdaralita na nagtitiis, lumalaban, lumuluha upang kamtin ang karapatan at paglaya tula'y kinatha upang sa inyo'y mabigkas maging inspirasyon laban sa pandarahas upang sumigla kayo'y lalo pang lumakas tumatag ang paninindigan hanggang wakas tula lang ang kaya kong ibigay sa inyo habang iisa tayo tungong pagbabago - gregbituinjr.

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON Sinulat ni Greg Bituin Jr. Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal. Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal. At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng

Tunay na aktibista'y matino, di nagloloko

nakakahiyang gumawa ng mga kalokohan kapag aktibista ka't seryosong ginagampanan ang niyakap na tungkuling baguhin ang lipunan lalo't may akibat na adhika't paninindigan may inaalagaang dignidad ang aktibista kaya nga nagpapakatao sila sa tuwina pakikipagkapwa'y mabuting asal, disiplina kumikilos nang makalos ang bulok na sistema tunay na aktibista'y matino, di nagloloko nag-oorganisa ng obrero, di lasinggero pinag-aaralan ang lipunan, di babaero tinuturo ang pagkakapantay, di sugalero karapatang pantao'y isinasaalang-alang sa pananalita't pagkilos, marunong gumalang kalaban ng mga mapang-abuso't pusong halang papalitan ang bulok na sistemang mapanlamang nawa ang simulain nila'y maipagtagumpay pagsasamantala't pang-aapi'y mawalang tunay kumikilos upang sistema'y maging pantay-pantay sa kanila, ako'y taas-kamaong nagpupugay! - gregbituinjr.

Tuldok

TULDOK nais namin ay hustisyang abot ng maralita may wastong sistema't proseso para sa dalita hustisyang dapat makamtan ng mga walang-wala hustisyang walang kinikilingan, abot ng dukha di nasa ibabaw ang sistemang burgis, kuhila katarungan ang hinahangad ng mga magulang sapagkat minamahal na anak yaong pinaslang kailan ba ang hustisya'y isasaalang-alang katarungan ba'y nababansot na't kinakalawang at tatawa-tawa lang ang mga berdugong halang ayaw namin sa hustisyang inawit sa Tatsulok: "ang hustisya'y para lang sa mayaman, nasa tuktok" aba'y dapat lang baguhin na ang sistemang bulok na naaagnas dahil sa mga pinunong bugok ang ganitong sistema'y dapat lagyan na ng tuldok - gregbituinjr. * Nilikha at binasa sa rali para sa karapatang pantao, sa Black Friday protest, na ginanap sa Boy Scout Circle, Lungsod Quezon, Hulyo 19, 2019

Mutyang ginhawa

MUTYANG GINHAWA habang aking pinakikinggan si D.J. Shai Tisay narerelaks ako'y kaysarap magpahingang tunay sa musikang pinatutugtog ay nakikisabay nagkukunwaring masaya sa kabila ng lumbay ramdam ko, animo'y anong gaan niyang kausap at di ka mabuburyong gaano ka man kahirap ang problema mo'y aalwan sa dusang anong saklap may saya't kaginhawahang sadya mong malalasap halina't tinig niya sa radyo'y pakinggan natin at maiibsan kahit bahagya ang suliranin aba, boses pa lang niya'y anong sarap nang damhin paano pa kaya kung siya na'y kakaharapin ang tinig niya'y nakakawala ng pagkabagot sasaya ang mundo, mapapawi anumang lungkot taospusong pasasalamat ang aking paabot kay D.J. Shai Tisay na mutyang ginhawa ang dulot - gregbituinjr.

Pampublikong Pabahay: Kinonsepto para sa mga manggagawa

PAMPUBLIKONG PABAHAY Kinonsepto para sa mga manggagawa Sinaliksik ni Greg Bituin Jr. Sa pananaliksik, maraming pampublikong pabahay ang kinonsepto para sa mga manggagawa. Tulad na lang sa Inglatera, nang dumami ang mamamayan sa lungsod nang maganap ang Rebolusyong Industriyal noong ika-19 na siglo. Ilang halimbawa nito ay nang magtayo ng barangay o nayon ang ilang may-ari ng pabrika para sa kanilang manggagawa, tulad sa Saltaire noong 1853 at Port Sunlight noong 1888. Noong 1885 nang magkaroon ng interes sa pagtatayo ng pampublikong pabahay ang Royal Commission sa Inglatera. Idinulot nito ang pagkapasa ng batas na Housing of the Working Class Act of 1885. Binigyang kapangyarihan ng batas na iyon ang mga Local Government Boards upang isara ang mga gusaling may mga sira na at hinikayat silang mas paunlarin pa ang pabahay sa kani-kanilang lugar. Sa bansang Espanya, mayroon naman silang proyektong pampubliko at kolektibong pabahay kung saan tiniyak nila ang kahalagahan nit

Ang kahirapan ay di kawalan ng pagkatao

ang kahirapan ay di kawalan ng pagkatao lider-maralita'y marangal at Katipunero mabubusog ka nga sa karanasan nila't kwento nagsisikap, nagtitiyaga sa pagtatrabaho ang tunay, ang kahirapan ay kawalan ng pera walang pambili ng pagkain para sa pamilya walang pribadong pag-aari o kaya'y pabrika di salat sa pagmamahal, kulang lamang ng kwarta dahil ba walang pag-aari tayo'y inaapi "Iisa ang pagkatao ng lahat," ito'y sabi nitong Gat Emilio Jacinto, na ating bayani dukha man o mayaman, magkapatid tayo dini may mga dukha dahil sa pribadong pag-aari na ugat ng kahirapang di dapat manatili na dapat tanggalin sa mga tusong naghahari pribadong pag-aaari'y dapat tuluyang mapawi di kawalan ng pagkatao kung tayo'y mahirap kahit na iyang karukhaan ay lubhang laganap ang pagpapakatao sa ating kapwa'y paglingap kaya pagpapakatao'y ating ipalaganap - gregbituinjr.

Mabubuti ang mga aktibista

MABUBUTI ANG MGA AKTIBISTA "Ubi boni tacent, malum prosperat. (Evil prospers where good people are silent.)" natatanaw ng lawin ang karumhan ng daigdig tuyot na ang bundok lalo't walang ulang dumilig naglipanang maruming gawa'y di man lang mausig tambak na ang katiwalian pagkat di malupig maraming kahit nakikita na'y nakatunganga ayaw kumilos, hinahayaan itong lumala habang kapitalista't elitista'y tuwang-tuwa nagngangalit naman ang bagang nitong aping dukha sinong kakampi ng mga aping sadlak sa hirap sinong dudurog sa kontraktwalisasyong kaysaklap sinong lalaban sa nasa gobyerno'y mapagpanggap sinong tutulong nang buhay ay di aandap-andap buti't di tumatahimik ang mga aktibista laban sa masama'y patuloy na nakikibaka kumilos upang baguhin ang bulok na sistema prinsipyado't laging una'y kabutihan ng masa - gregbituinjr.

Paghandaan ang pagtaas ng sukat ng dagat sa 2030

PAGHANDAAN ANG PAGTAAS NG SUKAT NG DAGAT SA 2030 kaming mga aktibistang Spartan ay naghahanap din ng katarungan di lang nagpapalaki ng katawan o laging naghahanda sa digmaan kami'y nagsusuri din sa lipunan at iniisip ang wastong katwiran kami'y di lamang mga mandirigma handa rin sa paparating na sigwa sa nagbabagong klima'y naghahanda sa kalamidad at mapipinsala sukat ng dagat tataas, babaha ang klimang nagbabago'y nagbabanta pag-isipan ang pagtaas ng dagat upang sa madla ito'y isiwalat paano kung ilang piye'y iangat at mga isla'y lumubog ngang sukat paghandaan ito't magtulungan ang lahat bago pa tayo lamunin ng dagat - gregbituinjr.

Ako

ako'y isang amang mapagmahal sa anak na lahat gagawin nang di siya umiyak ako'y inang nagpapasuso pa kay beybi nang siya'y maging malusog na binibini ako'y agilang lilipad-lipad sa langit bakasakaling may makitang madadagit ako'y langay-langayan sa dako pa roon palipat-lipat upang umiwas sa ambon ako'y isa lang pipit na pipiyok-piyok nang ina ko'y lumipad sa tuktok ng bundok ako'y alisto lang sa pagdatal ng tigre umiiwas maapakan ng elepante ako'y langgam na kung saan-saan patungo ang hanap ay mailalagay sa tibuyo ako'y bastardong mang-aawit ng kundiman na sinasalabat ang sabaw ng halaan ako'y asintado't tumatama ang sipat kaya mga kalaban ay dapat mag-ingat ako sa lansangan ay masipag magwalis upang daraanan mo'y magmukhang malinis ako'y dukhang ipinaglalaban ang bahay pagkat paniwala ko'y tahanan ay buhay ako'y kaisa ng hukbong mapagpalaya nakikibakang kasama ng manggagawa ako'y ma

Ang pera

noong wala pang pera, sabay kumain sa gabi nang magkapera, aba'y nagkanya-kanya na kami sa nangyari ba'y pera ba ang ating nasisisi? sa ugnayan ng pamilya, pera ba'y anong silbi? sa kasalukuyan, nag-iba na ang henerasyon iniba na ba tayo ng teknolohiya't selpon? subalit gaano nga ba katamis ang kahapon? upang ating pagkatao'y baguhin ng panahon? nang wala pang pera, napakabait, anong amo at nang magkapera'y nag-iba na ang pagkatao sadya bang ganito, dahil sa pera'y nagbabago? nagiging mapangmata, nagiging mapang-insulto? o, pera, ikaw na nagpapaikot ng daigdig ninanakaw mo sa amin ang alas ng pag-ibig pagsinta'y naiiba pag sa iyo nakatitig batas mo ba'y ano't puso't isip ay nabibikig? - gregbituinjr.

May liwanag na nakakubli sa lambong ng ulap

may liwanag na nakakubli sa lambong ng ulap kung pagsisikapan ay matutupad ang pangarap buhay ng maralita'y di laging aandap-andap sa kalaunan ay makakaalpas din sa hirap bulok na sistema'y bulok sa kaibuturan nito naaagnas na't kailangan na ng pagbabago dukha'y di laging lumpo, kaya rin nating manalo upang magbago ang sistema'y magkaisa tayo dinadala lagi tayo ng puhunan sa dilim para sa tubo, ginagawa'y karima-rimarim piyesta ang mayayaman, ang mga dukha'y lagim dapat nating wakasan ang ganitong paninimdim tandaang sa likod man ng dilim ay may liwanag na matatanaw, kung sama-sama tayo'y matatag sistemang bulok ay bugok na itlog na pambulag na sa sama-samang pagkilos ay kayang mabasag - gregbituinjr.

Ang pagbibisikleta

Imahe
ANG PAGBIBISIKLETA "Life is like riding a bicycle. To keep your balance, you must keep moving." ~ Albert Einstein di pwedeng basta magpahinga't matitimbuwang ka nang di matumba'y itukod agad ang isang paa maganda nga sa katawan ang pagbibisikleta titibay ang kalamnan, gulugod, paa't hininga tulad din ng pagbibisikleta ang iwing buhay na kilo-kilometro ma'y nadarama ang ngalay pidal ka ng pidal habang ikaw ay nagninilay huwag titigil kung ayaw mong basta humandusay nais kong magbisikleta kung kasama ko'y ikaw tiyak na sa patutunguhan ay di maliligaw ambag sa kalikasan, walang polusyong lilitaw sumabay ka lamang sa indayog ko't bawat galaw maging disiplinado sa pagtahak sa lansangan pati na rin sa pangangalaga ng kalikasan tayo'y magbisikleta't ganda nito sa katawan habang taas-noong naglilingkod sa sambayanan - gregbituinjr.

Enerhiyang Solar at ang Kapitalismo

The use of solar energy has not been opened up because the oil industry does not own the sun. – Ralph Nader sa enerhiyang solar, daming ayaw mamuhunan di naman kasi nila kayang ariin ang araw ayaw ng industriya ng langis na may kalaban tulad ng solar na baka sa kanila'y lumusaw ganyan ang kapitalismo, nais nilang kontrolin ang mga pagkakakitaang bagay sa daigdig walang pakialam sa iba, ito ma'y gutumin basta't mga korporasyon ang tutubo't kakabig kalikasan ay sinisira ng kapitalismo pulos pagmimina't coal plants ang ipinapatayo mga serbisyong pambayan ay ginawang negosyo tila pagpapakatao na'y tuluyang naglaho enerhiyang solar sa bayan ay makabubuti ngunit makasisira sa industriya ng langis at magmumura naman ang babayarang kuryente sa enerhiyang solar, tayo na'y magbigkis-bigkis - gregbituinjr.

Pagpupugay sa ika-45 anibersaryo ng TFDP

PAGPUPUGAY SA IKA-45 ANIBERSARYO NG TFDP Task Force Detainees of the Philippines, mabuhay kayo sa ikaapatnapu't lima n'yong anibersaryo kayong nagtataguyod ng karapatang pantao nang mabigyang hustisya ang api sa bansang ito matapat kayo sa layunin n'yo't inaadhika bilanggong pulitikal ay nais n'yong mapalaya nais kamtin ang hustisya sa tinokhang na dukha nagtuturo ng karapatang pantao sa madla apatnapu't limang taon na kayo, anong tatag ang inyong misyon at prinsipyo'y di basta mabuwag agad n'yong nilalabanan ang anumang paglabag at kung may naninira man ay di kayo matibag sa paglabag sa karapatan ay nakatugaygay sa pang-aapi sa maliliit nakasubaybay O, TFDP, kami'y taas-noong nagpupugay sa inyong walang tigil na paglilingkod na tunay - gregbituinjr. * tulang alay sa TFDP sa ika-45 anibersaryo nito sa Hulyo 5, 2019

Pambala man ako sa kanyon

PAMBALA MAN AKO SA KANYON pambala man ako sa kanyon sa hirap ay makaaahon huwag lamang akong makahon na taong hindi mahinahon patuloy akong kikilos lalaban sa pambubusabos haharapin anumang unos dudurugin sinumang bastos sa kanyon man ako'y pambala paglilingkuran ko ang masa ang manggagawa't magsasaka pahahalagahan tuwina may papel akong gagampanan upang mabago ang lipunan kahit sa kanyon pambala man ay may silbi pa rin sa bayan - gregbituinjr.

Mga ilang tanong lamang

MGA ILANG TANONG LAMANG sasali ka sa unyon, babantaan ka na? karapatan ba ang nais mo o giyera? bilang obrero, di ba't may karapatan ka? bakit nananakot agad itong kumpanya? kapitalista ba'y diyos sa pagawaan? di ba sila gumagalang sa karapatan? manggagawa ba'y mga robot na utusan? obrero'y wala bang karapatang lumaban? sistema sa pabrika'y bulok pag ganito kapitalista't talaga ngang mga tuso tinatrato nilang makina ang obrero tila baga kalabaw na nilalatigo bakit bituka ng kapitalista'y halang? bakit naglalaway silang makapanlamang? bakit kapitalista'y tusong salanggapang? na karapatan ng obrero'y hinaharang? sistemang bulok ba'y atin pang naaatim? para tumubo ng limpak ang mga sakim? dapat kapitalismo'y ibulid sa dilim upang mawakasan ang dulot nitong lagim - gregbituinjr.

Ayoko ng rutin

AYOKO NG RUTIN ayoko ng rutin tuwing umaga na dapat ay nagkakape ka muna di ba pwedeng ako'y magbasa-basa o kaya naman ay agad maglaba sikmura ba muna'y paiinitin o nabimbing gawa'y agad harapin di ba pwedeng langit na'y tingalain upang sa ulap, kataga'y hanapin ang mahalaga'y magkaunawaan upang di naman nagkakatampuhan anumang nais ay pahalagahan upang pagsasama'y pangmatagalan mabuti pang ako'y iyong kurutin basta ayoko ng anumang rutin - gregbituinjr.