Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hunyo, 2020

Walang perang ambag

umaga, magwawalis, maglilinis, maglampaso maggagayat, magluluto, magsaing, kusinero maggagamas, magtanim, magdidilig, hardinero magsabon, kusot, banlaw, piga, sampay, labandero wala kasing maipambayad sa kuryente't tubig walang pambili ng ulam at bigas na pansaing wala kasing pera kaya mahirap magmagaling wala ring diskarte upang may perang kumalansing walang perang ambag kaya dama lagi'y mabigat dama sa mundong ito'y isa lang akong pabigat dapat magkatrabahong may sweldong ambag kong sukat sa pamilya nang bayarin ay mabayarang lahat aanhin ba ang buhay na umiikot sa pera ni hindi ko sila mabigyan ng kaunting grasya itong sentido ko kaya'y lagyan ng isang bala at bakasakaling madama ang asam na saya - gregbituinjr.

Wala kasing kita

wala kasi akong kita kaya utus-utusan kulang na lang yata ako'y maging kutus-kutusan wala bang kwentang tao, propagandista pa naman sa kuryente't tubig, walang ambag, di mabayaran pag tibak ba'y di basta tinatanggap sa trabaho? pagkat pinagtatrabahuhan ay baka gumulo? dahil ba may alam sa karapatan ng obrero? dahil ba ikamo'y baka magkaunyon pa rito? nais ko lang naman ay magkatrabahong may sahod upang di magutom ang pamilya't maitaguyod nais nilang tahimik na lang ako't nakatanghod sa pinagagawa nila'y bulag na tagasunod kung may problema sa pagawaan, alangan namang tatanga-tanga lang ako't magbubulag-bulagan nais kong may silbi pa rin sa kapwa't sambayanan lalo sa aking kamanggagawa sa pagawaan - gregbituinjr.

Talbos ng kamote muli ang ulam

ano bang iuulam, mamitas muli ng talbos ng kamote upang kainin, tayo'y makaraos ngayong lockdown, walang trabahong kikita kang lubos sa bahay lang nang makaiwas sa coronavirus kada tatlo o apat na araw lang mamimitas mahirap mapurga sa talbos, baka ka mamanas gayunman, mabuting may napipitas pa sa labas upang pantawid-gutom, baka sa sakit pa'y lunas haluan ng sibuyas at bawang, igisa iyon o kaya'y isahog ko sa nudels o pansit kanton habang kumakain, talbos ay isipin mong litson isawsaw pa sa bagoong, lalakas kang lumamon buhay na'y ganito sa panahon ng kwarantina walang trabaho, walang kita, tiis-tiis muna dahil sa COVID-19, bagsak din ang ekonomya di alam kung hanggang kailan ito tatagal pa - gregbituinjr.

Bawal na ang beso-beso

bawal na ang beso-beso kahit makipagkamay 'distancia amigo' kahit sa kaibigang tunay tunay ngang ang coronavirus ay nagpahiwalay sa atin bilang mga taong magkaugnay-ugnay pisikal na ugnayan ay apektadong talaga kakain kayong restawran, tigisa kayong mesa sa dyip, ang pagitan ng pasahero'y may plastik na marami na ring 'No Mask, No Entry' na karatula hiwa-hiwalay, indibidwalismo'y tumitindi bihira nang  mag-usap kahit sa iyong katabi gamitin mo ang selpon kung mayroong sinasabi ganyan nga ba sa bagong normal, di ka mapakali? mabuti pa rin ba ito sa ating kalusugan? upang coronavirus ay tuluyang maiwasan? ganyan ba hangga't lunas ay di pa natutuklasan? hiwa-hiwalay na't parang walang pinagsamahan? - gregbituinjr.

Maikling kwento: Paghuli sa mga tinuturing na pasaway

Imahe
PAGHULI SA MGA TINUTURING NA PASAWAY Maikling kwento ni Greg Bituin Jr. "Galing lang ako sa botika upang bumili ng facemask, pero ubos na raw at walang stock. Kaya umuwi na ako. Sa paglalakad ay bigla na lang akong hinuli at pinalo ng yantok ng pulis. Pasaway daw ako at hindi sumusunod, dahil wala raw akong suot na facemask." Ito ang kwento ni Ka Kiko sa ilan pang nakakulong sa presintong iyon. "Halos ganyan din ang nangyari sa akin. Wala rin akong mabilhan. Tapos sabi nila, dapat social distancing. Sinunod ko iyon. Pero silang mga alagad ng batas ang hindi sumusunod, dahil mismong dito sa kulungan ay walang social distancing. Para tayong sardinas dito." Ito naman ang sabi ni Efren na nakilala ni Ka Kiko sa loob. Tahimik lang na nakikinig si Ka Dodong sa kanilang usapan. Subalit siya'y natanong. "Ikaw naman, anong kwento mo?" Ayaw sana niyang sumabat sa usapan, ngunit nais na rin niyang ikwento ang nangyari sa kanya. Aniya, "May facemask

Ang manipesto ng proletaryado

Imahe
Ang manipesto ng proletaryado magandang pagnilayan natin bawat sinasabi ng isang manipestong sa atin ay kakandili halina't basahin ito't unawaing maigi kasulatan itong dapat nating ipagmalaki pagnilayan natin ang apat nitong kabanata ipinaliwanag ang lipunan, anong adhika bakit may pinagsasamantalahan at kawawa? bakit may mapagsamantala't nang-aping kuhila? bakit pantay sa lipunang primitibo komunal? bakit may lipunang aliping ang tao'y animal? bakit ang magsasaka'y api sa lipunang pyudal? bakit obrero'y alipin sa lipunang kapital? bakit tinuring na ang kasaysayan ng lipunan ay kasaysayan din ng makauring tunggalian? bakit sistemang kapitalismo'y dapat palitan? at ang uring manggagawa'y magkaisang tuluyan? ang panawagan sa dulo ng aklat ay alamin bakit uring manggagawa'y dapat pagkaisahin? wala raw mawawala sa manggagawa, basahin natin, kundi ang tanikala ng pagkaalipin matapos mabasa ito'y magtalakayan tayo naunawa

May pilay na ang isang sisiw

Imahe
paika-ika na ang sisiw na kusang umuwi tumambay na lang sa kulungan, tila nangingiwi marahil dahil sa pilay na nadarama'y hapdi sana'y di malala ang kanyang paa't walang bali naglilimayon na sila sa labas ng kulungan gayong mga sisiw silang wala pang isang buwan sa unang araw ng Hulyo'y kanilang kaarawan sana'y magsilaki silang malusog ang katawan gumagala sa umaga, sa gabi'y kinukulong ang labing-isang sisiw na tumutuka ng tutong kasama ang inahing sa kanila'y kumakanlong pagkahig at pagtuka nga sisiw na'y marurunong sa napilayan sana'y walang mangyaring masama kumain ng kumain nang gumaling at sumigla sa pilay na sisiw, inahin ang mag-aalaga at sana ang kanyang pilay ay tuluyang mawala pagmasdan mo ang ibang sisiw at nakakaaliw subalit kaylungkot pagmasdan ng pilay na sisiw tila ako'y kanyang amang sa anak gumigiliw pagkat alaga siyang sa puso'y di nagmamaliw - gregbituinjr. 06.27.2020

Pagtitiim-bagang

sa tuwina'y nakatunganga lang sa kalangitan nakatitig di na sa langit kundi sa kawalan kung anu-ano na ang naglalaro sa isipan lalo't tatlong buwan nang nakapiit sa tahanan mabuti't may ilang anunsyong mag-ambag ng tula hinggil ssa lockdown ay magkwento't magbigay ng katha sa iba nama'y nag-ambag ng sanaysay kong likha ipinasa bago ang huling petsang itinakda kahit di naman karpintero, ako'y nagpanday din at nakagawa ng kulungan para sa inahin at sa kanyang labing-isang sisiw na alagain nakapagpanday man ay marami pang dapat gawin tatlong buwang nakakulong, buti't di nabubuwang tila sa pag-alis ng lockdown laging nakaabang laksang naburda sa isipan ay maraming patlang sa panahong itong laging napapatiim-bagang - gregbituinjr.

Tanaga sa hikahos

sadyang kalunos-lunos ang buhay ng hikahos di malabanang lubos ang sakit na gumapos paano ang pantustos pag may coronavirus walang kita't panggastos tila di makaraos sa lockdown na'y kawawa lalo't nadama'y putla sitwasyong di humupa sana'y di na lumala mahirap maging dukha lalo't nadama'y putla ng tulad kong dalita pagkat lunas pa'y wala bawal nang magkasakit ang mga nagigipit sitwasyong anong lupit pag sakit na'y kumapit bawal na ring humalik at bumahin ng sabik coronavirus, hasik parang koronang tinik pamilya'y alagaan at inyong kalusugan bayan na'y magtulungan tayo'y magbayanihan ayokong mapahamak ang aking mga anak buhay mang ito'y payak di gagapang sa lusak * Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2020, pahina 20.

Noon, No I.D., No Entry; Ngayon, No Mask, No Entry

Imahe
noon, sulat sa pintuan ay No I.D., No Entry ngayon, iba na ang nakasulat: No Mask, No Entry ganito ang bagong normal, huwag mong isantabi umayon sa pagbabago kahit di mapakali noon, pag naka-facemask, sinisita na ng parak pagkat baka holdaper yaong may masamang balak ang masa'y natatakot pagkat baka mapahamak ngayon na'y baligtad, hinuhuli ang walang facemask malaki ang tubo ng pabrika ng facemask ngayon kaya tuwang-tuwa ang mga negosyanteng iyon bili na ng facemask, gaano man kamahal yaon upang sa bahing at sakit ay makaiwas doon kaya tumalima ka sa bilin: No Mask, No Entry tiyaking naka-facemask kung papasok ka't bibili sa karinderya, botika, grocery, mall, palengke sa barberya man o gusali, araw man o gabi - gregbituinjr.

Higit nang tatlong buwang nakakulong sa tahanan

higit nang tatlong buwang nakakulong sa tahanan ang gagawin sa araw-araw ay di na malaman gigising, magluluto, kakain, hugas ng pinggan paikot-ikot, maghihikab, tutulog na naman kahiya-hiya para sa tulad kong pamilyado ang sa kwarantinang ito'y pinaggagagawa ko aba'y di lang katuga (kain, tulog, gala) ito kundi katu na lang pagkat walang galaan dito anong tindi, wala nang trabaho, wala pang kita gagawin sa bahay ay pinag-iisipan pa nga magtanim-tanim, magkumpuni ng anumang sira nagpapatay ng oras, tila inabot ng sigwa susulatin ang di pa nasulat na karanasan lalo nang bata pa't hahalukayin sa isipan magsasalaysay, maraming paksang pag-uusapan upang di mabaliw sa lockdown, matino pa naman - gregbituinjr.

Tiwakal

paano ba magbigti kung wala ka nang silbi baka ito'y mangyari pag lockdown pa'y grumabe walang kabuhay-buhay tila na isang bangkay mabuti pa ang patay payapang nakahimlay baka magpatiwakal itong makatang hangal nasaan na ang punyal nang tuluyang mabuwal nais ko nang humimbing upang di na gumising wala nang toreng garing wala pang isang kusing - gregbituinjr.

Ipagpaumanhin mo po, O, Inang Kalikasan

Imahe
ipagpaumanhin mo po, O, Inang Kalikasan ang mga pinaggagawa naming kabulastugan tapon dito, kalat doon, tapon kung saan-saan daigdig na ito'y ginawa naming basurahan kayraming basurang itinapon namin sa laot plastik at upos ng sigarilyo'y katakot-takot araw-gabi nga, basura namin ay hinahakot di na namin alam kung saan na ito umabot O, Inang kalikasan, aming hingi'y paumanhin tapon dito, kalat doon ang ginagawa namin pulos plastik kasi ang balutan ng kinakain ngunit basurang itinapon ay bumabalik din pagkat daigdig ay di tinuturing na tahanan pagkat sa bansang ito'y wala kaming pakialam pribadong pag-aari lang ang inaalagaan at pinababayaan ang lungsod at pamayanan kinabukasan ng anak ang inaasikaso nasa isip ay pagkamal ng tubo at negosyo O, Inang Kalikasan, ito'y pasakit sa iyo ipagpaumanhin mo ang ginawa naming ito - gregbituinjr. 06.24.2020

Kantanod

kantanod pala'y panauhing di inanyayahan tulad ng langaw na naroon sa hapag-kainan nanonood sa pagkain sa piging at huntahan nakatanghod sa pulongbayan at mga handaan siya ba'y gutom na nag-aabang ng makakain o siya'y matakaw na tiyan niya'y bubusugin siya ba'y pulubing ang mumo'y kanyang pupulutin o siya ba'y tirador ng tira-tirang pagkain siya ba'y mamamahayag na hanap lagi'y presscon na inaabangan upang makalibre ng lamon iyang kantanod nga ba'y anak ng pagkakataon na napapalatak pag nakaamoy na ng hamon makulit man ang langaw, iyong mauunawaan na likas na ugali'y dapo ng dapo saanman ganyan din ang kantanod na nakatanghod na naman ingat, baka pag nalingat ka'y agad kang mawalan - gregbituinjr. *  kantanod  - pang-uri; panauhing di inanyayahan; panonood sa pagkain (mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino, inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 90)

Pagtanaw sa nagbabagong panahon

noong bata ako'y nilagnat, aking naalala pinakain ng lugaw ng ina kong nag-alala subalit pag nilagnat ka ngayong may kwarantina di lang nanay, buong barangay ang mag-aalala isa lamang iyan sa nakita kong kaibahan sa sitwasyon noon at sa ngayong kapanahunan iba ang dati't ang bagong normal na kalagayan, na dapat nating pakasuriin at paghandaan noon, pag naka-facemask ka'y huhulihin ng parak tingin sa iyo'y holdaper kang sa masa'y pahamak ngayon, huhulihin ng parak ang di naka-facemask tingin ay pasaway kang sa masa'y magpapahamak noon, krisis-pangkalusugan, solusyong medikal ngayong krisis pangkalusugan, solusyon: militar noon, upang di magkasakit, checkup sa ospital ngayon, upang iwas-sakit, checkpoint o maospital noon, facemask ay nagmahal nang pumutok ang bulkan, ang mga walang facemask, binigyan ng lingkodbayan ngayon, facemask ay nagkaubusan, walang mabilhan, ang walang facemask, magmulta o doon sa kulungan noon, pag may sakit, gobye

Bata pa lang ay matuto nang magsaing

noon, tinanong ako kung marunong bang magsaing ang tanong niya, pakiramdam ko'y isang pasaring parang insulto't di maalam magluto ng kanin umabot sa edad na itong di alam magsaing kanin ang pangunahing kinakain araw-gabi tatlong beses isang araw nga'y kumakain, sabi pag di ka nagsaing, gutom ang pamilya mo, pare kung di ka marunong magsaing, anong iyong silbi? sa edad mong ito, pag di ka marunong magsaing para kang putok sa buho, niluwal lang ng hangin para kang robot na gasolina ang kinakain para kang taong walang alam kundi ang kumain kanin lang, di mo pa maluto sa edad mong iyan? kaya insulto sa akin ang gayong katanungan kanin ay batayang pagkaing ating nakagisnan huwag papayag na pagsaing lang ay di mo alam - gregbituinjr.

Pagbabalik-aral sa matematika

naghahanap ako ng review center ng geometry basic math, calculus, number theory, trigonometry balik-aral na may sertipiko'y nais mangyari bakasakaling makapag-tutor sa estudyante habang tinutula ang ilang nalalaman sa math habang muling binabasa ang samutsaring aklat habang nagsasagot ng mga ekwasyong nabuklat habang sa lockdown nabuburyong pagkat nagsasalat di sapat ang araw-gabing maglaro ng sudoku dapat may aplikasyon bawat natutunan dito subalit dapat magbalik-aral pa ri't magrebyu at makamit din ang inaasam kong sertipiko muling nagrerebyu sa pagbabasa sa internet lalo't nagpultaym agad noon kaya undergraduate kung may review center ay mag-eenrol akong pilit pagkat iba pa rin kung may sertipikong makamit - gregbituinjr. 06.22.2020

Tanaga't dalit sa papel na makitid

Imahe
limang short bond paper lang ang kailangan ko noon ginupit ang long bond paper upang maging short iyon dalawang pulgadang papel din ang napilas doon sayang lang kung di magamit ngunit di ko tinapon sa halip gupitin ang long bond paper, di ba dapat bumili na lang ng short bond paper, subalit salat sa salapi't gabi na, tindaha'y saradong lahat napilas na papel pala'y magagamit kong sukat inistapler ko yaong mga papel na ginupit lapad ay dalawang pulgada, handa nang magamit haba'y walo't kalahating pulgada, ito'y sulit at masusulatan na ng mga tanaga't dalit tanaga'y tulang may pitong pantig bawat taludtod sa dalawang pulgadang papel ay kayang mahagod dalit nama'y tigwawalong pantig bawat taludtod mga katutubong tulang kaysarap itaguyod parang papel ng huweteng, sinulatan ng tula sa papel na makitid, kayrami nang makakatha di nasayang ang papel na puno ng dusa't luha nagamit sa panitikang may diwa ng paglaya - gregbituinjr.

Labantot

tinawag ko nang labantot ang mabahong lalabhan dahil naiwan kong nakatiwangwang sa lagayan ng labahin ang mga damit kong pinagpawisan ngayon nga'y lalabhan ang mga labantot na iyan pagkat di dapat mga labantot ko'y pabayaan mahirap sadyang maiiwan mo itong labantot sapagkat dumi'y nagtututong na katakot-takot ibabad sa bumubulang sabon, saka ikusot t-shirt, salawal, brief, pantalon, kamisetang gusot kuwelyo, pundiyo, singit, kili-kili'y makutkot sabunin at kusutin at sabunin at kusutin hanggang mawala ang dumi't bumango ang labahin babanlawan ng maigi, sa pagsampay pigain i-hanger o sa alambre't lubid isampay na rin huwag hayaang gusot, sa araw na'y patuyuin - gregbituinjr. 06.22.2020

Ang pure math versus applied math

nakakatuwa man ang pure math tulad ng paglaro ng sudoku, ang applied math ang maraming pangako minsan, may ekwasyong lulutasing di ka susuko di pwedeng pulos pag-ibig lang, dapat may pagsuyo saan mo gagamitin ang kaalaman sa pure math kundi ekwasyon ay malutas lang nang walang puknat kumpara sa applied math, may pakinabang kang sukat dahil makakatulong sa kapwa't bayan mong salat ang pure math ay tulad ng sudoku, puzzle, abstraksyon na masaya kang lutasin ang anumang ekwasyon pure math ay pulos ideya, wala mang aplikasyon gayunman, baka balang araw ay magamit iyon ngunit magandang pareho natin silang mabatid kombinasyong pure at applied math sa diwa'y ihatid abstrakto o baliwag man ang ideyang sinilid sa utak, may pakinabang din sa mundo't paligid - gregbituinjr. 06.21.2020

Nais ko munang matulog ng labinglimang taon

nais ko munang matulog ng labinglimang taon gigising lang muli pagsapit ng taon na iyon tulad sa Demolition Man ni Sylvester Stallone kasama si Wesley Snipes sa pelikula noon nais ko nang matulog nang matulog ng mahimbing paglipas ng labinglimang taon saka gigising at masigla akong babangon sa pagkagupiling baka wala nang pandemyang sadyang nakakapraning sana'y may teknolohiyang tulad sa pelikula sa aparato'y matutulog akong walang gana habang COVID-19 pa sa mundo'y nananalasa baka sa paglipas ng mga taon ay wala na kung may aparatong ganyan, ako sana'y sabihan at ipapahinga roon ang pagal kong katawan isa't kalahating dekada'y baka saglit lamang at pag nagising, patuloy pa ring maninindigan - gregbituinjr.

Paano nga ba ang paggawa ng maikling kwento

paano nga ba ang paggawa ng maikling kwento kung hindi ka naman nakikipag-usap sa tao saan mo hahanguin ang mga ikukwento mo? pulos ba sa haraya, sa pantasya o sa limbo? di ba't ang kwento'y magandang may pinagbabatayan lalo na't tunay na buhay ang iyong salalayan ngunit kung sa kwentong pantasya'y mahusay ka riyan tulad ng Encantadia, bawat akda'y pagbutihan minsan, manood ng balita ng tunay na buhay pag-ibig, aksidente, paglisan, puso'y umaray makinig din sa tsismisan ng iyong kapitbahay anong ginawa ng pulis sa ilalim ng tulay subalit ano nga bang maipapayo ko rito? basahin mo ang librong Mga Agos sa Disyerto na sa panitikang pambansa'y isa nang klasiko lima silang manunulat, may tiglilimang kwento basahin mo pati kwento sa magasing Liwayway ano ang mga salik ng kwento: tauhan, banghay, lunan, panahon, ginamit na salita, magnilay sa pagbabasa, ang pagkatha'y magiging makulay kumuha ng bolpen at papel, simulang magsulat minsan

Ang aking quarantine look

Imahe
Ang aking quarantine look kanina'y tumingin sa salamin bago mag-selfie aba'y quarantine look, kaya kinunan ang sarili ermitanyo raw sa mahabang balbas at bigote ganito na yata ang tulad kong di mapakali sa nangyaring kwarantina ba'y sinong popormahan upang bigote't balbas ay tanggalin o ahitan wala, walang kita, walang pera, walang puntahan naroon lang sa bahay, nagmumukmok sa kawalan tinititigan ang langit, nagsasayaw ang ulap samutsaring ulat ang nasagap sa alapaap ng pagmumuni habang may ekwasyon sa hinagap na habang naglalaro ng sudoku'y nangangarap ang aking quarantine look ang buod ng kwarantina na sa sarili'y tila ba kawalan ng pag-asa o may pag-asa ngunit wala namang kinikita o may nakikita ngunit sa lockdown ba'y ano na tila ang quarantine look ko'y saksi rin sa kawalan habang ang hanap ng masa'y hustisyang panlipunan coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan bayan nawa'y kamtin ang panlipunang katarungan

Ang misyon ko bilang makata

nakikita ko ang sariling makata ng bayan na inilalarawan ang buhay ng karaniwang masang hagilap ay karapatan at katarungan pati na manggagawang bumubuhay sa lipunan nakikita ko ang sariling makata ng dukha na inaakda'y luha, dusa't hirap ng dalita bakit ba sila iskwater sa tinubuang lupa? bakit walang sariling bahay sa sariling bansa? ako rin ay isang makata ng matematika tinutula'y tulad ng calculus, geometriya, algoritmo, logaritmo, at trigonometriya, samutsaring paksa upang maunawa ng masa sa usaping astronomiya'y naging makata rin na pinag-uusapan ang buwan, araw, bituin, konstelasyon, buntala o planeta'y talakayin lalo't apelyido ng makata'y paksang layunin isa ring makata ng manggagawa ang tulad ko lalo na't ako'y naging manggagawa ring totoo diwa ng uring manggagawa'y tinataguyod ko nang maitayo ang kanilang lipunang obrero inoorganisa ko lagi ang mga taludtod binibilang ang pantig, ang saknong ay hinahagod bagam

Sanaysay sa Taliba: ANG KASONG LIBELO

Imahe
SERYE NG BATAS AT KARAPATAN Ang kasong libelo  Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr. Natatandaan ko noong ako pa’y editor ng pahayagang pangkampus na upang maging matagumpay ang kasong libelong isasampa sa iyo ay dapat may apat na batayan, at may daglat itong PIDM.  Publication  - paglathala;  Identification  - Pagkilala o pagtukoy;  Defamation  - Paninirang puri; at  Malice  - malisya. Pag wala ang isa man sa apat na ito ay hindi magiging hinog ang kasong libelo. Halimbawa, sa isang blind item, may presensya ng tatlo pero hindi tinukoy ang pangalan, hindi ito magiging matagumpay na kasong libelo, dahil kulang ng isa. Gayunman, mas dapat din nating aralin ang batas sa libelo upang makaiwas tayong makasuhan sa isang sinulat nating di natin mapanindigan, o di natin mapatunayan sa harap ng hukuman. Ayon sa Artikulo 353 ng Philippines Revised Penal Code, ang kahulugan ng libelo ay  “a public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or

Di na kumakain ng tatlong beses isang araw

di na kumakain ng tatlong beses isang araw sa kwarantina'y ganito ang patakarang hilaw minsan, dalawang beses lang kumakain ng lugaw o kaya'y saging o manggang manibalang o hilaw tatlong beses bawat araw kumain yaong hiling sa bawat pakikibaka ng mga magigiting subalit sa lockdown, animo mata'y nakapiring natutulog na mata'y dilat, akala mo'y gising bawat araw na'y kumakain ng dalawang beses sa kawarantina'y ganito na tayo nagtitiis lagi sa bahay, dapat sa bahay, hindi aalis walang sahod, walang kita, sadyang nakakainis almusal at tanghalian ay pinagsasabay na alas-diyes o alas-onse kakain tuwina alas-singko o alas-sais ng gabi'y sunod na kain, ganito, tipid-tipid habang kwarantina minsan, altanghap: almusal, tanghalian, hapunan pinagsasabay na isang beses ang mga iyan ganito na ang bagong normal na nararanasan ang tatlong beses bawat araw ba'y pangarap na lang? - gregbituinjr.

Karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng kwarantina

Imahe
KARAHASAN AT PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO SA PANAHON NG KWARANTINA  Saliksik ni Greg Bituin Jr. Balitang-balita ang maraming paglabag sa karapatang pantao nang magsimula na ang lockdown o community quarantine noong kalagitnaan ng Marso 2020 dahil sa pananalasa ng COVID-19. Dapat daw, lahat ay may facemask, mag-alkokol, Stay-at-Home, mag-social distancing, atbp. upang maiwasan ang sakit na COVID-19. Habang ang marami'y nananawagan noon ng Free Mass Testing, at ayuda. Subalit maraming paglabag sa karapatang pantao ang naganap, dahil mga pasaway daw ang mga nagtinda upang di magutom ang pamilya, hinambalos ng yantok, binugbog, sinaktan, kinulong, at ang pinakamatindi’y ang pagpatay. Ano pa bang aasahan natin kung sinabi mismo ng pangulo na  “Shoot them dead!”  sa sinumang lumalabag sa polisiya sa kwarantina? Tulad ng tokhang, karahasan ang mga naganap. Kawawa ang inabot ng mga walang facemask, pulos maralita ang mga hinuli’t ikinulong. Habang ang mga sikat at kampi

Pagnanasang makapagtrabaho

Imahe
karatula'y nakita, ako'y nagbakasakali kailangan daw ng helper, ako ba'y maaari? magpasa ng biodata, at magsimulang muli upang pamilya'y di magutom, dapat magpunyagi sa kabila ng kwarantina'y mamimili pa ba ng trabaho? mahalaga'y ang magkatrabaho na upang may maisubo sa pamilyang umaasa matanggap lang ako'y maganda na itong umpisa trabahong may sahod, habang wala sa pagsusulat mabigat man ang trabaho'y dapat gawin ang lahat magpaalipin man sa kapitalista'y mabigat ngunit walang magawa kaysa mamatay kang dilat itinuring kong kwarantina'y panahon ng Hapon nang dahil sa giyera'y nalumpo ang buong nasyon dapat magpunyagi upang pamilya'y may malamon wala nang pili-pili, magkatrabaho lang ngayon - gregbituinjr.

Ang larawan ng aking diwata

Imahe
larawan niya'y nakaukit na sa aking diwa sadyang kayganda ng larawan ng aking diwata anong pungay ng mata niyang tila lumuluha kaytamis pa ng kanyang ngiting ang dama ko'y tuwa kailangan pa ba natin ng isang inspirasyon? di pa ba sapat ang haraya o imahinasyon? o mas kailangan nating magsikap, perspirasyon? o siya'y isang panaginip, di muna babangon? ano nga ba ang diyalektika ng pagmamahal? maliban sa naiisip nitong makatang hangal mula nga ba sa puso, o sa diwa mo'y nakintal? ang kanyang ganda, pati na mabuti niyang asal? ano bang inaasam sa kinakathang pag-ibig? upang magandang diwata'y makulong ko sa bisig? sa hirap ko, anong isusubo sa kanyang bibig? bigas ba o bato? magsikap upang may pinipig? - gregbituinjr.

Tinitimbang-timbang ko rin ang bawat sinusulat

tinitimbang-timbang ko rin ang bawat sinusulat tinig ba ng akda'y pakiusap o panunumbat na habang naririto't umaakda'y minamalat o ang kinakatha'y para bagang simpleng panggulat pinakikinggan ang ulat sa radyo't telebisyon tuhugin bawat isa, anong inihihimaton? anong nilatag sa haraya o imahinasyon? ano't kinukulata yaong nabihag ng maton? nakatitig sa diwata't nagpapalipad-hangin animo'y amihan at habagat sa papawirin di matingkala ang samutsaring uunawain kahit na ang laot ay di ko makayang sisirin nilulumot ang pluma't papel sa bulsa ng polo habang nagkalat sa titisan ang maraming abo paano na ilalarawan ang tiwali't tuso sa panahong nilulumot na rin ang mukhang ito sulat ng sulat, wala namang nagbabasang mulat dilat na dilat gayong himbing na himbing ang lahat sana sa buhay na ito'y may nobelang masulat kahit isa man lang habang ako'y buhay pa't dilat - gregbituinjr.

Nais kong matulog nang mahimbing

nais ko nang matulog nang matulog nang matulog nais ko nang matulog nang matulog nang matulog nais ko nang matulog nang matulog nang matulog nais ko nang matulog nang matulog nang matulog ayoko nang magising pa, ayoko nang magising nais ko nang humimbing pa, mahimbing na mahimbing ayoko nang magising pa, ayoko nang magising nais ko nang humimbing pa, mahimbing na mahimbing nakakapagod na sa daigdig ng kwarantina mabuti pa kung ito'y isang totoong giyera nakakapagod na sa daigdig ng kwarantina mabuti pa kung ito'y isang totoong giyera ako'y kaisa ng mga hukbong mapagpalaya bilang mandirigma upang bayan ay mapalaya upang baguhin ang sistemang bulok ng kuhila ngunit sa lockdown ay mandirigmang walang magawa nais ko nang matulog, at matulog ng mahimbing at pag may himagsikan na'y saka ako gigising upang samahan ang mga bayaning magigiting tungo sa lipunang ang bituin ay nagniningning - gregbituinjr.

Pagpapatuloy ng pulong

sa gabi, dapat nang magpatuloy ang pagpupulong maghapon nang nagkarpintero't nagpagulong-gulong sa pawis at tatal ngunit di nag-uurong-sulong bagamat sa maraming bagay ay di pa marunong sa kabila ng lockdown, abalahin ang sarili sa mga gawaing bahay, huwag mag-atubili pakainin ang manok at magtanggal ng tutuli maggupit ng plastik at kuko, kung di mapakali isulat sa kwaderno ang sa diwa pumulandit habang nakikinig sa bulyaw ng gabing pusikit sa amin kayang pulong, anong nais kong ihirit anumang napag-usapan ay agad maiguhit sadyang sakbibi ng hirap ang panibagong normal na di malaman ang gagawin kahit ng hinalal tutula lang ba ang tulala, parang isang hangal sa nangyayari ba'y ano't laging natitigagal - gregbituinjr.

Pagsisipag ngayong kwarantina

pinakikita ko ang sipag ngayong kwarantina tulad noong ako'y manggagawa pang may sistema bilang machine operator na minolde'y piyesa ng floppy disk ng kompyuter na halos ay wala na pati sistema sa assembly line pa'y kabisado lalo ang limang S sa pabrikang pinasukan ko iyon ang seiri, seiton, shitsuke, seiketsu, seiso pati quality control ni Deming na nasaulo kaya ngayong kwarantina, nagkakarpintero man, sa paggawa ng ekobrik, o maging sa tulaan ipinapakitang de kalidad ang mga iyan nagagamit ko ang natutunan sa karanasan kaya pinaghuhusayan ang bawat kong gagawin may sistema, plano pa't diagram, di pulos drawing iyon din ang gawin sa ekobrik at pagtatanim natutunan ko'y ginagamit upang di manimdim - gregbituinjr.

Ang malupit kong pagkukunwari

kunwari'y susunod sa patakaran nila't batas bilang mabuting mamamayang nais lagi'y patas kunwari'y aktibistang tulog na papungas-pungas ngunit tungong ideyolohiya ang nilalandas kunwari'y mabuting Kristyano ngunit ateista na pag niyayang magsimba'y sasamahan ko sila kunwari'y mapayapang mamamayan sa tuwina ngunit pag may isyu, kasama ako sa kalsada kunwari'y pambatang panitikan ang sinusulat tungkol sa pabula't mabuting ugali sa lahat iyon pala'y sistemang bulok na ang inuulat upang sa ideyolohiya'y maagang mamulat kunwari'y makatang bawat tula'y may paglalambing na animo'y laging naroroon sa toreng garing ngunit inilalarawan sa tula'y trapo't sakim at sistemang bulok na dapat duruging magaling kunwari'y magtatrabaho bilang simpleng obrero subalit organisador pala sa loob nito dahil prinsipyo kong yakap ay ibabahagi ko at lipunang manggagawa'y panghawakang totoo - gregbituinjr.

Hanggang sa kamatayan

hanggang sa kamatayan, ang misyon ko'y tutuparin bilang tagagampan ng ideyolohiyang angkin upang uring manggagawa'y aming papanalunin at ang bulok na sistema'y tuluyan nang durugin di na magbabago ang tungkulin kong sinumpaan hukbong mapagpalaya ang babago sa lipunan mapunta man sa lalawigan o ibang bansa man ito'y misyong tutuparin hanggang sa kamatayan maging barbero man ako, sakristan, kusinero maging basurero, labandero, o inhinyero maging lingkod bayan man o tiwaling pulitiko nakatuon bawat gagawin tungo sa misyon ko dapat nang maimulat ang hukbong mapagpalaya na iyang bulok na sistema'y tuluyang mawala malaki ang papel dito ng uring manggagawa at ng tulad kong ang ideyolohiya'y panata - gregbituinjr.

Ang pag-ulam ng kamatis

Imahe
inulam ko muli kaninang umaga'y kamatis na paborito ko raw kaya maganda ang kutis walang anumang tagiyawat, ang mukha'y makinis ang sabi nila, kahit kili-kili ko'y may pawis minsan, nangunguha ng kamatis na sumisibol sa bakuran o kaya'y sangkilo nito'y gugugol sa palengke, mura sa ngayon, kahit ako'y gahol di ko na iyon niluluto't sayang pa ang gasul kakainin ng hilaw, sa sarap mapapasipol gagayating malilinggit, isasawsaw sa toyo wala kasing bagoong na dapat nito'y kahalo ito'y uulamin namin nang may buong pagsuyo kamatis lang, mawawala ang gutom at siphayo habang sa sarap nito'y may tula ring mahahango - gregbituinjr.

Upang di ma-high blood sa pagkain ng manok

Imahe
matagal ko nang tinigil ang pagkain ng manok kayhirap ma-high blood muli't sa ospital ipasok ayoko ring maospital kung walang naisuksok kaya nag-vegetarian, umiwas sa taktalaok nag-budgetarian din upang may salaping maimpok nag-alaga ng manok di upang aking kainin kundi dahil may manok na nariyang alagain pinatutuka araw-araw upang palakihin malayo man ang bilihan ng patuka'y bibilhin sanay naman akong kilo-kilometro'y lakarin nililinis ang kulungan nila tuwing umaga habang iyon din ang aking ehersisyo tuwina basta sarili'y iniingatan ko na't sabi pa di kakain ng manok, adobo man o tinola upang iwas-high blood, mapalakas ang resistensya payo nila, upang di ma-high blood, mag-maintenance daw at makakakain ka pa ng manok na inihaw, adobo, tinola, chooks-to-go, o chicken joy pa raw, Andoks, Baliwag, ngunit iba ang aking pananaw iwasang magmanok, upang di maagang pumanaw - gregbituinjr.

Pagsulyap sa Alpha Centauri

Imahe
matagal ko nang naririnig ang Alpha Centauri na sistema ng mga bituing kita sa gabi kapara ng sistemang solar na iniintindi na nais kong ikwintas sa magandang binibini Alpha Centauri'y titigan mo't madarama'y saya kukuti-kutitap sa kalangitan, O, sinta maipapangako mo sa iyong magandang musa na iyong iaalay ng buong puso sa kanya isa raw sa pinakamaliwanag na bituin sa kalangitan na natatanaw dito sa atin ito yata ang totoong bituing nagniningning sa gabing pusikit habang sa sinta'y naglalambing kagabi, Alpha Centauri nga'y muli kong minasdan habang astronomya'y pinag-aaralang mataman paano gumalaw ang bituin sa kalangitan upang galaw din ng daigdig ay maunawaan - gregbituinjr. 06.15.2020

Paumanhin sa ilang kasama

paumanhin kung minsan ay mabagal ang internet di na ako makausap, di kasi makagamit kaya pasensya na kung minsan ako'y kinukulit ngunit di agad makasagot kahit anong pilit di gaya ng nakaraan, di na maka-video chat ngunit susubukan pa ring sa inyo'y makasatsat mahirap kasing maki-wifi lang, kaya makupad di ko tuloy nagagawa kung anong nararapat kaya muli, ang samo ko sa inyo'y paumanhin sa anumang pagkukulang ko sana'y patawarin basta't sa buong loob ko, tungkulin ay gagawin kahit may mga ibang nais akong patigilin tuloy ang gawain ko, batay sa ating prinsipyo patuloy pa ring nakikibaka, taas-kamao ating babaguhin ang bulok na sistema't mundo nawa sa buhay na ito'y magisnan natin ito - gregbituinjr. 06.15.2020

Paghahanap ng trabaho

dapat umalis na ako't maghanap ng trabaho bilang panimula, kahit mababa lang ang sweldo tiis-tiis lang muna dahil may pamilya tayo para lang magkatrabaho, gagawin kahit ano magpapaalipin na muna sa kapitalista kahit na malaking dagok sa prinsipyo sa masa nais kong sa kabila ng lockdown, ako'y may kwenta kahit walang kwento basta't magkatrabaho muna ito na marahil ang tatakbuhin niring buhay kahit gawain sa konstruksyon, huwag lang mapilay ang pamilya sa gutom, kaya ngayon nagsisikhay habang sa tula, ilalarawan din itong tunay mababang sahod man, tanggap na't magpapakalunod magpagulong-gulong man at malaglag sa alulod dahil may bagong pamilya na'y magpapakapagod ngunit di iiwan ang prinsipyong tinataguyod - gregbituinjr. 06.14.2020

Pangunguha ng talbos ng kamote

nanguha na ng talbos ng kamote pagkagising doon sa bakurang kaytagal nang maraming tanim hinugasang mabuti ang talbos bago lutuin ginisa sa bawang, sinawsaw sa toyo't kinain ito'y pampalakas din, at pang-ulam ng pamilya pitasin lang sa bakuran lalo na't walang pera patunay na maging badyetaryan ka rin tuwina sa talbos lang ay nakakaraos na rin ang masa kaya tayo rin sa pagtatanim ay magsipag lang at balang araw, tayo na rin ang makikinabang minsan, maglagay ng balag upang doon gumapang ang iba't ibang gulaying sa pamilya'y pang-ulam mga tatlong araw lang, tutubo muli ang talbos lalo na ngayong kayraming tubig dahil sa unos tuwing hapon umuulan, sadyang makakaraos basta masipag magtanim, di ka maghihikahos - gregbituinjr. 06.14.2020

Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US

Imahe
Ang pagkamatay ni George Floyd na naging mitsa ng protesta sa US Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Black Lives Matter.  Muling nabuo ang malaking protesta ng mga Itim sa Amerika bunsod ng pagkamatay ni George Floyd. Hindi ito tulad sa Pilipinas, na di pa agad masabing  Brown Lives Matter , dahil Pilipino rin ang pumapatay sa kapwa Pilipino sa mga nagaganap sa salvaging o E.J.K (Extra-Judicial Killings) sa bansa. Si George Floyd ay isang Egoy (Amerikanong Negro) na nakita sa video at litrato na nakadapa sa gilid ng isang police car, pinosasan ang mga kamay sa likod at dinaganan ng tuhod ng pulis na Puti ang kanyang leeg. Ang pulis, si Derek Chauvin, at tatlo pang pulis, ang umaresto kay Floyd, dahil diumano sa pekeng pera. Nangyari iyon sa Minneapolis noong Mayo 26, 2020. "I can't breathe! (Hindi ako makahinga!)"  ang paulit-ulit niyang sinasabi. Namatay siya sa kalaunan. Kinabukasan ay sinibak agad ang apat na pulis. Ayon sa awtopsiya, homici

Sa panahon ng mga robot

Imahe
Sa panahon ng mga robot sinanay sila upang maging mga ala-robot sumunod lang sa chain-of-command at huwag sumagot sinanay sa "yes sir", tiger look na nakakatakot sinanay raw nang sa laban ay di lalambot-lambot kaya trato nila sa mga sibilyan ay plebo na papaluin lang upang disiplinahin ito hazing sa akademya'y dinala nila sa tao babanatan agad ang pasaway o kalaboso kaya sa kwarantina'y walang kara-karapatan ang mamamayang tinatrato nang parang kalaban nirerespeto lang nila'y naghahari-harian tingin sa sarili'y mas mataas kaysa sibilyan kasangkapan lang sila ng dalahirang rehimen tanging kakampi niya't sunud-sunurang alipin kaya sa Terror Bill ay gigil isabatas na rin na siyang magtatanggol sa pangulong utak-lumpen ganyan ang utak ng mga robot na palamara mabuti pang maalis ang lupit ng istruktura at maitayo ang totoong depensa ng masa mula sa mamamayang marunong makipagkapwa karapatang pantao'y kanilang iginagalang bawal

Bakit nga ba ang manok ay dapat pinapakain

Imahe
bakit nga ba ang manok ay dapat pinapakain dahil pag nangitlog ito, itlog ay lulutuin pinapakain upang balang araw ay kainin ganyan ang buhay ng mga manok na alam natin tanong nila: alin ang nauna, itlog o manok? na tanong ng namimilosopong di naman bugok saan galing ang itlog? sa manok na kumukukok saan galing ang manok? sa itlog ng taktalaok naglipana ang manok na inihaw o pinrito mayroong Andoks, Baliwag, Señor Pedro, chooks-to-go sa karinderya'y kayraming manok na inadobo sa Jollibee't McDo nga'y sikat din ang mga ito ganyan nga kahalaga ang manok na alagain di lang panabong kundi sa pamilya'y pang-ulam din ngunit ako'y nag-vegetarian, iniwasan na rin ang manok, kundi isda't gulay na'y hilig kainin - gregbituinjr.

Maging alisto sa patalon-talong password sa fb

Imahe
Maging alisto sa patalon-talong password sa fb sa pagtipa ng email sa facebook, maging alisto lalo na't biglang patalon-talon ang password nito at maiiwan doon sa lalagyan ng email mo kaya yaong makakakita sa facebook mo'y may clue aba'y pag kumabit ang password mo sa iyong email baguhin mo agad ang password mo upang mapigil ang makaalam nito, baka magamit ng sutil at palitan ang password mo ng sinupamang taksil kaya sa password na patalon-talon ay mag-ingat baka sa internet shop ay maiwanan mong sukat maging alisto kang lagi nang huwag kang malingat mahirap nang iba ang sa facebook mo makabuklat parang lagakan ng iyong talambuhay ang facebook akda, litrato, alaala'y diyan mo sinuksok kaya pag-ingatan ito nang di ka rin malugmok nang di maisahan ng matalinong asal-bulok - gregbituinjr. 06.13.2020

Sigaw ko'y "Stop Child Labor" tuwing Hunyo a-dose

Imahe
Sigaw ko'y "Stop Child Labor" tuwing Hunyo a-dose imbes pekeng araw ng paglaya ang gunitain World Day Against Child Labor ang alalahanin pagkat kung Acta de Independencia'y babasahin sa Kastila'y lumaya, sa Kano'y nagpailalim kaya ninanais ko pang tuwing Hunyo a-dose ipaglaban ang mga bata bilang estudyante pagkat mga batang nagtatrabaho na'y kayrami sa bansang itong pati bata'y agad naaapi dapat ang mga bata'y naroon sa paaralan at di nagkakalkal ng anuman sa basurahan upang maibenta ang kinalakal na anuman nang makakain lang ang pamilyang nahihirapan di sila dapat maging mga batang manggagawa pagkat kahit sa sahod, bata silang nadadaya nagtatrabahong laging mura ang lakas-paggawa pagsasamantala sa kanila'y dapat mawala karapatan ng bata'y dapat laging irespeto maglaro, mag-aral, maging bata ang mga ito tuwing Hunyo a-dose, ikampanya nating todo "Stop Child Labor Now!"  ang isigaw natin sa mundo - gre

Pabili po ng potasyum

Imahe
pampatibay ng buto ang potasyum, tandaan mo kaya kumain ng saging upang lumakas tayo tingnan mo ang mga matsing, matatatag ang buto kahit na napaglalangan din sa pagiging tuso nalaman ko ito sa naospital na kasama di nakalakad, sa potasyum daw ay kulang siya mayaman daw sa potasyum ang saging, sabi nila kaya pagkain nito'y aking ikinakampanya palakasin ang katawan, kumain ng potasyum mabigat din sa tiyan at pampawala ng gutom aba'y kaysarap nguyain habang bibig pa'y tikom mga sakit mo'y bakasakaling agad maghilom balat ng saging ay pampatibay din ng pananim lalo na't marami rin itong potasyum na kimkim ilagay mo sa tanim kahit bunga'y anong lalim kung namumulaklak ito'y mayroong masisimsim potasyum na ang tawag ko sa saging na lakatan, tomok, saba, senyorita, morado, o latundan sabi ko sa tindera, potasyum po'y kailangan pabili po ng potasyum, kahit isang kilo lang - gregbituinjr.

Nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo

Imahe
nag-agawan ang mga sisiw sa ulo ng tuyo tila di nila malaman kung saan itatago ang tuyong natuka, baka maagaw pa't maglaho minsan ko lang kasi silang mapakain ng tuyo nakakatuwang pagmasdan ang kanilang takbuhan nagsawa ba sa patuka ang inaalagaan? o ispesyal ang tuyong nais nilang malasahan? na natira ko lamang nang kanina'y mag-agahan inulam ko'y tuyo, di kinain ang buong ulo hinaluan ko ng tutong ang patukang bigay ko patukang may kanin ay kinain ng mga ito ngunit di na pinansin nang sa tuyo'y magkagulo ang buhay ng sisiw ay nasusubaybayan na rin mula itlog pa sila't nilimliman ng inahin hanggang maging sisiw sila't bigyan ng tutukain at panoorin lang sila'y may bagong tutulain - gregbituinjr.

Ayokong parang naghihintay lang ng kamatayan

ayoko ng anumang trabaho o hanapbuhay na para bagang naghihintay ka na lang mamatay halimbawa, sa malayong mansyon ay tagabantay para lang sa sahod, nasasayang ang iyong buhay ayokong tagapakain ng aso ng mayaman at nakakulong lang sa mansyon, walang kalayaan ayokong magbantay ng kanilang ari-arian para sa karampot na sahod, buhay na'y sinayang mas maigi pang sa pabrika'y maging manggagawa baka makatulong pa sa ekonomya ng bansa kahalubilo pa ang kauri mong maralita na may paninindigan din at prinsipyong dakila at sasabihin mong sa trabaho'y namimili pa oo, trabahong may katuturan at mahalaga pagkat magtatrabaho ako di dahil sa pera minsan ka lang mabuhay, dapat makabuluhan na mas nais ko pang ginagawa'y ang may katuturan tulad ng pagbaka upang mabago ang lipunan kumakain ka nang may prinsipyo't paninindigan kasama sa pag-ugit ng kasaysayan ng bayan tanong sa akin: ang prinsipyo ba'y nakakain mo? oo, mas mahirap kumain kung walang prins

Pag ikaw ang nagbukas, ikaw ang magsara

huwag kang basta magbibilin ng kung anu-ano sa iyong kasama, malamang, malimutan ito huwag ibiling nag-iigib ka't bukas ang gripo o sa takure'y nag-iinit ng tubig, ay naku pag binuksan mo ang gripo, ikaw rin ang magsara pag-init ng tubig sa takure'y bantayan muna huwag ibilin sa iba't may ibang gawa sila baka malimutan lang nila't masunugan ka pa tiyaking mong maisara kung ikaw ang nagbukas pag gasul ay binuksan mo, isara mo rin ang gas huwag mong hayaan sa kamag-anak o kabakas baka magkadisgrasya'y sarili ang mauutas pagkat ibang tao'y may ibang inaasikaso bilinan mo't tatango lang, malilimutan ito huwag ugaliing magbilin, ito'y tapusin mo upang tiyak mong ang binuksan mo'y masasarado - gregbituinjr.

Nakakahiyang tumira sa bahay ng byenan ko

nakakahiyang tumira sa bahay ng byenan ko wala akong maambag, pabigat lang ako rito ako'y pasanin lang, di mabayaran ang Meralco di rin mabayaran ang tubig, pagkat walang sweldo pultaym na tibak, dama sa sarili'y walang kwenta mahirap namang laging kay misis lang umaasa kailangang magtrabaho, kahit magbenta-benta upang di maging pabigat sa bago kong pamilya sumusuporta man o hindi sa aking gawain balewala lahat iyon kung kami'y gugutumin baka sa kapitalista ako'y magpaalipin nang makatugon sa pang-araw-araw na pagkain sa byenan ko lang daw kami umaasa, ang sakit gayong kaysipag kong magtrabaho, paulit-ulit maglampaso, maglaba, hugas ng pinggan, magligpit at pasasaringan pa ako't sadyang mapanglait ito na ang pamilya ko, nais ko mang lumayas kumbinasyon ng gawain ko'y ginagawang patas para sa pagkilos, at sa pamilya, bagong landas upang mabuhay ng matuwid, galaw ko'y parehas naghahanap ako ng matatrabaho sa ngayon ayokong maging pasa

Di dapat magtila malamig na bangkay ang tula

di dapat magtila malamig na bangkay ang tula dapat buhay na buhay ito sa babasang madla aralin ang tono, imahe, pagsalita't wika may talinghaga ba sa babasang makakagitla o tahimik lang nanamnamin ang bawat kataga ang tula'y di dapat magtila malamig na bangkay na pag binabasa'y damang walang kabuhay-buhay sa presentasyon ng tula'y dapat napagninilay tulad ng sigaw mo pag biglang umuga ang tulay pagbigkas pa lang o pagbabasa'y bigay na bigay kaya madalas may inspirasyon din sa pagtula ngunit mas mahalaga'y perspirasyon sa pagkatha pag-isipan bawat saknong, taludtod at salita at huwag basta-basta bira ng birang tulala pagkat nililikha mo'y panghabambuhay na akda - gregbituinjr.

Ang pagsusungit ng panahon

natatanaw mo ba ang pagsusungit ng panahon? paano siya magsungit, nahan ang mukha niyon? nakasimangot ba o nanggagalaiti iyon? sa galit kaya nagsusungit na kapara'y leyon di ko pa nakita ang nagsusungit niyang mukha kundi kilos lang niyang nararamdaman kong lubha ipinakikita ang ngitngit sa mga pagbaha at sinumang tinamaan niya'y nakakaawa kung magandang dalaga ang panahong nagsusungit payag ka bang masungit man ay iibiging pilit? kung siya'y liligawan mo, siya kaya'y babait? paano kung nanggagalaiti siya sa galit? pagsusungit ng panahon ba'y anong pahiwatig? ayon sa agham ay banggaan ng init at lamig ang mahalaga'y magtulungan at magkapitbisig at sa tindi ng unos niya'y huwag padadaig - gregbituinjr.

Preemptive strike ang layon ng Terror Bill

isang preemptive strike ang nakikita kong layon kaya ang Terror Bill ay pinamamadali ngayon nang matakot ang masang diskuntento sa sitwasyon upang mapigil agad ang ala-Edsang rebelyon dahil sa laksang kapalpakan ng gobyernong ito sa COVID-19; pambansang utang na lumolobo; sa malawakang krimeng pagpaslang, walang proseso; sa pagkutya't paglabag sa karapatang pantao; nais daw durugin sa bansa'y mga komunista habang kinakaibigan ang komunistang Tsina habang hinahayaang sakupin ng Tsina'y mga isla ng Pilipinas, nakatunganga lang sila bago pa makaporma ang masa'y pigilan agad bago pa baho nila't katiwalia'y malantad sinumang lalaban ay terorista, itong hangad ng Terror Bill, bago pagkilos ng masa'y umusad durugin agad anumang pag-aalsa ng masa sa Terror Bill, ituring agad silang terorista kaya preemptive strike ang Terror Bill, matakot ka upang sa kapangyarihan ay manatili sila desisyong pulitikal ang paghain ng Terror Bill kahit ayaw mo

Ang tabletang tinawag na YBC 7289

Imahe
Ang tabletang tinawag na YBC 7289 natagpuan noon ang isang putik na tableta na likha noong unang panahon sa Babilonya pinaniniwalaang tabletang ito'y gawa pa ng estudyanteng mula sa timog Mesopotamia ang parisukat nito'y may dalawang diyagonal at tatak na dalawang numerong seksagesimal una umano'y may aproksimasyong numerikal habang sinusuri ko, ako'y napapatigagal malalagay raw sa palad ng isang estudyante ang tabletang itong ganoon lamang daw kalaki ito nga'y "greatest known computational accuracy" noong unang panahon, ganito nila sinabi may kinalaman pa raw ito sa square root of two na makikita rin daw sa tabletang may ugnay dito inaral daw nina Neugebauer at Sachs ito pati ni Ptolemy na Griyegong matematiko ito ngayon ay nasa "Yale Babylonian Collection" na diumano'y donasyon ni J. P. Morgan doon ito'y "pair of numbers with geometric interpretation" na ayon kina David Fowl