Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Nobyembre, 2020

Pananalasa ni Ulysses, nagpalubog sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela

Imahe
PANANALASA NI ULYSSES, NAGPALUBOG SA MGA LALAWIGAN NG CAGAYAN AT ISABELA Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr. Nagmistulang dagat ang binahang mga lalawigan dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses. Nakakakilabot habang pinapanood sa telebisyon. Paano kung tayo ang nasa kanilang kalagayan? Gutom, antok, pagod, dusa, sakripisyo, agam, mga negatibong karanasang animo’y bangungot. Ayon sa isang ulat, "Mula sa kanilang mga bubong, nanawagan ng tulong ang mga residente ng Cagayan Valley at Isabela matapos lumubog sa baha ang kanilang bahay - dahilan para idaan ng netizens sa social media ang panawagan na agarang pagsagip sa mga residente. Nasa state of calamity ngayon ang buong probinsiya ng Cagayan, kung saan 9 na ang kumpirmadong patay, apat dito ang natabunan ng landslide, dalawa ang nakuryente habang nagre-rescue, at tatlo naman ang nalunod." "Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, umagos ang tubig-ulan sa mga probinsiya ng Quirino, Nueva Vizcaya, Kalinga, at Isabela sa

Tanagà sa unos

TANAGA SA UNOS 1 kinain ng bangungot ang inaaring lungkot pag tagbagyo’y bantulot na sa puso’y kukurot 2 nanagasa ang unos at kayraming inulos na pulos mga kapos at sa buhay hikahos 3 tayo ba’y beterano ng mga baha’t bagyo at resilient daw tayo’t pinupuring totoo 4 pag bagyo’y nanalasa maghanda na ang masa kalamidad pagdaka ay talagang disgrasya 5 pag bagyo’y rumagasa aba tayo’y maghanda lalo na’t ang pagbaha ay talagang malala 6 gawin natin ang dapat upang masa’y mamulat upang hindi masilat ng bagyong bumabanat * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 20.

Huwag magsindi ng yosi sa kalan

Imahe
aba'y huwag magsindi ng sigarilyo sa kalan ito po sa inyo'y munting paalala lang naman lalo pa't walang niluluto sa kasalukuyan ang gamitin mo'y lighter o kaya'y posporo na lang aba'y kaya ngang bumili ng isang kahang yosi bakit di naman bumili ng sariling panindi kaymahal ba ng lighter kaysa yosi mong binili o di na maisip dahil sa yosi nawiwili baka sabihin mong nauubos lang ay konting gas  ngunit kung ito'y minu-minuto o oras-oras paunti-unti, ang gas ay pabawas ng pabawas maya-maya, wala nang gas pag nagluto ng bigas kahit ikaw pa ang bumili ng gas, paalala anumang gamit sa tahanan o sa opisina ay gamitin mo ng wasto, huwag kang maaksaya kung tingin mo'y nakikialam ako, pasensya ka - gregoriovbituinjr.

Dagdag na tanagà

DAGDAG NA TANAGA 1 nagnanaknak ang sugat ng kahapong nilagnat ng santambak na banat na di nila masipat 2 kanyang ibinubulong na doon lang umusbong ang sa buhay pandugtong masakit man ang tumbong 3 tumitindi ang unos tila ba nang-uulos ang baha'y umaagos sadyang kalunos-lunos 4  nang si Rolly'y dumatal tila Ondoy ang asal talagang nangangatal ang masang nangagimbal 5 dumating si Ulysses na ang dulot ay hapis gamit nila'y nilinis nitong bagyong putragis 6 nagdidildil ng asin ang mga matiiisin kulang na sa pagkain kapos pa sa vitamin 7 organisadong masa na dulot ay pag-asa hanap nilang hustisya sana'y kamtin pa nila * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2020, pahina 20.

Ang mga bagyong Rolly at Ulysses

Imahe
Ang mga bagyong Rolly at Ulysses Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr. Dalawang matitinding bagyo ang sumalanta sa bansa nito lamang unang dalawang linggo ng Nobyembre 2020. Ang bagyong Rolly ay tinatawag na super Typhoon Goni sa ibang bansa, at ang Ulysses naman ay Typhoon Vamco. Dumating ang bagyong Rolly, na ayon sa mga ulat ay kinatakutan dahil sa Category 5 na super-bagyo, na tinawag na "pinakamatinding tropical cyclone sa buong mundo noong 2020." Napakalakas nga nito ayon sa prediksyon. Mabilis itong humina, ngunit matapos manalasa ay nag-iwan ito ng pinsalang nakaapekto sa daan-daang libong katao, at puminsala sa libu-libong bahay. Nakakabigla rin ang pagdating ng bagyong Ulysses, na ayon sa ulat ay bagyong nasa Kategorya 2, subalit ang pinsalang iniwan nito'y mas laganap, at nagdulot ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura, nag-iwan ng 67 na patay, at higit sa 25,000 walang tirahan. Sadyang maiiyak ka kung ikaw ang tinamaan ng alinman sa dalawang bagyong ito

Sa ikapitong anibersaryo ng bagyong Yolanda

sa Yolanda'y higit anim na libo ang namatay, ayon sa opisyal na ulat, nangawalang buhay sa tindi ng bagyo'y naglutangan ang mga bangkay bagong umaga'y tila di na nasilayang tunay lampas ikalawang palapag ng bahay ang tubig na tumabon, storm surge yaong nakapanginginig ng laman lalo't naranasan ang lagim at lamig ng Yolandang nagdulot ng anong tinding ligalig napuruhan ang lalawigan ng Samar at Leyte, lalo ang Tacloban, iba pang probinsya'y nadale rumagasa ang unos sa kalaliman ng gabi di madalumat ang lungkot at dusang sumakbibi mga nasalanta ng Yolanda'y pilit bumangon nawasak nilang bahay ay itinayo paglaon nawasak nilang buhay ay bangungot ng kahapon ang pagtutulungan ng bawat isa'y naging misyon pitong taon na ang lumipas, ito'y naging aral sa bansang tulad nating bagyo'y laging dumaratal maghanda lalo't epekto ng bagyo'y titigagal sa atin at sitwasyong dulot nito'y magtatagal sa ganyang pangyayari'y di tayo dapat humimbing kaya h

Kahandaan sa panganib

may panganib sa mga tulad kong nakikibaka para sa kapakanan at karapatan ng masa upang tuluyang kamtin ang panlipunang hustisya kaya dapat maging handa anuman ang mangyari lalo sa ating gawain gaano man kasimple baka may magalit at tayo'y kanilang madale gayong para sa kagalingan nitong kapwa tao ang ating adhika't sa bayan ay nagseserbisyo lalo't nais na lipunan ay maging makatao pagkat hustisyang pangklima't pantaong karapatan ang mga prinsipyong tangan at pinaninindigan na baka dahil dito tayo'y may masagasaan kung bulnerable sa karahasan ay maging handa upang di tayo masaktan, madahas, makawawa mag-ingat upang pamilya't buhay ay di mawala  kaya sariling kaligtasan ay dapat tiyakin seguridad sa pagkilos ay pag-isipan man din upang di mag-alala ang mga pamilya natin - gregoriovbituinjr. * kinatha sa Climate Justice and Human Rights Defenders Training, Nobyembre 6-7, 2020

Paghahanda ng loob

"Kung ang Bayang ito'y nasasapanganib At siya ay dapat na ipagtangkilik, Ang anak, asawa, magulang, kapatid Isang tawag niya'y tatalikdang pilit." - Gat Andres Bonifacio, sa kanyang tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan" paghahanda sa loob ng bawat Katipunero iyang naturang saknong ni Gat Andres Bonifacio mula sa tula niyang pumipintig ng totoo sa puso't iiwan ang lahat para sa Bayan mo hinahanda ang ating loob sa pakikihamok laban sa naghaharing dulot ay sistemang bulok pinananatiling kanilang uri'y nasa tuktok habang dangal ng dukha't obrero'y nakayukayok kaya nga ang pagpapasya kong magsilbi sa bayan at kumilos tungo sa pagbabago ng lipunan ay mga dakilang misyong aking pinag-isipan bilang mamamayang prinsipyado't naninindigan bukod sa Kartilya ng Katipunan, inaral ko ang Liwanag at Dilim ni Gat Emilio Jacinto na may aral tungkol sa paggawa't paggogobyerno, pati na pakikipagkapwa't pagpapakatao ang bawat tula ni Bonifacio'y m

Di dapat mauwi sa wala ang pakikibaka

di dapat mauwi sa wala ang pakikibaka ito'y sumagi sa isip nang aking binabasa yaong mga tala ng himagsikan at ideya ng Katipunan tungo sa panlipunang hustisya inialay mo ang buhay mo, nagsasakripisyo pinag-aralan ang lipunan, sistema't gobyerno nanindigan at niyakap ang adhika't prinsipyo kumbinsidong itayo ang lipunang makatao ah, pakikibaka'y di dapat mauwi sa wala lalo't marami nang aktibista'y nangawala ang iba'y kinamatayan na ang inaadhika habang iba'y nabilanggo, dinukot, iwinala dapat nating ipanalo ang bawat simulain upang lipunang makatao'y maitayo natin walang uring mapagsamantala't mapang-alipin na ang bawat isa'y nakikipagkapwa-tao rin tayo'y prinsipyadong di naghahangad ng kagitna kundi makataong lipunan ang nasa't adhika dapat mapagtanto, kasama ng obrero't dukha na pakikibaka'y di dapat mauwi sa wala - gregoriovbituinjr.

Sanay akong mag-isa, sanay akong nag-iisa

sanay akong mag-isa, sanay akong nag-iisa marahil introvert, loner, o kaya'y letratista pulos letra ang kapiling, nagsusulat tuwina, abang makatang nangangarap maging nobelista isa ring blogerong dapat may tulang inaaplod sa bawat araw, mga pinag-isipang taludtod minsan nga ay makikita mo akong nakatanghod gayong nagtatrabaho't nagsusulat ng may lugod gayunman, di ako dapat nasasanay mag-isa dapat may kausap lagi, kolektibo, kasama dahil naglilingkod para sa bayan at sa masa di nagsasariling kumilos, lalo't aktibista may trabaho mang kayang mag-isa'y aking gagawin tulad ngayon, ilang akda'y aking isinasalin habang may mga paksang susulatin, tutulain, habang binabaka ang sistemang mapang-alipin sanay mang mag-isa'y di dapat lagi nang ganoon dapat kausap ang dukha para sa nilalayon dapat kasama ang manggagawa para sa misyon dapat sa pakikibaka ng bayan nakatuon - gregoriovbituinjr.

Basura

masalimuot ang mundong ginagalawan natin lalo na't makukulit ay di makuha sa tingin ang laot ng karagatan kung iyo lang sisirin maraming isda ngunit iba na ang kinakain akala mo'y dikya ngunit basurang plastik pala magaganit na plastik na di manguya ng panga ng isda, iyon ang dahil ng pagkamatay nila di lamang sa laot kundi sa ilog, lawa't sapa kakainin natin ang isdang kumain ng plastik maluluto natin ang plastik sa isdang matinik nakasalalay ang kalusugan, tayo'y umimik anong gagawin natin upang mata'y di tumirik pagsabihan mo nga ang iba, sila pa ang galit tungkol sa basura nila, sa iyo'y magngingitngit gayong pagkakalat din nila'y nakapagngangalit buti't lagi tayong mahinahon sa bawat saglit sariling basura'y di nila maibukod-bukod sa mundong sangkaterba na ang itinayong bakod daigdig bang ito'y sa basura na malulunod? kung di tayo kikilos, baka mundo'y maging puntod - gregoriovbituinjr.

Si Rolly at si Rody

storm surge ang banta nitong matinding bagyong Rolly habang tokhang ay ginawa na ng matinding Rody storm surge, tulad sa Yolanda'y kayraming namatay habang sa tokhang naman ay kayrami nang pinatay ingat sa storm surge, aba'y dapat nang magsilikas ingat sa tokhang pagkat kayraming batang nautas pag-ingatan ang buhay sa matinding bagyong Rolly mas pag-ingatan ang karapatan laban kay Rody - gregoriovbituinjr.

Undas sa panahon ng pandemya

ngayong Undas, di makakadalaw sa sementeryo dahil sa pandemya, ito muna'y isinarado mahirap daw kung magsisiksikan ang mga tao walang social distancing, magkahawaan pa rito ngunit matapos ang Undas, sementeryo'y bubuksan baka sa unang araw pa lang, tao'y magdagsaan dapat mag-social distancing nang di magkahawaan sa loob ng sementeryo, disiplina lang naman ngayong Undas, kung di man makadalaw sa kanila ay alam nilang sila'y nasa ating alaala pagkat sa puso't diwa'y nakaukit sa kanila na di tayo nakalimot, di man makabisita magtirik tayo ng kandila saanman naroon at makakaabot sa kanila ang ating layon wala man sa sementeryo'y gunita ng kahapon ay nananariwa't sa puso natin nakabaon - gregoriovbituinjr.

Sa una kong gabi sa bagong opis

pawisan ako sa unang gabi sa bagong opis wala pa kasing bentilador kaya tiis-tiis nagsalansan ng gamit at patuloy na naglinis mag-isa man doon ay di nakadama ng hapis itinuloy ko roon ang pagsasalin ng aklat pautay-utay man sa gabi hangga't ako'y dilat sa kwaderno'y pinagtitiyagaan kong isulat ang pahinga'y ang pagkatha ng tulang mapagmulat ramdam ang tinding alinsangan sa silid na iyon na animo ako'y isinilid sa isang kahon at dahil sa antok ay nakatulog na rin doon habang iwing diwa'y kung saan-saan naglimayon kaysarap ng tulog pagkat nasa diwa'y diwata bagamat mag-isang ang kayakap  ay sadyang wala mag-ingat lamang dahil may paparating na sigwa at maghandang bakahin ang sangkaterbang kuhila - gregoriovbituinjr. * Naglipat kami ng bagong opis mula Lungsod Quezon tungong Lungsod Pasig, Oktubre 31, 2020 ng hapon, at mag-isang natulog doon kinagabihan.

Huling araw ng Oktubre nang kami na'y maglipat

huling araw ng Oktubre nang kami na'y maglipat ng opisina't mga gamit ay sa trak binuhat binagtas ang lansangang init ay nakasusugat na sana'y di mabigat ang pumatong sa balikat sinalansan muna ng maayos ang bawat karton dalawang aparador, lamesa, kinarga iyon sa trak, ibang gamit, aklat, polyeto, papel doon bagong opisina, bagong labanan, dating misyon huling araw ng Oktubre ang aming unang hakot dinala pa rin ang baka mahalagang abubot mga alaala ng labanang di malilimot lalo't ito'y makasaysayan at masalimuot undas man ay patuloy pa rin kaming kumikilos upang labanan ang pang-aapi't pambubusabos mag-isa sa gabing nadirinig bawat kaluskos subalit nakatulog pa rin doon ng maayos - gregoriovbituinjr.