Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hulyo, 2021

Kung manalasa muli ang unos

Imahe
KUNG MANALASA MULI ANG UNOS titigan mo ang langit, animo'y bagong umaga ang kariktan ng paligid ay kahali-halina puti ang mga ulap, ang panahon ay kayganda ngunit maya-maya'y nangitim, handang manalasa nagbabadya ang unos, matalim ang mga titig ng langit, animo'y luluha, ramdam mo sa pintig kung sakaling magbaha, tiyak ang pangangaligkig kaya dapat maging alerto sa lagim at lamig dapat lang paghandaan ang paparating na bagyo baka ihahatid nito'y ang lagim ng delubyo para bang digma, sa bagyo'y mapapalaban tayo kaya pamilya'y unahing sagipin sa ganito taon-taon na lang may nakakasagupang unos na madalas na dinudulot ay kalunos-lunos ang ngitngit ng kalikasan pag tuluyang nang-ulos mga nasalanta'y parang kandilang nauupos kaya paghandaan natin ang panibagong digma maging malinaw ang isip, huwag matutulala at kung kinakailangan, magtulungan ang madla pinakamatatag na payo'y dapat maging handa - gregoriovbituinjr. 

Samutsaring balita

Imahe
SAMUTSARING BALITA samutsaring balita ang pahatid sa madla datapwat ano pa nga minsan di makahuma binabasa ang ulat na kung saan nagbuhat marami nga raw kalat sa ating sapat't dagat trapong nakipagtalo sa kapwa pulitiko baka kakandidato kung ano'y binabato mga balitang COVID na ipinababatid lunas ba'y ihahatid na di dapat malingid mga kwentong artista at nagseseksihan pa senador, kongresista may nagawang batas ba apektado ang madla sa maraming balita huwag lang matulala kung sa ulat magitla ang trapong laging palso ay huwag nang iboto kung maupo sa pwesto kawawa ang bayan ko balita'y nararapat tunay ang isiwalat na kumbaga sa sugat may lunas na pang-ampat - gregoriovbituinjr.

Kung tutula ang tulala

Imahe
KUNG TUTULA ANG TULALA pansin nila, lagi na lang akong tulala at sa kalangitan laging nakatunganga hinihintay bang mga mutya'y magsibaba o inaabangan ang magandang diwata ako'y manunulang wala sa toreng garing na sa bawat oras animo'y nahihimbing upang sulatin ang tulang tumataginting kahit wala mang salaping kumakalansing naghahabi ng mga saknong at taludtod binibilang ang tugmang nagpapakapagod upang magagandang layon ay itaguyod at sa marikit na tula, masa'y malugod bagamat itong abang makata'y tulala ay di inaagiw ang isip na tutula upang maihatid ang inspirasyon sa madla tungo sa mabuting layunin at adhika - gregoriovbituinjr.

Makasaysayang pagkakataon

Imahe
MAKASAYSAYANG PAGKAKATAON ang bawat pagtula ko sa rali'y pagkakataon di ko dapat palagpasin, makasaysayan iyon pagkat bihira lang ang pagtatanghal tulad niyon dapat daluhan lalo't isa iyong imbitasyon kaya pinaghahandaan ko ang gayong gawain isang pambihirang pagkakataong matulain makapagtatanghal, masasambit ang saloobin anong nasasadiwa'y maibabahagi na rin tutulain ang hinggil sa karapatang pantao katarungang panlipunan, nasa diwa't prinsipyo pagkakapitbisig ng dukha't ng uring obrero pagbabago't pagtayo ng lipunang makatao tulad ng isang orador na nagtatalumpati ay bibigkasing patula ang isyu ng kauri isyu ng manggagawa't dukhang dapat ipagwagi tulang sistemang bulok ay di dapat manatili taospuso kong pasasalamat sa nag-imbita dahil abang makata'y pinagtiwalaan nila kaya pinag-iigihan ang diwa't bawat letra batay sa tema ng rali ang tulang mababasa - gregoriovbituinjr.

Tsok at illustration board bilang plakard

Imahe
TSOK AT ILLUSTRATION BOARD BILANG PLAKARD tsok at illustration board lang yaong pinagsulatan nitong panawagan ng maralita o islogan hinggil sa karapatan nila sa paninirahan upang karapatang ito'y talagang ipaglaban buburahin na lang upang magamit pa sa iba at sulatan ng ibang isyu't islogan ng masa tulad ng pangunahing bilihin na kaytagal na mumurahing plakard na sa dukha'y inisyatiba dapat maging malikhain batay sa kakayahan di madisenyo sa kompyuter dahil madalian walang pambili ng pintura't kartolina man lang may biglang pumutok na isyung agad raralihan upang di mabasâ ng ulan, balutin ng plastik nang mabasa pa rin ng masa ang islogang hibik binahagi ang diwa ng prinsipyong sinatitik nang maunawaan ng madla anong isyu't gibik mumurahing plakard na gawa ng maralita tsok at illustration board, daluyan ng diwa't luha dahil sa hirap na dulot ng sistema't kuhila dahil tindig ay dapat ipaunawa sa madla - gregoriovbituinjr.

Mga aral mula sa maestro

Imahe
MGA ARAL MULA SA MAESTRO maraming aral akong natutunan sa maestro pangunahin sa aking naging maestro'y tatay ko kung saan natutunan kong tanganan ang prinsipyo at kung kinakailangan ay ipaglaban ito kayrami ko ring natutunan sa ina kong mahal upang sa kinabukasan ay talagang magpagal sa simpleng gawaing bahay ay di na umaangal pagkat ito'y tungkuling bahagi ng mga aral  gayon din sa mga naging maestro sa eskwela tinuro'y konsepto ng pisika't matematika paboritong dyeyometriya't trigonometriya mga paksa't samutsaring teyorya sa siyensya mga maestro rin ang mga bayaning kabalat tulad ni Gat Andres na tunay ngang kagulat-gulat "Liwanag at Dilim" ni Jacinto'y araling sukat sabi niya,  "Iisa ang pagkatao ng lahat!" natutunan naman sa mga lider-manggagawa ang lipunang makatao't diwang mapagpalaya sa mga nauna sa aking lider-maralita ay natutong bakahin ang mga tuso't kuhila kay F.P.J. na artista nang aking kabataan na bawat pelikula sa

Paghati ng isda

Imahe
PAGHATI NG ISDA kadalasan nga'y akin pang hinahati sa gitna upang maging dalawa ang piprituhin kong isda tila iyon ay nasa sampung pulgada ang haba noon pa man ganito na ang aking ginagawa ang unang hati, buntot man o ulo'y pang-agahan sunod na hati naman ay para pananghalian o kaya kung may kasama, hating kapatid naman gayon na rin ang hatian pagdating ng hapunan sasaluhan ko na lang ng kamatis at bagoong o kaya'y ng okra, talbos ng kamote o kangkong ika nga, ayos na ang buto-buto't nakaahon na naman ang isang araw o ang buong maghapon sadyang nakabubusog ang salu-salong kaysarap lalo na't kaysaya pa ng kwentuhan sa kaharap kung mag-isa'y nakabubusog din lalo't nalasap ang simpleng pamumuhay at pagkaing pinangarap - gregoriovbituinjr.

Panghihiram ng tapang sa alak

Imahe
PANGHIHIRAM NG TAPANG SA ALAK I may iba riyang nanghihiram ng tapang sa alak di makayang lutasin ang problema'y lumalaklak nagwawala't animo'y inahing putak ng putak ugali'y nagbabago, apektado pati utak ayos lang silang mag-ingay, huwag lang mandarahas na pag nadakip ang nagwawalang kung sinong ungas ay ikakatwirang alak ang dahilan ng lahat na di raw niya alam ang nangyari nang magmulat gago ka, alam mo iyon, sa alak nga nanghiram ng tapang nang masabi ang laman ng kalooban kunwari kang di alam, palso ang ganyang katwiran panagutan mo ang gawang krimeng kunwa'y di alam II ako'y bumabarik lang pag di dinalaw ng musa ng panitik lalo't haraya'y tila nasaid na sa alak nanghihiram ng haraya, tagay muna bakasakaling maiusad ang tangan kong pluma kaya kung anu-anong paksa na lang ang nasulat basta bawat araw may isang tulang mapanggulat na sariling punto't palagay ang sinisiwalat habang may iba pang kathang nais kong may mamulat paano pag musa'y dumal

Kulong ang abusado sa katulong

Imahe
KULONG ANG ABUSADO SA KATULONG tao rin ang kasambahay, tao ang kasambahay tulad ng bawat isa'y may karapatan ding tunay di sila aliping sagigilid o namamahay na noong unang panahon ay patakarang taglay siya'y kapwa tao, anuman ang kulay ng balat, lahi, kasarian, lahat may karapatan dapat bayaning Emilio Jacinto nga'y may isinulat sabi niya,  "Iisa ang pagkatao ng lahat!" sa isang kaso ng pang-aabuso sa katulong na kinulong ng mag-asawa halos tatlong taon ang hinatol ng Korte'y apatnapung taong kulong na sa tindi ng kaso, ito'y binabang desisyon anong nakain nila't kasambahay ay piniit? ang mga suspek kaya'y nawalan na rin ng bait? katulong man ay kapwa, di aliping sagigilid na buhay nila'y hawak mo't kaya mong itagilid - gregoriovbituinjr. * balita mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 13, 2021, pahina 2

Kwentong magyeyelo

Imahe
KWENTONG MAGYEYELO nagyeyelo, block, cube matitigas, cracked, tube minsan, pakyaw, tingob lalagyan ay taob sa trabaho'y subsob sa pabrikang kulob sa gawa'y marubdob biglang nasubasob nagmagandang loob ang nars na sumukob sugat ay nilublob sa gamot ay suob kaylakas ng kutob nang biglang lumusob sila'y nakubakob ng mga nanloob binuksan ang taklob patda ang lumusob dahil pulos ice cube ang laman ng loob - gregoriovbituinjr.    

Kalayaan

Imahe
KALAYAAN nais ng bayan ng kalayaan kalayaan ang nais ng bayan paglaya ang paksa ng makata paksa ang paglaya ng makata laya'y ituro sa estudyante upang malaya sila paglaki na paglaya'y mahalagang sadya sadyang mahalaga ang paglaya liberty, freedom, independencia kasarinlan ng bayan at masa makata'y paglaya ang pinaksa kaya mananakop ay pinuksa - gregoriovbituinjr.

Basahin mo ang tula ko

Imahe
basahin ko ang tula mo tulain ko ang basa mo basahin mo ang tula ko tulain mo ang basa ko basain ko ang tulad mo tularan ko ang basa mo basain mo ang tulad ko tularan mo ang basa ko - gregoriovbituinjr.

Martes Trese at Biyernes Disisyete

Imahe
MARTES TRESE AT BIYERNES DISISYETE mayroon palang taong talagang mapamahiin may kinatatakutan bukod sa Friday the Thirteenth aba'y nariyan ang sinasabing Tuesday the Thirteenth at takot din sila sa petsang Friday the Seventeenth anong pinagmulan ng ganitong paniniwala malas daw ang trese sa bansang salita'y Kastila ang Martes ay mula kay Ares, ang diyos ng digma digma'y negatibo't may namamatay, nagluluksa sa Italyano'y malas ang Biyernes Disisyete habang sa kanila'y swerte itong numero trese mga paniniwalang dapat nating isantabi petsa ba ang bahala kung anong malas o swerte? walang araw ng kamalasan kung pag-iisipan tulad ng itim na pusang nakita mo sa daan kung pusa ay itim, ito ba'y kanyang kasalanan? o namana ang kulay sa kinagisnang magulang? may patalastas noon, bawal magwalis sa gabi kaya nararapat daw gawin, ibalik ang swerte swerte bang matatawag ang mga naipong dumi kaya di winalisan ang maagiw na kisame ang pamahiin ay paniniwalang sinauna na mul

Bawal magyosi

Imahe
BAWAL MAGYOSI "No Smoking"  ang nakasabit doong karatula na alagaan ang kalusugan ang paalala o huwag itapon doon ang upos na basura dahil mga dahon ay baka magliyab talaga mapagliliyab ba ang dahon ng may sinding upos marahil kung malakas ang apoy na lumalagos sa bawat dahong tila tanda ng paghihikahos lalo't nalagas sa punong pinanahanang lubos "Bawal manigarilyo!"  o kaya'y  "Huwag magyosi!" na sa kalaunan ay upang di tayo magsisi sinong malusog, sinong may kanser, sinong may tibi marahil makasasagot lang ay ang mga saksi naglagay ng karatula'y may dahilang malalim bukod sa magandang lugar na may punong malilim baka sa tingin niya, yosi'y karima-rimarim na nagdudulot lang sa kanya ng abang panimdim may nagyoyosi, may hindi, tayo'y magrespetuhan lalo't malinis na hangin ay ating karapatan sa iba, ang yosi'y sandigan ng kaliwanagan ng isip kaya ito'y isang pangangailangan - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang ga

Sa gabing pusikit

Imahe
SA GABING PUSIKIT napapagitnaan ng anumang di matingkala ang paligid ng makatang nakapangalumbaba mga alalahaning nakapapangambang sadya lalo't kayraming nangaroroong nagsisiluha asan na ba ang asam na panlipunang hustisya para sa laksang kabataan at kanilang ina may mga alulong na nagbabadya ng disgrasya sa gabing pusikit na may kumikilos na iba sa kwento, nilikha ko silang walang kamatayan na kung api man sila'y patuloy na lumalaban sa huli, sa mapang-api'y magwawaging tuluyan subalit iba ang kwento kaysa katotohanan pagkat ngayon sila'y nasa ilalim na ng lupa at magpakailanman ay maninirahang pawa ngunit aking ikukwento ang inang lumuluha dahil para sa kanila, anak nila'y dakila - gregoriovbituinjr.

Pagkalunod

Imahe
PAGKALUNOD minsan, sabik na sabik tayong maligo sa dagat dahil maalinsangan, dadamhin ang tubig-alat habang iniiwasang umatake ang pulikat at dikya na nasa isip pa rin ang pag-iingat dahil marami nang nadisgrasya sa pag-iisa iba'y nangungulila sa kawalan ng hustisya iba'y di na natantya ang pag-iwas sa sakuna at nadadale ng minsanan, minsanang disgrasya minsan, di lang sa tubig tayo nalulunod man din kundi sa dami ng nagsulputang alalahanin minsan, nalulunod tayo sa daming suliranin na dapat lang pagtulungan upang ito'y lutasin minsan sa pagsisid may kaharap palang panganib di na napapansing ginagawa'y sariling yungib sa masukal na kabundukan o malayong liblib habang pinipilit itong kayanin niring dibdib kayganda man doon sa laot na sinisisid mo dahil may oksiheno'y nakukunan ng litrato ngunit kung maubusan ng oksiheno'y paano sakaling malunod nawa'y dumating ang saklolo - gregoriovbituinjr. * litrato ng balita mula sa pahayagang tabloid na Pilipino Star Nga

Pagbubukod ng basura

Imahe
PAGBUBUKOD NG BASURA isinama na naman ang plastik na di mabulok sa mga nalagas na dahong madaling mabulok yaong nagtapon ng boteng plastik ba'y isang bugok o walang pakialam kahit may laman ang tuktok itinuro namang tiyak sa mga paaralan ang paghihiwalay ng basura sa basurahan ngunit paano kung itinapon na lang kung saan sino bang sa basurang ito'y may pananagutan kawawa ang tagalinis na alam ang pagbukod ng basura habang patuloy siyang kumakayod batid ang batas ngunit marami'y di sumusunod boteng plastik kahalo ng dahon, nakakapagod kaya pakiusap, ibukod natin ang basura huwag paghaluin, baka magkasakit ang masa aralin muli ang mga napag-aralan mo na tungkol sa kalikasan, kapaligiran at kapwa - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala sa isang lugar niyang napuntahan

Patuloy na paggawa ng ekobrik

Imahe
PATULOY NA PAGGAWA NG EKOBRIK naggugupit-gupit pa rin ng sangkaterbang plastik angking misyon habang ilog at sapa'y humihibik sa naglulutangang basurang plastik na tumirik sa kanilang kaluluwang animo'y nakatitik ginagawa ko iyon nang walang kakurap-kurap walang patumpik-tumpik na talagang nagsisikap tingni ang paligid, kalikasa'y sisinghap-singhap na kinakain na'y basurang di katanggap-tanggap may bikig na sa lalamunan ang laot kumbaga kaya paggawa ng ekobrik ay munti kong larga nagbabakasakaling ako'y may naambag pala upang kalikasan ay mailigtas sa disgrasya tingni, walang lamang boteng plastik ay may espasyo kaya ginupit na plastik ay ipapasok dito patitigasing parang brick, purong plastik lang ito hanggang maging matigas na ekobrik ang gawa mo minsan, sa paggupit-gupit, ramdam mo'y nangingimay napapagod din iyang mga daliri sa kamay mahalaga'y nagagawa ang niyakap na pakay upang kalikasan ay mapangalagaang tunay - gregoriovbituinjr. 07.12.2021

Pagtatanim sa paso

Imahe
PAGTATANIM SA PASO nakakatuwang masdan ang luntiang kalunsuran kung paanong tayo animo'y nasa kagubatan mapuno, mahangin, maraming tanim na halaman na sa pakiramdam ay talagang nakagagaan kaya magtanim-tanim kahit sa mumunting paso diligan araw at gabi nang may buong pagsuyo alagaan ang mga tanim nang walang pagsuko bakasakaling mamunga pag ito'y napalago kung di man mamunga ang halaman ay pwede na rin kung makakasagap ka naman ng sariwang hangin kung polusyon sa paligid ay maiwasan natin kung kaaya-aya rin ito sa ating paningin tunay ngang ang kalikasan ay kadikit ng pusod magandang halimbawa ang lunting nakalulugod kaya urban farming sa bawat isa'y itaguyod halina't magtanim-tanim din kahit nasa lungsod - gregoriovbituinjr. 07.12.2021 * litratong kuha ng makatang gala sa loob ng Bantayog ng mga Bayani sa Lungsod Quezon

Paminggalang bayan

Imahe
PAMINGGALANG BAYAN salamat po sa Maginhawa community pantry at kay Patreng na nagsimula nito't nagsisilbi sa nangyayaring bayanihan ay kayraming saksi tila ba ito'y apoy nang sa mitsa'y may magsindi dahil nga kulang ang ayuda ng pamahalaan di sapat para sa nagugutom na mamamayan kaya sinimulan ni Patreng ay kadakilaan lalo't bayanihan ay nakita ng daigdigan salamat sa paminggalang bayan ng Maginhawa dahil kahit papaano'y nakatulong sa dukha lalo na sa walang makaing pamilyang dalita na gigising sa umaga at pipilang kayhaba kung sakaling walang laman ang paminggalang bayan di ibig sabihin, nagsawa na sa bayanihan baka naubos agad ang anumang nakayanan at di pa matiyak ang handog sa kinabukasan gayunman, sa nagsusulputang community pantry dahil  "inspired by Maginhawa community pantry" kami'y saludo sa inyo, tunay kayong bayani puso'y di pansarili kundi sa kapwa'y nagsilbi - gregoriovbituinjr.

Ang edukasyon, ayon kay Einstein

Imahe
ANG EDUKASYON, AYON KAY EINSTEIN "Education is not the learning of facts, but the training of mind to think." ~ Albert Einstein nakita ko lang sa dingding ang nasabing kwotasyon hinggil sa edukasyon na nakapaskil lang doon sa daycare center na lunsaran nitong edukasyon kayganda kaya kinunan ko ng litrato iyon di lang iyon pagkabisado ng mga detalye kung anong petsa't saan isinilang ang bayani kung sino ang ikalabing-anim na presidente kundi kung paano't bakit ng mga pangyayari edukasyon ay pagsasanay paano mag-isip magsuri ng kalagayan kaya huwag mainip binubuksan ang mundo mo ng bagong malilirip baka may mga paksang interesado kang mahagip tulad din ng mga aralin sa matematika tinuturuan tayo kung paano ba magkwenta lalo sa usapin ng pera, malulugi ka ba o sa negosyo mong pinasok, ikaw ba'y kikita bakit nga ba tinuturuan tayong magmano sa ating mga matatanda tanda ng respeto bakit binabasa ang kasaysayan ng bansa mo bakit sinusuri ang pulitika't pulitiko inaa

Sa batuhan

Imahe
SA BATUHAN nakatapak lang ako roon sa batuhang marmol at sinusuri sa isip ang bawat kong nagugol habang pinagmamasdan ang buhat nilang palakol nang mga kahoy na iyon ay mapagputol-putol nagmumuni-muni habang doon ay nakatayo inaalagata ang nararanasang siphayo dahil mga pangarap ay nagbabantang gumuho nagsusuri paanong di ito sadyang maglaho nakatitig sa inaapakan, nakatitig lang mamaya'y titingala sa bughaw na kalangitan kung anu-anong apuhap sa agiw ng isipan habang paruparo sa hardin ay nag-iindakan naririyan pa rin ang paralumang minumutya tunay na inspirasyon sa aking bawat pagkatha ang musa ng panitik na lambana ko't diwata na pagsinta'y pagpapaubaya't pagpaparaya - gregoriovbituinjr.

Danas

Imahe
DANAS tila nakasiksik sa waring pigil na damdamin ang mga nakabaong tinik ng alalahanin habang ang di magagap sa gunita'y sinisinsin ngunit di malimot ang mga karanasang angkin di matingkala kung paano harapin ang unos ng buhay na iwing nangangarap ding makaraos patuloy ang pulong, magsasaing pa pagkatapos habang walang iuulam sa panahong hikahos kaya dapat mabatid ang kakaharaping sigwa upang di maunahan pag tuluyang nagsagupa kahit naririnig ang munting impit ng pagluha sa mga kalagayang madalas di matingkala anuman ang mangyari'y pipiliting makaahon di hahayaan ang sitwasyong parang nakakahon kuko man ng ibong madaragit ay nakabaon pipiliting pumiglas at lalaban din paglaon - gregoriovbituinjr.

Pagpupugay kay Kasamang Sammy Gamboa

Imahe
PAGPUPUGAY KAY KASAMANG SAMMY GAMBOA Pagpupugay sa iyo, kasamang Sammy Gamboa Katawan mo'y nawala, ngunit diwa'y narito pa Marami kang binahagi tungkol sa ekonomya Nakasama sa mga rali at pakikibaka "Freedom from illegitimate debts!"  nga'y iyong hiniyaw "Comprehensive audit of all public debts"   pa'y sinigaw Sa press statements at balita, ngalan mo'y lumitaw Mga pagsusuri sa utang ay napakalinaw Ilang beses ka ring bumili ng gawa kong libro Na pawang inilathala ng Aklatang Obrero Aklat ng mga sanaysay, serye ng librong MASO Bumili't sumuporta sa mga tulang nilibro Pareho tayong secgen ng ating organisasyon Magaling kang secgen ng Freedom from Debt Coalition Di ko malilimutan ang mga payo mo noon Sa KPML at Ex-D'y ginagamit ko ngayon Mga tindig sa isyu'y pinag-aralan mong husay At sa tungkuling hawak ay nagsipag at nagsikhay Sa iyo, Ka Sammy, taas-kamaong pagpupugay Taospusong pasasalamat! Mabuhay! Mabuhay! - gregoriovbituinjr. (Alay

Kapayapaan

Imahe
KAPAYAPAAN kapayapaan ba'y ano? bakit ito'y hangad mo? bakit pag wala nito'y nagpapatayan ang tao? sa kabila ng kaibhan ng kultura't prinsipyo bakit kapayapaan ay kailangan ng mundo? lahat tayo'y tiyak ang hangad ay kapayapaan lalo na't ibang iba ito sa katahimikan ang kapayapaan ay tagos sa puso't isipan habang ang katahimikan ay hanggang tainga lamang iba ang PEACE sa SILENCE, ika nga sa wikang Ingles kaya kapayapaan sa mundo ang ating nais di ang katahimikang may takot pa rin sa dibdib di ang patahimikin lang tayo't mata'y may takip payapa na ba ang bayan pag nawala ang salot? o patuloy ang digma dahil sa tuso't kilabot? O, kapayapaan, ginhawa ba ang iyong dulot? dahil nga ba sa iyo'y mawawala na ang takot? marahil tutungo lang tayo sa kapayapaan kung wala nang mga uri sa buong sambayanan sa kabila ng kulay ng balat, nagbibigayan kung natayo na ang isang makataong lipunan - gregoriovbituinjr.

Halaan

Imahe
HALAAN muli akong nag-ulam ng paboritong halaan binibili namin ni Itay noong kabataan matapos mag-jogging sa Manila Bay, pagpawisan lalo't araw ng Linggo't nagrerelaks-relaks naman may nagtitinda kasi ng halaan sa aplaya ng Maynila o Manila Bay, kaysarap talaga ng halaan, anila'y pampatibay ng tuhod pa makakaiwas daw sa megaloblastic anemia marami itong benepisyo, ayon sa eksperto bukod sa binibigay sa inang nagpapasuso sa sakit sa puso'y makakaiwas pa raw tayo dahil may omega-3 fatty acids nga raw ito hinigop ko ang sabaw ng halaan dahil na rin upang maibsan ang aking nararanasang migraine panlaban sa fatty liver disease dahil sa choline para sa malusog na isip ay may riboflavin aba'y sa palengke'y natsambahan ko lamang ito at agad akong bumili ng kalahating kilo nang tikman muli ang halaan ng kabataan ko naiwasan na ang thyroid, pampalusog pa ito - gregoriovbituinjr. * litratong kuha ng makatang gala Pinaghalawan ng ilang datos:  https://ph.theasianparent.com/

Sa lababo

Imahe
SA LABABO ani Inay, dapat laging malinis ang lababo dahil diyan natin nililinis ang mga plato at hinuhugasan ang ating ininumang baso anya pa, huwag itong hayaang maging barado mga bilin ni Inay noong aking kabataan na tinatandaan ko hanggang sa kasalukuyan ang lababong marumi'y imahe ng kapangitan is-isin ang paligid, dumi'y tanggaling tuluyan kanina'y nilinis ko ang lababong anong dumi nilinis dahil agad napansin, barado kasi sinundot-sundot hanggang lumuwag ito't bumuti matagal din, tila bumarang dumi'y anong dami buti na lang, natuto sa mga aral ni Inay pati nga paglalaba'y nagagampanan kong husay tandaan lang, lababo'y laging lilinising tunay dahil pag nagbara muli'y sadyang di mapalagay - gregoriovbituinjr.

Ilang pagtanaw

Imahe
ILANG PAGTANAW madalas tinutugis ng mga alalahanin at nakakalimutan na rin pati ang pagkain lagi na lang paanong gagawin sa suliranin paanong makakahingang maluwag ang damdamin masalimuot man bawat tinatahak na daan subalit sasagi rin sa isip ang kalutasan habang pinagmamasdan ang bughaw na kalangitan o kaya'y nakatanaw sa bughaw na karagatan buga ng usok, naglulutangang plastik sa ilog mga maralitang di alam paano mabusog paghahanda sa unos nang kumidlat at kumulog nang mahulog sa higaan at sa sahig nauntog matapang na anak ng bayan ang kasalamuha na pagkagising ko'y tinatanggal agad ang muta naaalala ang dinanas noong pagkabata habang humahakbang na kasama ang manggagawa - gregoriovbituinjr.

Manhik-manaog

Imahe
MANHIK-MANAOG noon, lagi akong manhik-manaog sa hagdanan tila turumpong di mapakali sa kinalagyan akyat-baba ang ehersisyo noong kabataan at gayon din ang asal sa loob ng paaralan subalit minsan ay nadulas, tumama ang ulo sa kanto ng hagdan at nagkasugat ngang totoo sa pagitan ng kaliwang kilay at ng mata ko pababa kasi ng hagdan ay mabilis ang takbo di ko na tanda kung tinahi ba ang aking sugat paalala sa kalikutan ang natamong pilat lumipas ang panahon, sa hagdan na'y nag-iingat lalo't nagmamanhik-manaog pa ring walang puknat matayog mang pangarap, pagsisikapang akyatin subalit maingat na akyat-baba ang gagawin tapik lamang sa balikat ay sapat na sa akin upang sumigla tungo sa pagkamit ng layunin di lang parang gulong ang buhay kundi parang hagdan di lang paikot-ikot, manhik-manaog din naman mahalaga'y nagpapakatao't nasa katwiran upang nadaramang kirot sa dibdib ay maibsan - gregoriovbituinjr.

Sa ikatlong anibersaryo ng aming kasal

Imahe
gaano man karami ang problemang dinaanan at gaano man katindi ang bawat karanasan naririto pa rin tayong matatag ang samahan magkalayo man, magkalapit ang puso't isipan pagpupugay sa ating ikatlong anibersaryo kahit na dumaan pa ang samutsaring delubyo magkatalingpuso sa mga usapin at isyu lalo na sa kalikasang dapat ay protektado sinusulong nang magkatuwang yaring adhikain para sa buti ng kapwa't marangal na layunin tulong-tulong upang kinabukasa'y paunlarin walang iwanan, puso'y patuloy na bibigkisin daghang salamat sa aking diwata, tanging mutya at patuloy nating gagawin ang ating panata - gregoriovbituinjr. 07.07.2021

Sa pagtatanim ng mabuting binhi

Imahe
SA PAGTATANIM NG MABUTING BINHI itanim din natin ang makabubuti sa budhi habang pagpapakatao ay pinapanatili itatanim natin ay pulos mabubuting binhi upang mawakasan ang panahon ng mga imbi at bubungkalin natin ang lupa ng kawalan upang itanim ay pawang binhi ng kabuluhan araw-gabing didiligan kung kinakailangan upang magkasanga't magkaroon ng katuturan mga sanga'y hahaba, tutubo ang mga dahon magiging bunga ba'y mapakla o masarap iyon marahil, depende sa mga ginagawang aksyon kung maganda ang patutunguhan ng nilalayon hanggang dumating na ang panahon ng pamimitas dito na malalaman kung tama ang nilalandas - gregoriovbituinjr.

Aya, Laya, Ilaya

Imahe
AYA, LAYA, ILAYA sumusukob man ang alalahanin sa gunita nagbabadya man ang unos na dahilan ng baha ngitngit man ng kalikasan ay riyang nagbabanta mga palaisipan ay malulutas ding pawa kaaya-aya ang umaga't pakuya-kuyakoy habang sa ilaya, magsasaka'y nagpapatuloy laya'y pangarap ng mga bilanggong nananaghoy tulad ng paglipad sa langit ng malaking banoy kinalulugdan kong magsagot ng palaisipan lalo sa mga panahong nadarama'y kawalan tititig sa kisameng hagilap ay kasagutan tititig sa pahina ng salita't katitikan patuloy sa pagsulat ang nangingimay na kamay tungo sa mga saknong at katagang binabaybay palaisipan ang kaharap habang nagsisikhay at makatapos sa napakalayong paglalakbay - gregoriovbituinjr.

Pagdalumat

Imahe
PAGDALUMAT binabasa ko ang samutsaring paksa't dahilan lalo't mga lihim ng daigdig o kalikasan pagbakasakaling mabatid ang di karaniwan upang gawin ang marapat ng walang alinlangan patungkol sa mga isyung kaygandang dalumatin na kung pahihintulutan ay iisa-isahin tulad ng sandaang asong bayaning itinuring at limandaang bantog na taong dapat kilanlin dapat lang madalumat ang anumang kasawian tulad ng pag-unawa sa ramdam na kasiyahan nababatid mo ba ang kanilang kabayanihan kung ipagwawalambahala ang kasalukuyan nais kong makasama ang mutya sa panaginip upang magkahawak-kamay na mundo'y nililirip baka maraming boluntaryo ang aming mahagip upang sa kalikasan ay tumulong sa pagsagip kung anong nararapat, kaibigan, ay turan mo upang makapaghanda sa parating na delubyo kung may libreng oras ka'y magbasa-basa ng libro at baka mabatid paano tayo sasaklolo - gregoriovbituinjr.

Naisusulat ko na sa gatla

Imahe
NAISUSULAT KO NA SA GATLA naisusulat ko na sa gatla kung ano ang nasa puso't diwa ganito yata ang tumatanda mga danas na'y bakas sa mukha pagtanda'y di na maiiwasan lalo't dumarami na ang uban gatla sa noo'y naglalabasan tanda bang tumalas ang isipan? kalahating siglo na'y palapit o kalahating siglo mang higit ang mahalaga'y di nagigipit pag sa edad na ito'y sumapit masdan ang gatla't nakasisilaw kislap ng pag-asa'y matatanaw datapwat ang talagang malinaw matandang hukluban ang lumitaw sa bawat gatla na'y nakabakat ang mga pinagdaanang sukat bawat saknong ay nagdudumilat bawat taludtod ay kabalikat tatanda rin ako't maglalaho ay di mapapawi ang pagsuyo tanging hiling ko lamang sa mundo ang pangarap sana'y di gumuho - gregoriovbituinjr.

Kung magkasakit at mamatay

Imahe
KUNG MAGKASAKIT AT MAMATAY nawa'y sa tahanan lang ako makapagpagaling kaysa ospital na pambayad ay tumataginting kahit baryang pilak pa ang perang kumakalansing mahal na presyo ng kalusuga'y nakakapraning baka mas mura pa ang ataul kung mamamatay lalo na't ngayong may pandemya'y aking naninilay baka mas mura ang kremasyon o sunuging tunay may tunggalian ng uri kahit na sa paghimlay sa sementeryo'y may apartment pa ngang patung-patong mura lang daw ang upa ng lagakan ng kabaong habang ang mga mayayaman ay may maosoleum sa kamatayan man, magkakaiba rin ang hantong sa susunod na henerasyon ba'y anong pamana kundi sa kinathang tula'y pawang himutok lang ba ako'y nabubuhay ngayong nagsisilbi sa masa tulad ng iba pag namatay, malilimutan na ah, basta masaya akong magsilbi, naglilingkod sa uring manggagawa't dukhang itinataguyod na kahit sa sangkatutak na isyu'y nalulunod prinsipyo'y ipaglalaban kahit nakakapagod itatayo ang asam na lipunang makatao

Minsan sa pagbibidyoke

Imahe
MINSAN SA PAGBIBIDYOKE mga kasama'y naroong nagbibidyoke minsan nagpakain ang isang kasamang may kaarawan matapos iyon ng pulong nang sila'y magkantahan at inaya akong kumanta, aking tinanggihan ngunit noon ay malakas ang loob kong kumanta basta nakahawak ng mikropono ay lalarga subalit nang si misis ang pagkanta ko'y napuna na boses ko'y galing sa ilong, ako'y tumigil na hanggang ngayon, di na ako kumanta sa bidyoke tila baga ang pagkanta ko'y isa nang bagahe pag narinig ng iba, nadarama ko'y diyahe nakakahiya na sa sinumang makasasaksi di naman ako matampuhin, inisip ko pa rin ang kawastuhan ng pagpuna ni misis sa akin baka nagkakalat lang pala ako'y di ko pansin baka tingin nila ako'y magalit pag punahin kaya sa mga inuman, di ako mapaawit kahit lasing na'y nakikinig na lang sa pagbirit mas sa pagkatha na lang ako nagkonsentrang pilit at baka dito'y mas may silbi ako't walang sabit buti na lang, nila-like ni misis ang aking tula kahit

Pagpapatakbo at pamamalakad

Imahe
PAGPAPATAKBO AT PAMAMALAKAD Alam nating iba ang  TAKBO  sa  LAKAD . Ang takbo ay mabilis, ang lakad ay hindi mabilis. Ang isang kilometrong takbo ay baka makuha mo ng limang minuto. Subalit mahigit dalawampung minuto kung lalakarin mo ang isang kilometro. Tantiya ko lang ito. Ngunit nag-iiba pala ang kahulugan ng salita pag nilagyan na ng panlapi. Nakita ko ito sa isang Pinoy krosword puzzle. Tingnan ang 7 Pababa ng litratong ito. Magsingkahulugan ang  PAGPAPATAKBO  sa  PAMAMALAKAD . Hinggil ito sa pamamahala ng grupo ng tao, samahan, kumpanya, opisina, liga, partido o anumang aktibidad. Dahil sa panlapi, nag-iiba ang gamit ng salita. Sa ganitong kalagayan lang marahil nagiging magsingkahulugan ang  TAKBO  at  LAKAD . - gregoriovbituinjr.

Sa ikalimang taon ng pagpaslang kay Gloria Capitan

Imahe
SA IKALIMANG TAON NG PAGPASLANG KAY GLORIA CAPITAN ah, limang taon na pala yaong nakararaan nang pinaslang ang magiting na si Gloria Capitan na kampanyador laban sa coal mining sa Bataan tunay na human rights defender nitong sambayanan sa lugar niya sa Bataan, sa nayong Lucanin nang binaril ng dalawang di-kilalang salarin ito'y mensahe upang mamamayan ay takutin lalo't lumalaban sa mapaminsalang coal mining sa unang araw ng pag-upo ng Ama ng Tokhang ay naging madugo't si Ka Gloria ay tumimbuwang siya ang una sa sunod-sunod na pamamaslang due process o wastong proseso'y di na iginalang kalikasan ay nararapat nating ipagtanggol upang mabuting hangin ay di natin hinahabol hustisya kay Gloria Capitan! kasamang tumutol laban sa coal mining, coal stockpiles, mga plantang coal taaskamaong pagsaludo ang tangi kong handog tangan niyang prinsipyo'y akin ding iniluluhog tama na ang mga coal plants, bayan na'y lumulubog epekto nito sa kalusuga'y nakadudurog - gregoriovb

Bukrebyu: Ang aklat na "100 Tula ni Bela"

Imahe
BUKREBYU: ANG AKLAT NA "100 TULA NI BELA" Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Ang talagang hinahanap kong aklat, bukod sa pelikula, ay yaong may pamagat na  "100 Tula Para Kay Stella" . Nakita ko na iyon sa Fully Booked sa Gateway sa Cubao, subalit hindi ko binili dahil nagkataong wala akong sapat na salapi ng araw na iyon. Ilang araw pa ang lumipas nang mapadaan muli sa Fully Booked at bigla kong naalala ang librong iyon. Kaya sinilip ko kung naroon pa ang aklat na iyon subalit wala na. Isa iyon sa mga nais kong mabasa, at maisama sa mga koleksyon ko ng aklatula o petry book, para sa munti kong aklatan. Nag-ikot ako sa ibang book store subalit wala. Hanggang isang araw, napadaan ako sa Book Sale sa Farmers' Plaza, at nakita ko ang aklat na  "100 Tula ni Bela" , na sinulat ng aktres na si Bela Padilla, na siya ring aktres na gumanap sa pelikulang "100 Tula Para Kay Stella". Binili ko agad ang aklat na "100 Tula ni Bela" sa h

Minsan, sa MRT

Imahe
MINSAN, SA MRT naroong nagninilay habang lulan ng MRT at nasaksihan ang labanan ng mga bagani upang mapalaya yaong bayan sa mga imbi pingkian ng mga kampilan ay nakaririndi biglang nagising ang diwa sa pagbukas ng pinto sa isang istasyon ngunit tila ako'y naglaho muling nakita'y mga baganing nakipagbuno sa mga mananakop na sadya ring matipuno nagsara ang pinto ng tren, lagusan ay lumitaw patungo sa Hogwart na sa isang sine'y natanaw doon ay may mga dambuhalang nambubulahaw habang katana'y tangan ko panlaban sa halimaw hanggang napamulagat ako't nadamang tumigil ang sinasakyan habang palad ay pinisil-pisil dapat nang lumabas habang ang tren pa'y nakahimpil natantong ibang mundo ang sa diwa'y umukilkil - gregoriovbituinjr. 07.01.2021

Sa unang araw ng Hulyo

Imahe
SA UNANG ARAW NG HULYO unang araw ng Hulyo, kaygandang ngiti'y bumungad kaya saya'y nadama sa umagang bumukadkad pampasigla upang gawin ang tungkulin at hangad habang ibong nag-aawitan sa langit lumipad ano pa bang masasabi sa ngiting anong tamis sa unang araw ng Hulyo, dalawa'y magbibigkis sa hirap at ginhawa, panahon man ay kaybilis anumang suliranin, haharapin, natitiis taospusong pasasalamat sa bagong umaga at sinalubong ng ngiting sa puso'y nagpasaya pampaalwan sa dinaranas mang hirap at dusa ngiting anong tamis na inspirasyon sa tuwina - gregoriovbituinjr. 07.01.2021