Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Pebrero, 2022

Tayo naman

Imahe
TAYO NAMAN sigaw natin: " Manggagawa   Naman !" ilagay natin sa panguluhan ang ngalang Ka Leody de Guzman sigaw ng obrero: " Tayo   Naman !" pag pinag-isipan, anong lalim sagipin natin mula sa dilim itong bayang inabot ng lagim sa patayang karima-rimarim sagipin natin ang ating nasyon mula sa matinding pagkagumon sa lintik na liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon habang ating itinataguyod ang living wage, pagtaas ng sahod baligtad na tatsulok ang buod ng pangarap na kalugod-lugod tutulungan ang bata't babae vendor, maralita, at pesante at labanan ang mga salbahe: ang burgesya't trapong asal-bwitre " Tayo   Naman !" na animo'y suntok sa buwan subalit nanghihimok palitan na ang sistemang bulok at dukha ang ilagay sa tuktok - gregoriovbituinjr. 02.28.2022

Ating kandidato

Imahe
ATING KANDIDATO sina Ka Leody de Guzman at Ka Walden Bello sa pagkapangulo't pagka-bise ng bansang ito mga matatag na lider, palaban, prinsipyado sa halalang ito'y dapat nating maipanalo kapado nila ang mga isyu ng sambayanan kapado rin nila ang problema ng mamamayan salot na kontraktwalisasyon ay dapat labanan ititigil ang pangungutang ng dayong puhunan buwis sa yaman ng bilyonaryo'y  isasagawa sahod ay itaas, presyo ng bilihin ibaba itaas sa living wage ang sahod ng manggagawa paunlarin ang buhay ng magsasaka't dalita ilan lang iyan sa aking nabatid at nasuri silang lipunang makatao yaong minimithi babaligtarin ang tatsulok, walang naghahari sila'y karapat-dapat na iboto't ipagwagi oo, sa halalang ito, sila'y ating pambáto silang tinapatan ang mga dinastiya't tusong trapo kasangga ng babae, pesante, dukha't obrero silang magaling na lider na hanap ng bayan ko - gregoriovbituinjr. 02.28.2022

Ang bag kong pula

Imahe
ANG BAG KONG PULA bumili ako ng bag na pula na yaong tela'y satin o seda kaykintab ng pagkapula niya walang tawad, dalawang daan na sticker ay agad kong dinikit upang makita rin kahit saglit ng balana sa bag kong sinukbit ang lider-obrerong aming bitbit yaong sticker ni Ka Leody ay tingkad sa pulang mabighani pulang sagisag ng bayang api kulay ng magiting na bayani bag na ito'y binili kong sadya upang maikampanya sa madla ang kandidato ng manggagawa para pagkapangulo ng bansa - gregoriovbituinjr. 02.28.2022

Klima at maralita

Imahe
KLIMA AT MARALITA Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Sa Artikulo II, Pahayag ng mga Prinsipyo, Seksyon 7, ng Saligang Batas ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay ganito ang nakasulat: "Kinikilala ng KPML ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran dahil walang saysay anuman ang mga pagsisikap sa kaunlaran kung patuloy na winawasak ng tao at ng sistema ang likas na yaman at kalikasan." Kaya mahalaga para sa mga lider at kasapian ng KPML ang isyu ng kalikasan (nature) at kapaligiran (environment) dahil dito tayo nabubuhay. Sapagkat dalawa lamang ang pinanggagalingan ng kabuhayan ng tao, ang Kalikasan at ang Paggawa. Ibig sabihin, ang materyal na galing sa kalikasan at ang paggawang galing sa tao ang bumubuo sa lahat ng kalakal sa daigdig. Sa pangkalahatan, ang una ay libre at walang halaga sa pera. Ang ikalawa ay may bayad at ito ang nagbibigay ng halaga sa mga kalakal. Ang isda na galing sa dagat ay libre. Ang binayaran ay ang lakas

Tula alay sa Piglas-Maralita

Imahe
TULA ALAY SA PIGLAS-MARALITA sa inyong asembliya'y pupunta kaming naglilingkod din sa dukha at ipaglaban, kayo'y kasama ang bawat isyu ng maralita lalo't usaping paninirahan at kinabukasan nitong anak isyu ng hustisyang panlipunan nang dukha'y di gumapang sa lusak pipiglas sa isyung di malunok huhulagpos sa sistemang bulok makikibaka, makikihamok upang dukha'y ilagay sa tuktok lipunang makatao'y itayo at pagsasamantala'y masugpo kung pagkakaisa'y makatagpo maling sistema'y mapaglalaho mabuhay ang Piglas-Maralita at tayo'y nagkakaisang diwa patungo sa mabuting adhika para sa kagalingan ng dukha - gregoriovbituinjr. 02.27.2022

Punong mangga

Imahe
PUNONG MANGGA ah, may punong mangga sa lungsod na tanawing kalugod-lugod sa dukhang mababa ang sahod bagamat paligid ay bakod malago na ang punong mangga pagmasdan mo't kayraming bunga aani'y tiyak na masaya lalo kung ito'y mabebenta halina't ating ipagdiwang ang mga manggang manibalang nang sa piging ng mga manang na buntis ay may pakinabang ngunit paano aanihin upang buntis ay pasayahin mga bunga'y ating sungkitin kung may tulay man ay tawirin mangga'y talupang unti-unti nang di sumugat sa daliri manggang hilaw pala ang susi sa manang nating naglilihi - gregoriovbituinjr. 02.27.2022 *  litratong kuha ng makatang gala habang bumababa sa hagdanan ng MRT

Anino sa baso

Imahe
ANINO SA BASO may kasabihan ang lasenggo na kaiba sa lasenggero aba'y tumagal na sa ano subalit huwag lang sa baso at iyan din ang sinasabi ng mga tanggerong nagsilbi sa pagtagay ng rhum at pepsi o kaya'y hinyebra o whiskey ngunit baso ba'y lumalakad o tanggero lang ang makupad sa lalamunan di sumayad yaong lambanog na may babad anino sa baso'y namasdan humahalo sa tinalupan nang hahawakan ang tatangnan ay naubos na ang pulutan napakaartistikong kamay na humalo sa mga kulay ano kaya ang kanyang pakay? ang ubusin na ba ang tagay? - gregoriovbituinjr. 01.27.2022

Babasagin

Imahe
BABASAGIN sa isang tindahan ay taguyod ang abisong may banta sa sahod karatula:  "Good to see, nice to hold" sabi pa:  "Once broken, considered sold" tila makata'y kumatha niyan lalo na't kayganda ng tugmaan pag nakabasag, dapat bayaran kaya sa pagpili'y dahan-dahan sa atin nga'y may salawikain pag bahay mo'y yari sa salamin maging mabait sa kapwa natin dahil baka bahay mo'y basagin bawat kalakal ay di pa iyo lalo't tinitingnan pa lang ito pag nakabasag ka, kung magkano ang produkto'y dapat bayaran mo kung di bibili'y huwag didikit sa mga babasagin mong hirit karatula'y pagmamalasakit kung makabasag ka'y anong lupit - gregoriovbituinjr. 02.26.2022

Tatlong imahe sa EDSA

Imahe
TATLONG IMAHE SA EDSA dalawang litrato, isang rebulto ng tatlong babae ang nakunan ko natsambahan lang makodakan ito tatlong imahe sa EDSA'y kanino? dahil sa People Power ay nalagay yaong rebulto ng Mahal na Inay ng isang relihiyon, inialay tanda raw ng sampalatayang tunay isang litrato'y Pinay na artista isa namang litrato'y Koreana nagpapatalastas sila sa EDSA ng mga produktong modelo sila salbaheng daliri'y napitikan lang ang kamera sa selpong aking tangan kayganda ng lumabas na larawan tila propesyunal na cameraman - gregoriovbituinjr. 02.26.2022 *  litratong kuha ng makatang gala habang lulan ng isang sasakyan

Ang EDSA

Imahe
ANG EDSA sa matinding trapik kilala ng madla ang EDSA may estasyon ng M.R.T. at may bus carousel pa di lang iyon, may mahalaga rin itong historya napatalsik ang diktador nang masa'y nag-alsa taos pasasalamat sa ating mga ninuno sa kabayanihang ginawa't kanilang tinungo ang pagbaybay sa demokrasya laban sa palalo at nakibaka laban sa mga crony't hunyango ngayon, EDSA'y larawan ng matinding nakalipas ng kabayanihan ng bayan laban sa marahas nangarap ng pagbabago, bus ay pakitang gilas nagtataasan ang billboard, tadtad ng patalastas EDSA'y pinangalan kay Epifanio Delos Santos abogado, pintor, kritiko, may-akda ring lubos at historyan din, para sa bayan ang ikinilos upang buhay ng masa'y di maging kalunos-lunos mainit ang panahon, ramdam ko ang alinsangan at ginunita pa rin ang nagdaang kasaysayan umaasang di maulit ang ganoong nagdaan na yumurak sa dangal at karapatan ng bayan - gregoriovbituinjr. madaling araw, 3:47 am, 02.26.2022 litratong kuha sa MRT noong 02.25

EDSA 36

Imahe
SA ANIBERSARYO NG EDSA PEOPLE POWER anibersaryo ngayon ng pagbagsak ng rehimen ng tinuring na diktador sa kasaysayan natin at kanina'y nagtungo sa People Power Monument kami ni misis nang kasaysayang iyon ay damhin di ako lumiliban sa makasaysayang araw pagkat nakasama ako ni tatay noong araw kasama'y mga katropa niya isang tag-araw ng Pebrero upang sa nagtitipon ay dumalaw namigay kami ng mga pagkain sa nagtipon mga karaniwang taong nagpuntang EDSA noon kinaharap ang mga sundalo, baril at kanyon upang mapatalsik ang diktador na panginoon masang nagkatipon noon sa EDSA'y nakiisa kabilang kami't ang mga kaibigan ni Ama napatalsik ang diktador nang mag-alsa ang masa tila nakamit na nga ang asam na demokrasya wala namang pinangako ang EDSA, ang alam ko kundi mapatalsik si Marcos ang gusto ng tao nanawagan ang Kardinal at naging ispontanyo binatilyo na ako noon, di pa bumoboto pag-aalsang EDSA'y malaking tagumpay ng bayan nang magkaisa't magkapitbisig ang sambayanan

Sa aklat ng kasaysayan

Imahe
SA AKLAT NG KASAYSAYAN nakaukit na sa kasaysayan ang di naman sikat na pangalan manggagawang kauna-unahang tumatakbo sa pampanguluhan magaling, matalas, mapanuri tinahak niya'y landas ng uri nilalabanan ang naghahari kasangga ng dukha't naaglahi matatag ang prinsipyo sa masa: labanan ang pagsasamantala baguhin ang bulok na sistema ikalat ang diwang sosyalista na may respeto sa karapatan adhika'y hustisyang panlipunan para sa lahat, di sa iilan kaya pangalan niya'y tandaan kinakatawan niya'y paggawa, babae, pesante, dukha, madla Leody de Guzman, manggagawa at magiging pangulo ng bansa - gregoriovbituinjr. 02.25.2022

Bawal

Imahe
BAWAL ah, kayraming bawal sa tindahan bawal ang tambay, bawal ang utang malinaw ang pinatutungkulan sinuman sa ating kababayan ibig lang sabihin, magbayad ka huwag bumili kung walang pera tindahan ay di tambayan, di ba? kahit pa maganda ang tindera kayraming bawal dahil daw bisnes nang kamalasan daw ay maalis anumang di swerte'y winawalis sa ganyang punto, sila'y mabilis kung pagtambay lang ang inaasal kung uutang na tinda'y matumal ay aalis na lang kasi bawal di makautang ng pang-almusal - gregoriovbituinjr. 02.25.2022

Sa ibang landas

Imahe
SA IBANG LANDAS baka dapat nang mawala sa kanilang daigdig at tahakin ang bagong mundo ng buong sigasig bilang nobelistang minsang nakipagkapitbisig sa mga niyurakan ng dangal at inuusig iyan marahil ang tanda ng nawalang trabaho dahil sa tatlong buwang liban dahil sa sakit ko subalit di naman malala, lamang ay seryoso tulad ng gagawing nobelang batay sa totoo di naman ako mawawala, naririyan pa rin subalit iba na nga lang ang aking tatahakin isang buhay-pampanitikan na madalas gawin bilang makata, ngayon ay nobela ang layunin ah, panahon nang mawala sa kanilang daigdig upang mapasok ko na rin ang kabilang daigdig upang ilarawan ko sa nobela ang pag-usig sa mga trapo't mapanlinlang, dugong malalamig sana sa bagong larangang ito ay magtagumpay sana'y makalikha ng nobela bago humimlay noon pa'y nakilala akong makata ng lumbay nais ko namang makilalang nobelistang tunay - gregoriovbituinjr. 02.24.2022

Misyon ni Earthwalker

Imahe
DI PA TAPOS ANG MISYON NI EARTHWALKER di man niya hinahangaan si Luke Skywalker o sinuman sa mga Jedi, maging si Darth Vader sumusunod naman sa batas, di naging Jaywalker ay naritong patuloy ang lunggati ni EarthWalker dahil sa programang pangkalikasang pinasukan facebook page na EarthWalker ay agad nilikha naman upang sanaysay at tula hinggil sa kalikasan ay sa EarthWalker mailathala, maging lagakan ngunit sa programang iyon ako na'y maaalis dahil lumiban ng tatlong buwan nang magkasakit nagka-Covid, T.B., diabetes pa'y tinitiis subalit EarthWalker ay nilalamnan pa ring pilit konsepto'y nagmula nang mag-Climate Walk ang makata kasama ng iba'y naglakad at nagtapos mula Luneta hanggang Tacloban, lakaring anong haba at muling naglakad sa isang malamig na bansa patuloy ang pagkatha ng tula sa kalikasan panawagang Climate Justice ay laging lakip naman sa tula't sanaysay ang masa'y mapaliwanagan pati na samutsaring paksang pangkapaligiran hanggang ngayon, di pa tapos

Pagharap sa kawalan

Imahe
PAGHARAP SA KAWALAN nagbabantang ako'y mawalan na ng kabuhayan na binibigay ng buo kay misis buwan-buwan apektado ang buong katawan ko't kalingkingan nagkasakit kasi ako't nawalang tatlong buwan inaamin ko, sarili ko lang ang sinisisi dahil sa aking kapalpakan ang ganyang nangyari gayunman, nagpapasalamat ako sa marami ako'y naging kabahagi ninyo't nakapagsilbi isang bagong mapagkukunan ang aking hagilap upang may maibigay kay misis at sa pangarap subalit saan, saan makikita ang paglingap sa makatang taring na bagong diskarte ang hanap kung sana'y may pahayagang maaaring tumula na aking tatambakan ng nagpupuyos kong diwa ah, sana'y may ganyang diyaryo, paano kung wala sa kangkungan ba pupulutin ang abang makata dapat may makuhang trabaho't pambili ng gamot lalo't di tama ang panghihingi't paabot-abot aayusin ko rin yaong asignatura't gusot bago pa sa malayong paglalakbay pumalaot maraming barya ang isinuksok ko sa tibuyo o alkansya baka mga n

Pritong sunog

Imahe
PRITONG SUNOG pinrito ko'y nasunog na naman noong may pumasok sa isipan kaya ang kwaderno'y sinaglitan isinulat ang napagnilayan nasok sa diwa'y baka mapawi kaya kumilos akong madali nang maamoy ang nasa kawali pinrito'y nasunog nang kaunti ang gilid ng daing ay nangitim napabayaan nang mahumaling sa pagkathang tila ba nahimbing nang magkasunog saka nagising buti na lang, di sunog na sunog at naagapan pa't di nadurog dagli kong kinuha't di pa lamog ang uulaming nakabubusog - gregoriovbituinjr. 02.23.2022

Sa pagtingala

Imahe
SA PAGTINGALA nasa ulap ang iyong hiwaga kaya pag bumagyo'y bumabaha umaambon nang kabi-kabila hanggang lumakas at maging sigwa ang iyong ganda'y tinititigan pagkat tanda ng kaliwanagan tunay kang tanglaw ng santinakpan sa iyong kayputing kaputian kayrami mong kwentong di masilip kahit pag-iisipa'y di malirip hanggang bumagsak na lang sa atip yaong tikatik mong halukipkip sana sa iyo'y makapanganlong di man pumatak sa aming bubong sa himpapawid ay sasalubong sa gayon, sa iyo'y makisilong - gregoriovbituinjr. 02.23.2022

Kwentong imbi

Imahe
KWENTONG IMBI nabababad ba sa katuwaan ang puso't diwa ng salawahan di mo na sila mapagsabihan dahil sa kanilang kalibugan kanino na sila magtatanong pag nakadama ng pagkaburyong kung nais magsikain ng tahong gayong kalan ay wala nang gatong pag-iisipan ba ng masama gayong kilala mong walanghiya sa katapatan ba nila'y duda kaya ilong nila'y humahaba pakendeng-kendeng man ang inahin ay huwag mong basta pupupugin lalo't sila'y mga pangitlugin doon sa munti nilang bukirin lumayo pag walang pahintulot para silang pusang nangangalmot mabuti nang sa ulo'y kumamot kahit magmukhang bahag ang buntot - gregoriovbituinjr. 02.23.2022

02.22.2022

Imahe
02.22.2022 anim na numero dos, aba'y kayganda ng petsa ano ang tanda sa sipnayan o matematika? makakamit ba ng masa ang asam na hustisya? at masasalba ba mula sa pagsasamantala? may ano sa anim na parehong numerong iyon? at may diyalektika ba riyan o nagkataon? o kaya'y naghahanap lang ng tanda kung mayroon upang kunwari'y umunlad tayo sa ngalan niyon anim na beses mo kayang dos ay imultiplika ang sagot ay bilang ng parisukat sa chess, di ba? anong kayang tanda nito sa trigonometriya? o kaya'y sa calculus o maging geometriya? oo, nagkataon lang na petsa'y may anim na dos di nito mabago ang buhay na kalunos-lunos ng mga dukhang bihi-bihira lang makaraos kung sistema'y mabago ay dahil masa'y kumilos tigib sa pagkaunsyami ang maraming timbangan na di pa maapuhap ang hustisyang panlipunan di magagap na sa petsang iyan ay malinawan kung anong itsura ng pag-alpas sa karukhaan - gregoriovbituinjr.

Sa rali

Imahe
SA RALI patuloy akong sumasama sa mga rali sa kalsada upang mga isyu't problema'y malutas, kamtin ang hustisya nakakadaupangpalad ko ang samutsaring guro rito sila'y mga lider-obrero't lider-maralitang narito minsan, bumibigkas ng tula ang tulad kong abang makata hinggil sa samutsaring paksang pulitikal para sa madla kaya ko pinaghahandaan ang bawat rali sa lansangan upang ipakita sa bayan sila'y aming pinaglalaban taospusong pasasalamat pag naaanyayahang sukat upang makasama ng bawat nagraraling may diwang mulat - gregoriovbituinjr. 02.22.2022 *  litratong kuha ng makatang gala sa isang rali niyang nilahukan

Hawak-kamay

Imahe
HAWAK-KAMAY iniibig ko ang diwatang sa ganda'y nakakatulala gayong sa iba'y isang mutyang payak pag natanaw ng madla sa diwata kasi pumintig ang pusong puno ng ligalig anong lamyos ng kanyang tinig pag umawit, ako'y nakinig sa diwata lang pumanatag ang iwing pusong dati'y hibang kasama siya sa magdamag at di na ako naiilang hawak-kamay kaming dalawa kahit na saanman magpunta sa panaginip man magkita magkasama pa rin tuwina isa mang makata ng lumbay ang sa diwata'y nakasilay may mga kathang naninilay na sa tanging pag-ibig alay - gregoriovbituinjr. 02.22.2022

Aralin

Imahe
ARALIN ngayon, nagtuturo muli sa kapwa maralita ano ang karapatan natin sa paninirahan mahalagang mabatid ng walang bahay na dukha kung paano karapatang ito'y maipaglaban iilan man silang natuturuan natin ngayon bagamat nabigyan na'y marami-raming kapatid lalo't marami pang iskedyul at pagkakataon upang walang bahay ay talagang ito'y mabatid may natutulugan sila ngunit di lupa nila silang nakatira roong ilang dekadang higit nais nilang tinirhang lupa'y mapasakanila kaya lider-maralita'y agad nagmalasakit Housing Rights and Climate Justice, isyung pinaglalaban maraming bahay, sinira ng bagyo, sinalanta iba'y dinemolis, relokasyon ay wala pa man karapatan sa pabahay, iangkop din sa klima pagtuturo ng klima't karapatan sa pabahay ay kambal na tungkulin ng samahang maralita upang mga ito'y kanilang ipaglabang tunay nang kapwa maralita'y di maging kaawa-awa - gregoriovbituinjr. 02.21.2022 *  litratong kuha ng sekretaryo-heneral ng KPML sa kanilang tan

Bawat tula'y tulay

Imahe
BAWAT TULA'Y TULAY "An artist is not a special kind of person rather each person is a special kind of artist." -  mula sa paskil sa isang kainan ako'y isang manunula at artista ng salita kahit bumagyo't bumaha ay patuloy sa pagkatha iyon na ang naging buhay niring makata ng lumbay na ang bawat tula'y tulay sa madla ng diwa't pakay tulay sa bawat linggatong at paglaban sa ulupong tulay sa dukha't may dunong upang bayan ay sumulong kung sa tula'y may magbasa't kinagiliwan ng masa mula sa puso talaga'y pasasalamat tuwina - gregoriovbituinjr. 02.21.2022

Gawaing tambak

Imahe
GAWAING TAMBAK tumatambak ang mga gawain na dapat lang piliting tapusin subalit dapat alam mong tupdin ang katungkulan kahit tipirin inilagay ka diyan ng bayan sa sinumpaan mong katungkulan kaya pagbutihin ang paggampan ang sa kalooban mo'y magaan lalo't adhikain at pangarap ay lipunang walang pagpapanggap na taumbaya'y di naghihirap lipunang sa kapwa'y mapaglingap ang pagkasalansan ng trabaho at time management nama'y batid mo kung sa trabaho mo'y aburido ay huwag mo lang ikapanlumo gawaing tambak, dapat matapos napunong salop, dapat makalos hininga nawa'y di manggipuspos ikaw pa rin ay makararaos - gregoriovbituinjr. 02.21.2022 *  litratong kuha ng makatang gala sa isang pader sa Katipunan, QC

Sa paghamok

Imahe
SA PAGHAMOK tahimik sa bawat pangungutya ang mapagtiis na maglulupa sa problema'y di na makahuma anuman ang gawing paghahanda nanunumbat ang sariling budhi pag di tinama ang maling gawi ah, ayaw na niyang manatili ang kahirapang nakamumuhi di pa nagagawa ang marapat bagamat sa prinsipyo'y namulat di makangiti, di makadilat pag harap-harapang inaalat magpapatuloy ang paghahamok laban sa hunyango't trapong bugok papalitan ang sistemang bulok at ilagay ang dapat sa tuktok ang bugtong ay malulutas pa rin lalo't may talino ka ring angkin na kabutihan ay panaigin laban sa pang-aapi't salarin - gregoriovbituinjr. 02.20.2022 World Day of Social Justice

02.20.2022

Imahe
02.20.2022 World Day of Social Justice mahalaga sa tao ang Hustisyang Panlipunan lalo na't karapatang pantao'y niyuyurakan di lamang sa biktima ang hangad na katarungan kundi bawat pagpapasya'y dapat makatarungan panawagan namin ngayong World Day of Social Justice patuloy tayong makibaka, huwag magtitiis sa kahirapang dinulot ng elitista't burgis na mapagsamantalang sistema'y dapat mapalis bakit may laksang dukha, bakit may ilang mayaman lipunang ito'y para sa lahat, di sa iilan sana lipunan ay makatao't makatarungan iyan ay taas-kamao naming pinaglalaban ang inaadhika ngayong World Day of Social Justice ay makataong sistema, na di dapat Just-Tiis ito ang sa puso't diwa ko'y prinsipyong malinis panawagan itong sa madla sana'y magpabigkis - gregoriovbituinjr. 

Sa kisame

Imahe
SA KISAME sa kisame napatitig nang binti niya'y namitig subalit di natigatig sa paghuni ng kuliglig madaling araw pa lamang ngunit siya na'y nag-abang ng pagputok ng liwanag upang lihim ay mabunyag ng naggapangang butiki na naroong bumabati sa makatang winawari ang pangarap niya't mithi tila di pa niya arok sino kaya ang papatok kung sa halalan kalahok ang mga itlog na bugok ah, tuloy lang sa layunin kaya kumikilos pa rin upang dalita'y hanguin sa hirap na anong talim di sasapat ang kataga upang kathain ang tula kahit tatlong metrong haba ang kanyang pagkatulala - gregoriovbituinjr. 02.20.2022

Sa hagdanan

Imahe
SA HAGDANAN naroon lang ako sa hagdanan kung saan ko pinagninilayan ang samutsaring isyu ng bayan at kalagayan ng kalikasan lalo't isa akong aktibista na lagi nang laman ng kalsada lipunang makatao ang nasa kaya naritong nakikibaka at patuloy akong kumikilos upang ating baguhin ng lubos ang kalagayang kalunos-lunos ng masang api't binubusabos niyakap ang simpleng pamumuhay puspusang nakikibakang tunay sa hagdanan ding iyon nanilay anong mga dahilan ko't pakay linisin ang lipunang mabaho labanan ang burgesyang hunyango tangan ang prinsipyo'y pinangako lipunang makatao'y itayo - gregoriovbituinjr. 02.19.2022

Sa abangan ng dyip

Imahe
SA ABANGAN NG DYIP anong init yaong paglalakad sa tanghaling tapat nakababad sa banas, buti't di naghuhubad subalit ano nang nakalahad sa abangan ng dyip ay papara tumigil muna't aking nabasa ang nakasulat sa karatula na talaga namang kakaiba sapagkat doon ay may dinugtong na ibang iba ang nilalayon paano kaya makakabangon kung karne'y titigilang malamon kayganda niyon pag naunawa tugon daw iyon sa klima't sigwa tulong sa kalikasan at bansa aba'y anong gandang halimbawa may kalaliman kung intindihin ngunit esensya'y ating kapain na may iba tayong iisipin na kalikasa'y alagaan din tigilan ang pagkain ng laman ng hayop at maging vegetarian gulay at isda'y sapat din naman upang mapalakas ang katawan - gregoriovbituinjr. 02.19.2022

Luntiang lungsod

Imahe
LUNTIANG   LUNGSOD asam ko'y luntiang kalunsuran mapuno at masarap tirahan may maayos na kapaligiran maraming tanim ang kalikasan kulay-lunti ang buong paligid payapa ang kasama't kapatid walang sa dilim ay binubulid kapanatagan sa diwa'y hatid mamamayan doo'y mahinahon ang mga batas ay naaayon hanging kaysarap, walang polusyon basura'y sa tama tinatapon lunti't walang pagsasamantala ng tao sa tao, anong ganda ng buhay ng mga magsasaka, ng dukha't obrero, at iba pa sa ganyang lungsod, sinong aayaw kung di maalinsangaw ang araw kung payapang mamuhay, gumalaw kung paligid, malinis, malinaw lipunang lunti at makatao na ipinaglalabang totoo sana'y makatahan sa ganito sa lungsod na pinapangarap ko - gregoriovbituinjr. 02.19.2022

Sa araw ng Hustisyang Panlipunan

Imahe
SA ARAW NG HUSTISYANG PANLIPUNAN World Day of Social Justice  ang a-bente ng Pebrero marapat lang alalahanin ang araw na ito tulad ng isa pang mahalagang araw sa mundo: ang Daigdigang Araw ng Karapatang Pantao lalo't marami nang inhustisya ang nagaganap na ang mga biktima'y pawang mga mahihirap tulad ng pagtakbo ng mga trapong mapagpanggap at tulad sa pagpaslang sa dukha sa isang iglap nahan ang hustisya, sa araw na ito'y itanong bakit mga inosente'y nilagay sa kabaong bakit sa pagpaslang, tuwang-tuwa ang mga buhong mga ina'y nagsiluha, humihingi ng tulong "ang hustisya ay para lang sa mayaman," kainis isa man itong katotohanang walang kaparis alalahanin natin ang World Day of Social Justice hustisya'y dapat kamtin, di ito dapat Just-TIIS - gregoriovbituinjr. 02.18.2022

Bakit bawal magkasakit?

Imahe
BAKIT BAWAL MAGKASAKIT? pag may sakit ka'y di na papansinin lalayuan ka na lang nilang kusa tila ba wala ka nang kayang gawin kundi sa maghapon ay tumunganga tingin na sa iyo'y namamalimos ng awa upang makabiling gamot at batid nilang wala kang panggastos di ka na pansin, ikaw na'y nalimot iyan ang masaklap na sasapitin ng tulad kong may sakit sa kabila ng katapatan mo sa adhikain na sadyang tagos sa puso mo't diwa maliban kung may hawak kang tungkulin nagagampanan ang misyong dakila ah, subalit kung pabigat ka lang din turing sa iyo'y wala ka na, wala nabuhay na puno ng sakripisyo ngunit sa gawain ay nagkasakit nabuhay na niyakap ang prinsipyo na sa puso't diwa mo'y nakaukit may sakit ka na, walang pakinabang ah, magpagaling ka na lang sa bahay turing sa iyo'y pabigat ka na lang marami kang kapalit, mas mahusay tulad ka ng T.V. o radyong sira di ka aayusin, papalitan ka para ka nang kagamitang naluma di na aayusin, papalitan na kaya sa atin, bawal magka

Pagninilay

Imahe
PAGNINILAY nakatitig muli sa kawalan at pulos pagninilay na naman sana'y di mapunta sa kangkungan ang ginagawa para sa bayan patuloy na itinataguyod ang pangarap ng mananaludtod isang lipunang kalugod-lugod para sa dalita't kumakayod tunay na lipunang makatao na iginagalang ang proseso walang pagpaslang doon o dito karapatan ay nirerespeto mayroong panlipunang hustisya sa lahat ng namatayang ina yaong maysala'y makulong sana para sa kapakanan ng masa sa mga nagtatanim ng palay, puno, bakawan, o kaya'y gulay tamang subsidyo yaong ibigay upang may dignidad na mabuhay lipunang makatao'y itayo at karahasan ay mapaglaho paggagalangan ang tinutungo kaya prinsipyo'y di isusuko - gregoriovbituinjr. 02.18.2022

Bawal umihi dito

Imahe
BAWAL UMIHI DITO "Bawal umihi dito!" ayon sa karatula multa'y sanlibong piso baka matulala ka kung ikaw ay maysakit dapat alam kung saan iihi lalo't sirit sa pantalon na naman pader kasi'y papalot o sa ihi papanghi kaya di tinutulot na sa pader umihi kung di mo na matiis sasabog na ang pantog umihi ng mabilis kung mahuli ka'y durog huwag ka lang pahuli lalo't salbaheng mama pag-ihi'y di na libre sa multa'y matulala - gregoriovbituinjr. 02.17.2022

Ang maging tinig

Imahe
ANG MAGING TINIG "The least I can do is speak out for those who cannot speak for themselves." ~ ayon sa pabalat ng isang kwadernong ginagamit ko anong ganda ng tinuran sa isa kong kwaderno binili ko iyon dahil sa pabalat, tanda ko kaylapot ng paninindigan, kaygandang prinsipyo tinig niya'y para sa walang tinig sa bayan ko parang ako, isang sagad-sagaring aktibista sa mahabang panahon ay naging boses ng masa di sa Kongreso o Senado kundi sa kalsada na sa mga rali'y pinagsasalitang talaga pagkat tungkulin ko bilang sekretaryo heneral ng ilang organisasyon, sa diwa ko'y nakintal sa init man ng araw, patuloy sa pagpapagal lalo't sa poder o pader, dukha'y di nakasandal magpapatuloy akong isang mabangis na tinig para sa mga dukha't api nang magkapitbisig ipapakita ang marangal na prinsipyo't tindig pagbabago man ng sistema'y lumabas sa bibig isa itong pagtaya o commitment ko sa madla ang maging tinig ng mga di makapagsalita ang maging boses ng mga in

Labada

Imahe
LABADA nang makapananghali'y naglaba nitong damit ng aking asawa sa akin, wala namang problema kung labada man ay sangkaterba suot ni misis ang mga iyon ng ilang araw hanggang kahapon ako'y kuskos dito, kuskos doon sinabay na damit ko't pantalon hanggang nilabhan ko'y binanlawan bago isampay ay pinigaan aking hinanger ang karamihan ang iba'y inipit sa sampayan ganyan kami, tulungan sa bahay ako'y maglalaba't magsasampay sa pagkukusot, may naninilay akin palang diwa'y naglalakbay kung saan-saan nakakarating tila baga ako'y nahihimbing kaya maglaba'y kaysarap gawin pagkat may tula nang kakathain - gregoriovbituinjr. 02.17.2022

Ipanalo ang atin

Imahe
IPANALO   ANG   ATIN ipanalo ang atin na lider na magaling plataporma n'ya'y dinggin namnamin at isipin pinanday ng panahon ang lider nating iyon na tatanggal paglaon sa kontraktwalisasyon pakinggang magsalita ang lider-manggagawa na ang inaadhika kabutihan ng madla dala n'yang pagbabago'y pangmasa, pang-obrero na hangaring totoo'y lipunang makatao Ka Leody de Guzman para sa panguluhan ipanalo't ilaban para sa sambayanan - gregoriovbituinjr. 02.16.2022

Palaisipan

Imahe
PALAISIPAN palaisipan aking aliwan nagpapagaan sa pakiramdam tanong, alamin iyong basahin sagot, isipin mabubuo rin banoy, agila sayaw, lambada dilag, dalaga misis, asawa isda ay dilis gulay, kamatis tubigan, batis kutis, makinis may isang salot kayhabang buntot amoy maantot lagim ang dulot palaisipan tayo'y maglibang nakakagaan ng pakiramdam - gregoriovbituinjr. 02.16.2022

Lasbat nat dalis

Imahe
LASBAT   NAT   DALIS laspag nga ba ang dilis nang ito'y humagibis tumalon at nagburles sa ilog na malinis o malawak na batis ayokong magmalabis sa paggawa ng hugis di man gayon katulis ako pala'y mabilis napasagot si misis minsan paalis-alis na maganda ang bihis hanap ay mangga't atis paborito ng buntis na pagsinta'y kaytamis problema'y napapalis ulam ko man ay dilis at sawsawan ay patis sa pila man magtiis ako'y lasbat nat dalis - gregoriovbituinjr. 02.16.2022

Tungkulin para sa kinabukasan

Imahe
TUNGKULIN PARA SA KINABUKASAN patuloy nating pangalagaan ang kalikasan na mahalagang tungkulin ng bawat mamamayan sapagkat isa lang ang daigdig nating tahanan kaya kinabukasan nito'y ating paglaanan ang pangangalaga sa mundo'y huwag ipagkait sa susunod na henerasyong mabuhay nang sulit di tayo kailangan ng kalikasan subalit kailangan natin ang kalikasan, aba'y bakit? isa iyang katotohanang tumagos sa puso ng mga katotong sa klima nga'y nasisiphayo dahil sa climate change, maraming isla'y maglalaho balintuna, tataas ang tubig, lupa'y natuyo walang makain kahit nagtanim na magsasaka lalo't tumindi ang bagyo't kayraming nasalanta pagsunog ng fossil fuel at coal ay tigilan na sagipin ang masa mula sa nagbabagong klima halina't ating pangalagaan ang kalikasan huwag gawing basurahan ang dagat at lansangan kapitalismong sanhi nito'y dapat nang palitan at magandang bukas para sa masa'y ipaglaban - gregoriovbituinjr. 02.15.2022

Liberty

Imahe
LIBERTY ang puso ko'y lumulukso kapag nakikita kita O, tunay kang pag-ibig ko rosas kitang anong pula sa Araw ng mga Puso nais kong makapiling ka ikaw ang tanging kasuyo at minumutyang talaga sa iyo lang narahuyo itong makata ng masa hiling sana'y di maglaho ang iwi nating pagsinta Kalayaan o Liberty o Freedom o Kasarinlan tangi kitang binibini ng puso't kinalulugdan Liberty ng aking buhay Kalayaan man ang asam Freedom man ang aking pakay Kasarinla'y makakamtan Happy Valentine's Day sa'yo mahal, iniibig kita tandaang ako'y narito lagi para sa'yo, sinta - gregoriovbituinjr. 02.14.2022

Tanging handog

Imahe
TANGING HANDOG regalo ko kay misis ay halamang hugis-puso tanging handog sa iniibig ko ng buong-buo "Hoya" raw ang tawag dito sa tanim ng pagsuyo na ididilig ko'y pagsinta nang lalong lumago pagmamahal ay nadarama sa tangi kong mutya kaya nagtutulungan kami ng aking diwata anumang sigwa o suliranin man ang magbadya magsisikap na tunay upang kamtin ang adhika Araw ng mga Puso'y anibersaryo ng kasal sa civil wedding sa Tanay, alaalang dumatal pang-apat na anibersaryo, ganyan na katagal kaya tanim na hugis-puso ang handog sa mahal Maligayang Araw ng mga Puso, aking sinta at magkasama nating nilulutas ang problema at sa anibersaryo ng ating kasal, O, sinta tanging masasabi'y magpatuloy tayo tuwina upang hubugin ang asam nating kinabukasan upang pagsinta'y manatili sa kasalukuyan upang hinaharap ay atin ding mapaglaanan upang magiging anak at apo'y mapaghandaan - gregoriovbituinjr. 02.14.2022

Leyon sa talampas

Imahe
LEYON SA TALAMPAS tila kami'y leyon sa talampas mukhang mahina ngunit malakas iniisip lagi'y pumarehas at itayo ang lipunang patas ganyan naman talaga ang tibak kasangga ng api't hinahamak na trosong bulok ay binabakbak na trapong bugok ay binabagsak di manhid sa mga nangyayari sa mga isyu ng masa'y saksi nilalabanan ang trapong imbi at sa kalsada'y laging kasali asam ay tunay na pagbabago para sa kapwa dukha't obrero na upang maging totoong tao lubus-lubusin ang sosyalismo pagpupugay sa nakikibaka upang mabago na ang sistema durugin ang trapo, dinastiya hari, pari, burgesya, pasista tayo man ay leyon sa talampas hinuhubog ay magandang bukas nasa isip lagi'y pumarehas at itayo ang lipunang patas - gregoriovbituinjr. 02.14.2022

Tigatlo

Imahe
TIGATLO di man planado ngunit minsan ito'y nagagawa sa bawat araw nakakatha ng tigatlong tula marahil dahil sa buhay na ito'y naasiwa kaya may kuro-kuro sa napagdaanang sigwa bigay ko sa mga pamangkin ay tigatlong prutas langka, pinya, pakwan, rambutan, kalumpit, bayabas madalas magkwentuhan habang ngata'y sinigwelas pakikisamang tulad ng alak mula sa ubas tigatlong rosas tanda ng pagsinta sa maybahay o kaya sa kasintahang minamahal mong tunay pinagbibigyan ang kaibigan ng tatlong tagay habang hagilap sa putik ay tatlong gintong lantay sa triyanggulo'y kita mo agad ang tatlong sulok ngunit paano ba mababaligtad ang tatsulok na marapat lang nating gawin lalo't nasa rurok ang trapong bugok, ah, ilagay ang dukha sa tuktok - gregoriovbituinjr. 02.13.2022

Ang nawawalang kwintas

Imahe
ANG NAWAWALANG KWINTAS binasa ko'y kwentong "The Necklace" ni Guy de Maupassant sa isang piging, ang mag-asawa'y naimbitahan dahil sa garbo, kwintas sa kumare ang hiniram matapos ang piging, kwintas ay nawalang tuluyan hanap, hanap, kung saan-saan na sila naghanap di makita, nagpasyang palitan ito ng ganap tiningnan ang presyo nito, anong mahal, kaysaklap ilang taon ding mag-iipon, sadyang kandahirap mag-asawa'y napilitang kumayod ng kumayod kamay na'y nagkalipak at sapatos na'y napudpod araw-gabing trabaho, nag-ipon, nagpakapagod umabot ng ilang taon ang buhay na hilahod trabaho ng trabaho nang kwintas ay mapalitan upang mabili lamang ang gayong kwintas din naman dapat mabayaran ang nasabing pagkakautang nang pamilya nila'y di malagay sa kahihiyan hanggang kunin ng may-ari ang kwintas na nasabi at nakitang namayat ang nanghiram na kumare hanggang pinagtapat niya ang tunay na nangyari kwintas ay nawala't pinag-iipunang matindi sabi ng may-ari ng kw

Sa pagkalagas ng pakpak

Imahe
SA PAGKALAGAS NG PAKPAK saan susuling kung ako'y nalagasan ng pakpak at di na mabatid bakit sa putikan nasadlak tiningnan ko ang lipunan, bakit may hinahamak bakit dukhang kaysipag ay gumagapang sa lusak di naman katamaran ang sanhi ng luha't dusa bakit mahirap ang masisipag na magsasaka na madaling araw pa nga'y nasa kabukiran na upang tingnan ang tanim nilang alaga tuwina walong oras sa pagtatrabaho ang manggagawa madalas pang mag-overtime, sahod kasi'y kaybaba ngunit bakit naghihirap ang kawal ng paggawa binabarat kasi ang sahod nilang kaysipag nga kapalaran nga ba iyang sanhi ng paghihirap? ika nga ng pastor, mapapalad ang naghihirap! populasyon ba ang sa hirap ay nagpalaganap? mangmang ba ang dukha kaya di sila nililingap? payo ng isang guro, pag-aralan ang lipunan bakit laksa'y naghihirap at may ilang mayaman ah, bakit nga ba may iskwater sa sariling bayan pribadong pag-aari nga'y ugat ng kahirapan magsasaka'y walang masarap na kaning masandok dalagang

Sagipin ang daigdig

Imahe
SAGIPIN ANG DAIGDIG nasaan na ang tinig ng panggabing kuliglig di na sila marinig sa aba kong daigdig kalbo ang kabundukan sanhi raw ay minahan puno sa kagubatan pinutol nang tuluyan kaya maitatanong ano bang nilalayon anong isinusulong kung masa'y nilalamon kaygandang daigdigan ay ginawang gatasan bakit ba kalikasan ay nilalapastangan na sa ngalan ng tubo nitong poong hunyango wawasakin ang mundo para sa pera't luho dapat daw pagtubuan ang mga kagubatan buhay ng kalikasan ay pagkakaperahan hangga't kapitalismo ang sistema sa mundo ay lalamunin tayo hanggang sa mga apo pakinggan n'yo ang tinig tayo'y magkapitbisig sagipin ang daigdig na puno ng pag-ibig - gregoriovbituinjr. 02.11.2022

Bisikleta

Imahe
BISIKLETA nais kong bumili ng bisikleta nang magamit ang bike lane sa kalsada haha, at mali yata ang hinuha may bike lane dahil may nagbisikleta pamasahe'y matitipid mo naman mararating agad ang pupuntahan mapapalakas ang pangangatawan pati baga, tuhod, alak-alakan naglagay ng bike lane para sa masa na karaniwang tabi ng bangketa dati wala niyan, ngayon, meron na na para nga sa nagbibisikleta sa trapik ay di ka na magtitiis maiaangkas pa rito si misis na iyong sinundo mula sa opis huwag lang magpatakbo ng mabilis dahil di ka naman nangangarera di ka rin naman hari ng kalsada mag-ingat baka makabangga ka pa kung pinangkarera ang bisikleta magbisikleta'y magandang diskarte upang iwas-trapik, nakakalibre ka pa sa nagmahal nang pamasahe huwag lang itong tangayin ng bwitre huwag itong hayaan sa kawatan at huwag iparking kung saan na lang bisikleta'y utol at kaibigan na marapat mo lang na pag-ingatan - gregoriovbituinjr. 02.11.2022

Buhay ko na ang rali

Imahe
BUHAY KO NA ANG RALI tandaan mo, di ako simpleng kasama sa rali buhay ko na ang rali, kaya sa rali kasali para akong hinayupak pag nag-absent sa rali na tungkulin ay di ginagampanan ng mabuti para akong nananamlay, nawalan ng pag-asa gayong estudyante pa lang, kasama na ng masa sa puso, diwa't prinsipyo'y tangan-tangan talaga ang simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka sa rali ko natutunan ang iba't ibang isyu sa mga guro kong lider-maralita't obrero sa rali ko napapatibay ang angking prinsipyo bakit dapat itayo ang lipunang makatao habang nag-oorganisa ng mga maralita habang tumutulong din sa laban ng manggagawa pagkat hustisyang panlipunan ang inaadhika sistemang bulok ay mapalitan, mapawing sadya kaya rali'y paaralan kong kinasasabikan maglakad man ng kilo-kilometro sa lansangan manlagkit man sa pawis ang aking noo't katawan tuloy ang kilos tungong pagbabago ng lipunan upang maibagsak ang mapagsamantalang uri lalo iyang elitista, burgesya, hari't pari pa