Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Marso, 2022

Takipsilim

Imahe
TAKIP SILIM muling sumapit ang takipsilim sa muling pagtatapos ng buwan at niyakap kong muli ang dilim na animo'y walang katapusan tulad din ng buhay natin ngayon madaling araw, umaga'y landas tanghali, hapon, at dapithapon takipsilim, hatinggabi'y bakas paikot-ikot lang nga ang buhay tila gulong na pagulong-gulong may pagkasilang at may paghimlay may pagkabigo, may sumusulong umunlad naman daw ang daigdig may mayaman, may mahirap pa rin kapitalista'y tubo ang kabig maralita'y tuka bawat kahig at sa pagsapit ng takipsilim ng buhay ng bawat mamamayan nawa'y matikman, ginhawa't lilim panlipunang hustisya'y makamtan - gregoriovbituinjr. 03.31.2022

Pinta ng pagmamahal

Imahe
PINTA NG PAGMAMAHAL sikat na pinta yaong malibog umano na naibenta ng tatlumpung milyong Euro; batay sa ulat sa kasaysayan, may kwento batay sa pangyayaring talagang totoo isang matanda'y pinarusahang mamatay sa gutom dahil daw nagnakaw ng tinapay; sa panahon ni Haring Luis Labing-apat ng Pransya, na sa lupit ay kilala't sikat tanging dalaw ng preso'y babaeng anak n'ya; makalipas ang apat na buwan, buhay pa ang matandang lalaki't tila lumusog pa kaya awtoridad ay labis na nagtaka hanggang mabatid nila kung anong sikreto babae pala sa ama'y nagpapasuso hukom ay naawa sa nabatid na ito ama'y pinatawad, pinalayang totoo - gregoriovbituinjr. 03.31.2022 * litrato mula sa fb

Pangarap ng kabataan

Imahe
PANGARAP NG KABATAAN mga anak ng manggagawa, may mga pangarap na sila'y makaalpas na sa dusa't paghihirap ang buhay na may dignidad ay kanilang malasap mayroong magandang bukas at may ginhawang ganap simpleng pangarap nilang mga kabataan, bata walang nagsasamantala sa amang manggagawa walang yumuyurak sa dignidad ng ama't dukha ang pamamalakad ng batas ay patas sa bansa tiyak ayaw ng mga bata sa trapong kawatan ayaw sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan tiyak, isisigaw nila, "Sana, matino naman ang mahalal na Pangulo ng mahal nating bayan!" bansang ang karapatang pantao'y nirerespeto pamahalaang may paggalang sa wastong proseso mayorya sa kanila'y anak ng dukhang obrero ama'y kayod ng kayod para sa kaunting sweldo at para sa kinabukasan: Manggagawa Naman ihalal nating Pangulo, Ka Leody de Guzman para sa maayos na pamumuhay, kalusugan magandang edukasyon, magandang kinabukasan - gregoriovbituinjr. 03.31.2022

Pambihirang pagkakataon

Imahe
PAMBIHIRANG PAGKAKATAON binigay ng kasaysayan ngayon ay pambihirang pagkakataon noon, labanan ng mga trapo ngayon, pagkakataon na ito kandidatong Pangulo'y obrero Manggagawa Naman ang iboto! ito'y di natin dapat sayangin kasaysayan na'y panig sa atin Ka Leody de Guzman, Pangulo Ka Walden Bello, Bise Pangulo para Senador, Luke Espiritu Roy Cabonegro at D'Angelo kandidatong palaban talaga dala'y Partido Lakas ng Masa mapanuri, makakalikasan at nakikibaka sa lansangan para sa karapatan ng bayan para sa hustisyang panlipunan h'wag sayangin ang pagkakataon ipanalo natin sila ngayon! - gregoriovbituinjr. 03.30.2022

Mautak at mangmang

Imahe
MAUTAK AT MANGMANG bakit daw siya'y mautak, sabi niyang may yabang habang salaysay ng isa'y buhay ng isang mangmang; librong magkasalungat ng dalawang di man hibang subalit may saysay hinggil sa dinaanang larang magkasabay ko lang nabili ang dalawang aklat nang di namalayang pamagat ay magkasalungat napagtanto lang nang sa bahay na'y naalimpungat sa pagkaidlip at mapagmasdan ko ang pamagat ang "Why I Am so Clever" ay akda ni Friedrich Nietzsche, Aleman, tila libro'y palalo, makasarili; ang "The Life of a Stupid Man" ay kay Ryūnosuke Akutagawa, Hapon, akdang sa dusa sakbibi naglathala'y Penguin Classics, dagdag ko sa koleksyon na pagkabasa, plano'y isalin ang mga iyon; pag kahulugan ng mga akda'y aking nalulon, baka may mahalukay na aral na mapanghamon - gregoriovbituinjr. 03.30.2022

Baryang pamasahe

Imahe
BARYANG PAMASAHE "Iwas-abala" ang susing salita sa kanila ipinaskil nga nila'y "Barya lang po sa umaga" agad mo nang ihanda ang pamasahe sa bulsa pag-ibis ng traysikel, sa tsuper iabot mo na sa kamay mo'y dapat ay handa na ang pamasahe mabilisan ang bayad at sukli, ganyan ang siste sa pampublikong sasakyan, traysikel, dyip, bus, taksi sa pagsakay mo sa tren, sa L.R.T. at M.R.T. "Barya lang sa umaga," paskil sa mga sasakyan dapat kapado na natin ang paalalang iyan saan galing, saan bababa, tapos ang usapan bayad po, ito ang sukli, ganyan lang, mabilisan upang makakuha agad ng bagong pasahero at sa pamamasada'y may kita kahit paano barya-barya ang usapan, di naman iyan bangko huwag magbayad ng buo at abalang totoo - gregoriovbituinjr. 03.30.2022

Libreng sakay

Imahe
LIBRENG SAKAY mula bahay ng biyenan patungong opisina mula Cubao hanggang Pasig, pamasahe'y nagmura dating bente sais o kwarenta'y tres, nagtrese na lalo pa't iyang M.R.T. ay naglibreng sakay pa tila baga ito'y magandang serbisyo sa masa ano kayang nasa likod ng gawa nilang iyan? naglibreng sakay isang buwan bago maghalalan ang manok kaya ni San Pedro'y may pinapanigan? sa taas ng presyo ng gasolina'y tugon iyan? o sa gera sa Ukraine, tayo'y apektado naman? sa libong pasahero, sa pagkalugi ang tungo ng libreng sakay kung walang iskemang nakatago kaya ba naglibreng sakay ay kaybuti ng puso? sana'y di para ipagwagi ang trapo't hunyango sa halalang baka dambungin ng atat maupo bagamat nakasakay ng libre'y di mapalagay na sanlinggo bago halalan malantad ang pakay paumanhin sa palagay ng makata ng lumbay gayunman, maraming salamat po sa libreng sakay pagkat laking tipid nito sa aming paglalakbay - gregoriovbituinjr. 03.30.2022

Maralita, bida pag eleksyon

Imahe
MARALITA, BIDA PAG ELEKSYON pag nangampanya'y trapong kuhila pulos pangako sa maralita kaytatamis ng mga salita pangako'y rosas, langit at tala tuwing halalan, bida ang dukha trapong hudas ay pulos pangako gagawin ng buong puso kuno ngunit lagi na lang napapako humaba na ang ilong at nguso nilang trapong mapagbalatkayo trapo'y papasok pa sa iskwater sa putikang kayraming minarder na dukha, kunwa'y di mga Hitler, noong war on drugs ng nasa poder hihimas-himas pa sa pagerper maralita, bida pag eleksyon ngunit pag trapo'y nanalo ngayon pangako'y balewala na roon dukha'y bida lamang pag eleksyon para iboto ang trapong iyon dahil sa dami ng maralita sila ang nililigawang sadya subalit sila ba'y may napala pinangakuan, binalewala kailan matututo ang dukha? - gregoriovbituinjr. 03.29.2022

Tulaan

Imahe
TULAAN tara, tayo'y tumula ng samutsaring paksa at doon isadula ang buhay nating sadya ikwentong pataludtod ang bawat nating pagod pawis, sikap at kayod pati mababang sahod isalaysay sa saknong ang pasyang urong-sulong tulad ng chess at gulong plano'y saan hahantong bilangin man ang pantig na isinasatinig dapat nating mausig ang mga manlulupig tula ang buhay natin kathain ang paksain anong isyu't usapin sa madla'y bibigkasin - gregoriovbituinjr. 03.29.2022 * litratong kuha noong World Poetry Day

Latang titisan

Imahe
LATANG TITISAN ah, nakakatuwa ang titisan na gawa sa latang walang laman Master Sardines pa ang pinaglagyan sa mga Master, may panawagan: "Master, narito po ang titisan Upos mo'y dito po ang lagayan Titis ng yosi'y pagtataktakan Ano, Master, maliwanag iyan!" di tapunan ang kapaligiran di basurahan ang kalikasan simpleng ashtray ang latang titisan nang sa bayan, makatulong naman at dahil dito'y pakatandaan maging sagisag ng kalinisan gamiting maayos ang titisan para sa kabutihan ng bayan - gregoriovbituinjr. 03.29.2022

Pamasahe

Imahe
PAMASAHE sa pasahe, tiket ay patunay sa beepbus na ikaw ay sumakay tumaas lang ng piso'y aaray tila ba bulsa'y nasaktang tunay magbayad pa rin sa paglalakbay nang makarating ng matiwasay sa iyong destinasyon at pakay tulad din sa ating pamumuhay mula pagsilang hanggang mamatay di lang tutunganga't maghihintay kundi mamamasahe kang tunay destinasyong plano'y nilalakbay sumusulong sa bawat pagsakay bababa pag narating ang pakay - gregoriovbituinjr. 03.29.2022

Sa lumang aklaran

Imahe
SA LUMANG AKLATAN tara, tayo'y magtungo sa mga lumang library makasaysayang aklatang tiyak kawili-wili mapupuntahan ang mga lugar na di masabi mababasa'y samutsaring paksang makabubuti sa daigdig, sa bansa, sa masa, at sa sarili aking aamuyin ang mabasa kong aklat doon at daramhin ang iba't ibang paksa ng kahapon bakasakaling bahaginan ng naroong dunong mga karunungang sa bansa'y makapagsusulong ng pag-unlad ng lahat, di ng iilang mayroon malalakbay ko sa library'y kontinente't bansa upang mabatid ang mga makabuluhang paksa malaman bakit sa historya'y gayon ang ginawa paano napagsamantalahan ang manggagawa anong sistemang yumurak sa dignidad ng dukha nais kong mapuntahan ang mga lumang aklatan baka sa mga agiw ay may tagong karunungan baka sa amoy ng libro, makapa'y katapatan ng awtor sa ibinahagi niyang kaalaman sa mga paksang baka makabubuti sa tanan - gregoriovbituinjr. 03.28.2022

Sa muling nilay

Imahe
SA MULING NILAY naglalakbay akong tila walang patutunguhan sa isang madawag na sabana sa kagubatan na tinatahak na pala'y kumunoy sa kawalan nakaambang panganib ay paano malusutan para bang panagimpan ng buong pagkasiphayo aba'y ilang ulit ko na bang tinangkang maglaho subalit nagigising na lang sa pagkarahuyo sa diwatang lumaban sa mga trapo't hunyango nais naming makaalpas sa pangil ng buwitre o sa kuko ng agilang talaga ngang salbahe o sa apoy ng dragon na nangangamoy asupre nais naming magwagi sa labanang sadyang grabe ah, marahil ito'y dala lang ng problema't gutom nais kong magsalita subalit bibig ay tikom tila binusalan ng mga nag-aastang hukom dama'y nailarawan na lang sa kamaong kuyom - gregoriovbituinjr. 03.28.2022

Nang mamalengke si Ka Leody

Imahe
NANG MAMALENGKE SI KA LEODY karaniwang tao, magaling na lider-obrero sa mataas na posisyon sa bansa'y tumatakbo bilang Pangulo, ang kinatawan ng simpleng tao upang mamunong anim na taon sa bansang ito karaniwang tao, siya mismo'y namamalengke para sa asawa, anak, bisita, kuya, ate nakita minsang bumili ng isda, gulay, karne aba'y nakatsinelas lang noon si Ka Leody di katulad ng trapong animo'y hari talaga pulos alalay, may utusan na, may kutusan pa; iba si Ka Leody, di trapo, puso'y sa masa nakikibaka, ang madla sa kanya'y may pag-asa kaya ganyang may puso sa masa'y dapat mahalal karaniwang tao, naghahanda ng pang-almusal, tanghalian at hapunan para sa minamahal ganyan ang pinunong magaling, mabuti ang asal - gregoriovbituinjr. 03.28.2022 * minsang papunta si Ka Leody sa Cainta market nang matiyempuhan siya ng masmidya * litrato mula sa fb

Libingan at kapak

Imahe
LIBINGAN AT KAPAK Talinghaga nina Gat Emilio Jacinto at Huseng Batute animo'y pinagtiyap. Ayon sa bayaning Jacinto sa ikatlong paksa ng kanyang akdang Liwanag at Dilim: "Tayo'y huwag mainaman sa balat pagkat di kinakain at karaniwang magkalaman ng masaklap. Ang mga libingang marmol ay maputi't makintab sa labas; sa loob, uod at kabulukan." Ayon naman sa makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, sa ikalawang saknong ng kanyang tulang pinamagatang "Pagtatanghal" sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 82: "Ano ang halaga ng ganda ng malas, di gaya ng tago sa pagkakatanyag, huwag mong tularan yaong isdang kapak,  makisap ang labas, sa loob ay burak." Anong tindi ng pagkakawangki ng kanilang talinghaga, kaya ako'y napaisip, at sa tuwa'y napagawa ng tula: dalawa kong iniidolo talinghaga'y halos pareho bayaning Emilio Jacinto at makatang Batute ito sa labas, bagay na maganda ay hinahangaan tuwina ngu...

Pagmamahalan

Imahe
PAGMA MAHALAN mahal na ang tubig at kuryente gasul, gasolina't pamasahe at ang pangunahing binibili bigas, sahog, isda, gulay, karne anong tindi ng pagmamahalan ng batayang pangangailangan presyo'y sumisirit nang tuluyan anong sakit sa puso't isipan pagmamahalang bakit ganoon sa mamamayang di makaahon sahod nga'y nakapako lang doon di na tumaas, di maibangon "Sahod Itaas! Presyo Ibaba!" ang sigaw ng mga manggagawa kahilingang dapat lang at tama upang sa hirap ay makawala - gregoriovbituinjr. 03.27.2022 - litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa DOLE, 03.14.2022

Buwis

Imahe
BUWIS kung iyang buwis ng bayan magamit sa kagalingan ng mga kababaihan aba'y sadyang ayos iyan paano ang double burden na kaytagal nang usapin ang reproductive health pa rin ay paano sasagutin dinggin ang kanilang hiyaw "Make taxes work for women" daw na kapag iyong nanilay ay makabuluhang tunay ang "Make taxes work for women" ay mahalagang usapin panawagang dapat dinggin ng pamahalaan natin sa plakard, iyon ang tangan ni Ka Leody de Guzman ating kandidato naman bilang Pangulo ng bayan dinggin ang hiling at sabi buwis - gamiting mabuti wasto, sapat at maigi para sa mga babae - gregoriovbituinjr. 03.27.2022 - litratong kuha ng makatang gala noong Araw ng Kababaihan

Tula sa Earth Hour

Imahe
TULA SA EARTH HOUR nagpatay kami ng ilaw ngayon dahil Earth Hour, mabuting layon kaisa sa panawagang iyon nakiisa sa magandang misyon na sa pamamagitan ng dilim maunawaan natin ang lalim ng kalikasang animo'y lagim pagkasirang nakaririmarim imulat natin ang ating mata upang kalikasan ay isalba nagpabago-bago na ang klima ang tao ba'y may magagawa pa buksan din natin ang ating bibig upang mapanira ay mausig halina't tayo'y magkapitbisig at iligtas ang ating daigdig - gregoriovbituinjr. 03.26.2022 * litrato mula sa google

Lakas ng bisig

Imahe
LAKAS   NG   BISIG Manggagawa, binubuhay n'yo'y buong daigdigan nilikha't pinaunlad ang ekonomya ng bayan gumawa ng mga tulay, gusali, paaralan highway, Senado, Kongreso, Simbahan, Malakanyang Manggagawa, may kaunlaran nang dahil sa inyo ngunit nagsisilbi sa mapagsamantalang amo kulang sa pamilya ang sahod, kaybaba ng sweldo gayong lipunan at bansa ang pinaunlad ninyo tulad ng magsasaka, sa pawis ninyo nanggaling ang ekonomya ng bansa at kinakain namin subalit kayong Manggagawa'y naghihirap pa rin dapat sarili n'yo'y tubusin sa pagkaalipin kung wala kayong Manggagawa ay walang pag-unlad ang sistemang kapitalismo'y sadyang di uusad Manggagawa ang bayani, nagbigay ng dignidad nagpaunlad ng daigdigan, ng bansa, ng syudad Manggagawa, salamat sa lakas ng inyong bisig subalit kapitalismo'y dapat nating malupig tagapamandila ng sistemang ito'y mausig pagkat mundong ito'y sa inyong nawalan ng tinig - gregoriovbituinjr. 03.26.2022

Espasyong ligtas

Imahe
ESPASYONG LIGTAS espasyong ligtas ba ang M.R.T. sa mga ginang at binibini laban sa tarantado't salbahe na kung makatingin ay buwitre parang lalapain ang babae buti't M.R.T.'y may paalala na doon ay ipinaskil nila Safe Spaces Act, tandaan mo na sa text, facebook, saanmang lugar pa bawal ang pambabastos talaga salamat sa M.R.T. sa paskil paalalang dapat magsitigil ang sa social media'y nanggigigil sa M.R.T. mismo'y di magpigil sa kanilang libog, dagta't pangil nais natin ng espasyong ligtas kung saan wala nang mandarahas mandarambong, trapong sukab, hudas kundi lipunang pantay, parehas na namumuhay tayo ng patas - gregoriovbituinjr. 03.26.2022 * litratong kuha ng makatang gala habang nag-aabang ng tren sa M.R.T.

Ang takot sa debate

Imahe
ANG TAKOT SA DEBATE di kayang makipagdebate ng utak-diktador magdikta lang ang alam ng kupal na horrorable sasapitin ng masa sa kanila'y pulos trobol anong gusto'y gagawin, que barbaridad, que horror di kayang makipagdebate nilang mga kupal na nasanay mamuno sa paraang diktaduryal tulad ng kanilang amang sa bayan ay garapal naku! kawawa ang bayan pag sila ang nahalal! dahil sa debate makikita kung sino sila kung karapat-dapat ba silang mamuno sa masa subalit kung laging absent sa debate, alam na aba'y mahahalata ang pagiging bugok nila dahil maging diktador ang alam sa pamumuno gayong ayaw ng tao sa ganyang klaseng pinuno bentador ng bayan, berdugo ng masa, hunyango di dapat iboto ang ganyang sukab at palalo - gregoriovbituinjr. 03.25.2022

Pusang himbing

Imahe
PUSANG HIMBING tinitigan ko ang pusang iyon sa pagkahigang parang nilulon ng animo'y dambuhalang dragon sa bayang paglaya'y sinusulong pusang buntis na himbing na himbing baka pagod, mamaya gigising pag kumagat na ang takipsilim muli'y maghanap ng makakain himbing sa ilalim ng sasakyan tila malalim ang panagimpan ano kayang kanyang pakiramdam? himbing sa panahong kainitan nahimbing dahil sa pagkabusog? pagkakain ay agad natulog? napagod sa pagpanhik-panaog? nanaginip kasama ang irog? katanghaliang tapat umidlip ang pusang buntis na di malirip pabiling-biling, anong nalirip? kuting sana'y di mahagip ng dyip - gregoriovbituinjr. 03.26.2022

Tatak sa kamiseta

Imahe
TATAK SA KAMISETA tila poster ang sa t-shirt tatak na talaga kang mapapalatak di man nahihili'y nagaganyak na magsuot din ng gayong gayak bibili ako ng t-shirt ngayon at patatatakan na rin iyon heat press daw ang tawag sa ganoon magbigay lang ng disenyo roon magplano muna bago bumili nang may maganda namang diskarte ang disenyo'y planuhing mabuti nang dama'y saya, kawili-wili sa bawat araw ay susuutin sa paanyayang iboto natin ang kandidatong talagang atin Manggagawa Naman , panalunin! - gregoriovbituinjr. 03.25.2022

Tibuyo ni Goryo

Imahe
T ÍBUYÔ   NI GORYÒ hinuhulugan ko ang tíbuyô ng tiglima't sampung pisong buô mag-iipon akong walang hintô hanggang tibuyong ito'y mapunô may baryang bente pesos ding sukat mapunong tila kaing ng duhat sa buong taon ay mapabigat baka may ginhawang maiakyat barya man ay pinag-iipunan sa tíbuyô ng kinabukasan upang sa panahong kagipitan kahit paano'y may ipon naman ganyan ang tíbuyô ng pangarap na punong-puno ng pagsisikap may mahangò sa panahong hirap may dudukutin sa isang iglap - gregoriovbituinjr. 03.25.2022 *  tíbuyô  - Tagalog-Batangas sa wikang Kastilang alkansya

Titisan

Imahe
TITISAN gumawa pang muli ng titisan o ashtray upang mapagtapunan ng upos at titis ng sinumang nagyoyosing madalas o minsan iaambag ang titisang iyon sa mga opisina - ang misyon upos at titis, ilagay doon na sa kalikasan din ay tulong salita'y itinataguyod din na may salin na sariling atin na maganda ring ating gamitin di pulos ashtray na iinglesin tulad ng tibuyo sa alkansya banoy naman para sa agila at sa iskor at tally ay para sa ashtray ay may titisan pala wikang sarili'y ipalaganap ito'y itaguyod nating ganap wikang pangmasa sa pag-uusap unawain ito't ipalasap ganito sa tulad kong makata gamit sa kalikasan at diwa itaguyod, sariling salita wika ng bayan, wika ng madla - gregoriovbituinjr. 03.25.2022

Pagsasalin ng haiku

Imahe
PAGSASALIN NG HAIKU Nakabili ako ng libro ng haiku ng makatang Hapones na si Matsuo Basho noong Abril 13, 2019 sa halagang P80.00. Nilathala ito ng Penguin Classics. Naitago ko ang librong ito at nakita muli. Binasa ko ang ilan niyang haiku na pawang salin na sa Ingles.  Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang lima niyang haiku sa paraan ding iyon na pantigang 5-7-5. Pinili ko lang ang isinalin dahil ang iba'y hindi kayang ipasok sa 5-7-5 dahil sa mahahabang salita natin. Na marahil sa wikang Hapones,  maraming salitang iisa ang pantig na pasok na pasok sa kanilang haiku. p. 28 Whiter than stones (Ang Batong Bundok) of Stone Mountain - (maputi pa sa bato -) autumn wind. (hanging taglagas.) p. 31 Where cuckoo (Nang ibong kuku) vanishes - (ay tuluyang naglaho -) an island. (ang isang pulo.) p. 38 Violets - (Ang mga lila -) how precious on (kayhalaga sa landas) a mountain path. (ng kabundukan.) p. 47 Come, see real (Halika, tingni flowers (ang bulaklak sa mundong) of this pa...

Almusal ko'y tula

Imahe
ALMUSAL KO'Y TULA madalas, almusal ko'y tula imbes kanin at pritong isda madaling araw na'y kakatha pagbukangliwayway, may tula tula muna'y aalmusalin pag nabusog ay lulutuin ang agahang talagang atin ang isda, kanin at gulayin kaya almusal pagkaluto magsasalo ang magkasuyo basta huwag lang matutuyo ang tiyan, lalamuna't puso almusal ko'y tula, madalas madaling araw pa'y pupungas pangarap na lipunang patas yaong sa diwa'y pinipitas at isusulat nang malambing tila tulog, sarap ng himbing subalit tula'y nanggigising kaya sa pagtula'y nagising - gregoriovbituinjr. 03.25.2022

Senador Luke

Imahe
SENADOR LUKE abogado ng masa, palaban mapanuri sa isyung pambayan siya'y talagang maaasahang ilaban ang ating karapatan ngalan niya'y Ka Luke Espiritu ang ating Senador ng obrero at kinatawan ng pagbabago panlaban sa dinastiya't trapo misyon ay baguhin ang sistema para sa panlipunang hustisya kalusin ang mapagsamantala pati bundat na kapitalista misyong baligtarin ang tatsulok durugin ang trapong nakasuksok sa bulsa ng negosyanteng hayok sa tubong sa likod nakaumbok trapo't dinastiya na'y sugpuin hustisyang panlipunan ay kamtin Luke Espiritu, kasangga't atin sa Senado'y ipagwagi natin - gregoriovbituinjr. 03.24.2022

Lakbay

Imahe
LAKBAY naglalakbay muli ang diwa sa naroong di matingkala na pilit kong inuunawa pagkat sanhi ng mga gatla kung saan-saan na sumakay ang diwang patuloy sa nilay sa dyip, sa tren lumulang tunay sumakay ng di mapalagay anong kahulugan ng bulok at pagbaligtad ng tatsulok dahil ba trapo'y nasa tuktok na nananalo kahit bugok bakit nga ba kalunos-lunos ang buhay ng api't hikahos saan kukunin ang pantustos kung mga dukha'y laging kapos lipunan pa ba'y aaralin? kayhaba ba ng lalakbayin? mga tulay ba'y tatawirin? at tula ba'y patatawarin? - gregoriovbituinjr. 03.24.2022

Pagdiga

Imahe
PAGDIGA O, sinta't magandang binibini diwata kang kabigha-bighani na nasa puso ko't guniguni pag-ibig mo ang sana'y maani mga matang sadyang nangungusap sana puso kong iwi'y matanggap ng diwata kong pinapangarap upang labi'y mahagkan kong ganap tanggapin mo ang rosas na ito rosas na tanda ng pag-ibig ko pulang rosas, pulang-pulang ito kulay ng kagitingang totoo tanggapin nawa yaring pag-ibig at sasaya ang ating daigdig ang OO mo'y nagpapahiwatig ng tapat kong pagsuyo't sigasig salamat sa iyo, aking sinta sinagot ako'y isang sorpresa siyang tunay, iniibig kita magkaanak sanang sandosena - gregoriovbituinjr. 03.24.2022

Kaytinding virus

Imahe
KAYTINDING VIRUS bago pa ang pandemya ng COVID ay dama na sa mundo't paligid ang virus na kaytinding pumatid ng buhay ng maraming kapatid kaytinding virus, di matugunan at di rin ito mapag-usapan dahil dukha lang ang tinamaan? at di ang mayayamang iilan? mabuti pa nga ang COVID 19 at buong mundo'y nagbigay pansin laksa'y namatay, mayayaman din walang sinino ang COVID 19 ngunit ang virus ng kagutuman na naging salot sa daigdigan pumatay ng laksang mamamayan ay di man lang napapag-usapan bakit? bakit ganyan ang naganap? dahil tinamaan ay mahirap? at di mayayamang tuso't korap? pag kagutuman, walang mangusap! subalit pagkain ang bakuna paglutas dito'y di ba makaya? dahil kapitalismo'y sistema? mapangyurak sa dangal ng masa? nalalantad ang katotohanan mayaman kasi'y di tinamaan kaya di mabigyang kalutasan ang virus: ngalan ay KAGUTUMAN! - gregoriovbituinjr. 03.24.2022 * litrato mula sa google

Sa aking daigdig

Imahe
SA AKING DAIGDIG mga tula ang aking daigdig kasama'y obrerong kapitbisig mga prinsipyado't tumitindig sa isyu't sa masa'y nananalig sa daigdig ko'y kayraming tula na kinatha para sa dalita pinagsasamantalahang dukha at mga naaping manggagawa obrero't dukha ang aking guro pakikipagkapwa ang tinuro sa api pumipintig ang puso at di sa mga trapong hunyango sa daigdig ko'y kinathang tunay ang mga tula ng paglalakbay na sa pag-iisa'y naninilay na ang paglikha ng tula'y tulay tulay ng pagkakaunawaan tulay sa hustisyang panlipunan tulay ng galangan, kagalingan at tulay sa pagkakapatiran - gregoriovbituinjr. 03.24.2022

Punyal

Imahe
PUNYAL tahimik lang daw ako na para bang dalagang basal kaya bakit tatanganan ang matalas na punyal ng mga katagang baka makasugat ng dangal subalit sa pagtula'y bakit daw napakadaldal sadyang tunay, napakatahimik ng aking pluma na madalas isulat ay pawang buntong-hininga ng masang walang makapitan kundi mga sanga ng isang punong tinawag nilang pakikibaka ako'y nananahan sa mga sugat sa balikat at binalikat ang mga sugatang nagsasalat habang patuloy ang daloy ng dugong di maampat nang manugat ang mga salitang sumasalungat kumakapit man sa punyal ang masang nasa dilim ay narito ang makatang nagbibigay ng lilim sa mga dukhang ang sugat ay matagal nang lihim na hayagang batid din ng trapong bulag at sakim kayong kapit sa patalim, sa punyal, sa balaraw magkapitbisig upang putlin ang gintong pamangaw na pinulupot sa atin upang tayo'y maligaw tayo'y magsikilos tungong paglaya balang araw - gregoriovbituinjr. 03.23.2022

Sama-samang pagkilos

Imahe
SAMA-SAMANG PAGKILOS may kakamtin din tayo sa sama-samang pagkilos upang mawakasan ang sistemang mapambusabos upang makaalpas sa buhay na kalunos-lunos upang guminhawa ang buhay ng kapwa hikahos walang manunubos o sinumang tagapagligtas ang darating, kundi pagkilos, samang-samang lakas maghintay man tayo, ilang taon man ang lumipas kung di tayo kikilos, gutom at dahas ang danas mga kapwa api, kumilos tayong sama-sama at iwaksi na ang  mapagsamantalang sistema kaya nating umunlad kahit wala ang burgesya na sa masa'y deka-dekada nang nagsamantala kapara nati'y halamang tumubo sa batuhan na di man diniligan, nag-aruga'y kalikasan tulad ng mga dahong sama-samang nagtubuan kumilos tayo't baguhin ang abang kalagayan sa sama-samang pagkilos, tagumpay ay kakamtin ito'y katotohanang sa puso't diwa'y angkinin dudurugin ang sistemang bulok, papalitan din ng makataong lipunang pinapangarap natin - gregoriovbituinjr. 03.23.2022

Dagok

Imahe
DAGOK sumasagad ang dagok sa masang nangalugmok pagkat sistemang bulok namayagpag sa tuktok hawak man ng burgesya sa kamay ang pistola di magawa sa masa ang pag-unlad na nasa mapagpanggap na trapo hunyangong pulitiko kapitalistang tuso donyang maluho't garbo ang mga trapong bugok sa bulsa nakasuksok ng mayayamang hayok sa perang di malunok dukha'y sisinghap-singhap buhay aandap-andap kahit na nangangarap makaalpas sa hirap dagok sa pagkatao ang sistemang ganito pagkat walang prinsipyo o pagpapakatao - gregoriovbituinjr. 03.23.2022

Paglalayag

Imahe
PAGLALAYAG ako'y naglayag sa nakaraan baka mapulot ko'y kaalaman at pinag-aralan ang lipunan pati na ang ating kasaysayan ano bang ginawa ng ninuno? sa tinawag na lupang pangako? sila ba sa dayo'y narahuyo? mayroon bang lipunang pangako? ako'y naglakbay sa nakalipas upang hanapin ang mga bakas ng mga pinunong pumarehas at nangarap ng lipunang patas ang bukas ba'y paano inukit at hinanda ng may malasakit anong kinabukasan ng paslit sa sistemang laksa'y pinagkait sa nakaraan ako'y naglayag nakitang bayani'y nangabihag buhay pa'y nilagot, di naduwag landas natin, kanilang pinatag nang bumalik sa kasalukuyan pasya'y ituloy, kanilang laban itayo ang patas na lipunan at sistemang bulok ay palitan - gregoriovbituinjr. 03.23.2022

Kaalaman

Imahe
KAAL AMAN bakit aaralin ang lipunan at kalagayan ng kalikasan anong nais nating matutunan nang umunlad pa ang kasanayan malaking tulong ang pagbabasa at pakikipamuhay sa masa batid ang isyu't problema nila at dahilan ng pakikibaka kahit pa tumatanda na tayo mag-aral pa rin upang matuto magbasa-basa tayo ng libro kaalaman, lipunan, prinsipyo anong bago sa teknolohiya anong nangyari, bakit may gera kapayapaan ay paano na anong kasanayang marapat pa tatanda tayong di pulos alak ang laman ng tiyak o ng utak di papayag gumapang sa lusak dahil tingin sa sarili'y hamak paunlarin natin ang sarili ang lahat ay di pa naman huli sa lipunang ito nga'y kasali tumanda man, tayo pa'y may silbi - gregoriovbituinjr. 03.23.2022

Pagpapahalaga

Imahe
PAG PAPAHALAGA nasingit man kasama ng iba aba, ito'y napakahalaga kahit singit man, siya'y nakita ng publiko, ng madla, ng masa kandidato'y di naman mayaman kaya tarpolin niya'y iilan habang mga trapong mayayaman tambak ang tarpolin sa lansangan paramihan nga ba ng tarpolin? yaong labanan sa bansa atin? sinong makita'y panalo na rin? wagi ba'y ang maraming tarpolin? pagbutihin natin ang ganito kahit isa'y isingit sa tatlo o itabi sa dalawa, pito isa man, ipagitna sa walo pasalamat din tayo sa madla at naisisingit din ang sadya pambatong may dakilang adhika para sa manggagawa't sa bansa - gregoriovbituinjr. 03.22.2022

Paskil ng trabaho

Imahe
PASKIL NG TRABAHO sa isang gusaling di pa tapos ay nakapaskil ang panawagan trabaho para sa mga kapos at obrerong nangangailangan factory worker ang hinahanap saan? pabrika kaya ng tela? o elektroniko ang hagilap? trabahong malaki ba ang kita? ako ma'y nagbabakasakali upang makatanggap din ng sahod sa pabrika'y magtrabaho muli kaysa buhay na ito'y hilahod baka magkaroon ng dignidad upang bumuhay at magkabuhay ngunit lampas na ako sa edad sa rekisitos na ibinigay ako'y isang dating manggagawa na trabaho'y sa elektroniko at ngayon ay lider-maralita naglilingkod sa dukha't obrero - gregoriovbituinjr. 03.22.2022

A Walk for Ka Leody...

Imahe
A WALK FOR KA LEODY, WALDEN, AND THEIR LINE UP IS A WALK FOR CLIMATE JUSTICE 4.22.2022 (Earth Day) 7am-12nn from Bonifacio Monument in Caloocan to Bantayog ng mga Bayani in QC to People Power Monument in Mandaluyong with Poetry Reading of Tagalog poems Concept: This activity is a walk and awareness campaign which will be held on Earth Day, 4.22.2022, for our candidates less than three weeks before the May election. Presidential candidate  Ka Leody de Guzman  joined us during our Climate Walk from Luneta to Tacloban in 2014, a year after supertyphoon Haiyan, popularly known as Yolanda, landed in the Philippines that killed more than 5,000 people. Ka Leody also spoke about climate emergency and also calls for climate justice. Vice Presidential candidate Walden Bello is an internationally known activist who has written many topics on economy and ecology. Candidates for Senator Atty. Luke Espiritu and the two known environmentalist Roy Cabonegro and David D'Angelo is also knowledg...

Sa Timog-Katagalugan

Imahe
SA TIMOG-KATAGALUGAN nagpapatuloy ang kampanyahan doon sa Timog-Katagalugan upang maipagwaging tuluyan ang kandidato sa panguluhan maipanalo si Ka Leody ng masang ating kinukumbinsi lalo sa mga bagong botante na sa bagong pulitika'y saksi kahit tumatagaktak ang pawis ang ikinakampanya'y malinis walang korupsyon o bahid-dungis ngunit magaling makipagtagis anti-dinastiyang pulitikal anti-trapo at anti-kriminal anti-burgesya't anti-pusakal ang sistema nga'y kanyang inaral line-up niya'y ating ipanalo sa pagka-Bise'y si Walden Bello bilang Senador: Luke Espiritu, Roy Cabonegro, at D'Angelo doon sa Timog-Katagalugan sigaw namin: Manggagawa Naman P.L.M. partylist, atin iyan para sa uri, para sa bayan - gregoriovbituinjr. 03.21.2022 World Poetry Day

Pasasalamat

Imahe
PASASA LAMAT salamat sa lahat ng dumalo sa World Poetry Day ngayon dito pagkat nagtulaan tayo-tayo sa munting aktibidad na ito kasama ang mga maralita na talaga kang mapapahanga pagkat sila'y nakisamang sadya sa pagbabasa ng mga tula tula'y binasa ng malumanay iba'y binasa iyong kayhusay binigkas nilang buhay na buhay kaya taos kaming nagpupugay matapos iyon ay nagmeryenda mani, pandecoco, ensaymada may saging, kanin, pritong isda pa lahat kami'y umuwing masaya muli, taospusong pasalamat sa mga dumalo rito't sukat sa World Poetry Day, aktibidad natin tungo sa lipunang sapat - gregoriovbituinjr. 03.21.2022 * salamat sa mga dumalong maralita mula sa komunidad ng Brgy. San Miguel at Brgy. Palatiw sa Lungsod ng Pasig

Pagtula

Imahe
PAGTULA di napuntahan ang toreng garing upang magsanay maging magaling ngunit napunta sa magigiting na bayaning may mabuting supling isinilang akong walang-wala sa daigdig na puno ng sigwa binigay ko ang lahat sa tula dito ako dinala ng mutya na kilalang Musa ng Panitik na haraya'y tigib, liglig, siksik na binungang diwa'y sadyang hitik upang itula ang masa't hibik patuloy ako sa paglalakbay tinawid yaong bundok at tulay at nilangoy ang laot ng malay ay patuloy sa pagkatha't pakay hanggang mailarawan sa akda ang pinagsamantalahang dukha at mga naaping manggagawa dahilan sa sistemang kuhila dahon ng kalikasa'y naluoy di magawang pakuya-kuyakoy paa ko'y lumubog sa kumunoy subalit sa pagtula'y patuloy - gregoriovbituinjr. 03.21.2022 World Poetry Day

Pagtula

Imahe
PAGTULA di napuntahan ang toreng garing upang magsanay maging magaling ngunit napunta sa magigiting na bayaning may mabuting supling isinilang akong walang-wala sa daigdig na puno ng sigwa binigay ko ang lahat sa tula dito ako dinala ng mutya na kilalang Musa ng Panitik na haraya'y tigib, liglig, siksik na binungang diwa'y sadyang hitik upang itula ang masa't hibik patuloy ako sa paglalakbay tinawid yaong bundok at tulay at nilangoy ang laot ng malay ay patuloy sa pagkatha't pakay hanggang mailarawan sa akda ang pinagsamantalahang dukha at mga naaping manggagawa dahilan sa sistemang kuhila dahon ng kalikasa'y naluoy di magawang pakuya-kuyakoy paa ko'y lumubog sa kumunoy subalit sa pagtula'y patuloy - gregoriovbituinjr. 03.21.2022 World Poetry Day

Ngayong World Poetry Day

Imahe
NGAYONG WORLD POETRY DAY nakatulala sa tala sa tulay nakakatula ng tulang palabang diwa may tula'y subok sa sigwa halina't tula'y ibigkas sa ating munting palabas sana'y may lipunang patas nasa'y lipunang parehas World Poetry Day na ngayon pangarap pa ring sumulong sa hamon ay di uurong sa laban man ay sumuong tara, tayo'y magsikatha ng tulang nasasadiwa paksa ma'y para sa dukha o sa uring manggagawa diona, tanaga, dalit bigkasin sa maliliit karapata'y ginigiit upang hustisya'y makamit sa epiko'y isiwalat ang sa mga trapo'y banat magsusulat, magmumulat hustisya'y para sa lahat - gregoriovbituinjr. 03.21.2022

#2 Ka Leody

Imahe
#2 KA LEODY number two sa balota ang Pangulo ng masa Ka Leody, siya na pampangulo talaga Leody Manggagawa mabuti ang adhika layon niya'y dakila para sa uri't madla Ka Leody de Guzman mapanuri, palaban ang kasangga ng bayan para sa panguluhan makasaysayang takbo kandidato'y obrero bilang ating Pangulo na dapat ipanalo siya si Ka Leody ang ating Presidente kaytagal ng kakampi ng dukha, masang api kaya ang ating mithi ang siya'y ipagwagi ang Pangulo ng uri, ng bayan, at ng lahi - gregoriovbituinjr. 03.20.2022

Ka Luke Espiritu

Imahe
KA LUKE ESPIRITU si Ka Luke Espiritu hindi lang abogado siya'y lider-obrero ilagay sa Senado palaban, mapanuri prinsipyado, may mithi sa bayan at sa uri iboto't ipagwagi kasangga ng paggawa at mga maralita may mabuting adhika may layuning dakila para sa sambayanan para sa kalikasan Luke Espiritu naman ang Senador ng bayan - gregoriovbituinjr. 03.20.2022