Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Enero, 2024

Pagsuyo kay misis

Imahe
PAGSUYO KAY MISIS kung nagtampo si misis, aking susuyuin tulad ng tandang na gumiri sa inahin tulad ng leyon na leyona'y aakitin tulad ng binata sa mutyang iibigin lalabhan ko ang mga maruruming damit lulutuin ang paborito niyang pansit sa pinagkainan, ako ang magliligpit o kaya'y tititigan ko siyang malagkit hahandugan ko ng rosas at tsokolate aalayan ng tulang kaygandang mensahe ililibre ko rin siya sa pamasahe hihingi rin ng tawad kung ako'y salbahe lalambingin si misis ng buong pagsuyo upang pag-ibig niya'y di naman maglaho - gregoriovbituinjr. 01.31.2024 * litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon

Isang buwan sinagutan

Imahe
ISANG BUWAN SINAGUTAN araw-araw ko ring sinagutan ang larong Sudoku at Word Connect naglaro sa selpon, nasiyahan animo'y laban ng matitinik bawat petsa ay may bagong laro bawat araw ay may sinasagot isang buwang laro na'y nabuo sa diwa'y may buting naidulot anang doktor, ito'y maganda raw na panlaban sa Alzheimer's disease sagutan lang ito araw-araw pagkaulyanin ay maaalis tara na, laruin ang Sudoku at Word Connect, katoto't kasama sa isip ay mabuting ensayo at sa pakikisama'y maganda - gregoriovbituinjr. 01.31.2024

Pag-aralan ang lipunan

Imahe
PAG-ARALAN ANG LIPUNAN bata pa'y akin na silang kinariringgan ang payo nila'y " Pag-aralan ang lipunan!" bakit laksa'y mahirap, may ilang mayaman bakit daw di pantay-pantay ang kalagayan nang lumaki na ako't nasa kolehiyo payo nilang iyon ay nakasalubong ko kaya lipunan ay inaral kong totoo mula primitibo hanggang kapitalismo sistema'y nagbago, api pa rin ang masa naghihirap ang masipag na magsasaka sahod ng manggagawa'y kaybaba talaga salot na kontraktwalisasyon umiral pa kaya ako'y nakiisa na sa pagkilos upang mapigil ang mga kuhila't bastos pati pagsasamantala't pambubusabos natantong uring manggagawa ang tutubos kaya napagpasyahan kong makibaka rin palitan ang sistemang bulok ang layunin pagkakapantay sa lipunan ang mithiin isang magandang daigdig ang lilikhain - gregoriovbituinjr. 01.31.2024

Paalala sa kubeta

Imahe
PAALALA SA KUBETA payak lamang yaong paalala nang ako'y pumasok sa kubeta madaling maunawa ng masa ang nakasulat sa karatula huwag mong i-flush sa inodoro ang baby wipes, paper towels. tissue hygiene products at katulad nito o anumang mga basura mo upang di naman magbara roon respeto sa gagamit din doon mahirap maghigpit ng sinturon kung lalabas na'y mga naipon sa tiyan, taeng-tae na ngunit inodoro'y kayrumi, kaylagkit pag burara ang huling gumamit kadiri, dama'y magkakasakit - gregoriovbituinjr. 01.31.2024 * kuha sa isang kinainang restaurant kasama si misis

Liboy pala'y Alon; Atab ay Nipa

Imahe
LIBOY PALA'Y ALON; ATAB AY NIPA Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Habang sumasagot ng palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, isyu ng Enero 30, 2024, pahina 7, ay napatitig tayo sa dalawang katanungan, na kung hindi pa ako sasangguni sa aklat ng talasalitaan, ay hindi ko mababatid ang sagot. Mga luma, kundi man malalim o lalawiganin, ang mga salita. Sa 15 Pahalang, ang tanong ay  LIBOY , hindi libot. Apat na titik ang sagot. Upang malaman ang sagot ay sinagutan ko muna ang mga tanong na Pababa. At ang lumabas na sagot ay  ALON . Ang LIBOY nga ba'y ALON? Ngayon ko lang iyon nabatid. Sa 30 Pahalang naman, ang tanong ay  NIPA . Apat na titik din ang sagot. Marahil ay SASA. Subalit titik A ang unang letrang sagot. Hindi S. Kaya sinagutan ko muna ang mga Pababa. Ang natira ay ATA_, at hindi ko batid ang tamang sagot. ATAW, ATAG, ATAS, ATAY, ano nga ba? Kaya kailangang sumangguni sa diksiyonaryo. Tanging ATAS ang nasa Diksyunaryong Filipino-Filipino na inedit ni Ofelia E

Nang nilampasan niya ang tulay ng bahaghari

Imahe
NANG NILAMPASAN NIYA ANG TULAY NG BAHAGHARI naaalala ko pa rin ang katoto't kauri nilampasan na niya ang tulay ng bahaghari sa kabaitan niya'y di pa ako nakabawi kapara ko, lipunang makatao'y kanyang mithi sa dulo raw ng bahaghari ay may mga ginto subalit ang aking natanaw ay isang kulambo nang namayapa'y di lamukin sa nasabing dako ngunit malikmata lang pala't kulambo'y naglaho tanging alaala na lang ng mga nakalipas naming pinagsamahan ang sa diwa'y naglalandas pinangarap naming likhain ay lipunang patas at nagsikilos upang kamtin ang magandang bukas maraming salamat, katoto ko, sa iyong gabay noong hinahanap ko ang landas patungong tulay ng paglilingkod sa masa, doon tayo pinanday nawala ka man, mithi'y itutuloy naming tunay - gregoriovbituinjr. 01.30.2024 * litrato mula sa google

Ikaw

Imahe
IKAW (tula ng isang Palestino) na umagaw ng aking tubig na nanunog ng aking punong oliba na gumiba ng aking tahanan na tumangay ng aking trabaho na nagnakaw ng aking lupain na nagpiit sa aking ama na pumaslang sa aking ina na binomba ang aking bansa na gumutom sa aming lahat na pinahiya kaming lahat subalit ako pa ang sinisisi sa aking paghihimagsik * malayang salin ni gregoriovbituinjr. 01.30.2024 * ang orihinal na tula at litrato ay makikita sa kawing na:  https://www.linkedin.com/posts/kshabir_freepalastine-activity-7131249720181579776-sfOa

Palaisipang numero

Imahe
PALAISIPANG NUMERO D.L . sa Roman numeral agad kong tugon sa pinag-plus na kapwa C.C.L.X.X.V. pagkat two-hundred seventy five times two iyon na sinagot ko naman ng five hundred fifty kaysayang may adisyon sa palaisipan na sadya namang ikaw ay mapapaisip buti't Roman numeral ay napag-aralan upang makatugon sa di agad malirip ah, sana'y marami pang krosword na ganito na di lang tulad ng paboritong sudoku may adisyon, subtraksyon, o ekwasyon ito dahil talagang hamon sa kakayahan mo sa ganyang krosword, ako'y nagpapasalamat pagkat ang diwa'y ginigising, ginugulat - gregoriovbituinjr. 01.29.2024 * palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 29, 2024, pahina 11

Hindi naman free of charge

Imahe
HINDI NAMAN FREE OF CHARGE Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. May isa kaming kinainan nina misis, kasama ang kanyang pamangkin. Tatlo kami. Hindi ko na tutukuyin kung saan ang kainang iyon, kundi litrato na lang ang ipapakita ko. Isa sa patalastas ng nasabing kainan ay ito:  NO RECEIPT - The FOOD is FREE"  na nakadikit sa bawat lamesa ng kainan. Wow! Libre raw ang kinain mo pag walang resibo. Para hindi ka mabigyan ng resibo, dapat munang magbayad ka. Paano kang isyuhan ng resibo kung hindi ka magbabayad? Maliwanag din itong nakasulat sa isa pang nakahilig na patalastas sa lamesa:  "REMINDER: IF THE CASHIER DID NOT ISSUE RECEIPT UPON PAYMENT,  YOUR FOOD WILL BE FREE OF CHARGE."  Pambobola, di ba? Pag nagbayad ka, nakuha na nila ang pera mo. Hindi ka lang nabigyan ng resibo, libre na agad kinain mo, eh, nagbayad ka na! Saan ang libre doon? Wala. Ngayon ko lang naalala na ako ang nagbayad sa cashier ng kinain namin, subalit walang iniabot na resibo sa akin

Patutunguhan

Imahe
PATUTUNGUHAN nais kong magtungo / sa pinapangarap mabago ang buhay / na aandap-andap ang bawat kahapo'y / di na malalasap kaya tutunguhi'y / yaong hinaharap kaya naglalayag / akong taas-noo at nakikibaka / ng taas-kamao nakikipamuhay / sa dukha't obrero habang tinangana'y / yakap na prinsipyo patutunguhan ko'y / masukal na gubat na siatemang bulok / sa masa'y ilantad na kapwa't kauri / sa isyu'y imulat saanmang lunan pa / sila namumugad kaya heto ako, / di nakalilimot harapin ang unos, / labanan ang buktot iunat, ituwid / ang mga baluktot at purgahin yaong / tiwali't kurakot pangarap itatag / ang sistemang pantay walang nang-iisa't / kaapihang tunay dapat lang kumilos / upang mapalagay yaring diwa't loob, / bansa'y mapahusay - gregoriovbituinjr. 01 28 2024 * litrato kuha ni misis habang ako'y naglalakad

Anim na libreng libro

Imahe
ANIM NA LIBRENG LIBRO Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Enero 27, 2024 ng gabi, bago kami lumuwas papuntang Cubao galing Benguet ay dumaan muna kami ni misis sa isang tindahan ng aklat sa Baguio, kung saan ninang namin sa kasal ang may-ari niyon.  Sabi ko kasi kay misis, dumaan muna kami roon dahil may mga aklat pampanitikan  na doon ko lang nakikita. Noon kasi'y may nabili na ako roong tatlong aklat-pampanitikan. Nakabili ako noon sa staff ni ninang, na nagsabi sa akin, "Ang ganda naman ng mga napili mong libro, Sir." Binigyan pa niya ako ng discount. Pagdating namin ni misis sa book store, kumustahan muna sila ni ninang. Ako naman ay tumingin-tingin na ng libro. Maya-maya, lumapit sa akin si ninang at ibinigay ang aklat na  "Minutes of the Katipunan"  at ang sabi kay misis, "Tiyak magugustuhan ito ng asawa mo." Wow! Alam niyang mahilig ako sa usaping kasaysayan. Maraming salamat po, ninang! Tapos ang sabi niya sa amin ni misis, kuha

Hindi titikom

Imahe
HINDI TITIKOM hindi titikom ang aking pluma sa pagsulat ng isyu ng masa, obrero, babae, magsasaka nang mabago'y bulok na sistema hindi titikom ang aking bibig upang mga api'y bigyang tinig mga isyu nila'y iparinig sa sana'y marunong ding makinig mata't tainga ko'y hindi titikom upang itala ang isyu ngayon upang mga dukha'y makaahon sa luha't dusa'y hindi makahon titikom lang ang aking kamao upang ipagtanggol ang bayan ko hustisya't karapatang pantao'y ipaglalaban nating totoo -: gregoriovbituinjr. 01.27.2024

Naglalarong kuting

Imahe
NAGLALARONG KUTING aking binidyuhan ang naglalarong kuting habang tali'y tila kanyang kinukutinting kaysarap masdan, animo'y naglalambitin gutom? kagat ang tali, akala'y pagkain? higit isang buwan na ang nakalilipas nang ang inahing pusa siya'y inilabas mula sa sinapupunan, siya'y katumbas ng sanggol na pinasususo pa ng gatas ah, sige, kuting, maglaro ka muna riyan habang ikaw naman ay aming pagmamasdan paglibangan mo muna ang kapaligiran habang ina mo'y pagkain ang hanap naman nawa sa mga bitag ay di ka mahulog nawa'y lumaki kang malakas at malusog nang misyon mo sa mundo'y iyong maihandog nang mapaminsalang daga'y iyong madurog - gregoriovbituinjr. 01.26.2024 * mapapanood ang bidyo sa:  https://www.facebook.com/reel/777808437706386

Fr. Oscar Ante: Pari, Guro, Kaibigan

Imahe
FR. OSCAR ANTE, PARI, GURO, KAIBIGAN Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Enero 19, 2024 nang ibinalita sa akin ni kasamang Thorvix na namatay na si Father Oca, o  Fr. Oscar Ante, OFM , na matagal ko ring nakasama sa simbahan sa Bustillos. Dalawa ang simbahan sa Bustillos St., sa Sampaloc, Maynila. Ang malaki ay ang Our Lady of Loreto Parish, at ang maliit ay ang St. Anthony Shrine, na kilala ring VOT. Natatandaan ko pa ang nakasulat sa kisame ng St. Anthony Shrine: Devs Mevs Et Omnia. Walking distance lang ito sa aming bahay. Hayskul pa lang ako'y aktibo na sa simbahan. Noong 1984 ay ipinasok ako ng aking ama, na kasapi ng Holy Name Society, sa tatlong araw na live in seminar na CYM (Catholic Youth Movement) sa Loreto Parish. Pinangasiwaan ang seminar na iyon ng Holy Name Society. Matapos iyon ay napasama na ako sa Magnificat choir, na umaawit tuwing Linggo sa Loreto church, na pawang mga taga-Labanderos Street ang kumakanta. Subalit sa kalaunan ay sa St. Anthony Sh

Rambol

Imahe
RAMBOL app game na Word Connect ay kaysarap laruin sa panahong pahinga muna sa gawain; ang nirambol na letra'y iyong bubuuin upang maging salitang madalas gamitin pamparelaks ng isip ang nasabing laro ramdam mo man ay lumbay, dusa't pagkabigo magkonsentra lang, matatanggal ang siphayo tatalas ang diwa't kaysaya pag nabuo COURSE  at  SOURCE , parehong bilang, parehong titik CAUSE  at  SAUCE , saguting walang patumpik-tumpik AVAILS  at  SALIVA , kaya mong walang imik TIDE ,  DIET ,  EDIT  ang sagot ng matalisik mga nirambol na titik pag nabuo mo ay mahahasa ang iyong bokabularyo pasensya na't Ingles ang salitang narito ngunit nakakatuwa pag nilaro ito - gregoriovbituinjr. 01.25.2024

Manhik-manaog

Imahe
MANHIK-MANAOG bata pa'y manhik-manaog na sa hagdanan ng matandang bahay kaya gulat si Tatang huwag raw maglaro roo't baka masaktan bilang paggalang, ako naman ay nakinig yabag ko'y kaylakas na kanyang naririnig baka madulas ay masungaba't manginig subalit madalas ay makulit talaga dulot ng manhik-manaog ay ibang saya ganyan kami kalilikot noong bata pa may labindalawang baytang nang binilang ko ang tinatapakan at tinatakbo-takbo nang nangyari'y di inaasahang totoo pag tingnan ang hagdanan ay sadyang matayog nang ako nga'y nadulas at ulo'y nauntog nagkabukol dahil sa pagmanhik-manaog - gregoriovbituinjr. 01.25.2024

Pangarap

Imahe
PANGARAP nais kong muling makapag-aral kursong pagluluto ng almusal kursong hinggil sa pangangalakal kursong kahit di pamprupesyunal pag-aayos ng sirang sasakyan paggawa ng bahay o tahanan maging inhinyero'y paghusayan maging working student minsan man nagtrabaho akong makinista sa metal press noon sa pabrika ngunit ako'y nag-resign talaga nang sa kolehiyo'y mag-aral na may kurso ako noon: B.S. Math ngunit kay-agang nag-pultaym agad upang masa't uri ay imulat at sistemang bulok ay ilantad di sapat ang magbasa ng libro o tumambay sa aklatan dito pasya ko'y mag-aral muli ako at makapagtapos nang totoo - gregoriovbituinjr. 01.25.2024

Samboy Lim, idolong Letranista

Imahe
SAMBOY LIM, IDOLONG LETRANISTA Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Isa ako sa mga nalungkot sa pagkamatay ng aking idolong basketbolista na si  Avelino "Samboy" Lim Jr.  Nitong Disyembre 23, 2023 ay namatay si idol sa gulang na 61.  Sa loob ng apat na taon ko sa hayskul (wala pang K-12 noon) ay nakita ko nang personal at napanood ang mga laban nina Samboy Lim sa Rizal Memorial Colisuem, na siyang palagiang venue noon ng NCAA (National Collegiate Athletic Association), kung saan magkakaribal sa liga ang Letran, San Beda, Mapua, San Sebastian, Jose Rizal College, at di ko na matandaan ang iba pa. Matapos ang mga aralin mula ikapito ng umaga hanggang ikatlo ng hapon, magtutungo na ako sa Letran gym upang doon tumambay. May anim na basketball court doon - isang full court na siyang pinaglalaruan ng mga atleta, at apat na half court sa gilid, tigalawa magkabila, subalit magkatapatan din. Hihiram kami ng bola sa janitor kapalit ng ID. At matapos maglaro kaming magka

Pagkain ng buhay-Spartan

Imahe
PAGKAIN NG BUHAY-SPARTAN kapag wala si misis, balik sa buhay-Spartan pagkat bilang aktibista, ito'y nakasanayan kaya wala munang masarap na pananghalian kundi ang naisipa'y pagkaing pangkalusugan sibuyas, bawang, kamatis, at talbos ng kamote pampalakas ng katawan, ganito ang diskarte pawang mga gulay, prutas, isda, at walang karne kahit sa kapwa tibak, ito'y munti kong mensahe mahirap man ang buhay-Spartan na binabaka ang bulok na sistema't mga pagsasamantala dapat handa't malakas sa pagharap sa problema lalo't asam itayo ang lipunang makamasa mga payak na pagkain ngunit nagpapalakas ng diwa't katawan, paghahanda sa bagong bukas - gregoriovbituinjr. 01.24.2024

Ang aklat-pangkalusugan nina Doc Willie at Liza Ong

Imahe
ANG AKLAT-PANGKALUSUGAN NINA DOK WILLIE AT LIZA ONG Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Kayganda ng nabili kong aklat-pangkalusugan. May pamagat itong  "Sakit sa Puso, Diabetes at Tamang Pagkain"  na Payo Pangkalusugan na inakda nina Doc Willie Ong at Doc Liza Ong. Nagkakahalaga ito ng P200 na nabili ko nitong Enero 23, 2024, sa ikalawang palapag ng National Book Store sa Gateway, Cubao. Binubuo ng 112 pahina, na ang naka-Roman numeral ay 7 pahina (na binubuo ng Pamagat, Publishers' Corner, Nilalaman, Paunang Salita), habang ang talagang teksto ay umaabot ng 105 pahina. May dalawa pang aklat na ganito rin, na kumbaga'y serye ng aklat-pangkalusugan ng mag-asawang Ong. P200 din, subalit hindi ko muna binili. Sabi ko sa sarili, hinay-hinay lang. Pag nakaluwag-luwag ay bibilhin ko rin ang dalawa pang aklat nila upang makumpleto ang koleksyon. Sa Paunang Salita, binigyang-pansin ni Mr. Miguel G. Belmonte, presidente ng pahayagang The Philippine Star at tablo

Nilay

Imahe
NILAY nakatingalang muli sa kisame naglalaro ang diwa ngayong gabi sa loob ay kayraming sinasabi bakit di sa una ang pagsisisi kaharap ay kawalan, nalulumbay tila nahihibang, di mapalagay ang mga nangyari'y di mapag-ugnay samutsari, bagay, gabay, antabay ano kaya't magkape muna kita? bagahe'y ibaba pansamantala saan patungo sa kamakalawa? pagkakape nga ba'y nagpapakaba? mas nais ko pang titigan ang langit habang nasa katreng lumalangitngit sa diwa'y may kung anong humaginit animo'y palasong may dalang lupit - gregoriovbituinjr. 01.23.2024

Pagbigkas ng tula sa rali

Imahe
PAGBIGKAS NG TULA SA RALI ah, patuloy akong bibigkas ng tula sa rali pagkat kayraming isyu ng masa'y dapat masabi kahit makasagasa man nang walang pasintabi ay tutula ako ng walang pag-aatubili nang sa uring manggagawa't masa'y makapagsilbi pagkat wala rin akong ibang entabladong alam kundi sa mga pagkilos ng masa sa lansangan  wala ring toreng garing na sana'y mapupuntahan kundi sa lupang dahop sa anumang karangyaan upang ipagtanggol ang pinagsasamantalahan pagpupugay sa lahat ng makatang mambibigkas na tila mga apo nina Batute't Balagtas habang atin namang tinatahak ang wastong landas tungo sa asam na pagtatag ng lipunang patas - gregoriovbituinjr. 01.22.2024

Ang paghuhugas ng pinggan ay panahon ng pagkatha

Imahe
ANG PAGHUHUGAS NG PINGGAN AY PANAHON NG PAGKATHA may napansin sa sarili / kung paano ba kumatha na habang nasa lababo, / may biglang nasasadiwa doon ay napagtanto ko / yaong karanasang sadya: ang paghuhugas ng pinggan / ay panahon ng pagkatha kaya ginawa kong misyon / sa buhay at sa tahanan na ako ang maghuhugas / ng aming pinagkainan araw, tanghali at gabi / ay tungkulin ko na iyan na panahong kayrami kong / mga napagninilayan mga karaniwang bagay, / mga samutsaring isyu ang laban ng maralita, / babae, uring obrero may tula sa kalikasan, / sanaysay, pabula't kwento tula sa diwatang sinta, / nobela kong pinaplano aba, minsan din talaga / sa lababo tumatambay at pagkatapos maghugas / ay isulat ang nanilay - gregoriovbituinjr. 01.22.2024 * ang bidyo ay mapapanood sa kawing na:  https://fb.watch/pLYFsB1gQf/

Sa daigdig ng salita

Imahe
SA DAIGDIG NG SALITA sa daigdig ng salita ay naroong nagmakata at pinapaksa ng tula: lumbay, libog, lansa, luha pag-ibig ay iniluhog sa diwatang maalindog nagpatuloy sa pag-inog ang mundo ng magsing-irog pangungusap na masidhi''y may simuno't panaguri huwag sanang magkamali sa pang-abay at pang-uri sana'y puno ng pag-ibig ang salita ng daigdig labanan ang manlulupig at sa prinsipyo'y tumindig - gregoriovbituinjr. 01.21.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect

Bawal ang marupok

Imahe
BAWAL ANG MARUPOK katulad ng pag-ibig ay bawal ang marupok na kapag walang tubig sa apoy matutupok ang daan ay matagtag parang mga problema kaya magpakatatag ka sa buhay tuwina halimbawa'y upuan kailan ba tatayo upang tingnan ang bayan sa hiwa ba'y nagdugo gawin mo anong tama nang magalak ang madla - gregoriovbituinjr. 01.20.2024

Gripo sa galon ng tubig

Imahe
GRIPO SA GALON NG TUBIG tinaob lang ang galon, nilagyan ng gripo di na kinailangan ng dispenser nito aba'y halimbawa ng ingenuity ito na ating maipagmamalaking totoo di man malamig, pag ikaw ay hinihingal o sa mahabang gawain ay napapagal pindutin, baso'y isahod para sa mahal sandali lamang at uhaw na'y matatanggal  - gregoriovbituinjr. 01.20.2024 * ang bidyo ay mapapanood sa kawing na:  https://fb.watch/pLYhTucuoe/

Bard

Imahe
BARD si William Shakespeare ang Bard of Avon ng England si Robert Burns ang national bard ng Scotland iyang bard pala'y makata ang kahulugan kapara'y Batute't Balagtas nitong bayan noo pa'y pangarap kong maging tulad nila tula'y tularan, tula ang tulay sa masa pawang tula ang bawat kong pangungumusta at binibigkas sa rali't pakikibaka bilang manunula ay kumikilos ako para sa hustisya't karapatang pantao laban sa pang-aapi at pang-aabuso upang itayo ang lipunang makatao pagbabago ng sistema'y paksa't pananaw uring manggagawa't dukha'y prinsipyong litaw ah, nawa'y makilala ring bard balang araw at maramdaman iyon bago pa pumanaw - gregoriovbituinjr. 01.20.2024 * litrato mula sa app game na Word Connect

Inaantok na

Imahe
INAANTOK NA sa pagkapagod, inaantok din dama ko agad, di man sabihin iidlip muna kahit sandali upang sa lakas ay makabawi napapapikit ang mga mata sadyang nais makapagpahinga di na maimulat ang talukap habang may ginhawang hinahanap mamaya lang ay mananaginip may saya't lungkot na di malirip na makikita muli ang mutya suliranin ay di mahalata malulutas ang maraming bakit magpahinga lang muna't pumikit - gregoriovbituinjr. 01.19.2024 * ang bidyo ay mapapanood sa kawing na:  https://fb.watch/pLYcrV034v/

Pagpapainom ng gatas

Imahe
PAGPAPAINOM NG GATAS habang wala ang talagang ina ay may nag-aalaga sa tatlo may gatas na sinususo sila upang lumakas silang totoo nag-aalaga'y parang ina rin habang nagpalahaw at ngiyawan ang bagong silang na tatlong kuting na nanay nila'y nasa galaan kinanlungan nila'y munting kahon doon na nagbanig at humiga gatas muna't di pa makalamon mahirap iwan, di makagala kaysarap dinggin ng mga ngiyaw na talagang umaalingawngaw - gregoriovbituinjr. 01.19.2024 * ang bidyo ay mapapanood sa kawing na:  https://fb.watch/pLY9RCliuZ

Napaidlip

Imahe
NAPAIDLIP napaidlip ako sa pagsusulat ng paksang halos di ko madalumat diwa ba'y natutuyo't nagsasalat nagdurugo ang utak, di maampat ang mata ko'y di basta maimulat pagkat ramdam ng katawan ay puyat sa pagsusulat man, dapat mag-ingat lalo't daliri ko'y namumulikat - gregoriovbituinjr. 01.19.2024 * ang bidyo ay mapapanood sa kawing na:  https://fb.watch/pLY7LIrLkO/

Hapunan bago maglakbay

Imahe
HAPUNAN BAGO MAGLAKBAY kumain at tiyan ay busugin at kayhaba pa ng lalakbayin ngayong gabi pagkat tutunguhin ay malamig na bulubundukin si misis ay aking sasamahan sa tatlong araw din na lakaran ibang landas, ibang tutulaan isang pakikipagsapalaran magba-bodyguard muna kay misis utusan na kilos ay mabilis nagpakabusog bago umalis ulam: sardinas, itlog, kamatis ah, di ako dapat mahiwalay kaya kasama sa paglalakbay tutulog sa bus, magpahingalay doon loob ay mapapalagay - gregoriovbituinjr. 01.18.2024

Pamantayan

Imahe
PAMANTAYAN sabi ko, magsulat ng magsulat lang dami ng like ay di ko pamantayan pag ginawa kong pamantayan iyan pag walang like ay baka magtampo lang tanong nila sa akin ay ganito: bakit ba walang nagla-like sa post mo bakit like mo, isa, dalawa, tatlo gayong mga post mo nama'y seryoso may nagla-like naman, bigla kong kabig lalo't tungkol sa lovelife o pag-ibig ngunit sa tula ko'y di kinikilig pagkat di naman sikat yaring tinig mag-post lang ako'y ikinatutuwa pagkat mayroon akong bagong katha sakaling may mag-like doon o wala pasalamat pa rin ako sa madla - gregoriovbituinjr. 01.18.2024