Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Pebrero, 2025

Panaginip at alalahanin

Imahe
PANAGINIP AT ALALAHANIN madaling araw, madilim pa ang paligid anong lamig na amihan ang inihatid nagising sa gunitang di mapatid-patid sa mata animo'y may luhang nangingilid tila nalunod sa dagat, habol hininga bunga ba iyon ng panaginip kanina o iyon ay suliraning nasa dibdib na habang sa isip may pag-asang nababasa madaling araw, nais ko muling lumipad na sa lupa mga paa'y di sumasayad tawirin ang bundok o saanman mapadpad habang natatanaw ang iba't ibang pugad tahimik, dumaang awto lang ang maingay bagamat dama sa puso ang dusa't lumbay tanging nagagawa pa'y ang magnilay-nilay at sa pagkatha ng kwento'y magpakahusay - gregoriovbituinjr. 02.04.2025

Mas makapal ang balat ng trapo

Imahe
MAS MAKAPAL ANG BALAT NG TRAPO kaytinding banat ni Pooroy sa komiks siya'y para ring environmentalist endangered na raw ang mga buwaya ngunit corrupt politicians ay di pa balat daw ng buwaya ay makapal magandang pangsapatos, magtatagal mas maganda raw ang balat ng trapo mas makapal, di pa endangered ito kung babasahin mo'y pulos patama di lang patawa, mayroong adhika ang masapol kung sinong masasapol marahil pati sistemang masahol natawa man tayo ngunit mabigat totoo sa buhay ang kanyang banat - gregoriovbituinjr. 02.03.2025 * mula sa pahayagang Remate, Pebrero 3, 2025, p.3

Resign All!

Imahe
RESIGN ALL! dalawang pangunahing pinuno, panagutin! nagbabalik sa alaala ang nakaraan nang Resign All ay isinisigaw ng mariin ng masang umaayaw na sa katiwalian noon, tanda ko pa, patalsikin ang buwaya papalit ang buwitre! kaya sigaw:  Resign All! ngayon, dalawang lider dulot sa masa'y dusa ang dapat nang panagutin ng bayan:  Resign All! badyet para sa karapatan sa kalusugan ay tinanggal umano, nilagay pang-ayuda ng mga trapong nais manalo sa halalan badyet ng bayan, ginapang daw ng dinastiya pondong milyones, labing-isang araw lang ubos pati confidential fund, di maipaliwanag sa bayan kung paano ginamit at ginastos bayan ba'y mananahimik lang? di ba papalag? papayag pa ba tayong ganyan ang namumuno? sa katiwalian na'y talamak at masahol aba'y wakasan ang ganyang klaseng pamumuno ay, ang sambayanan ba'y muling magpapabudol? - gregoriovbituinjr. 02.03.2025 * litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang rali ng sambayanan sa Edsa noong Enero 31, 2025

Maganda ang kayumanggi

Imahe
MAGANDA ANG KAYUMANGGI maganda ba ang maputi? kahit pangit ang ugali pangit ba ang kayumanggi? na kutis ng ating lahi di tayo Amerikano o kaya'y Yuropeyano tayo nga'y mga Asyano taga-Pinas na totoo kaya bakit yuyurakan ang ating balat, kabayan kahit kutis natin naman kayumangging kaligatan ang kayumanggi'y maganda lalo't dalagang morena di ang maputing artista na madrasta kung umasta sa puti'y huwag mawili lalo't mga mapang-api baka tayo ay magsisi pagsisisi'y nasa huli - gregoriovbituinjr. 02.02.2025

Ang punò ng Elena ay Ipil

Imahe
ANG PUNÒ NG ELENA AY IPIL batid ko na noong ako'y bata pa na ang puno ng Ipil ay Elena narinig ko sa nayon ng Sampaga sa Batangas, lalawigan ni ama hanggang nakita sa palaisipan nasa  Dalawampu't Apat Pahalang Punong Santa Elena 'y katanungan binilang ko, apat na titik lamang akala ko'y santo, di pala, punò aba'y  Ipil  ang agad kong nahulô buti't salitang ito'y di naglahò kaya krosword ay nasagot kong buô sa palaisipan nga'y nawiwili at utak ay nahahasang maigi nilalaro ko sa araw at gabi pag pahinga't libangin ang sarili - gregoriovbituinjr. 02.02.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 2, 2025, p.7

Paglutas sa suliranin ng bayan

Imahe
PAGLUTAS SA SULIRANIN NG BAYAN kayraming suliranin ng bayan na dapat mabigyang kalutasan kayraming masang nahihirapan pagkatao pa'y niyuyurakan habang bundat ay humahalakhak trapong ganid ay indak ng indak oligarkiya pa'y nanghahamak dukha'y pinagagapang sa lusak dinastiya'y dapat nang lipulin lalo ang oligarkiyang sakim pati trapong ang ngiti'y malagim kaya lipunan ay nagdidilim organisahin ang manggagawa sila ang hukbong mapagpalaya uri silang sa burgesya'y banta ngunit kakampi ng kapwa dukha ganyang sistema'y di na malunok ang dukha'y di dapat laging lugmok ibagsak ang mga nasa tuktok baguhin na ang sistemang bulok - gregoriovbituinjr. 02.02.2025

Ang punò

Imahe
ANG PUNÒ kaysarap pagmasdan ng punong nadaanan ang lilim niya'y pag-asang dulot sa tanan marami siyang naitutulong sa bayan malinis na hangin at bungang kailangan halina't pagmasdan ang kanyang mga ugat at tiyak, marami tayong madadalumat anya, magpakumbaba kahit umaangat anya pa, linisin ang basurang nagkalat sa ilalim ng puno'y kaysarap magpulong kasama ang dukhang sa hirap nakabaon talakayin kung paano makakaahon sa hirap o marahil ay magrebolusyon ang puno ay kapara rin ng mga tao bata pa'y inaalagaan nang totoo hanggang magdalaga o magbinata ito pitasin at kainin yaong bunga nito halina't magtanim tayo ng mga punò sa parang, sa kabundukan, saanmang dakò at diligan natin ng tubig, luha't pusò hanggang bagong kagubatan yaong mahangò - gregoriovbituinjr. 02.01.2025 * litratong kuha ng makatang gala sa isang mapunong lugar sa UP Diliman

Lakad-lakbay

Imahe
LAKAD-LAKBAY oo, lakad lang ako ng lakad kung saan-saan din napapadpad lakad lang, pagninilay ang hangad buti't di nasasagi ng awto, ng dyip, bus, trak, taksi, motorsiklo o ng anumang sasakyan dito anong hirap kung magkakapilay lalo't madalas tulalang tunay dahil sa panay na pagninilay kapara ko'y si Samwel Bilibit di naman siya Samwel Bilibid na sa Muntinlupa nakapiit aba'y lakad lang sa pupuntahan na ehersisyo na ng katawan bilin sa sarili ay: Ingat lang! - gregoriovbituinjr. 02.01.2025 * litratong kuha ng makatang gala sa lansangan palabas ng UP Diliman

Ang mga pakpak nina Daedalus at Icarus

Imahe
ANG MGA PAKPAK NINA DAEDALUS AT ICARUS kung nais mong maabot / ang langit sa paglipad iwan ang mga bagay / na sa iyo'y pabigat patibayin ang bagwis / upang sa pagpagaspas ay di masira, baka / tuluyan kang bumagsak may alamat nga noon / na batid ko pang lubos hinggil sa kanaisan / ng amang si Daedalus na gumawa ng pakpak / na talagang maayos kasama'y kanyang anak / na ngalan ay Icarus gawa ang pakpak mula / pagkit at balahibo nais nilang takasan / ang piitan sa Creto habang bilin ng ama'y / huwag taasang todo ang paglipad, sa araw / matunaw na totoo subaiit di sinunod / ni Icarus ang ama sa taas ng paglipad / ay bumulusok siya pagkat pagkit sa pakpak / ay natunaw talaga at kamatayan niya'y / natamo kapagdaka - gregoriovbituinjr. 02.01.2025 * litrato mula sa google