Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hunyo, 2025

Sa huling araw ng Hunyo

Imahe
SA HULING ARAW NG HUNYO pulos sulat di maawat pulos tulâ ang mahabâ ang pasensya habang masa ninanasa ay hustisya iyan pa rin ang gagawin tatapusin ang labahin magsasampay magninilay kahit panay  luha't lumbay diwa'y tuon sa nilayon inspirasyon yaong misyon basahin mo ang akdâ ko kahit ako ay ganito pag nahagip ang nalirip naiisip ang nasagip tapusin na ang giyera mundo nawa'y pumayapa - gregoriovbituinjr. 06.30.2025

Keychain

Imahe
KEYCHAIN tila isa na niyang pamana ang keychain na may aming larawan ito'y isang remembrance talaga na aking dapat pakaingatan gagamitin ko na rin ang susi sino pa nga bang gagamit nito? mga Mulawin ba't mga Sangre? gayong sila'y nasa ibang mundo ang keychain ay naroon sa kitchen kung pakikinggan mo'y magkatugma keychain, nasa kitchen, walang chicken sa pagtutugma'y nakatutuwa buti't itong aking diwa'y gising sa panahong kaysarap magsulat mamaya'y tiyak nang mahihimbing upang bukas muli ay magmulat - gregoriovbituinjr. 06.30.2025

Bagong gupit, bagong pagharap sa buhay

Imahe
BAGONG GUPIT, BAGONG PAGHARAP SA BUHAY pagdating sa lungsod, plano kong magpagupit tanda iyon ng bagong pagharap sa buhay semikalbo ang sa barbero ay sinambit  at ako nama'y ginupitan niyang tunay haharapin ang buhay nang wala si misis haharap sa buhay nang wala ang kabiyak hindi araw-gabing laging paghihinagpis dapat patuloy ang buhay sa tinatahak bagamat may lumbay sa kanyang pagkawala subalit minsan nga'y aking naitatanong ilang taon kaya bago muling sumigla? tulad ng puno bang taon din kung yumabong? magpapatuloy ang buhay, titindig ako haharapin anumang sigwa ang dumatal ayaw ni misis na napapabayaan ko ang sarili, salamat sa payo ni mahal - gregoriovbituinjr. 06.29.2025

Subic, sakop pa ba ng U.S.?

Imahe
SUBIC, SAKOP PA BA NG U.S.? natanggal higit tatlong dekada na ang base militar ng Amerika may panukala mga solon nila: Subic ay gawing imbakan ng bala Pilipinas ba'y kanila pang sakop? ang ating bansa ba'y bahag ang buntot? ay, tayo pa ba'y kanila pang sakop? balita itong nakabuburaot di ba't iyang base na'y pinatalsik kasama na pati ang Clark at Subic bantang digmaan ay kanilang hibik habang tayo rito'y nananahimik panukala nila'y ating tutulan halina't kumilos na, kababayan baka madamay pa ang mamamayan sa gerang di naman natin digmaan - gregoriovbituinjr. 06.29.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante, Hunyo 29, 2025, pahina 3

Lias Bridge sa NLEX

Imahe
LIAS BRIDGE SA NLEX pangitain na naman ba ito galing kaming Lias, nakita ko nang bumiyahe na galing Baguio: ang  "Lias Bridge"  at ang  "Tapat sa'yo" oo, mahal, at nakita ko yaon kinunan ko ng litrato iyon nang nasa NLEX kami kahapon ano kayang kahulugan niyon nalibing na sa Lias si mahal katapatang siya'y pupuntahan ang sa puso't diwa nakakintal sa undas at kanyang kaarawan  di lilimutin yaong pangako sa mundo man, siya na'y naglaho - gregoriovbituinjr. 06.29.2025

Alapaap

Imahe
ALAPAAP kaybilis man nitong sasakyan di matinag ang alapaap sa kanyang kinatatayuan subalit nais kong magagap arukin ang kadahilanan ng paghele ng mga ulap parang kidlat ang kamatayan na kinuha sa isang iglap kanina'y kausap mo lamang ngayon ay nawala nang ganap sanaysay kong sinulat naman ay kulang na sa pangungusap - gregoriovbituinjr. 06.29.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1HdNCfNGAo/  

Pagkatha

Imahe
PAGKATHA ang pagkatha'y kawili-wili ngunit pagbabakasakali sapagkat madalas madugo ang pinagdaanang proseso dugo't pawis ang kumakatas animo'y ritwal ng pag-utas mainit ay nangangaligkig pinagpawisan sa malamig itim na tinta'y pumupula at sa kwaderno'y nagmamantsa kayraming dukhang humihibik na parang kandilang tumirik sinulat ang dama ng api  siniwalat ang namumuni - gregoriovbituinjr. 06.29.2025

Pagbabalik sa lungsod

Imahe
PAGBABALIK SA LUNGSOD  nakabalik na sa Maynila itong pagod kong puso't diwa mula sa nayon ng diwata kong minumutya, namayapa kapayapaan sana'y kamtin ng magulong daigdig natin ng rumagasang mga talim ng nadaramang suliranin suliranin sana'y malutas sa mga hidwa makaalpas kahit sa panahong taglagas kamtin ang sa sakit ay lunas magkalunas ang karamdamang sanhi'y pait pag nalasahan dapat suriin, pag-isipan nang makamit ang kasagutan  - gregoriovbituinjr. 06.29.2025  

Pagtula

Imahe
PAGTULA tula ang tugon ko sa depresyon kung di na makatula paglaon baka ako na'y dinaklot niyon at paano na makababangon tula ng tula, anumang paksa sa paligid, isyu man ng madla tula ng tula, tula ng tula ang gagawin ng abang makata depresyon nang mawala si misis luha ko'y bumabalong na batis durog na puso na'y nagtitiis sa pagkagupiling ba'y lalabis? buti't may pagtula akong sining diwa'y kumakatha kahit himbing isusulat na lang pag nagising ang liyab at kirot ng damdamin - gregoriovbituinjr. 06.28.2025

Imortal

Imahe
IMORTAL sa akin, ikaw na'y imortal ganyan kita ituring, mahal sa puso ko, ika'y espesyal na nilagay ko sa pedestal nasa dampi ka nitong hangin nasa ulap sa papawirin akin kitang titingalain bituin sa gabing madilim di mauubos ang salita kahit maupos ang kandila imortal ka sa puso't diwa at buhay ka sa aking tula ang buti mong taglay palagi ang kaysarap hagkan mong labi ang kaygandang mukha mo't ngiti sa puso ko'y mananatili - gregoriovbituinjr. 06.24.2025 * larawan mula sa google

Nakakapanibago ang lahat

Imahe
NAKAKAPANIBAGO ANG LAHAT nakakapanibago ang lahat ay, di na pangkaraniwang araw ang araw-araw na di ko sukat akalaing lalaging mapanglaw binubuhay na lang ang makatâ ng kanyang kasipagang tumulâ na samutsari ang pinapaksa para kay misis, para sa madla kaylambing niyang ngiti'y wala na di na marinig ang kanyang tawa kayakap matulog ay wala na nilalambing-lambing ko'y wala na buti't may Taliba pa ring dyaryo na daluyan nitong tula't kwento para sa dukha't uring obrero na asahan pong itutuloy ko sa uri't bayan pa'y maglilingkod sariling wika'y itataguyod ikampanyang itaas ang sahod kahit ang sapatos ko na'y pudpod - gregoriovbituinjr 06.23.2025

Pagkakape ng sinangrag

Imahe
PAGKAKAPE NG SINANGRAG kung tapuy ay rice wine, ang  sinangrag ay  rice coffee , bigas na sinangag hanggang masunog, pinakuluan sa tubig nang maging kape naman tatak sa tasa, may sinasabi naroon ay  "This is you. This is me." nagsinangrag umaga at gabi sa sarap nito'y di magsisisi isa lamang sa natutunan ko kaysarap, nalasahang totoo panlinis pa raw ng tiyan ito pampatatag ng katawa't buto noong araw, walang gatas kundi am mula sa bagong aning palay man nabuhay rito ang kabataan kaya malalakas ang katawan maganda ang epekto sa ating kalusugan, kaygandang inumin natutunang ito'y gagamitin upang ang iba'y makainom din - gregoriovbituinjr. 06.23.2025

Dalawang tulos ng kandila

Imahe
DALAWANG TULOS NG KANDILA may dalawang tulos ng kandila sa tabi ng kanyang hinimlayan habang naritong sinasariwa ang aming mga pinagdaanan tila nakatindig lang ang apoy di makasayaw dito sa silid habang dama ko'y kapoy na kapoy at luha sa pisngi'y nangingilid tila kami ni misis ang tulos ng kandila, magkasama lagi, na balang araw ay mauupos ngunit pagsinta'y mananatili sing-init ng apoy ang pag-ibig di magmamaliw kahit maglaon na mananaig kahit malamig ay, kahit malamig ang panahon - gregoriovbituinjr. 06.21.2025     

Nakauwi ka na, aking sinta

Imahe
NAKAUWI KA NA, AKING SINTA  nakauwi ka na, sinta, sa Barlig ikaw na punong-puno ng pag-ibig habang ako'y tigib pa ng ligalig pagkat wala na yaring iniibig kaytagal ng ating pinagsamahan kinasal pitong taon ang nagdaan magkasamang bumuo ng tahanan pinaksa ka sa aking panulaan ikaw ang musa ng aking panitik nasa lansangan mang araw ay tirik sa paggawa'y walang patumpik-tumpik katabi ka'y gagawaran ng halik sa bahay ninyo'y nakauwi ka na sa tahanan ng iyong ama't ina O, Libay, laging nasa puso kita sinta, hanggang sa muling pagkikita - gregoriovbituinjr. 06.19.2025

Nilay

Imahe
NILAY di lang ilang araw pagod di lang ilang araw puyat  kundi ilang araw tulala ay, baka di lang ilang araw baka ilang linggong tulala baka ilang buwang tulala subalit dapat magpalakas at makapag-isip ng tama dapat huwag magpagutom huwag laging matutulala dinggin ang bawat paalala ni misis, sarili'y ingatan ay, di ko sukat akalaing kay-aga niyang mawawala sa edad apatnapu't isa ay kay-aga niyang nawala dalawang beses naospital  nang tumama sa kanya'y blood clot kung saan namuo ang dugo ang una'y sa kanyang bituka na nilunasan ng blood thinner ikalawa'y doon sa utak pagitan ng vein at artery pagsasama nami'y napugto nang kanyang buhay ay naglaho ay, di ko sukat akalaing kay-aga niyang mawawala  sa edad na kwarenta'y uno buhay niya'y agad naglaho - gregoriovbituinjr. 06.18.2025

Payo sa tulad kong Libra

Imahe
PAYO SA TULAD KONG LIBRA tinapik ako ng malamig na hangin tulad ng pagtapik ni misis sa akin habang may musika sa silid ng lumbay may naggigitara habang naglalamay di ako naniniwala sa horoscope subalit payo nito ay tila angkop gamot daw sa lungkot ang ihip ng hangin tulad ng tumapik na hangin sa akin nakahiligan kong bumili ng dyaryo nagsasagot ng palaisipan dito sa Bulgar, may horoscope itong katabi na minsan, mababasa ko ang sinabi oo, isa akong Libra, Oktubre Dos kaya horoscope ko'y binasa kong lubos salamat po sa payo nitong kaysidhi sa panahon ngayong nagdadalamhati - gregoriovbituinjr. 06.19.2025 * mula sa horoscope sa pahayagang Bulgar, June 17, 2025, p.9

Mga paalala ni misis

Imahe
MGA PAALALA NI MISIS bago mawala si misis ay kayrami niyang paalala: "Huwag kang magpupuyat" "Kumain ng tama sa oras" "Laging inumin ang vitamins" "Huwag magpatuyo ng pawis" "Huwag laging nasa initan" "Huwag magpagabi" "Alagaan ang sarili" "Laging mag-iingat" bilin niya'y mapagmahal na nais kong sundin naman at lagi kong tatandaan maraming salamat, mahal sa munti mong paalala lagi mo ring tatandaan lagi ka sa puso't diwa at mahal na mahal kita - gregoriovbituinjr. 06.17.2025

Gawaing pagsasalin

Imahe
GAWAING PAGSASALIN nang maiburol si ama  noong nakaraang taon may gawaing pagsasalin ako noong tinatapos nang ibinurol si misis na namatay din sa sakit may gawaing pagsasalin ako ngayong tinatapos nitong Marso'y inilunsad ang aklat kong isinalin ilang taong nakaraan ay tatlong aklat pambata pagsasalin ay trabaho kong pinagkakakitaan trabaho'y tuloy, panahon man ng pagdadalamhati may deadline, nais tapusin kahit nasa burol man din isang gawaing niyakap ng buong puso't layunin - gregoriovbituinjr. 06.17.2025

Kay Libay, mula sa Kamalaysayan

Imahe
KAY LIBAY, MULA SA KAMALAYSAYAN naging bahagi rin si Libay ng  Kamalaysayan o  Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan bilang treasurer habang ako'y sekretaryo naman noon pa, bago pa kami ikasal nang tuluyan ang namayapang ama'y historyador kaya siya ay nag-training sa  NCCA  para sa historya o kasaysayan ng sariling pamayanan nila sa Mountain Province, isulat ang kanilang kultura habang sa akin ay Katipunan at Bonifacio ang mga sulating makasaysayan ng Supremo mga akda ni Gat Andres at Emilio Jacinto pati Kartilya ng Katipunan ay sinaulo pinapangarap naming ang bayan ay may liberty mula sa mga pagsasamantala't pang-aapi ngunit wala na, wala na ang aming si Liberty alay ay dasal  "From Your Kamalaysayan Family" - gregoriovbituinjr. 06.16.2025 * ang litrato ay kuha mula sa ibinigay ni kasamang Dado Sta. Ana kay Greg sa panahon ng pagdadalamhati * NCCA - National Commission on Culture and the Arts

Unang gabi ng lamay

Imahe
  UNANG GABI NG LAMAY hapon nang tumawag sa akin ang punerarya ready for viewing na raw, pwede na raw pumunta nakahiga na si misis sa kanyang himlayan habang ako'y nangangatal sa aking nagisnan di ako makapaniwala sa nangyayari loob ko'y lumuluha, di ako mapakali tulala pa rin, nagdatingan man ang marami sa labi ko'y walang lumabas, walang masabi nagdatingan ang mga Climate Walker sa lamay at pinadama ang kanilang pakikiramay noon nga si misis ay kanilang nasilayan nang maglakad kaming Maynila hanggang Tacloban ika nga namin, kami nga'y magkakaPAAtid adbokasya'y paglalakad, isyu'y hinahatid sa napupuntahan ay ipinauunawa tulad na lang ng isyung climate justice sa madla pasasalamat ko'y sa tula na lang dinaan nanginginig pa rin at nagugulumihanan nakakatula man, ako'y natulala pa rin wala na si misis ay di sukat akalain - gregoriovbituinjr. 06.15.2025

Pameryenda

Imahe
PAMERYENDA di ko pa nakikita ang burol kaya ako'y di makahagulgol sa bahay, kay-aga kong nagising puyat pa, idlip lang, di mahimbing anong meryenda sa mga dadalaw yaong mga nagmamahal kay Libay at agad nagtungo na sa grocery biscuits at cornick ang aking binili una, zesto ang naisip kong bilhin, plastik oo nga pala, ayaw ni misis ng plastik ayaw rin niya ng coke, sprite o softdrinks ang binili ko'y tubig na nasa plastik, ngeekkk wala pang water dispenser, aayusin pa subalit ang mahalaga'y may pameryenda sa mga dadalaw at sisilip sa kanya munting pameryenda'y pagpasensyahan muna - gregoriovbituinjr. 06.15.2025

Dad, Happy Father's Day po in Heaven

Imahe
DAD, HAPPY FATHER'S DAY PO IN HEAVEN Dad, Happy Father's Day po in Heaven Thanks po sa ginawa n'yo sa amin noong kayo pa po'y nabubuhay upang kami'y lumaking matibay aming edukasyon ay tiniyak at pinalaki kaming marangal natuto sa mga pangaral mo na tindigan ang aming prinsipyo sa gulang mong walumpu't dalawa nang sa ospital ay pumanaw ka mahigit isang taon na ngayon nang sa piling, mawala ka noon maraming maraming salamat, Dad at kami'y pinalaking matatag ngayon, ginugunita ka namin Dad, Happy Father's Day po in Heaven - gregoriovbituinjr. 06.15.2025 * litrato mula sa google

Huling sulyap sa pasilyo

Imahe
HULING SULYAP SA PASILYO iyon na ang huli kong sulyap sa pasilyo ng ospital kung saan ginamot si misis di na kami babalik sa lugar na ito di na babalik, pagkat wala na si misis apatnapu't siyam na araw noong una siyang madala rito, nakaraang taon at pitumpung araw naman sa ikalawa hanggang mamatay ang sinisinta paglaon matapos ang tatlong araw doon sa morgue ay nailabas na rin ang labi ni Libay dahil mayroong promissory note na kami upang kautangan ay mabayarang tunay pasasalamat sa mga doktor subalit ayokong balikan ang ospital na iyon sa pasilyo'y huling sulyap na iyong pilit na isang alaala na lang ng kahapon - gregoriovbituinjr. 06.15.2025 * litratong kuha noong Hunyo 14, 2025 nang mailabas na ang labi ni misis sa ospital

Deliryo

Imahe
DELIRYO hinihibik pa rin niring puso ang buhay ng sinta'y di naglaho subalit ako na'y iginupo ng nangyari't ako'y lugong-lugo buong pagkatao'y lumuluha ang aking sarili na'y nagiba araw at gabi'y natutulala sapagkat di makapaniwala mahal, wala ka na bang talaga? subalit kitang-kita ng mata nang sa ospital nga'y wala ka na ganoon kabilis, aking sinta ako pa rin dito'y nanginginig ang buong pagkaako'y nalupig nawala ang tanging iniibig ngunit di nawala ang pag-ibig - gregoriovbituinjr. 06.14.2025

Ang Team Bituin

Imahe
  ANG TEAM BITUIN paborito niya ang numero sais lalo't birthday niya ay Enero Sais ang akin naman ay numero nuwebe na binatay doon sa numerology kaya may pinatatakang t-shirt siya habang sa akin naman ay kamiseta at tinawag niya itong  Team Bituin dahil may teamwork kami pag may gagawin halimbawa, magtuturo ng ecobrick sa estudyante, pitong uri ng plastik pinag-uusapan ang gawaing bahay magluto, maglaba, paggamit ng wi-fi sabi ng  Team Bituin: "Walang iwanan" sa pag-ibig man, kalikasan, tahanan kahit nang siya'y naroon sa ospital hanggang hininga niya'y doon napigtal subalit  Team Bituin  ay di na buo pagkat buhay ng kabiyak na'y naglaho isa'y wala na, isa'y tigib ng lumbay pagsinta'y tanging mananatiling buhay - gregoriovbituinjr. 06.14.2025

Liberty, 41 pahina ng aklat

Imahe
LIBERTY, 41 PAHINA NG AKLAT apatnapu't isang pahina ng aklat ang haba't ikli ng iyong talambuhay apatnapu't isang taon ng pagtahak sa daigdig, samahan, lansangan, tulay anong sarap basahin ng iyong aklat na bawat pahina'y may galak na taglay sa isyung pangkapaligiran ay mulat na bawat kilos ay batid mong kayhusay daghang salamat,  Libay , sa lahat-lahat sa bawat pahina mong ligaya'y taglay ayaw mong maraming basurang nagkalat layunin mo sa mundo'y talagang lantay kaybuti mo, wala akong maisumbat sa pagkawala mo, tigib akong lumbay mahal ko, taospusong pasasalamat sa pag-ibig na pinagsaluhang tunay - gregoriovbituinjr. 06.14.2025

Pag-uwi

Imahe
PAG-UWI this week na nakatakda siyang umuwi hinihintay na lang ang isked ng discharge siya pala'y iuuwi, di uuwi pagkat wala nang buhay ang minamahal ang nagagawa ko na lang ay humikbi habang hanap ay pambayad sa ospital kumikilos na lang nang di ko mawari malayo'y tinatanaw, natitigagal sangsugal ang buhay, di basta magwagi tulad ng paligsahan ng mahuhusay bawat pagtaya'y pagbabakasakali paglukso ng alamang, malamang patay planong siya'y iuwi sa lalawigan katabi ng kapatid, ama, at ina iuuwi siya sa huling hantungan upang doon dalawin ng gabi't umaga - gregoriovbituinjr. 06.13.2025 (Biyernes Trese)

Panimdim

Imahe
PANIMDIM kaysakit sa dibdib, di siya maiburol pagkat di pa buo ang bayad sa ospital sa ganito nilang sistema, ako'y tutol dalawang araw sa morgue, ganyan katagal sana ospital aming mapakiusapan kamag-anak, kaibigan na'y nagpaikot upang makaambag sa pagkakagastusan habang nahaharap sa panibagong gusot ang mga nangyayari'y talagang kaysaklap ay, maninikluhod na ako sa kanila! promissory note ay ginawa naming ganap dalawampu't anim na doktor mapapirma tila nakabitin pa rin kami sa ere sana may paraang agad magawa kami - gregoriovbituinjr. 06.13.2025 ng madaling araw

Ang huling selfie namin ni misis

Imahe
ANG HULING SELFIE NAMIN NI MISIS tanghali ng Hunyo a-nuwebe nang kami ni misis ay nag-selfie at nagkakatuwaan pa kami iyon na pala ang huling selfie gabi ay nagsusuka na siya madaling araw, di humihinga mga doktor ay nabahala na at sa I.C.U. siya dinala habang kaming sa kanya'y nagbantay ay nagsiuwi muna sa bahay Hunyo a-onse nang tinawagan ako ng doktor sa kanyang lagay siya na pala'y sini-C.P.R. subalit tanghali, nalagutan siya ng hininga, nawala na ay, nawala na siyang tuluyan gunita na lang ang huling selfie namin noong Hunyo a-nuwebe  bagamat selfie nami'y kayrami iyon na ang aming huling selfie kaytindi na ng pinagdaanan ni misis dahil sa karamdaman sabi nga namin, walang iwanan at di ko pa masabing  "paalam" - gregoriovbituinjr. 06.12.2025 * litratong kuha sa ospital

Luha ko'y di matutuyo, aking mahal

Imahe
LUHA KO'Y DI MATUTUYO, AKING MAHAL Liberty , kayganda ng iyong pangalan na ang ibig sabihin ay kasarinlan kalayaan laban sa mga gahaman at mga mapagsamantala sa bayan O, Liberty,  minamahal kong asawa sumumpang tayong dalawa'y magsasama nang habambuhay, bubuo ng pamilya ngunit ngayon, wala ka na, aking sinta nasa aking puso't diwa kitang lagi ang paglalambing mo, anong gandang ngiti pag-ibig mong sa puso ko'y naghahari "I love you"  ang sa atin ay namutawi pampitumpung araw natin sa ospital nang mawala ka, buhay mo'y di nagtagal tanging pabaon sa iyo'y pagmamahal habang itong katawan ko'y nangangatal walang iwanan itong ating panata ikaw na musa ng panitik ko't diwa  hanggang dulo, ikaw ang tangi kong mutya magpahinga ka na, mahal kong diwata luha ko'y di matutuyo, aking mahal  ay, di matutuyo, bagkus magtatagal sa diwa't puso ko ika'y nakakintal ikaw ang aking buhay at minamahal - gregoriovbituinjr. 06.11.2025

CLAYGO - Clean As You Go

Imahe
CLAYGO - Clean As You Go magandang panuntuan ang  CLAYGO na kahulugan ay  Clean As You Go una kong nakita sa kantina ng ospital at nang mabisita ang napuntahan kong opisina ganito'y una kong naranasan bilang obrero sa pagawaan ilang dekada nang nakaraan di man nasulat noon ang  CLAYGO disiplina namin ay ganito waiter kasi noon ay di uso at di dapat astang senyorito mag-aayos ng pinagkainan ay yaong kumain, ikaw mismo hanggang ngayon, ito'y aking dala kahit pa saan ako magpunta di sa restoran, kundi sa erya ng manggagawa't maralita pa sa panuntunang ito'y salamat na sana'y magamit din ng bawat opisina upang walang kalat ginamit mo, hugasan mo dapat - gregoriovbituinjr. 06.10.2025 * litratong kuha ng makatang gala sa kantina ng St. Luke's Medical Center, QC, at sa opisina ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

Ang payo ni Mang Nilo

Imahe
ANG PAYO NI MANG NILO minsan, sa komiks nagmumungkahi ng ideyang iyong mapupuri tulad kay Mang Nilo pag sinuri ang komiks na Bugoy ng may ngiti nang makabawas sa mga hikbi pinaksa niya'y riding-in-tandem na ginamit madalas sa krimen dalawang tao, pawang salarin isa, motor ay patatakbuhin isa pa, target ay babarilin payo ni Mang Nilo ay pakinggan ibahin daw ang disenyo naman ng motor, upuan ay iksian malaki ang gulong sa hulihan wala ring kaangkas sa likuran disenyong pang-isahan talaga na dinadaan lang sa patawa subalit nagmumungkahi siya sino ang makikinig sa kanya? nang riding-in-tandem, mawala na - gregoriovbituinjr. 06.10.2025 * komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Hunyo 10, 2025, p.7

Payò ng mga ninunò

PAYÒ NG MGA NINUNÒ aral ng mga ninunò sana'y atin pang mahangò huwag hayaang maglahò ang kanilang mga payò - gregoriovbituinjr. 06.10.2025 * lahok sa isang patimpalak sa dalit

Sa kantina ng ospital

Imahe
SA KANTINA NG OSPITAL  pinakapahinga ko ang pagpunta sa kantina ng ospital, di lamang  upang gutom na nadama'y pawiin mula sa tensyonadong kalagayan karamihan ng pagnilay kong sadya ay sa isang sulok doon, kakatha ng nasasaloob, itinutula habang di pa ubos ang gulay, isda doon nakakapahinga ang isip doon kayraming paksang nalilirip doon tila buhay ko'y nasasagip doon may samutsaring halukipkip subalit dapat bumalik ng silid kung saan naroon ang aking misis siyang binabantayan ko ng labis bagamat ayokong luha'y mangilid daghang salamat sa kantinang iyon na pahingahan ko laban sa tensyon sakali, doon lang maglilimayon at alagatain anuman doon - gregoriovbituinjr. 06.09.2025

Ensayo sa pagtayo

ENSAYO SA PAGTAYO si misis ay nagpa-praktis na sa pagtayo bagamat siya'y inaalalayan huwag munang apurahin kaya paunti-unti lang lalo na't naparalisa ang kanyang kanang bahagi ang balikat, braso, siko, hita, binti hanggang paa nang siya ay magka-blood clot sa pagitan ng artery at vein sa utak, kami nga'y nasa ospital pa't siya'y nagpi-physical therapy occupational therapy gamutan ay matagal pa sana'y magpalakas siya ngunit dahan-dahan muna asam kong gumaling siya't makatayo na talaga - gregoriovbituinjr. 06.08.2025

Walang clue ang Fill-in Puzzle

Imahe
WALANG CLUE ANG FILL-IN PUZZLE walang anumang pahimaton o clue sa Fill-in puzzle na sinagutan ko kaya gagamitan mo ng lohika paano lalapat ang tamang letra ng bawat salita sa titikahon  ikaw ang hahanap ng pahimaton hahanapin ang salitang lalapat upang sa titikahon ay isulat nasa listahan ang pipiliin mo na tamang salitang bubuo rito tsekan agad ang salitang ginamit upang di malito't di na maulit basta clue ay maaga mong mahanap ito'y masasagutan mo nang ganap ay, anong gandang libangan ng Fill-in  ang kalooban mo'y pagagaanin - gregoriovbituinjr. 06.08.2025

Sanggol, 1, patay sa napabayaang kandila

Imahe
SANGGOL, 1, PATAY SA NAPABAYAANG KANDILA ikalawang beses na raw ito na nagkasunog at may namatay na bata dahil napabayaan ang isang nakasinding kandila isang taong gulang ang namatay na iniwan ng mga kapatid upang sa pistahan ay gumimik ay, pinabayaan ang kapatid nakalulungkot ang ganyang ulat nawa'y wala nang ikatlong ulit ang nangyari'y nakapagngangalit na pinabayaan ang kapatid magulang nila'y nasa trabaho nang mangyari ang sunog na ito at kung ako ang tatay ng bata anong sakit, tiyak na luluha baka sisihin pa ang sarili di na maibabalik ang dati na sa napabayaang kandila ay buhay ng musmos ang nawala - gregoriovbituinjr. 06.08.2025 * ulat mula sa pahayagang Remate, Mayo 26, 2025, p. 3

Pagkain

Imahe
PAGKAIN pansin ko, binibigay ni misis sa akin ang pagkaing laan sa kanya't di kinain lalo't batid niyang di ako nag-almusal maya pa kakain sa canteen ng ospital para sa kanya ang pagkaing ibinigay di ako kahati roon sa isda't gulay pagkat iyon ay sapat lang para sa kanya diet na laan sa maysakit na asawa kaya nga pag iyon ay hinati pa namin tila paglakas niya'y pinagkait ko rin ngunit pag pakiramdam niya'y gutom ako ako'y hahatian, kaybait ng misis ko ngunit siya ang kailangang magpalakas kaya nagpasiya ako't aking nawatas kakain ako bago pa siya kumain upang pagkain niya'y kanyang uubusin o kaya'y bibili na ako sa kantina ng pagkain ko upang may kasalo siya ay, ganyan nga ang dapat kong gawin talaga upang sabay kaming mabusog ng asawa - gregoriovbituinjr. 06.08.2025

Ang nawawalang nailcutter

Imahe
ANG NAWAWALANG NAILCUTTER  nawawala ang nailcutter ko mahaba na ang aking kuko hinanap ko na sa gamit ko ngunit di na makita ito nawawala'y hahagilapin kung wala talaga, gagawin: bagong nailcutter na'y bibilhin sa tindahang kaylayo man din pilosopiya'y naapuhap nawala lang ang hinahanap ang wala'y di na hinagilap pagkat pagkawala na'y tanggap bagong nailcutter na'y nagamit mga kuko ko na'y lumiit ang hinlalaki, hinliliit at nasa gitna na'y ginupit - gregoriovbituinjr. 06.08.2025

Usapang keso

Imahe
Usapang keso Makasarap ba ang keso? Sino kanyang binebeso? Makamasa bang totoo? O masa'y nagoyo nito? O baka sara-sarado? Kasintunog ng Senado? Sinara ng hepe nito Ang pinagbilhan ng keso? O BugBog Man ay Sarado? Pagkat natunaw ang keso? Gayong may heart naman ito Walang puso ba, ikamo? Paumanhin sa tanong ko Pagkat bansa'y nagugulo Makasara daw sa pwesto Makasarap na raw dito Marahil duwag ang ulo Pinuno pa naman ito Urong bayag, O, bayan ko Anong gagawin ng tao? Ah, pababain sa pwesto Ang di na lingkod ng tao Na naging ganid sa keso Este, suwapang sa pwesto - gbj 06.07.2025

Libreng libing, sana libreng pagpapaospital din

Imahe
LIBRENG LIBING, SANA LIBRENG PAGPAPAOSPITAL DIN parang pampalubag loob na lang sa masa sa ilalim ng kapitalistang sistema iyang libreng libing para sa mahihirap na aprub na raw sa Senado, anang ulat kung kaya naman pala ang libreng libing para sa mahihirap ay baka kaya rin nilang magpasa ng batas na para naman sa libreng paospital ng dukhang maysakit kung dukha'y may libreng libing kapag namatay sana dukhang maysakit ay libreng mabuhay subalit sa ilalim ng lipunang ito lahat pinagkakakitaan ng negosyo pati na ang karapatan sa kalusugan ay di na karapatan, dapat mong bayaran at dapat pa'y kwalipikado kang mahirap para sa  Indigent Funeral Package  nila sino kayang mahirap ang kwalipikado? yaong buto't balat na't payat na totoo? yaon bang walang kayod, walang sinusweldo? na sa barungbarong lang nakatira ito? bagamat may batas na  Cheaper Medicine Act murang gamot imbes libreng gamot sa dukha may  Free Indigent Hospitalization Act  ba? libreng pagpapaospital na gag...

Ang nektar pala'y lagdó

Imahe
ANG NEKTAR PALA'Y LAGDÓ ang nektar pala'y  lagdó  sa sariling wika mula raw sa Waray ang nasabing salita na sa bulaklak ay matamis na likido na mga bubuyog ang nagtipong totoo upang gawing pulot-pukyutang anong tamis upang lumakas tayo't gumanda ng kutis kaygandang ambag ng Waray sa panitikan at sa sariling wika nitong sambayanan halina't simulan nang gamitin sa katha lalo na sa pagsulat ng tula, pabula, sa kwento, dagli't sanaysay ay pagyamanin sa pagtaguyod ng sariling wika natin ang bubuyog ay palipat-lipat ng rosas upang  lagdó  roon ay subukang makatas at ito'y tinitipon upang gawing pulot na sa kalusugan nati'y kaygandang dulot - gregoriovbituinjr. 06.07.2025 * mula sa AlpabeTuklas! ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Ibang pagkatao'y huwag hanapin sa akin

Imahe
IBANG PAGKATAO'Y HUWAG HANAPIN SA AKIN pag inisip mong maging negosyante ako o ang maging kapitalista sa obrero  o sa isang kumpanya ay maging C.E.O ay baka ibang tao ang hinahanap mo pag hiniling mong lagi akong nakabarong o nakapolo, o mukhang disente roon pumuti pa't kuminis ang balat ko ngayon ay baka ibang tao ang hanap mong iyon mapapalitan ko ba ang anyo't sarili dahil iyon ang kanilang gusto't sinabi baka ibang tao ang hanap nila dini kung sino ako ay di ko maiwawaksi tunay namang bawat isa'y dapat umunlad subalit kapitalista'y di ko katulad pag nagnegosyo ba'y tanda na ng pag-unlad? habang karapata'y niyurakan nang lantad? ibang tao'y huwag mong hanapin sa akin di ko mababago ang katauhang angkin kung ibang pagkatao'y aking gagayahin aba'y di ako iyon ang dapat isipin - gregoriovbituinjr. 06.07.2025 * CEO - Chief Executive Officer

Katapatan

Imahe
KATAPATAN katapatan sa rebolusyon at pag-ibig panata iyan ng makatang tumitindig sa prinsipyong patas, sa dukha'y kapitbisig  kahit pa siya'y isang tuka, sampung kahig tapat ang makatâ sa larangang pinasok rebolusyon man o pag-aasawa'y tumbok makata'y tapat kahit kanyang ikalugmok nakikipaghamok ma't laksa ang pagsubok abang makata'y aayaw magsalawahan sumandali nating hibik niya'y pakinggan: "iyan na ang buhay ko hanggang kamatayan" "makata'y kikilos ng buong katapatan" ganyan natin tingnan ang buhay ng makatâ  ganyan hahangaan ng nagbabasang madlâ katapatan niyang di maipagkailâ lalo't sa bandila't altar siya'y sumumpâ - gregoriovbituinjr. 06.07.2025 * litratong kuha sa isang pagpupulong ng Philippines-Cuba Cultural and Friendship Association (PhilCuba) ilang taon na ang nakararaan

Ang payo ni Inay

Imahe
ANG PAYO NI INAY tanda ko pa ang sinabi ni Inay noon huwag mong basta pahihiramin ng payong ang taong kilala ka lang pag umuulan bagay na di ko pa noon maunawaan tulad ngayong tag-ulan o kaytinding sigwa sa pagsaklolo, ako kaya'y nakahanda aba'y dapat may sarili rin silang payong mawawalan ako pag pinahiram iyon subalit payo niya'y naunawaan ko pag binaha ka, sinong tutulong sa iyo katotong tunay man ay kayhirap mahanap katotohanan itong marahil kaysaklap payo rin niya'y matutong magpasalamat munti man ang tulong sa problemang kaybigat pag nabigyang lunas, ang puso mo'y palagay tulungan din ang nangangailangang tunay maraming salamat sa sinumang nag-ambag ng tulong sa asawa kong nasa ospital ang payong ninyo'y pinahiram sa tulad ko na nasa unos ng buhay, kaytinding bagyo salamat, payong na ito ay ibabalik upang magamit ng sinumang humihibik  ng tulong sa panahong kinakailangan iyan ang pangako ng makatâ ng bayan - gregoriovbituinjr. 06.06.2025 * litrato mula sa ...