Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Disyembre, 2025

Hapunan ko'y potasyum

Imahe
HAPUNAN KO'Y POTASYUM taospusong pasasalamat sa nagbigay nitong potasyum tiyak na rito'y mabubundat bigay mula sa isang pulong dalawang turon ang narito at dalawang tila maruya kailangan talaga ito ng katawan kong kaynipis nga pampalakas daw nitong puso pati na ng mga kalamnan pangontrol ng presyon ng dugo pabalanse rin ng katawan kaya di na ako nagsaing di na rin bumili ng ulam dahil sapat na itong  saging na sa gutom ko'y nakaparam salamat sa potasyum na bigay sapagkat may panghapunan na upang makakatha pang tunay ng tulang tulay ko sa masa - gregoriovbituinjr. 12.02.2025

Ano ang lihim ng kalihim o sekreto ng sekretaryo?

Imahe
ANO ANG LIHIM NG KALIHIM O SEKRETO NG SEKRETARYO? ano nga ba ang inililihim ng kalihim, o ng sekretaryo? salitang sadyâ bang isinalin ng direkta, lihim at sekreto? kung nagpi-preside ay presidente dahil ang pangulo ang pang-ulo nasa katawagan ang mensahe nasa salitâ kung sila'y sino tulad ko, sekretaryo heneral ng dalawa kong organisasyon iyan ang titulo nang mahalal sa samahang may bisyon at misyon magtago ng lihim ang kalihim na may kinalaman sa samahan mangalap ng datos na malalim mga isyu't problema ng bayan may sekreto rin ang sekretaryo na sadyang kapaki-pakinabang yaong pagsusulat ng minuto kaalaman ng masa'y malinang marami pang lihim ang kalihim mga sekreto ng sekretaryo bakit kaya siya naninimdim? masakit ba'y ang pusò o ulo? - gregoriovbituinjr. 12.02.2025

Nagkamali ako ng bayad, buti't ang konduktor ay tapat

Imahe
NAGKAMALI AKO NG BAYAD,  BUTI'T ANG KONDUKTOR AY TAPAT Akala ko'y baryang P20 + P5 + tatlong P1 equals P28 ang aking ibinayad sa konduktor. Buti't honest siya. Binigyan niya ako ng P5 sukli. Nagtaka ako. Sabi niya, binigay ko'y P33. At P28 lang ang pamasahe mula Monumento hanggang Cubao. Ang naibigay ko pala'y P20 + P10 + tatlong P1 equals P33. Imbes P5, ang naibigay ko pala'y baryang P10. Nalitô ako roon, ah. Nagawan ko tuloy ng tulâ ang karanasang ito: salamat sa konduktor na tapat binalik ang limang pisong labis di kasi ako naging maingat dahil nagbabayad ng mabilis bus carousel mula Monumento hanggang Cubao Main ang pamasahe ay dalawampu at walong piso ngunit sobra ang bigay ko, sabi naibigay ko'y trenta'y tres pesos imbes na bente otso pesos lang katapatan niya'y nakamenos sa pamasahe, di mapanlamang maraming namatay sa akala limang piso pala'y sampung piso kaya sobra'y binalik na sadya nagkamali ng akala ako kaya taos na pasasalamat ang...

Antok pa si alagà

Imahe
ANTOK PA SI ALAGÀ puyat pa, antok na si alagà lalo't gising siya buong gabi marahil sa paghanap ng dagâ tulog muna, ang sa kanya'y sabi marahil di pa rin siya gutom pagkain niya'y tinabi muna mga natira ko sa galunggong na talaga namang gusto niya sige lang, ikaw muna'y matulog at maghabi ka ng panaginip ano kayang magandang ihandog na tula't wala pang nalilirip  ako'y patuloy lang sa pagnilay sa samutsaring isyu ng bayan bakit bayan ay di mapalagay? sa laksng kurakot at kawatan! - gregoriovbituinjr. 12.02.2025 mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:  https://web.facebook. com/share/r/1BiHkwrVuT/

Dating plakard, petsa lang ang binago

Imahe
DATING PLAKARD, PETSA LANG ANG BINAGO dating plakard na gamit ng Nobyembre na binago lang, ginawang Disyembre di pa rin nagbabago ang mensahe ikulong na ang korap na salbahe wala pa kasing napaparusahan na nangurakot sa pondo ng bayan baka Pasko'y wala pa sa kulungan silang mga namburiki sa kaban paghandaan nati'y magandang bukas itayo ang isang lipunang patas kung saan ang tao'y pumaparehas wala nang trapong sa bayan naghudas Disyembre na, wala pang napipiit patuloy na pag-alabin ang galit ng masa sa korap na nang-uumit sa pondo ng bayan, buwis at badyet - gregoriovbituinjr. 12.01.2025

Disyembre na, walâ pang nakukulong na kurakot

Imahe
DISYEMBRE NA, WALÂ PANG NAKUKULONG NA KURAKOT Disyembre na, walâ pang nakukulong na kurakot baka mag-Pasko tayong ngingisi-ngisi ang buktot masasaya pa rin silang ang mundo'y nililibot habang masa'y naghihirap pa rin, nakalulungkot kasya ba ang limangdaang piso sa Noche Buena? gaya ng ipinapayo ng gobyerno sa masa habang silang mga kabilang sa oligarkiya may pitong daang libong piso bawat kain nila pondo na ng bayan ang binuriki ng kawatan sana ngayong DIsyembre bumigwas muli ang bayan International Anti-Corruption Day, December 9 upang singilin ang mga pulitikong gahaman dahil sa mga kurakot, nalulunod sa bahâ ang mga kababayan nating nagdurusang lubhâ dapat managot sa bayan ang mga walanghiyâ dapat pagpalit ng sistema'y paghandaang sadyâ mag-Paskong nagrarali sa Mendiola, paskong tuyó hangga't walang makulong na korap ay di susuko ang bayan upang panagutin ang mga hunyangò at korap, pati na kanilang pinakapinunò - gregoriovbituinjr. 10.03.2025