Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Enero, 2026

Dalawang plato pa rin tayo sa kaarawan mo

Imahe
DALAWANG PLATO PA RIN TAYO SA KAARAWAN MO dalawang plato pa rin ang inihanda ko sa kaarawan mo, mahal, tig-isa tayo bagamat alam kong ako lang ang kakain naisip kong ang handa'y pagsaluhan natin pagbati ko ay maligayang kaarawan wala ka na subalit ikaw pa'y nariyan wala mang keyk, ipagpaumanhin mo, sinta pagkat keyk ngayon higit presyong Noche Buena binilhan ka ng paborito mong adobo tayo lang dalawa ang magsasalo-salo bagamat ako lang talaga ang uubos datapwat ako lang mag-isa ang uubos sinta kong Libay, tigib man ako ng luhà happy birthday ang bati ng abang makatâ - gregoriovbituinjr. 01.06.2026

Sa iyong ika-42 kaarawan

Imahe
SA IYONG IKA-42 KAARAWAN saan ka man naroroon maligayang kaarawan ninamnam ko ang kahapon na tila di mo iniwan oo, nasa gunita pa ang mapupula mong labi akin pang naaalala ang matatamis mong ngiti tulad ng palaso't busog ni Kupido sa puso ko binabati kita, irog sa pagsapit ng birthday mo muli, pagbati'y tanggapin sa puso ko'y ikaw pa rin - gregoriovbituinjr. 01.06.2026

Madaling araw

Imahe
MADALING ARAW tila ako'y nagdidiliryo di naman masakit ang ulo baka nananaginip ako nagtataka, anong totoo? kahit nagugulumihanan tila batbat ng kalituhan ako'y tumayo sa higaan at kinuha ang inuminan ako ba'y nakikipaghamok sa mga kurakot sa tuktok agad naman akong lumagok ng tubig, at di na inantok madilim pa pala't kayginaw pagbangon ng madaling araw katawan ko'y ginalaw-galaw ay, sino kaya ang dumalaw? - gregoriovbituinjr. 01.06.2026

Kaypanglaw ng gabi

Imahe
KAYPANGLAW NG GABI ramdam ko ang panglaw ng gabi lalo ang nagbabagang lungkot sa kalamnan ko't mga pisngi na di batid saan aabot may hinihintay ngunit walâ subalit nagsisikap pa rin sa kabila ng pagkawalâ ng sintang kaysarap mahalin tila ba gabi'y anong lamlam kahit maliwanag ang poste at buwan, tila di maparam ang panglaw at hikbi ng gabi sasaya ba pag nag-umaga? o gayon din ang dala-dala? - gregoriovbituinjr. 01.05.2026

Luhà

Imahe
LUHÀ ang kinakain ko'y / mapait na luhà sapagkat ang sinta'y / kay-agang nawalâ ang tinatagay ko'y / luhang timbâ-timbâ na buhay kong ito'y / tila isinumpâ pasasaan kayâ / ako patutungò kung yaring sarili'y / tila di mahangò hinahayaan lang / na ako'y igupò ng palad at buhay / na di ko mabuô tanging sa pagkathâ / na lang binubuhos ang buong panahon / ng makatang kapos bagamat patuloy / pa rin sa pagkilos kasama ng masa't / obrerong hikahos napakatahimik / pa rin nitong gabi kahit may nakuro / ay walang masabi nakatitig pa rin / ako sa kisame habang sa hinagpis / pa rin ay sakbibi - gregoriovbituinjr. 01.05.2026

Dalawang bayani: Carlos Yulo at Alex Eala

Imahe
DALAWANG BAYANI: CARLOS YULO AT ALEX EALA dapat bang pumili lang ng isa gayong parehong nag-ambag sila sa sports ng bansa't nakilala sa pinasok na larangan nila mahilig tayong isa'y piliin bakit? para ang isa'y inggitin? ang dalawa'y parangalan natin na bagong bayani kung ituring dapat ba isa'y pangalawa lang? gayong magkaiba ng larangan isa'y gymnast, isa'y tennis naman bakit isa ang pagbobotohan? ang isa'y di mababa sa isa Athlete of the Year sana'y dalawa Carlos Yulo at Alex Eala kinilala sa larangan nila nagningning ang kanilang pangalan dahil kanilang napagwagian ang laban, puso't diwa ng bayan kayâ kapwa sila parangalan! - gregoriovbituinjr. 01.05.2025 * ulat mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon at Pang-Masa, Enero 4, 2026, sa sports page

Magandang umaga

Imahe
MAGANDANG UMAGA! magandang umaga, kumusta na? pagbating kaysarap sa pandama tilà baga ang mensaheng dala paglitaw ng araw, may pag-asa saanmang lupalop naroroon batiin natin sinuman iyon nang may ngiti, panibagong hámon at baka may tamis silang tugon kasabay ng araw sa pagsikat ay narito muli't nagsusulat pagbati ko'y isinisiwalat magandang umaga po sa lahat! simulâ na naman ng trabaho muli, kakayod na naman tayo nawa'y mabuti ang lagay ninyo walang sakit at malakas kayo - gregoriovbituinjr. 01.05.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/share/r/1CCUh1PJVk/  

Balakyot - balatkayô ba?

Imahe
BALAKYOT - BALATKAYÔ BA? kayganda ng kanyang itinanong kung ang balakyot ba'y balatkayô? ah, marahil, dahil ang balakyot ay mapagbalatkayo at lilò sinagot ko siyang ang balakyot ay balawis, sukab, lilò, taksil at tumugon siyang gagamitin na rin niya ang salitang iyon pag mapagbalatkayong kaibigan matagal man bago mo malaman madarama mo ang kataksilan siya't lilo't balakyot din naman mapagkunwari't balakyot pala pinagsamaha'y sayang talaga kayhirap pag ganyan ang kasama na harapang pagtataksilan ka - gregoriovbituinjr. 01.04.2026

Anekdota sa polyeto ni Heneral Gregorio Del Pilar

Imahe
ANEKDOTA SA POLYETO NI HENERAL GREGORIO DEL PILAR Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr. Binabasa ko ang aklat ng mga sanaysay ni  National Artist Nick Joaquin  hinggil sa sampung bayani ng bansa sa aklat niyang  A Question of Heroes  nang mabasa ko ang isang anekdota hinggil kay Gregorio del Pilar, bago pa siya maging heneral. Nasa pahina 184 iyon ng nasabing aklat. Estudyante pa lang noon si Gregorio Del Pilar sa Ateneo nang maging kasapi ng Katipunan. Naroon siya sa bahay ng Katipunerong si Deodato Arellano sa Tondo nang iatang sa kanya ang tungkuling pamamahagi ng polyeto ng Katipunan. Noong minsang siya'y nasa Malolos na may dalang bulto ng polyeto ng paghihimagsik, ipinalit niya iyon sa kontra-rebolusyong polyeto ng Simbahan. Kaya noong sumapit ang araw ng Linggo, nakita ni Goyo na ipinamamahagi na ng kura ang kanyang ipinalit na polyeto. Ganyan pala kahusay mag-isip at kumilos si Gregorio Del Pilar, ang batang heneral ng himagsikan na napatay ...

Salamat kay Agoncillo sa tulang "Sa Iyo, O Makata"

Imahe
SALAMAT KAY AGONCILLO SA TULANG "SA IYO, O MAKATA" ni Gregorio V. Bituin Jr. 01.03.2026 sa magasing Liwayway nga / ay muling inilathalà ang tula ni Agoncillo, / na  "Sa Iyo, O Makatâ" na isang pagpapahayag / na merong sukat at tugmâ isang tulang inaalay / sa kapwa niya makatâ ang pantig bawat taludtod, / nasa lalabing-animin may sesura sa pangwalo, / sadyang kaysarap basahin may sugat man at pasakit / ngunit mananamnam natin ang salitang anong tamis, / na may anghang at pait din  kaya't naririto akong / taospusong nagpupugay sa tula ni Agoncillo / habang nasa paglalakbay sa putikan mang lupalop, / ang kanyang tinula'y tulay sa bawat unos ng buhay, / may pag-asang tinataglay pasasalamat sa iyo, / sa anong ganda mong mithi Agoncillo, historyador, / makatang dangal ng lahi! upang mabasa ng tanan, / buong tula mo'y sinipi at tinipa sa kompyuter, / nang sa iba'y mabahagi: SA IYO, O MAKATA Ni Teodoro A. Agoncillo (Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 13, 1945)...

Tanága - baybayin sa kurakot

Imahe
hinagpis ang dinulot sa bayan ng kurakot dapat lamang managot silang mga balakyot tanága - baybayin gbj/01.03.2026

Aklat ng martial arts

Imahe
AKLAT NG MARTIAL ARTS buti't nabili ko rin ang librong  "Ang Sining ng Pakikipagtunggali at Pagtatanggol" magandang basahin, madaling unawain sa presyo ng libro'y sapat lang ang nagugol narito'y  Arnis, Karate, Tae Kwon Do, Kung Fu di lang ito tungkol sa pakikipaglaban kundi liwanag ng pananaw at prinsipyo pag-unlad ng diwà, malusog na katawan ang mga kilos dito'y masining sa ganda mga kata'y pinagi-ensayuhang sadyâ ang librong ito'y interesante talaga upang sa mang-aapi'y di basta luluhà kung sa pagtatangka'y di agad makakalas ay baka maipagtanggol ko ang sarili sa paglaban dapat katawan ay malakas upang di basta maagrabyado't ma-bully - gregoriovbituinjr. 01.03.2026

Sugatan sa paputok - 235 (2026), 236 (2019)

Imahe
SUGATAN SA PAPUTOK - 235 (2026), 236 (2019) halos di nagkakalayo ang bilang ng naputukan sa Bagong Taon ng 2026 at 2019 sa bansa, ang sabi ng Kagawaran ng Kalusugan kaytindi, parang nangyari sa iisang lugar lamang bagamat sa lumang ulat, tinukoy saan nangyari sa ulat ngayong taon ay di pa ito sinasabi bukod sa pagsalubong, paputok ba'y anong silbi kung kinabukasan at daliri ang biktima rine sagot ba ng negosyante ng paputok ang medikal ng mga naputukang may malay ngunit walang malay lalo't mga bata pa't di kabataan at tigulang ang mga nasaktan, nasabugan, dinalang ospital maraming mga pangarap ang sinira ng paputok habang ngingisi-ngisi lang ang kapitalistang hayok sa tubo at walang pakialam sa masang nalugmok mawakasan ang ganitong sistema'y dapat maarok - gregoriovbituinjr. 01.03.2026 * ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 2, 2026, p.2 at p.5

Kurakot na balakyot

Imahe
KURAKOT NA BALAKYOT (alay sa unang Black Friday Protest 2026) bakit ang pondo sa ghost flood control  sa bulsa ng trapo'y bumubukol buwis ng bayan ang ginugugol sa kapritso nitong trapong ulol Bagong Taon na, iyan pa'y tanong na noon pang nakaraang taon mga kawatan ba'y makukulong? lalo't pulitikong mandarambong! matutuwa ba tayo sa ganyan? kayraming lingkod bayang kawatan na ang pinagsasamantalahan ay maliliit na kababayan paulit-ulit ang ating sagot sa ginagawa ng mga buktot ikulong na lahat ng kurakot! panagutin ang mga balakyot! Bagong Taon na, ano na ngayon? walang malaking isdang nakulong dilis lang, walang pating o leyon walang TONGresista at senaTONG - gregoriovbituinjr. 01.02.2026

Rice sa Tagalog: PALAY, BIGAS o KANIN?

Imahe
RICE SA TAGALOG: PALAY, BIGAS O KANIN? sa naritong tanong ay agad natigilan sa krosword na sinasagutan kong maigi dahil may tatlong sagot pag pinag-isipan lalo kung ating batid ang wikang sarili sa Labingsiyam Pahalang: Rice sa Tagalog limang titik, alin? PALAY , BIGAS o KANIN ? mga katutubong salitang umimbulog na madali lang kung ating uunawain sa naga-unli rice, KANIN agad ang tugon sa nagtatanim, baka isagot ay PALAY sa negosyante ng bigas, BIGAS na iyon mga salita nating kaysarap manilay teknik dito'y sagutan muna ang Pababâ kung sa Walo Pababâ, sagot ay Naisin sa tanong na Hangarin, tutuguning sadyâ ang panglimang letra'y "I", kaya sagot: KANIN - gregoriovbituinjr. 01.01.2026 * krosword mula sa pahayagang Pang-Masa, Disyembre 17, 2025, p.7    

Makáhiyâ, diban, at kanákanâ

Imahe
  MAKÁHIYÂ, DIBAN, AT KANÁKAN may natutunan na namang bagong salitâ baka lalawiganin o lumang katagâ na sa palaisipan ay nakitang sadyâ subalit pamilyar ako sa  MAKAHIY na  "halaman tiklupin"  yaong kahulugan halamang pag hinipò mo'y titiklop naman tawag sa  "higaan-upuan"  pala'y  DIBAN sa saliksik ay salin ng Ingles na divan KANÁKAN  ay  "pagdadahilan" , tingnan mo lang sa U.P. Diksiyonaryong Filipino parang "Indyan Pana, Kakanâ-kanâ" ito madaling tandaan, luma'y mistulang bago salamat sa palaisipan sa Abante abang makata'y may natutunang mabuti na magagamit sa kwento, tula't mensahe na sa bayan at wika'y ipinagsisilbi - gregoriovbituinjr. 01.01.2026 * MAKÁHIY - 3 Pabahâ * DIBAN - 4 Pahalang * KANÁKAN - 28 Pahalang * krosword mula sa pahayagang Abante, Disyembre 28, 2025, p.7

Sa litrato at sa gunita na lang

Imahe
SA LITRATO AT SA GUNITA NA LANG Bagong Taon, ngunit di ako Bagong Tao makatang tibak pa rin ngunit nagsosolo pagkat sinta'y wala na, wala nang totoo siya'y nagugunita na lang sa litrato maraming salamat, sinta, sa pagmamahal buti't sa mundong ito pa'y nakatatagal ang plano kong nobelang sa iyo'y inusal noon ay kinakatha't sana'y mailuwal at maipalathala't mabasa ng masa bagamat madalas katha'y tula talaga alay ko sa iyo ang una kong nobela balang araw, tayo rin nama'y magkikita mga litrato natin ay kaysarap masdan na aking madalas binabalik-balikan ika'y sa diwa't puso ko na nananahan litrato mo na lang ang madalas kong hagkan - gregoriovbituinjr. 01.01.2026

Pagsalubong sa 2026: Year of the Fire Horse

Imahe
PAGSALUBONG SA 2026, YEAR OF THE FIRE HORSE tahimik kong sinalubong ang Year of the Fire Horse pulutan ay tahong at iniinom ay Red Horse hay, katatapos ko lang maglinis ng tahanan umidlip ng isang oras, tumagay, namulutan sana'y walang matamaan ng ligaw na bala sana'y walang lasenggong magpaputok ng baril sana'y walang naputukan sa mga daliri maayos sanang sinalubong ang Bagong Taon ngunit taon lang naman ang nabago talaga habang nariyan pa rin ang bulok na sistema patuloy pa rin nating hanapin ang hustisya panagutin ang mga kurakot at buwaya maya-maya'y matutulog muli ako't antok matapos ang isang boteng Red Horse ay malagok New Year's Resolution: Ralihan ang trapo't bugok lalo na ang mga kurakot na nasa tuktok - gregoriovbituinjr. 01.01.2026

New Year 2026: Ikulong na 'yang mga kurakot!

Imahe
NEW YEAR 2026: IKULONG NA 'YANG MGA KURAKOT! alas dose na pala, bigla akong bumalikwas pagkat nagpuputukan na't kay-ingay na sa labas wala mang paputok o torotot na ilalabas may boses akong ipinang-ingay din ng malakas sinabayan ko ng sigaw ang ingay ng paputok isinigaw ko'y:  Ikulong na 'yang mga kurakot! inihiyaw upang baguhin ang sistemang bulok at panagutin ang mga kawatan at balakyot pagpupugay sa lahat ng mga nakikibaka upang lipunang makatao'y itayo talaga upang mandarambong ay mapanagot na ng masa upang baguhin ng bayan ang bulok na sistema ang sinigaw ko na ang aking New Year's Resolution tuloy ang laban, tuloy ang kilos at ang pagbangon lahat ng mga kurakot ay dapat nang makulong di lang dilis kundi mga pating na mandarambong - gregoriovbituinjr. 01.01.2026 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/1Zy6Mr7RfD/