Mga Post

Akala nila'y balisawsaw ako sa taglagas

akala nila'y balisawsaw ako sa taglagas na sa panahong ligalig ay laging minamanas na pawang karalitaan na itong namamalas na alon sa dalampasigan yaong humahampas akala nila'y balisalang ako sa tag-init na bumabait pag nakita'y mutyang anong rikit subalit tinitiis ko lang ang mga pasakit upang sa gatilyo daliri'y di na kumalabit akala nila'y balisuso ako ng balita na batid ko na kung kailan daratal ang sigwa ang nguso ko'y nangungudngod na sa pagdaralita subalit sa postura ko'y di ito mahalata akala nila'y malinaw pa itong balintataw na lagim at lamig ng kahapon ay pumupusyaw na kaya pang ilagan ang nakaambang balaraw habang kinakatha ang isang magandang talindaw - gregbituinjr.

Dapat ding kumayod upang may pambili ng bigas

di sapat ang maglaba at magluto sa umaga dapat ding kumayod upang may pambili ng bigas di na sasapat na kay misis laging nakaasa dapat na ring may pambili ka ng panggatong o gas pagtulong sa bahay ay parang panakip-butas lang dahil sa panggastos sa pamilya'y walang magawa sa anumang lusak man akin silang igagapang magsisipag upang itago ang pagdaralita ngunit maraming umuugit na tanong sa isip: sa kapitalista ba'y dapat nang magpaalipin? sa mga trapo ba'y dapat na rin akong sumipsip? sa gobyerno ba ako'y magiging alilang kanin? saan na kukunin ang pambili ng malalamon? pambayad ng upa sa bahay tubig, kuryente, load? anong payo sa karukhaang dinaranas ngayon? para bang sa bahang hanggang tuhod ay nalulunod? - gregbituinjr.

Ayos lang magpalitrato kahit tatlo

Imahe
AYOS LANG MAGPALITRATO KAHIT TATLO bakit sinuswerte ang mga trio sa litrato may nakikita ba kayong kakaiba sa tatlo? gayong nakakapagpaligaya sila ng tao wala bang masama kung tatlo sila sa litrato? marami kasing pag tatlo ay ayaw magpakodak malas daw, baka isa sa kanila'y mapahamak partner daw ang dalawa o apat, parang iindak ang ikatlong walang partner ba'y gagapang sa lusak? walang patunay sa ganyang lintik na pamahiin maraming sikat na trio nga'y naririyan pa rin silang tatlo ang partner, tatlong magkapalad man din maraming tatlong nagpalitrato'y ating banggitin: Barry, Robin at Maurice Gibb ng Bee Gees ay sikat na dahil sa kanilang nakapagpapasayang kanta Tito, Vic, and Joey ng Eat Bulaga'y nariyan pa The Three Stooges: Curly, Larry and Moe ng komedya nariyan din ang sikat na Apo Hiking Society ang grupo ng mang-aawit na Peter, Paul and Mary sikat silang tatluhan, walang trahedyang nangyari kaya ayos lang magpalitrato, tatlo man ini s...

Sabik na akong makita ang mga kalapati

sabik na akong makita ang mga kalapati na dapat lumaya sa hawlang lungkot ang sakbibi dapat ilipad ang pakpak sa araw man o gabi pagkat sila'y di dapat sa hawla na'y nabibigti kalapati'y sagisag ng isang malayang ibon tulad din ng taong di dapat alipin sa mansyon malayang gumawa't makahanap ng malalamon malayang mag-isip, sa hawla'y di nagpapakahon kalapati nawa'y makalipad sa himpapawid at mga tali sa paa'y tuluyan nang mapatid dapat ay malalaya na silang magkakapatid pagkat sa kapayapaan sila ang tagahatid o, mga kalapati, patuloy kayong lumipad kung may natatanaw kayong sa digmaan sumadsad dalhin sa tao ang kapayapaang hinahangad at kasakiman sa puso'y durugin at ilantad - gregbituinjr.

Ngayon ba'y kailangan na rin nating mangamuhan?

ngayon ba'y kailangan na rin nating mangamuhan upang may mailagay tayo sa hapag kainan? ang pagpapaalipin ba natin ay kailangan upang nagugutom na pamilya'y kumain naman? ang buod ba ng buhay ay magkaroon ng pera? kayod ng kayod upang magkapera ang pamilya? umiikot ba itong buhay upang magkapera? upang magkaroon lagi ng panggastos tuwina? tibak na sa kapitalista'y magpapaalipin? masisikmura nyo bang ang ganito'y aking gawin? sa pakikibaka'y isa ba akong palamunin? dapat kumayod upang sa pamilya'y may gastusin? di ko na alam kung anong maaasahang tulong pag si misis na'y nakamurot, ang mukha'y linggatong patigasan na lang ng mukha kung paano susulong maglulupa pa ba kahit abutin ng bulutong? - gregbituinjr.

Ang ulan at araw sa awitin ng Bee Gees at Asin

Imahe
ANG ULAN AT ARAW SA AWITIN NG BEE GEES AT ASIN Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Matalinghaga pag ginagamit sa awitin ang ulan at araw. Tulad ng pagtukoy sa ulan at araw sa awiting "How can you mend a broken heart" ng Bee Gees at sa awiting "Sayang ka" ng Asin. Hindi pangkalikasan ang paksa ng kanilang awitin, subalit ginamit nila ito upang magbigay ng kahulugan sa ating buhay.  Ang nasabing awitin ng Bee Gees ay tumutukoy kung paano mo nga ba bubuuin ang isang pag-ibig na nalamatan na. May magagawa pa ba upang mabuo muli ang nadurog na damdamin? May pag-asa pa, lalo na't matapos ang matinding ulan ay sumisikat ang araw na nagbibigay ng panibagong buhay. Subalit nabanggit ng ulan at araw sa ilang bahagi ng awit. Tinukoy naman sa awitin ng Asin na sayang tayo kung hindi natin ginagamit ang ating mga natutunan para sa ikabubuti ng ating sarili, ng ating kapwa, at ng sambayanan. Huwag nating sayangin ang mga talino nating angkin kundi g...

Dapat climate resilient ang On-Site, In-City or Near-City Resettlement Bill

Imahe
DAPAT CLIMATE RESILIENT ANG ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT BILL Maikling sanaysay at saliksik ni Greg Bituin Jr. May mga nakasalang na panukalang batas sa Senado at Kongreso hinggil sa relokasyon ng mga maralita na on-site (ang relokasyon ay sa mismong kinatitirikan ng kanilang tahanan), in-city (ang relokasyon ay sa loob lang ng lungsod kung saan sila naroon) or near-city (sa pook na katabi ng kinapapaloobang lungsod). May Senate Bill si Senadora Grace Poe (SBN 582) at Senadora Risa Hontiveros (SBN 167). Mayroong katumbas na panukalang batas sa Kongreso sina Rep. Kiko Benitez (HB00042), Kit Belmonte (HB00156), Alfred Vargas (HB00236), Yul Servo (HB03227), Francis Abaya (HB04245), at Rufus Rodriguez (HB02564). Sa ating Saligang Batas ay nakasaad sa Seksyon 9 at 10 ng Artikulo XIII ang karapatan sa pabahay. Dahil dito'y naisabatas ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA). Subalit makalipas ang halos tatlong dekada, hindi pa rin ganap n...

Kaysipag ngunit walang-wala

paano ba kita bubuhayin kung walang panggastos walang pambili ng bigas, wala akong panustos kaysipag makibaka laban sa pambubusabos ngunit gusgusing tibak pa rin ang tulad kong kapos masipag naman, walang sahod, walang kinikita subalit laging umaasa sa bigay ng iba kaysipag kumilos upang palitan ang sistema ngunit dukhang tibak pa ring walang wala talaga walang sinasahod at di makabili ng bigas subalit nangangarap pa ring may lipunang patas kaysipag mag-organisa, pantalon man ay kupas tanging samahan ang sa puso'y nagbibigay lakas sumumpang maging simple ang pamumuhay sa mundo makibaka't organisahin ang uring obrero kaysipag lumaban para sa inangking prinsipyo ngunit kakamtin pa kaya ang pangarap na ito - gregbituinjr.

Ang PILOKES

Imahe
ANG PILOKES mga punda pala ng unan ang lalabhan niya kaya mga PILOKES ay sa akin pinakuha ano kaya iyon, at kinuha niya ang punda sinabihan akong tanggalin sa unan ang iba PILOKES pala'y ibang tawag sa PUNDA ng unan PUNDA'y di niya masabi kaya PILOKES na lang putragis, at pilokes lang pala ang pundang iyan mahilig kasing magsalita ng wikang dayuhan akala ko'y sakit tulad ng sipilis o galis pilokes ba'y tigitig, o sa mukha'y may piligis tuberkulosis, leptospirosis, ngayon pilokes iyon pala'y mahilig lang magsalita ng Ingles punda lang, punda, pilokes na ang tinawag dito Pinay naman, di masabi ang wikang Filipino kaytagal na sa bansa, pilokes lang pala ito ngayon, alam ko na, di nila ako maloloko - gregbituinjr.

Nais ba ng durugista ang maging durugista?

nais ba ng durugista ang maging durugista? ngunit bakit ba sila tinawag na durugista? dahil ba dinudurog nila ang mga tableta? ihahalo ito sa tubig at iinumin na? naging palasak na tawag ito sa mga adik tableta kasi noon, ngayon bato'y pinipikpik tapos ay sasamahan pa ng tubong pinipitik sisinghutin ang animo'y nasusunog na putik subalit nais ba ng durugistang maging gayon? o natulak lang sila rito ng pagkakataon? o may problemang sa putik siya ibinabaon? at may kaibigang nagpayong malilimot iyon! magdroga, minsan lang, upang problema'y malimutan sa dami ng problema, nagtagal, ay nagustuhan hanggang maging sugapa sa droga sa kalaunan tulad niya'y maysakit na, na dapat malunasan - gregbituinjr.

Dumudungis ang apog sa mukha ng pulitiko

D umudungis ang apog sa mukha ng pulitiko U miinom naman ng alak ang tambay sa kanto R umaragasa naman ang mga adik sa bisyo U muga sa bayan ang tokhang, dugo, bala't basyo! G igising kaya ang bayan sa kamaliang ito I tinumba, walang paglilitis, walang proseso S alvage agad, patakaran nilang di makatao T okhang pa'y dumarami't sumasabog sa puso mo! A nong dapat gawin upang mapigil ang ganito S akit sa kalusugan ang drogang naaabuso A t di krimeng agad papaslangin agad ang tao G ayong wala silang karapatang gagawin ito! I sipin mo, nagdodroga'y maysakit, kapwa tao P agamutan siya dalhin, at di sa sementeryo I ntindihing dapat siyang magamot nang totoo N ang problema ng tulad niya'y malutas na rito. - gregbituinjr .

Ang Pagso-solvent

Imahe
may nagso-solvent upang gutom ay di maramdaman na pinamamanhid ang tiyan nilang walang laman anong gagawin upang malutas ang kahirapan nang di solvent ang solusyon sa gutom nilang tiyan maraming kabataang ganito ang naging bisyo mura kasi, kasama ang paint thinner, rugby at glu madaling bilhin, gamit sa bahay, naaabuso sinisinghot, pinamamanhid ang kalamnan, ulo bakit sa gutom ay ito ang nakitang solusyon? bakit sa kagutuman ang buhay nila'y nabaon? hanggang sa lumaon, sila sa droga na'y nagumon sila na ba'y maysakit kaya droga ang nilulon? ang mga ito'y katanungang dapat bigyang pansin mga dukhang kababayan ay dapat unawain ang karukhaang ito'y usaping dapat lutasin nang di solvent ang tikman kundi totoong pagkain tanong ko: solve na ba sila pag naka-solvent sila? mungkahi kong lipunang ito'y pag-aralan nila bakit may gutom habang nagpapasasa ang iba? at paano kakamtin ang panlipunang hustisya? - gregbituinjr.

Adik sa droga versus adik sa dugo

Imahe
"Adik naman iyon. Dapat lang patayin!" anila ngunit tama ba ang palagay na iyon, tama ba? subalit kayrami nang natokhang, ah, kayrami na! anong dapat upang tokhang ay mawala talaga? adik sa droga'y pinapaslang ng adik sa dugo mga sugapa sa droga'y nais nilang maglaho adik ay sinasagupa nang umano'y masugpo ang ilegal na drogang negosyo ng tusong tuko dapat ba silang agad paslangin, walang proseso? walang paglilitis, maglalamay na lang ba tayo? sa nangyaring pagtokhang, sinong mananagot dito? nang di na maganap ang tokhang na krimen sa tao pagkagumon sa droga'y sakit na dapat gamutin kaya bakit pagpaslang ang nakagawiang gawin? subalit paano ba dapat ang wastong pagtingin? upang karapatang pantao'y talagang galangin kapitalista ng droga'y paano mapipigil? sa negosyo nilang sa mga dukha'y kumikitil mga adik sa dugo'y paano ba mapipigil? upang panonokhang sa kapwa'y tuluyang matigil - gregbituinjr.

Aba'y mag-inom ka na lang kaysa magpatiwakal

Imahe
aanhin mo ang lubid, aanhin mo iyang punyal? sagot mo: "Nais kong mamatay! Iniwan ng mahal!" sapupo mo ang dibdib sabay ang iyong atungal aba'y mag-inom ka na lang kaysa magpatiwakal! kayraming babae, ngunit sa pag-ibig ay hangal isipin mo, magkano na ang presyo ng ataul magkano ang alak, serbesa, gin, o emperador mag-inom ka't kaunting pera lang ang magugugol kaysa abuluyan ka sa pagkamatay mo, Tukmol manligaw muli't baka sa iyo na'y may pumatol huwag magpatiwakal, may kinabukasan ka pa may solusyon bawat problema, sa puso't sa bulsa balang araw ay magkakaroon ka rin ng sinta palipasin muna ang sakit, tumagay ka muna lalo't sa inuman, aba'y aalalayan kita ibulalas mo sa akin anuman ang naganap nang matanggal sa puso'y tinik na nagpapahirap harapin mo ang buhay nang may bago nang pangarap sa ngayon lang naman ang pag-ibig ay anong ilap balang araw, may bagong sinta ka ring mahahanap - gregbituinjr.

Aking iaalay ang buhay ko't dugo

aking iaalay ang buhay ko't dugo para sa bayan ko nang ito'y mahango sa sanlaksang hirap at mga siphayo sa danas na dusa't pangakong pinako ito'y panata kong marapat na tupdin ang gawa'y marangal, magandang layunin pinsipyong niyakap, mga simulain kikilos, gagawin itong adhikain tara, makiisa sa pakikibaka at organisahin ang obrero't masa babaguhin itong bulok na sistema at tahakin natin ang bagong umaga ang ugat ng hirap ay dapat malupig dahilan ng dusa'y dapat ding mausig halina't sumama kung iyong narinig ang mga hinaing ng dalitang tinig - gregbituinjr.

Manliligaw ni Medusa

kaygandang mukha ng isang dalaga tila baga siya'y isang diyosa na sasambahin sa tuwi-tuwina kayrikit din ng kanyang mga mata at Medusa raw ang kanyang pangalan haranahin ko kaya sa tahanan kay-amo ng mata pag nasulyapan tila nangungusap ang matang iyan ano itong ibinulong sa akin nitong isang nais siyang maangkin karibal ba siyang dapat lupigin o kaibigang dapat unawain anong ganda ng mata ni Medusa talagang ikaw ay mahahalina huwag mo lang daw katitigan siya at baka ikaw ay maging bato pa - gregbituinjr.

Pagkaing masustansya sa mga nasalanta

Imahe
pagkaing masustansya tulad ng sariwang gulay ang sa evacuation centers ay ating ibigay masusustansyang pagkain ay kailangang tunay sa mga nasalantang sakbibi ng dusa't lumbay sa mga sentrong ebakwasyon, may nagkakasakit kulang ng tubig, pagkain, sitwasyo'y anong lupit salamat na lang may mga magsasaka ng Benguet ang nagbigay ng libreng gulay sa maraming bakwit ang bulkang Taal ay patuloy pa man sa pagbuga ay magtulong-tulong para sa mga nasalanta salamat na rin sa mga nagbigay ng delata ngunit huwag sanang sa delata sila'y mapurga walang nais na kalamidad na ito'y sapitin kaya sinuman ang nasalanta'y dapat sagipin sila'y kababayan din natin at kapwa tao rin na sa panahon ng ligalig ay tulungan natin - gregbituinjr.

Alam natin paanong magsikap at magtiyaga

alam natin paanong magsikap at magtiyaga upang ating pamilya'y di magutom at lumuha samantalang yaong iilan ay nagpapasasa sa yamang nilikha ng kayraming lakas-paggawa nagsisipag upang makakuha lamang ng sapat nagtiyaga di upang kapitalista'y bumundat nagsisikap di para sa tubo ng sinong lekat tamang sahod katumbas ng lakas-paggawa dapat sa aking isip ay may ilan lang na katanungan bakit malalaya ang mga walang pakialam at ikinukulong ang mga marunong lumaban bakit laksa'y naghihirap, may mayamang iilan pag-aralan ang lipunan, bakit may naghahari bakit ang namumuno'y elitista, hari't pari? bakit patuloy ang tunggalian ng mga uri? bakit misyon ng manggagawa'y dapat ipagwagi? pagsikapan nating ang lipunang ito'y mabago kung saan ito'y pangungunahan ng uring obrero dapat di na umiral pa itong kapitalismo na sistema nitong mapagsamantala't barbaro - gregbituinjr.

Katanungan sa Kamayan Forum

Paano ba alagaan si Inang Kalikasan? Dito sa Kamayan Forum ay aking katanungan Nang daigdig ay di maging malaking basurahan Nang di masira ang ating nag-iisang tahanan. Nag-iba na ang panahon, nagbabago ang klima Kinakalbo ang bundok, patuloy ang pagmimina Kinakain ng isda ang plastik na naglipana Nagtampisaw ka na rin ba sa dagat ng basura. Di mo ba alam na puso ng mundo'y pumipintig Tinapunan na ng plastik at upos ang daigdig Hahayaan bang plastik ang sa bayan na'y lumupig At wasak na kalikasan ang sa budhi'y umusig. Sa problema ng kalikasan, anong dapat gawin? Ugaling mapag-aksaya'y kailan babaguhin? Si Inang Kalikasan ba'y paano mamahalin Nang kinabukasan ng mundo'y tuluyang sagipin. - gregbituinjr. * nilikha at binigkas ng makata ang tula sa Kamayan para sa Kalikasan Forum, Enero 17, 2019, Kamayan Restaurant, West Avenue, Lungsod Quezon

Di na ako mag-uulam ng manok

di na ako nag-uulam ng manok, mahirap na pagkat matinding highblood ang epekto sa tuwina tila ba kung may anong sa manok ay itinurok upang mapabilis ang laki't kilos ng manok kaya marahil tumataas na ang aking dugo pag kumain ng manok, ang sigla ko'y naglalaho kaya dapat ingatan ang puso, diwa't kalamnan dapat laging malusog nang tumagal pa sa laban dahil dapat gampanan ang sinumpaang tungkulin para sa bayan, sa manggagawa, sa adhikain di na laging magkakarne, kundi mag-vegetarian kahit sa kalagayang dapat maging badyetarian mahal na ang presyo ng manok, dapat nang mag-badyet upang matiyak nating di tayo magkakasakit - gregbituinjr.