Mga Post

Simpleng bagay

Imahe
SIMPLENG BAGAY kayrami nang paksa sa simpleng bagay, alam mo ba na pag sinuri mo ang bagay, mapapahanga ka tulad na lang ng bigote mong dapat ahitan na may masabi ka kaya sa pang-ahit o labaha sa face shield at face mask ay may paksang mahahalukay hanger man o pentel pen ay iyong matatalakay subukan mo lang suriin ang mga bagay-bagay matapos mo mang kumain ay bigla kang madighay di lang pulos teorya o mabibigat na paksa ang maaaring talakayin ng mga makata di lang pagbaka laban sa karahasan sa madla kundi simpleng bagay sa paligid mo'y maitula suriin mo lamang ang pinta ni Salvador Dali pinipinta'y simpleng bagay, di ka ba mapakali? suriin mo ang bigay mong rosas sa binibini siya ba'y napasagot mo, o di ka napakali kahit nga nadarama ko'y sakit ng kalooban nilalabas ko ang niloloob sa bayabasan paksa'y di lang problema ng bayan, simpleng bagay lang tulad ng bigote't balbas kong inahit ko naman  - gregoriovbituinjr. 08.20.2021

Alkohol

Imahe
ALKOHOL mag-alkohol ka, laging bilin ni misis sa akin pagdating sa bahay, mag-alkohol agad-agad din bago pumasok, damit at sapatos ay hubarin at kung kailangan, maghilamos, mukha'y sabunin iyan ang kalakaran sa bahay lalo't pandemya kalusuga'y huwag balewalain, bilin niya mahirap nang magkasakit sinuman sa pamilya sa bahay, ang bilin ni misis ay batas talaga kanyang paalala'y huwag ipagwalang bahala alagaan ang kalusugan nang di mabahala at magbaon ng alkokol sa bulsa o bag kaya upang kahit papaano'y maprotektahang sadya personal hygiene, isopropyl at ethyl alcohol huwag lang gin at serbesang ibang klaseng alkohol di nagbibiro si misis, baka siya'y magmaktol at baka di ako makahalik, siya'y tututol - gregoriovbituinjr. 08.20.2021

Bolpen

Imahe
BOLPEN pag nawalan ng bolpen at papel, natataranta madali lang hanapin ang papel sa bag at bulsa subalit ang bolpen, ang bolpen, nahan na, nahan na kayhirap nitong may bolpen ka'y di naman makita biglang lumitaw sa diwa'y kaygandang pangungusap dahil di nasulat, nawala lang sa isang iglap  nang bolpen na'y makita, pilit na hinahagilap ang talata, parirala't kataga sa hinagap kung saan-saan kasi nailalagay ang bolpen napapatong kung saan kaya laging hahanapin nasasadiwa'y baka mawala't hipan ng hangin ah, dapat may reserbang bolpeng mabilis bunutin diwa't bolpen ay susulpot nang di inaasahan kaygandang pagkakataong dapat pinaghandaan laki kong pasasalamat pagkat nagbalik naman ang nawalang bolpen at pangungusap sa isipan upang maisulat na ang magagandang kataga upang ayusin ang naghambalang na parirala upang kamadahin ang nagrarambulang salita upang maihilerang tama ang talata't tula - gregoriovbituinjr. 08.20.2021

Suliranin

Imahe
SULIRANIN kayrami kong suliraning dinadaan ko na lang sa pagtula habang hinahanap ang kalutasan ayoko itong pagtuunang pansin kadalasan at masisira ang daigdig kong pampanitikan dahil manunula, problema'y nakikitang paksa kaya marahil di natataranta't napapatda nakikita ang solusyon sa pagkatha ng tula nakakapagsuri na sa proseso ng pagkatha ngingiti'y tila walang problema ngunit mayroon mistulang ipinagwawalangbahala lang iyon habang nagsusuri'y may bumubungad na solusyon sa laksa kong suliraning animo'y walang tugon di lang pagtula, mahalaga ring may makausap baka may katugunan sila't mungkahi, paglingap suliranin ay parang manggang hilaw pag nalasap ilang araw lang ay manibalang na't anong sarap - gregoriovbituinjr. 08.20.2021

Ginisang siling lara't santol

Imahe
GINISANG SILING LARA'T SANTOL kagabi, niluto ko'y ginisang siling lara't santol iyon ang mayroon ako't diwa'y di na tumutol nang makita ko agad ay walang kagatol-gatol na hiniwang maninipis, tiyan na'y nagmamaktol halos di kayanin ang anghang nang aking maluto gayunman ay sarap pa rin ang aking nakatagpo tama si misis, magluto ng may buong pagsuyo kaya nabusog pa rin sa aking lutong pangako pinaghalo ang siling larang kulay lunti't pula green at red bell pepper ay maanghang man pag ginisa sa kalaunan ay sumasarap din sa panlasa lalo na't nagmamaktol ang bulate sa sikmura maraming salamat dito't nabusog din kagabi ngunit agad nagpuntang banyo, sinong masisisi - gregoriovbituinjr. 08.20.21

Bukrebyu: Ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos

Imahe
BUKREBYU: ANG BALARILA NG WIKANG PAMBANSA NI LOPE K. SANTOS Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Tuwang-tuwa akong nabili ang aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos. Bihira lang ang magkaroon ng mahalagang aklat na ito, na sa madalas kong paglilibot sa mga book store ay wala nang makikitang ganito.  Buti na lamang at muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) noong 2019 bilang isang proyekto sa Aklat ng Bayan. Ang Aklat ng Bayan, ayon sa aklat, "ay isang pangmatagalang proyekto ng KWF na layuning isulong ang "Aklatan ng Karunungan" (Library of Knowledge) na magtatampok sa Filipino bilang wika ng pagkatha at saliksik." Nabili ko ang aklat na ito mula sa katas ng isa kong artikulong inilathala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa kanilang publikasyong Ani, kaya sa pagdalaw ko sa makasaysayang Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila ay hindi...

Si Miss Gina Lopez, Environmentalist

Imahe
SI MISS GINA LOPEZ, ENVIRONMENTALIST dalawang beses ko lang siyang nakita ng personal una'y sa loob ng bulwagan ng D.E.N.R. kung saan niralihan namin ang kanyang tanggapan pinapasok kami't mga isyu'y pinag-usapan ikalawa'y sa labas ng D.E.N.R., nang dumamay sa mga taga-Greenpeace na iginapos ang kamay nang si Miss Gina Lopez ay di na pinasang tunay ng Commission of Apointments sa pwesto niyang taglay at ngayong araw, siya'y naalala ko't ng tao sapagkat ngayon ang ikalawang anibersaryo ng kanyang pagkamatay, isang dakilang totoo siyang naglingkod ng mahusay bilang sekretaryo taospuso akong nagpupugay, Miss Gina Lopez kaygaling mong pinuno ngunit nawalang kaybilis inspirasyon sa henerasyong parating, paalis maraming salamat sa paglilingkod sa bayang hapis - gregoriovbituinjr. 08.19.2021 * litrato mula sa Greenpeace

Ang estado

Imahe
ANG ESTADO napaka-teyoretikal ng mga pag-usisa ano ba ang estado o yaong pamamahala ng isang teritoryo, rehiyon, o kaya'y bansa o pangkat ng mga taong nabuhay ng malaya anong kasaysayan ng Atlantis, ayon kay Plato bakit nga ba ito ang ideyal niyang estado si Engels naman, sinuri'y pag-aaring pribado pati na pinagmulan ng pamilya't ng estado ang isa pa'y ang Estado't Rebolusyon ni Lenin hinggil sa estadong dapat pag-aralang taimtim anong kakapal ang mga librong dapat basahin nakakatuwa kung buod nito'y malaman natin anong mga nangyari sa primitibo komunal bakit nawala't lipunang alipin ang umiral bakit panginoong maylupa'y naghari sa pyudal paanong lipuna'y binago ng mangangalakal bakit ang aring pribado'y ugat ng kahirapan bakit laksa'y mahihirap, mayaman ay iilan bakit may inaapi't pinagsasamantalahan paano itatayo ang makataong lipunan paano sumulpot ang mga uri sa estado bakit may watawat, pulis, teritoryo't husgado paano sumulpot ...

Sa muling paghahanap sa salita

Imahe
SA MULING PAGHAHANAP SA SALITA buwan ng Agosto'y tinuring na Buwan ng Wika at napakahalagang buwan sa aming makata lalo na't binibigyang pansin ang wikang pambansa na anuman ang programa'y inaabangang sadya nais naming manood at makinig ng anuman tungkol sa pagpapahalaga sa wika ng bayan iyon man ay tungkol sa mga isyung panlipunan dili kaya'y sa pagpaunlad ng panitikan ngayong Buwan ng Wika, muli akong tumataya bilang mahilig sa panitikan ay mag-usisa at makapag-ambag sa pagpapaunlad ng wika patuloy akong naghahanap ng mga salita katutubong salitang kaiba sa wikang dayo na magagamit sa aming pagtula't pagkukwento di lang mula Tagalog kundi Bisaya't Iloko at di rin Tagalog-Maynila kundi Batanggenyo magamit ang ilang salita mula Hiligaynon Kinaray-a, Kapampangan, Ivatan, Higaonon Ilongot, Igorot, Ifugao, Apayaw, Aklanon Bikol, Samarnon, Jama-Mapun, Ayta-Magbubukun nang may paggalang pa rin sa paggamit ng salita di maging tsapsuy o mestisong halu-halong sadya kund...

Timba't tubig

Imahe
TIMBA'T TUBIG dapat mag-ipon, nawawalan ng tubig sa gabi upang may maipambuhos sakaling mapatae at may maibanlaw sa sinabunang kilikili ma-ipon din ng tubig sakaling nais magkape may ilang timba naman tayong mapapag-ipunan kaya sa araw pa lang, punuin na ang lalagyan at pag nagutom sa gabi'y magluluto sa kalan dapat may tubig sa pagluluto't paghuhugasan anupa't tubig ay buhay na kailangan natin sa araw-araw nating pamumuhay at gawain maliligo, maglalaba, magluluto, kakain kaya gamitin ng husay at huwag aksayahin mumunting timbang sana'y di butas, ating kasama upang maging maalwan ang buhay, di man sagana maraming salamat sa tubig, ang buhay ng masa ang mawalan ka ng tubig ay tunay na disgrasya - gregoriovbituinjr. 08.19.2021

Kapanatagan

Imahe
KAPANATAGAN kapanatagan sa puso't diwa'y ramdam mong sukat di sa pananahimik kundi sa pagiging mulat panlipunang hustisya'y nakamit na ng kabalat karapatang pantao'y pinaglalaban ng lahat kaya naririto akong nagpapatuloy pa rin sa niyakap na prinsipyo, mithiin, adhikain pagtatayo ng lipunang makatao'y layunin at sa puso't diwa ang kapanatagan ay kamtin di ako tumatambay sa probinsya't nakatanghod wala roon ang laban kundi narito sa lungsod ayokong sayangin ang panahon kong nanonood kung may isyung dapat ipaglaban ako'y susugod di rin tatambay sa bakasyunan sa lalawigan kung wala namang mga sakit na nararamdaman di rin naman nagreretiro sa anumang laban dapat lang ituloy ang nasimulan, mamatay man bagkus sa pakikibaka'y walang pagreretiro hangga't di maitayo ang lipunang makatao wala pa ngayon ang kapanatagang pangarap ko hangga't di maitayo ang lipunang makatao - gregoriovbituinjr. 08.18.2021

Gawain ng panitikero sa kasaysayan

Imahe
GAWAIN NG PANITIKERO SA KASAYSAYAN pulos mga kathang isip lang ba ang binabasa ng ating panitikero, makata't nobelista di ba't bilang manunulat, alam din ang historya ng bayan, magsulat man ng tula, nobela't drama kasaysayan ng bansa't ng mundo'y dapat mabatid sa bawat panitikerong di dapat nalilingid paanong pang-aalipin ay tuluyang napatid paanong mga bansa'y lumaya sa tuso't ganid paano nasuri ang nakitang sistemang bulok bakit sa diktadura, mga bayan ay nalugmok bakit nahalal ang pinunong palamura't ugok ang Boxer's Rebellion ba sa Tsina'y panay ba suntok panitikero'y may gawain din sa kasaysayan dapat inaral din ang Kartilya ng Katipunan ang Liwanag at Dilim ni Jacinto'y natunghayan pati kwento ng mga hari't sistemang gahaman nakitang mali sa kasaysayan ay tinatama sa paraang batid nila, nobela man o tula kasaysaya'y sinapelikula o sinadula o sa mga sanaysay man na kanilang inakda kaya ako bilang makata at panitikero pagbabas...

ATM - Automatic To Misis

Imahe
ATM - Automatic To Misis may A.T.M. na rin ako, Automatic To Misis ibigay kay misis ang kinita ng walang mintis ang mga kaperahang walang kulang, walang labis daraan lang sa palad, mawawalang anong bilis kaya pasasalamat sa pinasok na kampanya ng aming samahang may kakulangan sa pinansya ngayon dapat kumilos sa tinanggap na programa at paghusaying epektibo ang kampanyang masa  ganyan naman ang buhay-mag-asawa, may bigayan lalo't marapat lang na si misis ang ingat-yaman dahil kung ako lang, sa libro'y ubos agad iyan na nasa isip lagi'y saliksik sa panitikan pag may pera'y di ginagastos sa anumang bisyo anong bait naman, aba'y di naninigarilyo bihira ring mag-inom, pulos bili lang ng libro tanging bisyo'y kumatha lang ng tula isa singko kaya A.T.M. ko'y parang tibuyô o alkansya doon ilagak ang anumang matanggap na kwarta na ibig sabihin, kay misis agad iintrega kaysa pera sa kamay ko'y parang bula't wala na - gregoriovbituinjr. 08.18.2021

Tulang salin: Ang landas na di tinahak

Imahe
ANG LANDAS NA DI TINAHAK Klasikong tula ni Robert Frost, makatang Amerikano Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 16 pantig bawat taludtod Dalawang lansangan ang lumihis sa dilaw na kahoy, At paumanhin kung  di ko ito kapwa matatahak  At maging isang manlalakbay, kaytagal kong tumayo At tumingin nang pababa hanggang sa makakaya ko Kung saan ito yumuko sa mga halamang ligaw Ipinasya kong tahakin ang daang tingin ko’y patas, At dahil na rin marahil sa mas mahusay na pasya, Lalo na't madamo roon at kaysarap na suutin Bagamat tinitingnang ang pagtahak sa dakong iyon Ay nakakapagod din bagamat sila’y pareho lang At kapwa sa umagang iyon, pantay na nakalatag Yaong mga dahong walang hakbang na naiitiman. Ay, akin muna itong ilalaan sa ibang araw! Batid man kung paanong daan ay gigiya sa landas Ay nagdududa ako kung ako’y makababalik pa. Masasabi ko lamang ito nang may buntong hininga Saanman maging noong una hanggang panahon ngayon Dalawang lansangan ang lumihis sa kahoy, at ako’y...

Sa bawat butil

Imahe
SA BAWAT BUTIL ang butil ay di dapat maaksaya't maging mumo na baka sa bawat hapag-kainan ay magtampo bahala na ba ang mga langgam sa mumong ito na sa kanila'y alay mo na sa labas ng plato mula palay tungong bigas hanggang sa maging kanin ang nilalandas ng munting butil na kinakain gintong butil na inaalagaan nang magaling kung iluto'y in-inin nang maganda ang sinaing mula sa butil ng pawis ng mga magsasaka na madaling araw pa lamang ay nasa bukid na kaya makikita mo kung gaano kahalaga ang bawat butil na bumubuhay nga sa pamilya kahit bahaw ay kainin, sa umaga'y isangag huwag hayaang mapanis sakaling maglagalag kasangga ang butil upang prinsipyo'y di matinag at buhay ng ating buhay upang maging matatag - gregoriovbituinjr. 08.18.2021

Ang papepi

Imahe
ANG PAPEPI wala nang toyo kaya nagtungong tindahan nang madapa kaya ngayong nag-aalangan pumuntang banyo't sugat muna'y hinugasan paika-ika't sinisisi'y katangahan pinanonood kasi'y langgam na nagbuno gayong tuliro sa gutom na di maglaho ah, dapat nang labhan ang medyas na mabaho saka na atupagin ang dinidibuho tingin na sa sarili'y papepi o lampa na kamay ay laging nasa loob ng bulsa katawang payat, mahina't namumutla pa di kasi kumakain sa oras tuwina kanyang hinimas-himas ang duguang tuhod kung di agad tumayo'y baka napilantod aral sa kanya: huwag laging nakatanghod o lumilipad ang isip na parang tuod - gregoriovbituinjr. 08.18.2021

Munting piging sa ika-27

Imahe
MUNTING PIGING SA IKA-27 tulad ng pagbaka sa naglilipanang halimaw  silang sa dugo ng mga tao'y uhaw na uhaw paslang dito, tokhang doon, pulos bala't balaraw ang pinantugis sa masa't inosenteng pumanaw at ako'y nakiisa sa mga inang lumuha pagkat di pa handang mga anak nila'y mawala gayundin naman, may mangangalakal na kuhila na pinagsamantalahan ang dukha't manggagawa nakiisa ako sa naghahanap ng hustisya sumama ako sa bawat nilang pakikibaka hanggang sa ako'y sumumpang aking idadambana ang karapatang pantao't kagalingan ng masa balang araw, itayo ang lipunang makatao habang yakap-yakap ang mapagpalayang prinsipyo "Iisa ang pagkatao ng lahat!" ni Jacinto tangan ang pakikipagkapwa't pagpapakatao tanda ko ang petsang iyon, kaya pinagdiriwang munting piging, tagay, pulutan, kahit mag-isa lang  ang maging kasama sa pagbabaka'y karangalan isang tagay para sa akin, ah, isang tagay lang - gregoriovbituinjr. 08.17.2021

Paalala sa dyip

Imahe
PAALALA SA DYIP minsang sumakay ako sa dyip ay may paalala sa gitna ng mga pasahero'y nakasulat na hinggil sa social distancing na dapat mong mabasa pulos tagubilin dahil panahon ng pandemya tsuper o may-ari ng dyip, maganda ang naisip kaya sa paglalakbay, ingat-ingat ang kalakip yugto sa buhay na huwag kainisan, sa halip social distancing pa rin sakaling sasakay ng dyip  upang mga pasahero'y iwas magkahawaan upang irespeto natin ang bawat karapatan sa kalusugan at kapakanan ng mamamayan kaya senaryo sa dyip ay aking nilitratuhan upang magpasalamat at magbigay pagpupugay sa mga nakaisip niyon, anong gandang pakay may paki sa kapwa, busilak na puso ang taglay salamat sa tsuper at may-ari ng dyip, mabuhay - gregoriovbituinjr. 08.17.2021 * litratong kuha ng makatang gala nang minsang sumakay ng dyip puntang Quiapo

Magboluntaryo para sa Ilog Pasig

Imahe
MAGBOLUNTARYO PARA SA ILOG PASIG kaytagal ko nang nais gawin ang isang mithiin upang makatulong sa kalikasang nabibikig sa dami ng basura, nawa'y ito'y magawa rin magboluntaryo sa paglilinis ng Ilog Pasig kahit na kalahating araw lang sa isang linggo ay magboluntaryo sa organisasyon o grupo halimbawa'y apat na oras lang tuwing Sabado upang hindi lang sa teorya ako may magawa kundi hands-on na aktwal na pagkilos ang malikha na sa paglilinis ng ilog ay kasamang sadya ang Ilog Pasig ang commitment ko sa World River Run upang linisin ang ilog na ito't alagaan salita'y sumpa, anang Kartilya ng Katipunan kaya sinalita ko'y dapat bigyang katuparan sertipiko'y aking natanggap sa partisipasyon sa World River Run na nakapagbigay inspirasyon upang magboluntaryo sa isang hamon at misyon hindi ba't pagboboluntaryong ito'y anong ganda na para sa kalikasan ay may magagawa ka sa paglilinis ng ilog ay magiging kasama kailangan ko ngayong gawin ay sila'y hanapin a...

Pagdalo sa rali

Imahe
PAGDALO SA RALI ang pagdalo sa rali'y dahil sa paninindigan na aking niyakap sapul nang nasa paaralan noong maging staffwriter pa lang ng pahayagan magtatatlong dekada na rin ang nakararaan sa rali'y umaasam ng lipunang makatao inilalabas ang saloobin sa mga isyu hindi lang pulos batikos doon, batikos dito ang rali'y pakikibaka ng mga prinsipyado ang kongkretong sitwasyon ay kongkretong sinusuri naniniwalang walang burgesyang dapat maghari ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari ng mga gamit sa produksyon, dapat walang uri pagsama ko sa rali'y kusang loob at tanggap ko ito'y ekspresyon din ng dignidad at pagkatao pakikiisa rin sa laban ng dukha't obrero at sa mga pinagsasamantalahang totoo hindi libangan ang rali, ito'y pakikibaka hindi pasyalan ang rali, ito'y pakikiisa rali'y pananawagan ng panlipunang hustisya rali'y pagsasatinig ng mga isyu ng masa - gregoriovbituinjr. 08.17.2021 * litrato'y selfie ng makatang gala noong SONA 2021