Simpleng bagay
SIMPLENG BAGAY kayrami nang paksa sa simpleng bagay, alam mo ba na pag sinuri mo ang bagay, mapapahanga ka tulad na lang ng bigote mong dapat ahitan na may masabi ka kaya sa pang-ahit o labaha sa face shield at face mask ay may paksang mahahalukay hanger man o pentel pen ay iyong matatalakay subukan mo lang suriin ang mga bagay-bagay matapos mo mang kumain ay bigla kang madighay di lang pulos teorya o mabibigat na paksa ang maaaring talakayin ng mga makata di lang pagbaka laban sa karahasan sa madla kundi simpleng bagay sa paligid mo'y maitula suriin mo lamang ang pinta ni Salvador Dali pinipinta'y simpleng bagay, di ka ba mapakali? suriin mo ang bigay mong rosas sa binibini siya ba'y napasagot mo, o di ka napakali kahit nga nadarama ko'y sakit ng kalooban nilalabas ko ang niloloob sa bayabasan paksa'y di lang problema ng bayan, simpleng bagay lang tulad ng bigote't balbas kong inahit ko naman - gregoriovbituinjr. 08.20.2021