Mga Post

Upos sa paso

Imahe
UPOS SA PASO sa palengke'y nagtungo ni misis nabili'y isang tumpok na isda okra, itlog, sangkilong kamatis nang may makitang ikinabigla ang paso'y ginawang basurahan! halamanang nilagyan ng upos matapos magyosi'y gayon lamang matapos sa hitit nakaraos tanong ko lang, upos ba'y pataba? o di mabulok tulad ng plastik? gawain itong kahiya-hiya na upos sa paso pinipitik basura'y saan wastong ilagak? ay, di mapalagay yaring isip tila ba sugat ko'y nag-aantak kalikasa'y paano masagip? - gregoriovbituinjr. 07.31.2022

Hatid

Imahe
HATID wala ka raw doon noong panahon ng marsyalo anang matanda't makagintong panahon sa iyo wala rin tayo noong panahon ni Bonifacio panahon ni Julius Caesar ay nabasa lang ito marsyalo, wala ka pa nang karapata'y siniil maganda raw ang gintong panahon, anang matabil ay, wala rin tayo nang si Bonifacio'y kinitil noong Romano sa kapangyariha'y nanggigigil inihahatid ka sa nais burahing gunita na sa katotohanan ay wala kang mapapala payag ka bang kasaysayan ay sinasalaula? upang krimen nila sa baya'y mapawi't mawala? dapat lang nating ipaglaban ang dangal ng bayan ang gunita ng dinahas, iwinala't pinaslang di dapat halibyong ang umiral sa kasaysayan katotohanan ay huwag ihatid sa kawalan - gregoriovbituinjr. 07.29.2022 halibyong  - fake news, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.426

Talubata

Imahe
TALUBATA   10 pantig bawat taludtod ang milenyal pala'y talubata kahulugan sa sariling wika mga kabataang papatanda na sa buhay dapat maging handa mula bentsingko 'gang trenta'y singko ang sabi'y edad ng mga ito ng mga unang pagtatrabaho, ng pagpapamilya't pagpaplano - gregoriovbituinjr. 07.27.2022

Kepler 186f

Imahe
KEPLER   186F may nakitang planetang kapara raw ng daigdig anang mga astronomo sa kanilang saliksik natagpuan ang planetang Kepler, mayroong tubig na marahil may nabubuhay ding ating kawangis "There is no planet B!" sigaw ng mga aktibista walang makapapalit sa mundong nilakhan nila kayâ kung may natagpuang mundong sa atin gaya  dapat pang suriin kung may nabubuhay talaga bakit mundo'y sinisira't naghahanap ng bago pinabilis ang pagbabago ng klima ng mundo pulos coal plant, pagmimina, bundok ay kinakalbo kalsada't dagat ay pinagtatapunang totoo ngayong may panibagong planeta silang nahanap bubuo ba tayo roon ng lipunang pangarap? o kaya'y sistemang walang mayaman at mahirap? o alagaan ang tanging mundo't tahanang ganap? - gregoriovbituinjr. 07.26.2022

Pagsulong

PAGSULONG 10 pantig bawat taludtod kumakalat na ang alimuom at tumitindi ang halibyong kaharap man natin ay linggatong maging positibo sa pagsulong - gregoriovbituinjr. 07.26.2022 talasalitaan :  alimuom  - tsismis, ayon kay national artist poet Rio Alma halibyong  - fake news, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino linggatong  - ligalig, nabanggit sa Florante at Laura ni Balagtas

Ngiti

Imahe
NGITI tulang TAGAIKU (TAnaGA at haIKU) i nakangiti ang pusong pinaglagyan ng napkin habang tila naglaho ang tulang sasambitin tuloy ang tagay kasabay ng pagnilay sa ngiti't lumbay ii pag ikaw'y nasa rurok niyang sistemang bulok ah, nakasusulasok lalo't di mo malunok nasa tuktok man ay di malilimutan ang nakaraan iii baso'y iindak-insak bote'y humahalakhak sa puso nakaimbak ang laksang luha't galak aking nilaro ang tanikalang gintong dapat mapugto - gregoriovbituinjr. 07.21.2022

Robot

Imahe
ALAM  ko kaagad ang sagot nang di nakikita ang karugtong. Para bagang ang google ay nagtanong. Fill in the blanks. Sagot ko: Robot. Nabasa ko na kasi ito noon sa libro ni Isaac Asimov, isa sa tatlong master ng science fiction genre. Tama ang sagot. Napagawa akong bigla ng munting tula hinggil dito. ROBOT iyon ay salitang mula sa Czech mula panulat ni Karel Capek "compulsory labor" pala iyon o sapilitang paggawa, gan'on nasa aklat din na "Caves of Steel" ni Isaac Asimov, napaskil sa utak ko ang mga binasa lalo't sci-fi, ukol sa siyensya si Karel Capek unang gumamit sa kanyang mga kwentong marikit kwento niya'y sinalin sa atin akda niyang kaysarap basahin robot ng Star Wars at Star Trek mula panulat ni Karel Capek, pagpupugay ang aking paabot  sa imbentor ng salitang "robot" - gregoriovbituinjr. 07.19.2022

Ipipinta ko

Imahe
IPIPINTA KO kung tutularan ko si Da Vinci aking gagawing kawili-wili ang mga tula kong hinahabi upang ihandog sa kinakasi kung tutulara'y si Van Gogh naman ilalarawan ko ang lipunan ng laksang dukha't mayamang ilan patungo sa pagbabagong asam ako'y ipinanganak ni Inay nang si Marcel Duchamp ay namatay pintor siyang kaygaling ng kamay Oktubre Dos, kami'y nagkasabay siya'y nawala, ako'y nabuhay aking ipipinta sa salita ang asam ng uring manggagawa aking ipipinta sa kataga ang kalikasan, gubat at sigwa ipipinta'y adhika't pangarap pawis at amoy na nalalanghap ipipinta sa kapwa mahirap ang ginhawang dapat nalalasap - gregoriovbituinjr. 07.19.2022

Upos

Imahe
UPOS parang kandila pag sinindihan upang hititin ng nagninilay mamaya'y liliit ng tuluyan ang yosing may kasiyahang bigay ang natirang ipit ng daliri'y sa kung saan na lang ipinitik sa daan, pasilyo, di mawari't ginawa ng buong pagkasabik ah, matapos sunugin ang baga't paliparin ang usok sa hangin at itaktak ang titis sa lupa ginhawa'y panandalian man din ikinalat na upos sa daan ay salamin ng ating lipunan - gregoriovbituinjr. 07.18.2022

Tsismis ay alimuom

Imahe
TSISMIS AY ALIMUOM tsismis ay alimuom, anang Rio Alma sa isang sanaysay niyang aking nabasa na iniulat naman ni Ambeth Ocampo na sa ngayon ay binabanatan nang todo mas matindi pa raw sa pakpak ng balita yaong alimuom, sabi pa ng makata singaw galing sa lupa matapos ang ambon o ulan, tsismis ay lumitaw ding ganoon historya'y tsismis daw, anang isang Ella Cruz tila ba turo sa paaralan ay kapos dapat sa historya'y may fact check at batayan di basta narinig, iyon na'y kasaysayan ah, dalawang iyon ay dapat pag-ibahin di tsismis ang kasaysayan ng bayan natin maraming dapat gawin kung ganyan ang batid ng henerasyon ngayon, kilos na, kapatid - gregoriovbituinjr. 07.18.2022 Talasalitaan: *  alimuom  - singaw na galing sa lupa pagkatapos ng ulan o ambon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 34 *  tsismis  - mula sa Espanyol na chismes, kaswal na usapan o balita hinggil sa ibang tao, karaniwang kaugnay ng mga detalyeng hindi kumpirmadong totoo, UPDF, p. 1279

Kwentong lango

Imahe
KWENTONG LANGO tulang TAGAIKU (TAnaGA at haIKU) i "tagay pa, cheers, amigo! magpakalango tayo!" sabi ng lasenggero sa katotong lasenggo isip ay tikom balewala ang gutom basta may inom ii habang serbesa'y lasap di siya kumukurap na nilunod sa iglap ang problemang kaharap sugat ma'y antak simot ang huling patak ng nilalaklak - gregoriovbituinjr. 07.18.2022

Tagaiku

Imahe
TAGAIKU nais kong kathain ay TAGAIKU animo'y kalahating soneto ah, kaygandang kumbinasyon nito pinagsama ang TAnaGA't haIKU tanaga'y tigpipito ng pantig sa saknong ay magkakapitbisig haiku'y lima-pito-limang pantig puntirya ko'y bulok na sistema tinitira'y tuso't palamara paksa't pangarap para sa masa'y kamtin ang panlipunang hustisya halina't subukang mag-TAGAIKU at ilatag ang angking prinsipyo habang tayo pa'y nasa huwisyo - gregoriovbituinjr. 07.17.2022

Hustisya

Imahe
HUSTISYA "For me, justice is the first condition of humanity." - Literature laureate Wole Soyinka  bakit nga ba ang katarungan ay dapat nating ipaglaban ? ayon nga kay Wole Soyinka hustisya ang unang kondisyon ng sangkatauhan, O, bayan makahulugan, anong talim ipaglaban nating taimtim makasugat man ng damdamin ay kaygandang salawikain kaya kami nakikibaka tibak akong nakikibaka upang masa, hustisya'y kamtin upang pang-aapi'y mawala  at mapanagot ang maysala - gregoriovbituinjr. 07.17.2022

Lanta

Imahe
LANTA kung ako'y dahon nang nalalanta matatanggal na ako sa sanga katandaan ay narating ko na matatapos na yaring pagbaka sinubukan noon ng amihang ako'y tanggalin sa kinalagyan kaytibay ko sa pinagkapitang sanga't talaga ngang nanindigan  kay Inang Kalikasan ay dahong nakipagtagalan sa panahon  ako'y dahong nakibaka noon na pagkalanta'y inabot ngayon hintay na lang matanggal sa tangkay upang sa lupa na'y humingalay pagkalanta ko'y 'wag ikalumbay at may uusbong ding bagong buhay - gregoriovbituinjr. 07.17.2022

Mamon

Imahe
MAMON bakit ayokong kumain ng mamon? mas nais ko pa'y pandecoco, monay, ensaymada, pandesal, anong tugon? ngunit mamon? ako'y di mapalagay... dahil ba sa lasa'y tinatanggihan ang mamon upang meryendahing tunay? dahil ba malagkit sa lalamunan? di ba masaya't malasang tinapay? ako'y aktibistang babad sa rali makatang sa bayan ay nagsisilbi minsan sa isang pagkilos nahuli sinubo sa aki'y mamon, malaki pinasok sa bibig kong sapilitan nang kamao'y bumaon pa sa tiyan habang bibig ko'y kanilang tinakpan santimbang tubig ang sumunod naman namilipit ako, di kaya iyon kaya di nagmamamon mula noon nagbabalik ang matinding kahapon pandecoco na lang, huwag lang iyon - gregoriovbituinjr. 07.16.2022

Walang tinta

Imahe
WALANG TINTA ubos muli ang tinta  niring bolpen ko, mahal dapat makabili na kahit walang almusal upang masagutan ko yaong palaisipan pati na ang sudokung sadyang kinahiligan at isulat ding pawa ang mga tulang handog sa nag-iisang mutya at tanging iniirog maitala ang tinig ng dalita't obrero upang magkapitbisig tungo sa pagbabago ubos muli ang tinta nitong bughaw kong bolpen ibili ako, sinta kahit na bolpeng itim at kita'y bubusugin ng tula ko't panaghoy mithi ko sana'y dinggin nang ako'y di maluoy - gregoriovbituinjr. 07.16.2022

Eman Lacaba

Imahe
EMAN  LACABA I isinilang noong Araw ng Karapatang Pantao pinaslang sa anibersaryo ng Jabidah Massacre siya si Eman Lacaba, manunulat, prinsipyado naging mandirigma noong diktador pa'y nasa poder manunulat na maraming nakamit na gantimpala guro, artista sa entablado, organisador din pag wala raw papel, siya'y nagsusulat sa palara palaisip na tibak, mangangatha rin ng awitin natanggal sa pagkaguro nang sumama sa aklasan ng manggagawa, at siya'y nagpasiya nang mamundok upang maging mandirigma't tagapagtanggol ng bayan patuloy pa ring nagsulat, may baril mang nakasuksok natagpuan ng kaaway, agad silang pinutukan mga kasama'y napatay, dalawa silang natira walang ititirang buhay, ayon sa mga kalaban unang binaril ay buntis, sumunod ay siya naman II ang mandirigmang maraming tula sa Philippines Free Press sa bahay ng biyenan ko'y nahalungkat ko't tinipon ang makatang tinulad kay Rimbaud na makatang Pranses taospusong pagpupugay sa halimbawa mo't layon ang Cultu...

Ikaw

Imahe
IKAW Tula ni Vladimir Mayakovsky, 1922 Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. Dumating ka - determinado, sapagkat malaki ako, sapagkat ako’y umuungol, ngunit sa malapitang inspeksyon nakikita mo’y isang batang lalaki. Kinuha mo at inagaw ang puso ko at sinimulan itong paglaruan - parang babaeng may bolang tumatalbog. At bago ang himalang ito bawat babae ay maaaring babaeng nagtataka o kaya’y dalagang nagtatanong: "Ibigin ang taong ganyan? Bakit, susuntukin ka niyan! Dapat niyang mapaamo ang leyon, isang babae mula sa palahayupan!" Ngunit nagtagumpay ako. DI ko iyon naramdaman - ang pamatok! Nalilito sa tuwa, ako'y tumalon  at napalundag, sa namumulang balat ng masayang katipan, Nakaramdam ako ng sobrang tuwa at gaan ng loob. * Isinalin: Hulyo 14, 2022 * Hinalaw sa Vladimir Mayakovsky Internet Archive * Litrato mula sa google YOU Poem by Vladimir Mayakovsky, 1922 Source: The Bedbug and selected poetry, translated by Max Hayward and George Reavey. Meridian Books, New York...

Pagbangon

Imahe
PAGBANGON madaling araw, ako'y nagising naghilamos, nagmumog, umiling agad kong inilaga ang saging potasyum sa katawan, kaygaling ang mutya kasi'y nakatulugan sa kanyang pag-awit ng kundiman ang mutya'y aking nakatuluyan nang hinarana't naging katipan nagising akong presyo ng langis ay binalitang agad sumirit kilo man ng bigas at kamatis presyo'y tila abot hanggang langit gagawin ko ang lahat, aniko sa kanya, nang magkasama tayo at lilibutin natin ang mundo kung di man ay luwasan at hulo - gregoriovbituinjr. 07.14.2022

Kadastro

Imahe
KADASTRO ilang beses kong narinig sa usaping palupa ang salitang KADASTRO sa isyu ng maralita na sa pananaliksik pala'y salitang Kastila ang sukat ng lupa sa lungsod at sa lalawigan ay nasusulat sa kadastro na isang talaan na iniingatan sa nakatalagang tanggapan kaya sa isyung pabahay ng kapwa mahihirap ang usaping ito'y dapat mabatid naming ganap lalo't ipinaglalaban ang tahanang pangarap magkaroon ng bahay ay karapatang pantao ngunit bawat metro kwadrado ng lupa'y magkano mura sa malayo, mahal na pag may market value aaminin ko, na di pa ako nakakakita ng kadastro sa pampamahalaang opisina na sa aking haraya, ito ba'y matriks o mapa? nakita ko dati ay mapa ng lugar, may sulat nakadrowing ang lupa, marahil may mga sukat iyon ba'y kadastro, kung hindi pa, daghang salamat - gregoriovbituinjr. 07.14.2022 * litrato mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 539