Mga Post

Buhay bilang makata ng maralita

Imahe
BUHAY BILANG MAKATA NG MARALITA simula nang magkaisip ako na'y nagmakata bata pa lang, kapatid at magulang na'y natuwa sa dyaryong pangkampus nang magsimulang malathala ang aking mga kwento, sanaysay, payak na akda mga katropa'y nagpapagawa noon sa akin ng tulang kaibig-ibig para sa susuyuin kinatha ko ang marapat upang sila'y sagutin ng sinisinta nilang ang puso'y nabihag man din hanggang maging tibak, nagpatuloy sa pagsusulat na layuning sa dukha't obrero'y makapagmulat maambag ang kaya sa mga isyung sumambulat nang makaipon ay naglathala na rin ng aklat mula istap, nahalal sa mataas na posisyon bilang sekretaryo heneral ng organisasyon ng maralita, misyong labanan ang demolisyon depensahan ang maralita'y aming nilalayon dyaryong Taliba ng Maralita'y pinanghawakan dahil tanging pahayagang pinaglalathalaan ng mga kwento, sanaysay at tula ko sa bayan litrato't ulat ko'y dito ninyo matutunghayan minsan ay bumibigkas ng tula sa mga rali sa samu...

Sibuyas

Imahe
SIBUYAS nakakaluha ang pagtatalop pati paggagayat ng sibuyas tila sa balikat mo'y sumubsob ang mukha kong di maaliwalas pinagmasdan ko ang iyong labi at mga mata mong mapupungay kayganda ng iyong angking ngiti na sa puso ko'y nakabubuhay iyang sibuyas daw ay maganda sa katawan lalo't kalusugan sa pagkain nati'y pampalasa at gamot din daw sa karamdaman huwag lang balat-sibuyas tayo sa pakitungo natin sa madla o maging maramdaming totoo pag isyu'y di kaya, namumutla ah, sibuyas, sarap mong kainin kasama ng kamatis at bawang sibuyas lang, ulam na sa akin sa suliranin ko'y pumaparam - gregoriovbituinjr. 10.07.2022

Bakit?

Imahe
BAKIT? bakit pinagpipitagan ang mga masalapi? dahil ba mayaman, ugali ma'y kamuhi-muhi? bakit ginagalang ang may maraming pag-aari? lupa'y inagaw man sa magsasaka't aping lahi? bakit yaong may mga salapi'y nirerespeto? ginto't pilak na ba ang batayan ng pagkatao? balewala magsamantala man ang donya't donyo? ginagalang ang mapera kahit asal-demonyo? ah, nasaan na ang pakikipagkapwa kung ganyan? na kaya ka lang nirerespeto'y dahil sa yaman? habang dangal ng obrero't dukha'y niyuyurakan ang mga walang-wala'y tinuturing na basahan! maraming nagsisipag ngunit iba'y mauutak upang yumaman, makamit ang respeto't palakpak kahit ang kapwa'y hayaan lang gumapang sa lusak basta makuha lang ang tatlumpung pirasong pilak ayoko ng ganyang lipunang mapagsamantala! na pulos kaplastikan ang umiiral talaga nais kong matayo'y mapagkapwa-taong sistema lipunang makataong may panlipunang hustisya! mabigat ang kahilingan ngunit dapat kumilos upang mawaka...

Almusal

Imahe
ALMUSAL tara, kain tayo, may sibuyas, kamatis, at sanlatang sardinas payak na ulam, galing sa patas kahit madalas na bulsa'y butas kailangang maagang gumising dahil mahirap nang tanghaliin at kaylayo pa ng lalandasin upang magampanan ang tungkulin ipagluto muna ang pamilya mahirap magutom, kain muna upang may lakas tayo tuwina ang katawan, puso't isip, paa tara, kaibigan, kain tayo nang may lakas sa pagtatrabaho araw-gabi'y gawaing totoo mababa man o kulang ang sweldo - gregoriovbituinjr. 10.06.2022

Ngiti

Imahe
NGITI ay, napakaginaw ngayong gabi wala pa siya sa aking tabi ngayon lang nagkahiwalay kami ng banig, anong nangyari kasi? tumagay muna ng isang bote ganyan ba talaga ang babae isip ko'y anong tamang diskarte sa pagpaparating ng mensahe heto, hanap ko ang kanyang ngiti kailan ko makikita muli sana bukas ng gabi'y magawi siya sa bartolina kong sawi nais kong hagkan siya sa labi sa tagay, ako na'y naglupagi paano ba ang daan pauwi kung ako'y lango na't humihikbi - gregoriovbituinjr. 10.05.2022

Lumiit na ang magasing LIWAYWAY

Imahe
  LUMIIT NA ANG MAGASING LIWAYWAY Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Ngayong 2022 ang sentenaryo o ikasandaang anibersaryo ng magasing Liwayway. May kasabihan nga ang ilang manunulat na naringgan ko, "Pag hindi ka pa nalathala sa Liwayway, hindi ka pa magaling na manunulat." May nagsabi sa aking nabasa raw nila ako sa Liwayway ngunit hindi ko iyon alam, dahil minsan lang o mga tatlong beses lang ako nagpasa, at kung nalathala man ay hindi ko nakita. Bata pa ako'y kilala ko na ang Liwayway. Dahil laging bumibili niyon ang aking ama. Nakahiligan ko rin magbasa ng komiks na inaarkila sa kanto. Nang magbinata na ako'y ako na ang bumibili ng Liwayway. Nakadaupang palad kong minsan ang editor nitong si Reynaldo Duque, bandang 2001, nang magkaroon ng aktibidad pampanitikan ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) sa German Library sa Aurora Blvd. Nang magka-pandemya, halos hindi na ako nakabili ng Liwayway. Hindi na rin kasi nakakalabas ng bahay. At nalaman ko...

Aklatan

Imahe
AKLATAN nabubuhay ako sa aklatan ang daigdig kong kinamulatan na punong-puno ng kasaysayan panitikan yaring kinagisnan butihing ina'y una kong guro na marami sa aking tinuro at nilakbay ko'y maraming dako pati lungsod ng digma at guho binasa'y sanaysay, kwento't tula pati sulatin ng matatanda binasa'y magagaling na akda ng maraming awtor na dakila salamat sa aklatang ang alay ay dunong na aking nadidighay may mga diyalektikong taglay sa pagkatao'y nagpapahusay - gregoriovbituinjr. 10.05.2022  (World Teachers Day)

Paalala

Imahe
PAALALA huwag mong iwan ang iyong gamit kung saan-saan, baka mawaglit baka madampot ng nang-uumit ang araw mo'y tiyak anong lupit at sisisihin mo pati langit sa munting mali mo't isang saglit halimbawa, ikaw ay ginitgit aba'y isipin mo na kung bakit baka sitwasyo'y ikagagalit paano kung sinta ang nawalan ah, kahiya-hiyang kalagayan pagkat di listo sa kaganapan bigyang halaga ang kasamahan huwag palupig sa kasamaan at tugisin ang may kasalanan ah, tandaang kayhirap mawalan ng gamit nating pinaghirapan kaya maging listo lagi, bayan - gregoriovbituinjr. 10.04.2022

Hapag

Imahe
HAPAG munting hapag ang bigay ni misis sa kaarawan kaygandang alay na pumuno ng kaligayahan malaking tulong sa mga gawain sa samahan pati pagsulat ng isyu, historya't panitikan mesita sa Espanyol, hapag sa sariling wika munti kong kasangga sa pagsulat ng dusa't luha katuwang sa mga isyu ng manggagawa't dukha nagsasalaysay, kumakatha, at nagmamakata pasalamat ko'y taospuso, yakap ko'y mahigpit nang guminhawa sa pagkatha ng langit at pait sa pamamagitan ng kwento, tanaga at dalit dalawang puso mang magkalayo'y nagkakalapit - gregoriovbituinjr. 10.02.2022

Unang araw ng Oktubre

Imahe
UNANG ARAW NG OKTUBRE sa pamangkin kong si Sten, maligayang kaarawan nawa'y lagi kang malusog at malakas ang katawan habang ako nama'y iba ang nais na patunguhan daang bihirang tahakin ang aking nilalakaran unang araw ng Oktubre ay may bagong lalandasin habang yaring mga sugat ay akin nang lalanggasin mga salita't kataga sa laot ay lalambatin halimaw ay iiwasan baka ako'y lalapain ang timbangan o kiluhan ang tatak ng isang Libra na ang dagsin o grabidad sa bagay ay humihila pababa, ano ang bigat, gaano ang gaan niya ano kaya ang katumbas ng lakas nito o pwersa unang araw ng Oktubre, madaling araw na'y gising makata na'y naglulubid, wala man sa toreng gawing mga bituin sa langit ay patuloy sa pagningning habang yaong pamayanan ay patuloy sa paghimbing - gregoriovbituinjr. 10.01.2022

Lumbera

Imahe
LUMBERA (Abril 11, 1932 - Setyembre 28, 2021) payak ang puntod ng Pambansang Alagad ng Sining umalis siyang puso'y nag-aalab ng magiting sa masang pinaglingkuran niyang buong taimtim may apat akong aklat niyang sa akin nanggising sapagkat siya't tunay na makata't makabayan ang kanyang mga akda nga'y aking pinag-ipunan ang una kong libro niya'y tungkol sa panulaan tuwa ko nang siya'y nakadaupang palad minsan minsan lamang, isang beses, di na iyon naulit subalit akda niya'y binabasa kong malimit hinggil sa pelikula, tula, masang nagigipit ang hustisyang panlipunang di dapat ipagkait pagpupugay sa maestro, kay Sir Bien Lumbera simpleng ngiti, mapagkumbaba, lahad ay pag-asa sa ating panitikan, poetika, politika payak man ang puntod, sa bansa'y maraming pamana - gregoriovbituinjr. 09.28.2022 *  Tulang nilikha sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Sir Bien Lumbera * Ang litrato ng puntod ay mula sa fb page ng Sentro Lumbera * Ang una kong aklat niya'y ang  ...

Pagpupugay sa 5 namatay na rescuer

Imahe
PAGPUPUGAY SA LIMANG NAMATAY NA RESCUER kasagsagan ng bagyong Karding nang sila'y mawala buhay nila'y pinugto ng bagyong rumaragasa bigla raw nag-flash flood ng life boat ay inihahanda gumuho ang isang pader, ayon pa sa balita, doon sa limang rescuer ay umanod na bigla sila'y nagsagawa ng isang rescue operation sa lalawigan ng Bulacan ginawa ang misyon sa bayan ng San Miguel, iligtas ang naroroon ginampanan ang tungkulin sa atas ng panahon ngunit matinding baha ang sa kanila'y lumamon tagapagligtas natin silang limang nangamatay tungkuling sa kalamidad ay magligtas ng buhay ng kanilang kapwa, ang buhay nila'y inialay upang mailigtas ang iba, mabuhay, mabuhay! sila'y mga bayani! taospusong pagpupugay! - gregoriovbituinjr. 09.28.2022 * mga litrato mula sa google

Paggawa ng buod ng Orosman at Zafira ni Balagtas

Imahe
PAGGAWA NG BUOD NG OROSMAN AT ZAFIRA NI BALAGTAS Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.  Isang dahilan na naman upang magpahaba ng buhay. Isang proyekto na naman na dapat kong pagtuunan ng pansin. Labis akong natuwa nang makita ko sa Solidaridad Bookshop ang nag-iisang sipi ng aklat na Orosman at Zafira na komedya ni Francisco Balagtas, ang may-akda ng Florante at Laura. Si Virgilio S. Almario ang editor niyon. Hindi ko na pinakawalan ang aklat na iyon at agad kong binili. Nagkataon lang na galing ako sa isang pulong sa isang lider na taga-San Andres sa Maynila, nang maisipan kong dumaan sa Solidaridad Bookshop na isang sakay lamang mula sa kanila, habang malayo naman ang aking inuuwian ng mga panahong iyon, sa aming tanggapan sa Lungsod ng Pasig.  Nabili ko ang aklat na iyon sa halagang apatnaraang piso noong Hunyo 3, 2021. Isang collector's item sa tulad kong mahilig sa panitikan. Pambihira ang aklat na iyon, dahil ang karaniwang alam lang natin ay ang Florante at Laura...

Ondoy at Karding

Imahe
ONDOY AT KARDING dalawang bagyong nanalasa  halos magkaparehong petsa Setyembre dalawampu't lima at hanggang kinabukasan pa nang mag-Setyembre Bente-Sais anim-na-oras lang, kaybilis ng Ondoy nang ang Metropolis ay nilubog, baha'y hagibis Karding din ay napakatulin typhoon signal four na tinuring mga ulat ay ating dinggin sa Quezon namuro si Karding handa ba tayo sa ganito? sa tumitinding klima't bagyo? pag nanalanta na'y paano? kay Ondoy ba tayo'y natuto? panawagang Climate Justice Now ay narinig bang inihiyaw? ang aral ba nito'y malinaw? na sa puso't diwa'y lumitaw? - gregoriovbituinjr. 09.27.2022

Katha

Imahe
KATHA wala mang magbasa niring tula akda ko'y di man gusto ng madla patuloy pa rin akong kakatha ng kung anong nasa puso't diwa paksa ma'y pagdarahop ng madla bahay man ng dukha'y ginigiba pakikibaka ng manggagawa kamaong kuyom ng maralita maging trapo ma'y binubutata may sumbat ng budhi sa kuhila sa rali'y hampas man ng batuta o sa tokhang man ay nabulagta nilalamay ang wastong salita hinahanap anong tamang wika tumititig sa bawat kataga kinikinis ang sukat at tugma maraming paksang walang kawala kaya kwaderno't pluma ko'y handa upang kathain ang luha't tuwa wala mang magbasa niring tula - gregoriovbituinjr. 09.27.2022

Ang tinuran ng guro

Imahe
ANG TINURAN NG GURO "The ultimate aim of the art of karate lies not in victory and defeat, but in the perfection of the character of its participants." ~ Master Gichin Funakoshi sakali mang di mapakali ay unawain ang sinabi  ni Guro Gichin Funakoshi hinggil sa sining ng karate sadyang ikaw ay magninilay sa ibinilin niyang gabay karate'y di nakasalalay sa pagkatalo o tagumpay kundi sa pagiging perpekto ng karakter o pagkatao ng mga lumalahok dito tinurang sa diwa tumimo kung ito'y ating maunawa kahuluga'y magpakumbaba karate'y pagiging payapa't makipagkapwa ang adhika - gregoriovbituinjr. 09.25.2022

Ang daan patungong Quiapo

Imahe
ANG DAAN PATUNGONG QUIAPO matapos ang dalawang dekada'y muling bumili ng librong Trip to Quiapo na akda ni Ricky Lee ang naunang libro niya'y nasa hiraman kasi di na naibalik, gayong kaylaki nitong silbi buti na lang at may pera nang mapuntang C.C.P. hayskul pa ako'y nilalakad ko na ang Quiapo nang magkolehiyo'y sa Quiapo pa rin ang tungo kaya kabisado ko ang bituka nito't luho dito nagkaisip, kalokoha'y dito nahango kayrami ring naging katoto't suki sa Quiapo mula Sampaloc, ako'y nagtutungong paaralan sa Intramuros, sa Quiapo lagi dumaraan at sasakay ng Balic-Balic pauwing tahanan O, Quiapo, bahagi ka ng aking kabataan anuman ang Trip to Quiapo'y alam ko ang daan muling binili ang Trip to Quiapo ni Ricky Lee upang pagsulat ng katha'y paghusaying maigi iskrip rayting manwal na sa akin makabubuti salamat, muling natagpuan ang aklat na ire at mahal man ang presyo'y tiyak di ka magsisisi - gregoriovbituinjr. 09.25.2022 * ang aklat na  Trip to Qu...

Kaymahal

Imahe
KAYMAHAL kaymahal ng kuryente, tubig at pamasahe; tuwa ng negosyante na tubo'y balde-balde masa na'y sinasagpang ng tuso't mapanlamang; kayrami na ring utang ang di pa sinisilang pahirap ng pahirap ang buhay ng mahirap; kailan malalasap ang ginhawang pangarap sweldo ng manggagawa ay talagang kaybaba; negosyanteng kuhila sa tubo tiba-tiba masa’y umaatungal sa bayaring kaymahal; magmura’y mauusal kahit isa kang banal di sapat ang panggugol ng masang tumututol; sistemang di na ukol ay dapat nang maputol - gregoriovbituinjr. 09.24.2022

Pagdalo sa Pagtitipon ng Philippine PEN sa CCP

Imahe
PAGDALO SA PAGTITIPON NG PHILIPPINE PEN SA CCP Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Naimbitahan ako ng ANI Journal ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na dumalo sa Truth in the Telling: Power and the Pen, Philippine PEN Congress 2022, sa ika-20 ng Setyembre 2022, ganap na ikalawa ng hapon. Ang ibig sabihin ng PEN ay Poets, Essayists and Novelists. Isa itong pambihirang pagkakataon kaya ito'y aking dinaluhan. Sino nga ba ako para maimbitahan? Simpleng manunulat lang ako na namamatnugot ng isang dyaryong pangmaralita - ang Taliba ng Maralita ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Hindi kilala, manunulat lang ng mga maralita. Marahil, kaya ako naimbitahan ay dahil isa ang aking akda sa mga nakasamang nalathala sa ANI 41, na taunang aklat pampanitikan ng CCP. Sayang nga lang at late na nang mabasa ko ang panawagan sa ANI 42. Setyembre na nang malaman ko, na Agosto 31, 2022 pala ang deadline. Sana'y nakapagpasa muli ng akda. Gayunpaman, may next time ...

Sa ikalimampung anibersaryo ng batas militar

Imahe
Kuha sa Bantayog ng mga Bayani kung saan ipinalabas ang 2-oras na dokumentaryong 11,103 na nagsimula ng 6pm. Bago iyon ay nakiisa tayo sa pagkilos mula umaga bilang paggunita sa ikalimampung anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar. Narito ang nagawa kong tula: SA IKALIMAMPUNG ANIBERSARYO NG BATAS MILITAR kaytinding bangungot yaong pinagdaanan ng labing-isang libo, sandaan at tatlo di na mabubura sa ating kasaysayan bilang iyon ng biktima noong marsyalo batang-bata ako nang marsyalo'y binaba walang muwang sa nagaganap sa lipunan iyon pala, mga kabuktuta'y bumaha kayraming tinortyur, iwinala, pinaslang anong klase kayang kahayukan sa dugo ang nasa pangil at puso ng diktadura ano kayang klaseng kahayukan sa tubo ang naisip ng diktador at cronies niya naunawaan ko lang ang mga nangyari sa mura kong diwa'y pinilit intindihin nang tinanggal ang Voltes V at Mazinger Z na noon talaga'y kinagiliwan namin nang lumaki na'y mas aking naunawaan  ang nangyayari sa kinagisnang...