TATLONG PRITONG TILAPYA kahapon, bumili ako ng tatlong isda nang sa buong maghapon ay ulam kong sadya trenta'y singko pesos bawat pritong tilapya madalas, ganyan ang buhay nitong makata ang isa'y inulam ko na kinagabihan isa'y pinagsamang almusal, tanghalian isa pa'y iuulam mamayang hapunan madalas, ganyan kaming tibak na Spartan hahaluan ng sibuyas, bawang, kamatis upang sa kagutuman ay di na magtiis ganyan man, di kami pulubi sa dalisdis kundi tibak, kalaban ng nagmamalabis tatlong pritong isda sa maghapon, magdamag basta iwing katawan ay di mangangarag na sa pagkilos, patuloy na nagsisipag nang sistemang bulok ay tuluyang malansag - gregoriovbituinjr. 02.09.2023