Mga Post

Dalubkatawan pala'y anatomiya

Imahe
DALUBKATAWAN PALA'Y ANATOMIYA bagong kaalaman, bagong salita para sa akin kahit ito'y luma na krosword ang pinanggalingang sadya tanong sa Una Pahalang pa lang nga Dalubkatawan , ano nga ba iyan? Anatomiya  pala'y kasagutan sa sariling wika'y katumbas niyan at gamit din sa medisina't agham na sa pagtula'y magagamit natin pati na sa gawaing pagsasalin laksang salita ma'y sasaliksikin upang sariling wika'y paunlarin salitang ganito'y ipalaganap di lang sa agham, kundi pangungusap sa anumang paksang naaapuhap sa panitikan ma'y gamiting ganap - gregoriovbituinjr. 04.29.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Abril 28, 2025

Pag di na ako nakatula

Imahe
PAG DI NA AKO NAKATULA sabi ko sa kanila, pag ako'y di na tumulâ mag-alala na't baka may nangyari sa makatâ baka ako'y naospital, patay na, o nawalâ lalo't adhika ko, bawat araw may tulang kathâ ngunit sino ba naman ang nagbabasa sa akin? may pakialam ba sila sa tula ko't gawain? madali lang naman nila akong balewalain makatang laging tulala, na di dapat pansinin nais ko lang sa manggagawa't bayan ay mag-ambag ng kakayahan kong inaalay nang buong tatag lalo na't bawat tula'y tulay sa pagpapahayag upang bako-bakong daan ay tuluyang mapatag maraming salamat sa lahat, maraming salamat habang itinutula ko anumang madalumat - gregoriovbituinjr. 04.28.2025

Asukal na ama

Imahe
ASUKAL NA AMA  ang tanong sa Dalawa Pababa ay  Sugar Daddy , ano nga kaya? Asukal na Ama  ba'y sagot ko? sapagkat tinagalog lang ito lahat muna'y aking sinagutan mga tanong Pababa't Pahalang at sa kalaliman ay nahugot ang di agad natingkalang sagot at di pala  Asukal na Ama kaytamis mang ngiti ng dalaga Palabigasan  ang Sugar Daddy huthutan ng pera ng babae parehong labing-isa ang titik nasagot gaano man katarik sa diwa ang metaporang iyon sa palaisipang mapanghamon - gregoriovbituinjr. 04.27.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Abante, Abril 25, 2025, p.7

Umuwi muna sa bahay

UMUWI MUNA SA BAHAY Sabado, umuwi muna ako sa bahay mula ospital, nang dito magpahingalay naiwan ang dalawang pamangkin ni Libay pati kanyang hipag na sa dalawa'y nanay lumipas ang mahigit na dalawang linggo ngayon lang umuwi sa bahay naming ito agad nagwalis ng sala, kusina't kwarto nagsaing, nagluto, naglaba na rin dito sa umaga balak bumalik ng ospital marahil, matapos kumain ng almusal upang tupdin ang tungkulin sa minamahal kung saan nakaratay na roong kaytagal kailangan din nating magpahingang sadya babangon muli upang loob ay ihanda at sa aming kama'y muli akong nahiga mata'y pinikit nang may inaalagata - gregoriovbituinjr. 04.19.2025

Aparato

Imahe
APARATO dapat ay matuto rin tayong basahin yaong aparato at mabatid kung anu-anong kahulugan ng linya rito mahalaga ang pagmonitor sa pasyente, anong blood pressure, respiration rate, temperature, heart rate, at iba't ibang sensor lalo't si misis naospital kayrami ring dapat maaral lalo't dito pa'y magtatagal habang ako'y natitigagal dapat kong lakasan ang loob ang dibdib ma'y saklot ng takot pag-ibig sa sinta'y marubdob  sana'y paggaling ay maabot - gregoriovbituinjr. 04.18.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/162x48EEmw/  

Ako'y nauuhaw

Imahe
AKO'Y NAUUHAW "Ako'y nauuhaw!"  sabi ni Hesus habang nakabayubay siya sa krus pangungusap na inalalang lubos nang Semana Santa ay idinaos "Ako'y nauuhaw!"  ang pahiwatig ni misis, habang siya'y nasa banig ng karamdaman, akong umiibig pinainom agad siya ng tubig - gregoriovbituinjr. 04.18.2025

Walang pag-aari

Imahe
WALANG PAG-AARI pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan at isa iyang katotohanang matutuklasan pag pinag-aralan ang ekonomya at lipunan katotohanang dapat tumagos sa sambayanan subalit di iyan tinatanggap ng mga sakim sa kapangyarihan at ng may budhing maiitim tulad ng trapo't kapitalistang dulot ay lagim kasamaan at kadilimang karima-rimarim bago pa si Marx ay mayroon nang Marcus Aurelius noong unang panahon ay batid na nilang lubos pribadong pag-aari'y sanhi ng pambubusabos at pagyurak ng dangal ng mga dukha't hikahos halina't katotohanang ito'y ipalaganap baguhin na ang sistema nang malutas ang hirap magagawa kung patuloy tayong magsusumikap upang ating kamtin ang ginhawang pinapangarap - gregoriovbituinjr. 04.17.2025

Bata, batay, bantay

BATA, BATAY, BANTAY bata pa ako'y napag-aralan sinong bayani't kabayanihan kung saan kanilang pinaglaban ang paglaya mula sa dayuhan batay sa kasaysayan ng lahi na kayraming bayaning nasawi na paglaya ng bayan ang mithi kalayaang dapat ipagwagi kaya bantayan natin ang bansa laban sa mga tuso't kuhila tiyaking madla'y maging malaya laban sa anumang pagbabanta patuloy ang pagpapakasakit sa masang ang buhay ay winaglit patuloy tayong magmalasakit upang ginhawa'y ating makamit - gregoriovbituinjr. 04.16.2025

Pagbili ng gamot sa parmasiya

Imahe
PAGBILI NG GAMOT SA PARMASIYA madaling araw, may gamot na namang binili sa pharmacy ng ospital araw-gabi, maghahanap ng pera upang may magastos pag kailangan upang tuluyang gumaling si misis  na naoperahan kamakailan sa ulo't tiyan, abot hanggang langit  samo kong gumaling siyang tuluyan mahal ko, naririto lagi ako upang pangalagaan kang totoo gagawin ko lahat para sa iyo ngunit sana'y dinggin ang aking samo na sa karamdaman mo'y makaligtas at sa problemang ito'y makaalpas - gregoriovbituinjr. 04.16.2025

Nebulizer

NEBULIZER animo'y ritwal ng pagpapausok ang nebulizer sa bibig at ilong sa paghinga'y pampaluwag ng daloy at mapaunti ang plema sa loob mula lima hanggang pitong minuto subalit minsan pag may halong gamot abot ng labindalawang minuto tanong ko sa nars ay agad sinagot may side effect daw ito: heart rate increase subalit ito'y ilang saglit lamang ngunit nebulizer ay dapat gawin  kada anim na oras yaong ritwal animo'y insenso subalit hindi kundi siya'y mapalakas ang mithi paggaling niya'y samo kong masidhi labang ito sana'y maipagwagi - gregoriovbituinjr. 04.16.2025

Bastos na kandidato sia

Imahe
BASTOS NA KANDIDATO SIA may bastos na kandidato na ngayon ay tumatakbo na vlogger ang sinisisi imbes na kanyang sarili binastos ang solo parent na nais na makasiping tila para siyang praning eh, abogado pa man din parang may toyo sa utak nang-aapi't nanghahamak di batid ang Safe Space Act dapat kasuhan ang tunggak sino siya? Ian Sia? iyan siya, bastos siya! di dapat iboto Sia ng mamamayan, ng masa - gregoriovbituinjr. 04.15.2025 * litrato mula sa Philippine Star, Abril 14, 2025, p.C2

Panibagong laban

PANIBAGONG LABAN tila ako nasa apoy na nadadarang sa init ngunit di dahong naluoy sa suliraning kaylupit ito'y panibagong laban nang si misis ko'y gumaling problemang dapat lagpasan na sana'y aming kayanin matagalang laban ito dapat may lakas ng loob anuma'y gawing totoo at pagsikapang marubdob habang nasa ospital pa  alagaan siyang sukat planuhin paglabas niya ito ang nadadalumat - gregoriovbituinjr. 04.14.2025

Paglipat ng silid

PAGLIPAT NG SILID kagabi ay inilipat siya ng silid na magmula sa NeuroCritical Care Unit  ay ibinaba na sa Progressive Care Unit habang sa pisngi ko'y may luhang nangingilid mula sa third floor, ngayon ay nasa basement na maaari na akong magbantay sa kanya dito ako mula gabi hanggang umaga at sa mga susunod na gabi't araw pa kanina, inexray siya't dugo'y kinuha pati physical therapist tinesting siya ineehersisyo ang kamay niya't paa kwarto'y maluwag, natulog ako sa sopa ang nadala ko lamang ay dalawang aklat at maliit na kwaderno sa pagsusulat habang nagbabantay, gamitin ko ang oras upang kumatha kahit di dala ang laptop - gregoriovbituinjr. 04.14.2025

Naninilay

NANINILAY baka magdyanitor na sa ospital paraan ng pagbabayad ng utang para lang kay misis na aking mahal para may iambag kahit munti man lahat ngayo'y pagbabakasakali upang matamo lamang ang paggaling  ni misis, na asam ko't minimithi para sa kanya, anuma'y gagawin  ayokong sa sinuman ay lumuhod baka ngayon lang, ito'y gagawin ko magpatirapa at maninikluhod sa sinumang may salaping totoo ako kaya'y tatanggaping artista tulad ni Palito, parang kamukha di rin Lito Lapid o FPJ ba comedy ba'y mapapasok kong sadya bayarin nga'y sadyang nakakabaliw wala pa ang nobela kong gagawin di ko na alam paano maaliw sunod na hakbang, iniisip pa rin - gregoriovbituinjr. 04.13.2025

Pagdalaw sa puntod

Imahe
PAGDALAW SA PUNTOD dinalaw ko ang puntod ni Ama sa petsang unang anibersaryo ng kamatayan, kaya pamilya ay nagsitungo sa sementaryo matapos ang padasal, kainan at nagsindi roon ng kandila habang inaalaala naman ang sa pamilya'y kanyang nagawa maraming salamat sa iyo, Dad sa pagpapalaki mo sa amin at mabuhay kaming may dignidad sinumang yuyurak, pipigilin sa babang luksa, ako'y naroon tahimik, panatag, mahinahon - gregoriovbituinjr. 04.12.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1C6oe2GsHG/  

Babang luksa

Imahe
BABANG LUKSA ngayon ang unang anibersaryo ng kamatayan ng aking ama kaya bumiyahe muna ako sakay ng bus papuntang probinsya babang luksa raw ang tawag doon pupuntahan ko na rin si Inay at mga kapatid na naroon at kung saan si Ama nahimlay habang pansamantalang iniwan ko muna si misis sa ospital matapos ang babang luksa naman sa probinsya'y di na magtatagal sapagkat agad akong luluwas nang madalaw sa gabi si misis asam kong siya'y maging malakas at ang paggaling niya'y bumilis - gregoriovbituinjr. 04.12.2025

Lugmok

Imahe
LUGMOK paano nga bang sa patalim ay kakapit kung nararanasa'y matinding pagkagipit lalo't sa ospital, si misis ay maysakit presyo ng babayaran ay nakagagalit di sapat ang mamalimos lang sa Quiapo maliitan lang, barya-barya lang, nakupo wala namang kasamang nagnais magpayo gayong alam nilang ako'y natutuliro paano kung tibak ay gumawa ng krimen halimbawa, kidnap-for-ransom, patay ka rin paano kung malaking bangko'y titirahin upang ospital lang ay mabayaran man din aba'y nagpultaym kasi ako ng maaga iniwan ang kolehiyo tungong kalsada sa ospital, walang pambayad, walang pera buti pa yata ako'y magpatiwakal na subalit hindi, paano mababayaran ang ospital, si misis ko'y kawawa naman nais ko lang ay gumaling siyang tuluyan ano nang gagawin, di ako mapayuhan - gregoriovbituinjr. 04.11.2025

Pagpupugay, Chess National Master Racasa

Imahe
PAGPUPUGAY, CHESS NATIONAL MASTER RACASA pagpupugay,  Antonella Berthe Racasa Woman National Master, Arena FIDE Master na kampyon sa paligsahang tinaguriang Battle of the Calendrical Savants Tournament "Calendrical"  o ang  "system for recording time" "Savant"  o  "a very learned or talented person" kumbaga'y labanan ng mga magagaling at mabibilis na mag-isip sa larong chess labingwalong taong gulang na manlalaro na kinabukasan sa chess ay mahahango bawat usad ng pyesa'y may dalang pangako napakahusay pagkat nagkampyon sa buo muli, saludo sa ipinakitang husay na magagaling ang mga atletang Pinay maging Judit Polgar , at muling magtagumpay at sa buong mundo ay maging kampyong tunay - gregoriovbituinjr. 04.11.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abril 10, 2025, p.12

Pinainom si alaga

Imahe
PINAINOM SI ALAGA bago umalis sa tahanan at tumungo sa pupuntahan ay akin munang pinainom si alagang uhaw na uhaw at sabay din kaming kumain sa akin ang tiyan ng isda sa kanya ang ulo't iba pa na ginagawa sa tuwina sa bahay siya tumatambay sa tahanan ay nagbabantay laban sa dagang sasalakay sadyang alaga siyang tunay madalas ako'y may bitbit na kay alaga kapag umuwi sabay na kakain talaga may bigay ako kahit munti - gregoriovbituinjr. 04.11.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1BdeeK3Vr2/  

Di nakadalaw ngayong gabi

DI NAKADALAW NGAYONG GABI ngayon lamang ako nag-absent sa pagdalaw kay misis sa ospital, dahil ang kandado  sa bahay ay na-lost thread, papunta na sana sa ospital kaninang hapon, alas-singko alas-sais hanggang alas-otso ng gabi ang visiting hours, wala pa rin si Regine kasama ni misis sa bahay at trabaho mabuti't tinawagan ako ng doktora mula sa infectious disease, na may nakita silang dalawang klaseng bakterya sa tiyan ngalan daw ng isang bakterya ay icolai nagbigay silang antibiotic kay  Libay salamat at talagang inaasikaso ang asawa kong dapat magpakatatag pa dumating si Regine bandang alas-siyete at ako'y umalis, pumunta sa palengke hardware ay sarado na, alas-singko pa lang at nag-ikot pa rin ako, walang mabilhan ng susi't kandado para sa tarangkahan mahal ko, sori, at di kita napuntahan - gregoriovbituinjr. 04.10.2025