KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

litrato mula sa google
KABASIB (KAMATIS, BAWAT AT SIBUYAS)

kamatis, bawang at sibuyas
kinakaing hilaw at hubad
ito ang aking pampalakas
sa kilo-kilometrong lakad

bawang ay ngunguyaing hilaw
habang naglalakad sa lansangan
pagkat ito'y bitamina raw
upang tumibay ang kalamnan

masarap naman ang kamatis
habang tumatakbo ang isip
panlaban sa problema't hapis
habang pag-asa'y halukipkip

sa sibuyas tiyak luluha
ngunit nalilinis ang mata
di mo ramdam ang pagkapata
kundi katawan mo'y gagana

paghaluin mo yaong tatlo
nang may maalab na pagsuyo
tiyak lalakas ka’t lilisto
kaya di ka na madudungo

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

Salitang ugat at panlapi