Doon tayo sa buhay na may katuturan

kung gusto ko'y pera, matagal na akong yumaman
baka sa kamay ko'y maraming babaeng nagdaan
baka maraming napatayong gusali't tahanan
baka lagi ako sa bar, laging nasa inuman

ngunit di ako tumutok sa pagkita ng pera
kundi maglingkod sa uri't bayan, mag-organisa
kung aalpas sa hirap, dapat di ako mag-isa
kundi aalpas sa dusang kasama ko ang masa

mag-isip lang ng pansarili'y walang kabuluhan
buhay na walang kwenta ang pulos lang kasiyahan
kaya mabuti pang maglingkod sa uri't sa bayan
sa pakikibaka, ang buhay mo'y may katuturan

nabuhay ka lang ba upang kumain at magsaya?
nabuhay ka lang ba upang magtrabaho't kumita?
kung sa kabila ng hirap, kasama mo ang masa
aba'y kaysarap ng tagumpay sa pakikibaka

halina't lipunan ay suriin at pag-aralan
upang bulok na sistema'y mapalitang tuluyan
halina't tayo'y maglingkod para sa uri't bayan
manggagawa'y ihanda sa sosyalistang lipunan

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi