Parang tinatakpan ng kung sino ang aking mukha

parang tinatakpan ng kung sino ang aking mukha
tila siya'y nakangiti upang di mahalata
nagbabalik ba ang tortyurer sa aking gunita
dibdib na'y nagsisikip, di makahinga, tulala

ito ba'y palatandaan ng anumang parating
kaya di ko na magawa ang maghanda ng piging
baka dapat paghandaan ang parating na libing
ng kung sinong di ko alam ngunit siya'y magaling

isa ba akong makata, tanong ni Kamatayan
habang maso'y aking hawak, karit ang kanyang tangan
naghahanda ba kami sa matinding sagupaan
sinong magtatagumpay sa parating na labanan

tutunggaliin natin anumang pambubusabos
upang karapatang pantao'y di basta mabastos
dapat nating paghandaan ang parating na unos
at baka makaligtas sa kanilang pang-uulos

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi