Di ka matino pag di ka tumupad sa usapan

"6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." (To a [person] that respects, his/her word is a pledge.)" ~ mula sa Kartilya ng Katipunan

di ka matino pag di ka tumupad sa usapan
nasaan na ang dangal mo kung walang katapatan
balewala ang usapan? ang OO'y salita lang?
di yata inaral ang Kartilya ng Katipunan:

sa ikaanim na talata, "Sa taong may hiya"
ay tinapos na nito sa "salita'y panunumpa!"
nakasulat na ito'y dapat nating maunawa
kaakibat ng pagkatao ang bawat salita

pag nagbitaw ka ng salita, aba'y tuparin mo
huwag gagaya sa sinungaling na pulitiko
kaakibat ng binitawang salita'y dangal mo
lalo't karugtong din nito'y prinsipyo't pagkatao 

di ako nangongonsensya kung sadyang ganyan ka na
sa akin lang, salita mo'y unawain mo sana
maganda ang usapan, umoo ka, nariyan ka
bumiyahe ako, dumating, kumatok, wala ka

anong nangyari, mga salita'y binalewala?
o baka tingin mo, isa lang akong hampaslupa?
na di dapat bigyang pansin ang mga sinalita!
o baka wala ka nang dangal? di ka na nahiya!

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi