Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan

Nobyembre disiotso'y huwag nating kalimutan
sa petsang ito'y sinalaula ang kasaysayan
pagkat ang diktador ay inilibing sa Libingan
ng mga Bayani, gayong walang kadakilaan

di naman kabayanihan ang gawang diktadura
kundi pawang pananakot at ligalig sa masa
ngunit kayrami'y namatay, nawalan ng hustisya
dinukot, sinaktan, pinaslang, nangawala sila

inilibing ang diktador nang magdesisyon ang Korte
Supremang doon sa Libingan ng mga Bayani
ay dapat lang mailibing ang dating Presidente
gayong para sa madla, mali iyon, di puwede

Nobyembre disiotso, kayrami nang nagprotesta
di makatarungan ang desisyon para sa masa
hanggang ngayon, masa'y nananawagan ng hustisya:
"Hukayin! Hukayin!" sigaw ng masa'y "Hukayin na!"

- gregbituinjr.
* unang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle



Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi