Pag tumagas ang dugo mo, O, maralita

pag tumagas ang dugo mo, O, maralita
ito'y isang pasakit sa ina't gunita
tinotokhang ka kahit na magmakaawa
bakit binibira ang walang labang dukha

nais mo'y wastong proseso't may paglilitis
kung may sala'y hatulan, huwag tinitiris
kung may kasalanan, sa piitan magtiis
huwag lang kitlin ang buhay, proseso't boses

di balang tagos sa puso ng sambayanan
na dulot ay takot, kawalang katarungan
maysala'y walang sala pag di nahatulan
kung maysala, ang magpapasiya'y hukuman

ang paglaban sa droga'y di dapat mabigo
wasto lamang na droga'y tuluyang masugpo
subalit paglabang ito'y bakit madugo
at bakit puntirya'y laging sa dukhang bungo

"at ang hustisya ay para lang sa mayaman"
anang isang awit pag iyong pinakinggan
O, dukha, wala kang hustisyang panlipunan
kaya baguhin na ang bulok na lipunan!

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi