Ang naglipanang upos

wala ka bang pakialam sa nagkalat na upos?
maglakad kang nakatungo't makikita mong lubos
na ang kapaligiran natin ay kalunos-lunos
tambak ang basura't mga upos nga'y di maubos

upos na'y pangatlo sa basura sa karagatan
kaya di lang pulos plastik ang dito'y naglutangan
may gwantes pa't facemask, dagat na'y naging basurahan
balewala ba sa iyo ang ganyang kalagayan?

mapapakiusapan mo naman ang nagyoyosi
sa isang lalagyan lang ang upos nila'y itabi
kung may batas sanang upos ay maipagbibili
o gagawing ekobrik o magyo-yosibrik kami

di ko mapapakialaman ang kanilang bisyo
kung sa kanila'y nakakatulong itong totoo
sa akin lang, upos ay huwag itapon doon, dito
may tamang lagayan upang di maglipana ito

kung isdang may upos sa tiyan ay ating makain?
o upos sa sisiw ay ipakain ng inahin?
iyang isda't manok ba sa anak ipakakain?
naisip bang upos sa tiyan nila'y pumunta rin?

halina't gawin natin anumang makabubuti
gawin anumang wasto lalo sa upos ng yosi
protektahan ang kalikasan, ito ang mensahe
para sa daigdig, bayan, pamilya, at sarili

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi