Ayoko nang umabot ng otsenta sa pagtanda

ayoko nang umabot ng otsenta sa pagtanda
na inabot ko lang iyon dahil nakatunganga
na di ka man lang nakatulong sa bayan o madla
mabuti nang mamatay sa laban kaysa tumanda

mahalaga laging may nagagawa ka sa bayan
sa iyong kapwa tao, maging sa kapaligiran
may nagagawa ka ba para sa kapayapaan?
ipinaglaban mo ba ang pantaong karapatan?

mabuti nang makipaglaban at baka magwagi
mabuting maglingkod sa bayan kaysa naghahari
kung bulok ang sistema'y bakit pinananatili
ayokong tumanda kung tahimik na lang palagi

ayokong kain, tulog, trabaho, paikot-ikot
kain, tulog, trabaho, kain, tulog, nababansot
ang utak, ayokong tumandang turumpong kangkarot
kung ganito lamang, otsenta'y ayokong maabot

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi