Ilang pananaw hinggil sa ating karapatan sa kalusugan

Ilang pananaw hinggil sa ating karapatan sa kalusugan
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Ano nga ba ang tinatawag na rights based approach to health? O ano ang kalusugang nakabatay sa karapatan? Mahalaga ang usaping ito lalo na ngayong panahon ng pananalasa ng COVID-19. Ito ba'y isyu ng mga nasa sektor ng kalusugan, o isyu ito ng mga sundalo at kapulisan?

Bakit sa usapin ng kalusugan, parang martial law at pulos pulis at militar itong mga nakaharap sa taumbayan, imbes na mga doktor, nars, at iba pang nasa sektor ng kalusugan? Masakit pakinggan na sabihin nating ang tanging alam lang ng pangulo sa pagsugpo ng problema ay pagpaslang o extrajudicial killings (EJK), kaya pati sa usapin ng COVID-19 ay pulis at militar pa rin ang inihaharap.

Sigaw nga ng marami sa atin: Serbisyong Medikal, Hindi Militar! Checkup, hindi checkpoint! Paano ba natin nauunawaan na tayo'y nakaharap sa sakit na coronavirus, at hindi tungkol sa pasistang paghahari?

Ano nga ba ang ating karapatan sa kalusugan? Ano ang mass testing? Ano ang flatten the curve?

Lalo na ngayong maraming mga manggagawa ang pinababalik na sa mga pagawaan. Panawagan ng manggagawa: Mass Testing muna bago pabalikin sa trabaho! Sa mga mag-aaral ay gayon din. 

Ayon kay Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus, WHO Director-General, “The right to health for all people means that everyone should have access to the health services they need, when and where they need them, without suffering financial hardship. No one should get sick and die just because they are poor, or because they cannot access the health services they need." ("Ang karapatan sa kalusugan para sa lahat ng tao ay nangangahulugang bawat isa’y dapat madaling kamtin ang serbisyong pangkalusugan na kailangan nila, kung kailan at kung saan nila ito kailangan, nang di maghihirap dahil sa kawalan ng salapi. Walang sinumang dapat magkasakit at mamatay dahil lamang sa mga ito ay mahirap, o dahil hindi nila ma-access ang mga serbisyong pangkalusugan na kailangan nila." – salin ni GBJ)

Sa ngayon, dapat magkaroon ng mass testing para sa lahat, mayaman o mahirap. Bago sila pabalikin sa trabaho o pumasok sa eskwelahan, tiyaking ligtas ang pagawaan, paara-lan, opisina, maging sa mga tahanan. 

Tiyaking ang karapatan sa kalusugan ay tinatamasa ng lahat. Sabi nga, dapat rights based approach, kaya dapat hindi pulis at militar, kundi mga doktor ang dapat sundin sa panahong ito, at hindi ang mga may baril na sanay sa hazing bilang disiplina.

* Unang nalathala ang artikulong ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2020, pahina 2.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi