Kaytagal nang di nasasayaran ang bahay-alak

kaytagal nang di nasasayaran ang bahay-alak
pagkat walang tinatagay at walang nakaimbak
ang tagay na lang ay katas ng dahong pinasulak
o kaya'y luya, sa salabat nga'y napapalatak

sa tingin ko'y di na malasing ang mga bulati
dahil walang alak, katawan ko nama'y umigi
di na ako lasenggero sa aking guniguni
tumino ang tanggero kahit walang sinasabi

o, kwarantina, kailan ka kaya matatapos?
si Valentina ka bang di ko maisip na lubos?
nais ko'y alak o kaya'y serbesa kahit kapos
nagbabakasakaling suliranin na'y matapos

kasangga ko'y alak sa samutsaring suliranin
minsan, serbesa ang kaibigan kung papalarin
ngunit ngayong lockdown, salabat muna ang inumin
saka na ang alak, upang mata'y di papungayin

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi