Magkalintog man dahil sa page-ekobrik

nagkakalintog o nagkakapaltos din talaga
sa daliri sa paggupit ng plastik na basura
ayos lang iyon, sa kalikasan ay ambag mo na
paunti-unti man, nakadarama ka ng saya

ito ngang lintog ko'y halos di ko na naramdaman
daliri'y nakasakbat sa gunting, nakita na lang
na may lintog, marahil ay tanda ng kasipagan
o di kasipagan kaya madaling malintugan

gayunman, lintog na ito'y simbolo ng ekobrik
mga ginupit na plastik na ating isiniksik
sa boteng plastik, patitigasin mong talagang brick
nang makabawas sa kalat, walang patumpik-tumpik

magkalintog man at magkalipak, ito'y paggawa
ng makababawas sa basura mong nalilikha
basta makatulong, lintog na ito'y balewala
habang naggugupit, nagninilay, at kumakatha

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi