Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hulyo, 2020

Bukrebyu: How Much Land Does A Man Need, ni Leo Tolstoy

Imahe
BUKREBYU How Much Land Does A Man Need by Leo Tolstoy Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr. Nabili ko ang aklat na  “How Much Land Does A Man Need”  ni  Leo Tolstoy  sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Pebrero 24, 2018 sa halagang P80.00. Isinalin ito sa Ingles, mula sa Ruso, ni Ronald Wilks. Ang aklat na iyon ang ika-57 aklat sa kabuuang 80 aklat ng Penguin Classics. Umabot ang aklat ng 64 pahina, na may dalawang maikling kwento. Ang una nga ay ang nabanggit ko, na may 21 pahina, at ang ikalawa’y ang  What Men Live By , na akda rin ni Tolstoy, na umaabot naman ng 31 pahina, mula mp. 23-53. Ang kwento ay binubuo ng siyam na kabanata. Ang bida rito ay si Pakhom, isang magsasakang naghangad magkaroon ng maraming lupain. Noong panahong iyon, nagpasya ang isang kasera sa nayon na ibenta ang kanyang mga ari-arian, at ang mga magsasaka roon ay bumili ng halos lahat ng lupaing kaya nilang bilhin. Si Pakhom mismo ay bumili ng ilang lupain, at sa pamamagitan ng pagtatrabaho ay nabayaran niya

Tanaga sa SONA 2020

TANAGA SA SONA 2020 may panibagong laban muli ang sambayanan isasabatas naman: parusang kamatayan na binanggit sa SONA tila ba tayo’y nganga tila balewala na ang hustisya sa masa niligaw tayong lubos sapagkat paksa’y kapos para bang nakaraos walang coronavirus gayong ito ang dapat unahin at maungkat o masyadong mabigat kaya sa paksa’y nalingat nasa isip ay tokhang nitong pangulong halang kaya bitay at pagpaslang ang naisip ng hunghang karapatang pantao’y di na nirerespeto tila ba ang gobyerno’y buong sinakmal nito kaya paghandaan din ang labang susungin hirap mang kalabanin itong hari ng lagim magkaisa ang dukha at uring manggagawa labanan ang kuhila na dapat nang bumaba tanaga - tulang may pitong pantig bawat taludtod * Unang nalathala sa pahayagang  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 20.

Ako at si Ho Chi Minh

Imahe
dahil sa lockdown, mahaba na rin ang aking balbas subalit di naman pangit pag iyong namamalas marahil ito'y dahil din sa tinutungong landas upang itayo ang lipunang makatao't patas animo ako'y si Ho Chi Minh na aking idolo na sa Vietnam ay isang lider rebolusyonaryo siya'y Leninista ring nangarap ng pababago haba ng balbas niya'y sagisag ba ng talino? nagagaya man ako sa balbas niyang mahaba ay binabasa ko pa rin ang kanyang akda't tula naisalin ko nga ang isang tula niyang katha at marahil dagdag na misyong dapat kong magawa hanggang ngayon, inaaral ang kanilang istorya at baka may matutunan sa kasaysayan nila maisulat ito't maibahagi rin sa masa habang di pa maahit ang balbas kong mahaba na - gregbituinjr.

Pampalakas ang sinturis

Imahe
nakahiligan ko na ang bumili ng sinturis, dalandan, o dalanghita, ito man ay matamis, o di gaanong maasim, sa sikmura'y panlinis, gagaan ang pakiramdam, katawan ma'y manipis bukod sa init ng araw, ito'y bitamina rin pampatibay umano ng kalamnan, buto't ngipin pampalakas ng resistensya pag iyong kinain mabuti nang mayroon ka nito kung may gagawin kumain ng sinturis, dalanghita o dalandan upang tumibay ka, kalamnan mo, puso't isipan matutuwa pa ang iyong mga kamag-anakan lulusog na sila'y mapuno pa ng kagalakan kaya pag tagsinturis na'y bibili ng madalas upang sa anumang sakit ay may agarang lunas pampasigla na, pampasaya pa, at pampalakas maganda ring ihanda pag may pulong ka sa labas - gregbituinjr.

Isa man akong straggler

isa man akong straggler o lagalag saanman napahiwalay o napalayo sa kasamahan ay mananatili pa ring tapat sa sinumpaan kong prinsipyo, layunin at tungkuling gagampanan ang isip ko'y di ako basta mapapariwara sapagkat aking tinatahak ang landas na tama kahit mapanganib man ito'y tutunguhing kusa ang mahalaga'y nasa wastong direksyon ang diwa masasagip din ang sarili laban sa panganib kahit na may ahas pa saanmang gubat o liblib dapat maging matatag ka't laging buo ang dibdib nang malayo sa pangil ng sinumang manibasib isa man akong straggler na may tanging layunin saanman mapapunta'y mag-oorganisa pa rin upang bulok na sistema'y sama-samang baguhin upang lipunang makatao'y maitayo natin - gregbituinjr.

Sa putikang landas

pinangalanan kong Markang Putik ang isang blog ko sapagkat iyon ang marka ko, ang putikang ako mabaho, amoy putik, madulas daw, aburido subalit ako'y simpleng ako, karaniwang tao ilang beses nang iwing buhay na'y biglang tumirik muntik-muntikan ang disgrasya, oo, muntik-muntik mabuti na lang ang utak ko'y di patumpik-tumpik naiwasan din iyon bago pa mapatahimik ngunit kung ako'y putik ay kakaiba ang diwa pinagsamang PUlitika't paniTIK ang salita oo, may pulitika sa bawat akda ko't paksa na nilalambungan ng anino ng laksang dukha lumubog man sa putik o gumapang man sa lusak gumulong, magurlisan, o sa likod may tumarak ako'y babangon at babangon kung saan nasadlak titiyakin kong makaahon saanman bumagsak tulad ng putik, dapat ingat rin, baka madulas lalo't ang tinatahak ay di madaanang landas tungo sa pangarap na lipunang lahat ay patas walang pagsasamantala, bawat isa'y parehas - gregbituinjr.

Nabubuhay akong malayo sa aking daigdig

nabubuhay akong malayo sa aking daigdig kung saan doon sa kapwa ko dukha'y kapitbisig lumalaban sa mapagsamantala't manlulupig habang sa isyu't problema ng masa'y nakikinig dahil sa lockdown ay nakatunganga sa kawalan dahil sa pagsusulat kaya pa may katinuan pagsusulat ng dyaryo'y pinagkakaabalahan mabuti't may kwaderno't plumang laging tangan-tangan naroon ako sa mundong tahimik at payapa na tila puganteng dapat nang malibing sa lupa tila ba ako'y taong palutang-lutang sa sigwa mabuti't nariritong may nalilikha pang tula dapat kong balikan ang daigdig na nakagisnan upang ipagpatuloy ang adhikain at laban sa ngayon, ako'y kaluluwang humihinga naman na dama'y bangkay na ang katawan at katauhan - gregbituinjr.

Ayoko na sa ganitong sitwasyong kwarantina

ayoko na sa ganitong sitwasyong kwarantina na animo'y bangkay na't walang kapaga-pag-asa kaya paggupit man ng plastik ay pinatulan na kaysa tumunganga, dama'y hungkag at walang kwenta mabuti pang bumalik na sa pangunahing lungsod upang sa bayan ay patuloy na makapaglingkod ayoko sa kwarantinang bangkay kang nakatanghod mabuting nakikibakang ako'y sugod ng sugod mabuting kumikilos na mayroon kang dahilan upang mabuhay, kahit sinuong mo'y panganib man kaysa lockdown na bangkay kang walang kalaban-laban paano babalik sa dating mundo'y pag-isipan bumalik o magpatiwakal, anong pipiliin? ang ikalawa'y kabaliwang ayokong isipin mabuti pa ang una't isang mandirigma pa rin inaalay ang buhay sa marangal na layunin - gregbituinjr.

Patuloy na pagsagot ng palaisipan

Imahe
patuloy ang aking pagsagot ng palaisipan na bigay lang sa akin upang may magawa naman mga palaisipang sadya mong kagigiliwan na bawat libreto'y dalawampu't pito ang laman kaya ang dalawang libreto'y limampu't apat na sa panahong may lockdown, pagsagot dito'y kaysaya sinimulan kong sagutan noong isang araw pa ng dalawang libretong natapos ko lang kanina tila palaisipan ay imbensyong may adhika lalo't tinatahi'y salita ng abang makata na bawat bagong salita'y tinatandaang pawa sapagkat magagamit din sa pagkatha ng tula bata pa nang sa palaisipan na'y nahihilig krosword na tagalog sa dyaryo'y bibilhin na't ibig minsan may salita roong di mo pa naririnig na pag iyong ginamit sa tula'y nakakaantig - gregbituinjr.

Pananghaliang kamatis at tuyo

Imahe
sadyang kaysarap kumain ng kamatis at tuyo pagkain ng dalita, murang-murang nilalako mabubusog na'y nakakawala pa ng siphayo habang sa gunita'y sintang naroon sa malayo wala mang katabi'y kasalo pa rin ang diwata na habang kumakain ay siya ang nasa diwa huwag sanang mahirinan habang nasa gunita baka bundat na ang tiyan ay di pa rin halata aba'y mabubusog kang tunay sa tuyo't kamatis lalo't nasa kwarantina't bayan ay nagtitiis pag kumain daw ng kumatis, kutis mo'y kikinis pag kumain daw ng tuyo, gaganahan kang labis halina't magsalu-salo na sa pananghalian tuyo't kamatis ay sahugan natin ng kwentuhan mabubusog ka na'y ramdam mo pa ang kagalakan, anong sarap, baka ito'y mauwi sa inuman - gregbituinjr.

Wala mang nagbabasa ng mga nalikhang tula

wala mang nagbabasa ng mga nalikhang tula isulat lang ng isulat anumang nasa diwa marahil ay di sa panahong ito nanunudla ang bugso't palaso ng mga taludtod ko't tugma doon sa ikadalawampu't limang kabanata ng nobelang Noli ni Rizal ay sinabing pawa ni Pilosopo Tasyo kay Ibarra, na inakda niya'y nasa hinaharap ang makakaunawa marahil din, natititik man sa sariling wika ang iwing tula'y di pa rin binabasa ng madla baka sunod na salinlahi ang magbasang sadya lalo't ang makatang ito'y tuluyang namayapa ang tula ko'y di na akin pag tuluyang nawala kundi ang daigdig na ang aangkin nitong tula kaya kung ngayon man pamanang ito'y balewala sa ibang panahon ay baka ambag sa paglaya - gregbituinjr.

Pasiglahin ang katawan at isipan

dapat kong tiyaking masigla ang aking katawan at huwag hayaang patulog-tulog sa pansitan pasiglahin, di lang kalamnan, kundi ang isipan nang gumana ito, nakatitig man sa kawalan bawat araw, yaring pluma'y nakatakdang lumikha ng dalawa o tatlong tulang nahagip ng diwa sa samutsaring kalagayan, iba't ibang paksa ngunit nakabatay pa rin sa prinsipyo't adhika dapat magbasa, magnilay, o tumingin sa kisame baka makita'y butiki o sumulpot ang bwitre pluma'y kunin, isulat ang pasaring ng salbahe o kaya'y ang ibinulong ng katomang kumpare kaya dapat pasiglahin ang katawan at isip bakasakaling sa naisulat ay may masagip na magpapatiwakal, o may balitang nahagip na kung maisusulat ay dapat munang malirip - gregbituinjr.

Ang panitik ko'y pinitak

nangangapa sa dilim sa panahon ng Terror Law sa akademya ba natuto ang mga berdugo? sasabihing nanlaban ang pinaslang nilang tao? kahit may saksing nagsisuko na ang mga ito? peace and order ba'y kapayapaan at kaayusan? na layon daw ng Terror Law at kinakailangan? peace and order ba'y katahimikan at sumunod lang tumango, tumalima sa kanilang patakaran wala kang karapatang ipahayag ang damdamin at pamahalaan ay di mo dapat tuligsain ganyan ba'y peace and order, bayan na'y patahimikin? at karapatang magsalita'y agad pipigilin! kahit ako'y nasisindak man ay di pasisindak patuloy sa pagpropaganda kahit mapahamak na pluma'y balaraw kong sa puso't diwa'y tatarak at ang iwi kong panitik ay magiging pinitak - gregbituinjr.

Pabaon sa sanlinggong pagkawala

Imahe
pababaunan kita ng laksa-laksang gunita upang di malungkot sa sanlinggo mong pagkawala saanman pumaroon, ikaw ang tanging diwata sa panaginip man o sa buhay kong anong sigla para sa mabuti ang seminar mong dinaluhan na matapos iyon ay makakatulong sa bayan magiging frontliner sa magiging trabahong iyan upang kahit papaano, sakit ay maiwasan mananaginip ako mamayang di ka katabi subalit nasa panagimpan ka, O, binibini bago matulog, tititigan ang langit sa gabi at baka naroroon ka sa aking pagmumuni may dalawang bituing magkayakap sa magdamag habang inaawit ang damdamin sa nililiyag ang tanging puso sa sinisinta'y inihahapag uukit ang pag-ibig bago araw ay suminag - gregbituinjr.

Mula 1 metro'y naging 1.5 metrong physical distancing

Imahe
Mula 1 metro'y naging 1.5 metrong physical distancing nakapagpalitrato na sa isang karatula na physical distancing ay isang metrong distansya ngayon naman, aba'y isa't kalahating metro na isipin mo kaya bakit ito'y nadagdagan pa magmula isang metro'y naging isa't kalahati marahil ito'y isa ring pagbabakasakali mas matindi ang ikalawa, dama'y di mawari kalahating dagdag ba'y dahil meron pang nasawi? tunay ngang kayraming namatay sa coronavirus kung susuriin ang mga nailabas nang datos anong paliwanag? ang isang metro kaya'y kapos? dinagdag bang kalahati'y upang malubos-lubos? isang metro, isa't kalahati, o dalawa man ang mahalaga'y ating isinasaalang-alang ang agwat upang sa sakit ay di magkahawaan kaya ingat lagi, siguruhin ang kalusugan - gregbituinjr.

Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx

Imahe
Munting pagtalakay hinggil sa teorya ng alyenasyon ni Marx Nalathala sa tatlong bahagi sa tatlong isyu ng Taliba ng Maralita Maikling salaysay ni Greg Bituin Jr. I May sinulat noon si Karl Marx hinggil sa teorya ng alyenasyon, o yaong pakiramdam mo’y hindi ka na tao kundi bahagi ng makina. O pagkahiwalay mo sa reyalisad bilang isang taong may dignidad at karapatan. Sinasabing ang salitang alyenasyon ay tumutukoy sa “pagkakahiwalay ng tao mula sa kanyang sarili at mula sa kanyang mga kakayahan”. Ang sinulat ni Marx ay tumutukoy sa manggagawa, hindi pa sa katauhan ng isang tao. Pag-isipan natin at aralin ito, lalo na sa konteksto ngayong maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19. Marami ang pinabalik sa trabaho subalit wala namang masakyan patungong trabaho. Sa Negros, tinanggal ang mga manggagawang nagtanong lang kung sasagutin ba ng kumpanya ang kanilang ospitalisasyon sakaling sila’y magkasakit pagkat pinapasok sila ng wala man lang mass testing. Ayon kay Marx, may

Patuloy na pagsusulat para sa madla

higit apat na buwan nang nakakulong sa bahay 'stay-at-home' daw sa lockdown, ngunit di mapalagay di dapat patulog-tulog lang at magpahingalay kundi gawin pa rin anong dapat habang may buhay kwarantina man ay may matatanaw pang pag-asa ganap pa ring tibak kahit wala man sa kalsada mabuti't may Taliba, ang pahayagang pangmasa pinagkakaabalahan nang dukha'y may mabasa higit apat na buwan mang naroon sa tahanan ay gumaganap pa rin nitong iwing katungkulan nagpopropaganda sa abot ng makakayanan nagsusuri ng isyu't pangyayari sa lipunan mapabatid ang layunin ng uring manggagawa magsulat bilang kawal ng hukbong mapagpalaya manligaw upang prinsipyo'y yakapin din ng madla magsaliksik, magsuri, magsulat, at maglathala sige, sulat lang ng sulat habang may naiisip, may nasasaliksik, at mga isyu'y nasisilip, kakathain ang nasa puso't diwa'y halukipkip hangga't may pluma, papel, at balitang mahahagip - gregbituinjr.

Tatlong boteng walang laman para i-ekobrik

Imahe
tatlong bote ng Cobrang walang laman muna ngayon pupunuin ng mga ginupit na plastik iyon bubunuin ko ang gawaing iyon sa maghapon na baka nga abutin pa ng isang linggo roon ah, tatlong bote lang muna, kalaban ay mahina mabuting may ginagawa kaysa nakatunganga para sa kalikasan, at ako'y may napapala habang nageekobrik ay naglalaro ang diwa samutsaring paksa ang dumadaloy sa isipan hinahabi ang mga akdang sa diwa'y naiwan ang mga taludtod at saknong nga'y sinasalansan pinagsasalita rin ang anino sa kawalan nagtatapos at nagtatapos ang pageekobrik habang sa isip, may nakatha habang nagsisiksik sa mga bote ng pinaggupit-gupit na plastik at pag nagpahinga, nasa diwa'y isasatitik - gregbituinjr.

Isang metrong agwat na physical distancing

Imahe
Isang metrong agwat na physical distancing nadaanan din lang namin ang karatulang iyon ay nagpakuha na ng litrato sa tabi niyon bilang patunay ng isang metrong layo ang layon ng physical distancing na pinatakaran ngayon tunay ngang nais nating proteksyunan bawat isa kaya kahit isang metro lang, layu-layo muna bawal bumahin, bawal walang facemask sa tuwina saanman, kalsada, palengke, botika, groserya 'No facemask, no entry' at 'one meter' dapat ang agwat ng bawat isa, may physical distancing daw dapat bagamat paalala upang di mahawang sukat isang paalala iyong hangad kong maurirat bakit isang metro, di dalawa, tatlo o lima ito ba'y pagbabakasakali, di ko nabasa tiyak kong may batayan ang isang metrong distansya marahil pag ating inaral sa matematika marahil isang metro'y sapat upang di mahawa ng nakakadiring virus na naglipanang sadya di man nabasa ang batayan kung saan nagmula mahalaga, isang metro'y tupdin at maunawa - gregbit

Animo'y laro lang sa kanila ang pagpaslang

bakit animo'y paglalaro na lang ang pagpaslang? ang kanilang kaluluwa ba'y pawang mga halang sa akademya ba'y doon nasanay at nalinang? ang kakayahan kaya sa dugo ng kapwa'y aswang? karapatang pantao ba'y di na nirerespeto? bakit ba naglalaway sa dugo ng kapwa tao? wala ba silang pakialam sa due process of law? dahil ba sila'y may baril, pakiramdam na'y macho? ang kulturang tokhang na'y pinauso ng rehimen kaya pinapaslang ang napagtitripang patayin sa unang taon pa lang ay napuno na ng lagim ang bayang itong kayraming inang nagsiluha rin buhay ng minamahal ang kinuha sa kanila kaya sinisigaw nila'y panlipunang hustisya di laro ang pagpaslang, ang tindig ng mga ina dapat parusahan ang maysala, managot sila - gregbituinjr. * Inihanda para sa State of the People's Assembly (SOPA) na ilulunsad ng Freedom from Debt Coalition (FDC) at mga kasapian nito, Hulyo 24, 2020. Kinatawan ako rito ng Ex-D Initiative b

Kaming mga aktibista'y may prinsipyo't dignidad

kaming mga aktibista'y may prinsipyo't dignidad kakampi ng dukha, tumutulong sa kapuspalad nilalabanan ang burgesyang may utak-baligtad dahil sakim at sariling interes lang ang hangad aming itatayo'y isang lipunang makatao na sa karapatan ng bawat tao'y may respeto at walang pagsasamantala ng tao sa tao kung saan bawat isa'y nagtutulungan sa mundo hangga't may mga pagsasamantala sa lipunan hangga't patuloy ang kahirapan at kaapihan asahan ninyong patuloy pa rin kaming lalaban asahan ninyong tibak ako hanggang kamatayan kaming mga aktibista'y may prinsipyo't dignidad na ipinaglalaban at sa masa'y inilalahad ang kabulukan ng sistema'y aming nilalantad dahil nais naming dukha'y isama sa pag-unlad - gregbituinjr.

Patuloy na pagkatha

patuloy pa rin ang gawaing kumatha ng tula anuman ang pag-usapan ay kakatha't kakatha animo'y di napapagod, walang kasawa-sawa minsan, ang paksa'y hinahagilap pa sa gunita buhay ng dalita, buhay ng karaniwang tao, buhay ng kabataan, kababaihan, obrero mga pagsusuri sa lipunang kapitalismo pakikibaka't sakripisyo, buhay-aktibismo prinsipyong tinanganan at pantaong karapatan maitayo ang adhikang makataong lipunan taludtod ng dakilang Kartilya ng Katipunan laman ng manipestong sa manggagawa'y huwaran bilang propagandista'y aking itinataguyod ang kagalingan ng uring obrero bilang lingkod inaalam anumang isyu't problemang matisod upang malaman ng madla'y susulating may lugod katha ng katha habang pinagtatanggol ang dukha magsulat lang ng magsulat doon sa aking lungga mag-aakda ng kwento, sanaysay, tula't balita buhay na'y inalay sa pagkatha para sa madla - gregbituinjr.

Pahimakas kay Ka Susan Quimpo

Imahe
Pahimakas kay Ka Susan Quimpo sa tapat ng Korte Suprema unang nakilala si Mam Susan Quimpo, na isang kapwa aktibista may rali roon tungkol sa paglibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, aba'y que horror at binati niya ako matapos kong bumigkas ng likha kong tula sa munting programang palabas matapos iyon ay marami pang mga pagkilos ang sinamahan upang huwag malibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani pagkat di ito bayani, anang taumbayan, "Marcos is No Hero" maraming grupong nabuo, Block Marcos, Coalition Against Marcos Burial, at iba pang organisasyon kung saan tula ko'y binibigkas ko sa kalsada pati na sa isang konsyerto doon sa Luneta at naroon si Mam Susan, ngiti ang pasalubong animo'y isang ate, tiya, o inang naroon tawag nga niya sa akin ay si Greg, ang Makata na nakangiting babati matapos kong tumula isa sa awtor ng aklat na mamo-"move ka sa tears": “Subversive Lives: A Family Memoir of the Marcos Years&quo

Anong batayan ng isang metro sa social distancing?

Imahe
Anong batayan ng isang metro sa social distancing? bakit sa social distancing, ang layo'y isang metro? ito'y narinig ko lang sa balita't mga tao bakit di dalawa, tatlo, apat, lima, o pito? anong matematikang batayan ng metrong ito? upang virus ay masugpo o di mahawa nito? pag bumahin ka ba'y di na aabot sa kaharap? lalo't tinakpan agad ang ilong sa isang iglap mahirap bumahin nang may facemask, baka malasap mo'y sakit, lalo't sariling virus na ang nalanghap kaya isang metrong agwat ba'y isa nang paglingap? sa dyip ngayon, may plastik na harang sa katabi mo saan man magpunta, dapat ba't laging isang metro? magtungo ka man sa grocery, mall, botika, bangko? maglakad sa bangketa, lumayo sa kasunod mo? nasa palengke man o kumain sa turo-turo? yaon bang nagka-COVID at namatay ba'y lumabag? sa batayang isang metro, o sinabi ko'y hungkag? libu-libo'y namatay, agwat ba'y may paliwanag? hinahanap

Di ko inugaling mangutang

Imahe
Di ko inugaling mangutang di ko rin naman naging ugali ang pangungutang sapagkat baka di ko maibalik ang hiniram wala akong kapasidad upang agad bayaran ito kaya minabuti kong huwag nang mangutang iyan ang aking tindig, lalo't butas pa ang bulsa pinaplano ang gagastusin at pinagkakasya huwag bumili ng anumang luho kung di kaya depende ang kakainin kung magkano ang pera mura ang gulay, kung may tanim, libre't malulugod pipitas lang lalo't walang trabaho, walang sahod ngayon pa'y panahon ng panagip o "survival mode" mabuti pang magbasa ng aklat kaysa manood ayokong mabuhay upang magbayad lang ng utang ilang taon ang bubunuin upang bayaran lang ang inutang, hukluban ka na'y di pa nabayaran ayokong nabubuhay ng may utang kaninuman baka mangutang kung buhay at kamatayan ito halimbawa'y agaw-buhay sa ospital ang tao kung pera ang magliligtas sa buhay niyang ito isasangla ko na ang buhay ko, uutang ako - gregbituinjr. 07.22.2020

Patuloy na pageekobrik

tanong sa akin, hindi pa ba matatapos iyan? hinggil sa ekobrik na gawa ko paminsan-minsan sabi ko lang, gawaing ito'y walang katapusan hangga'y kayrami pang plastik sa ating basurahan oo, wala pang katapusan ang gawaing ito hangga't wala pang makitang ibang solusyon dito hangga' may bumabarang plastik sa mga estero hangga't wala pa ring disiplina ang mga tao pumumpuno ng plastik ang ilog at karagatan mabingwit mo, kung di isda'y plastik ang karamihan tapon dito, tapon doon, mundo na'y basurahan ekobrik ay pagsagip din sa ating kalikasan patuloy akong mageekobrik hangga't may plastik gugupitin itong maliliit at isisiksik sa boteng plastik, na patitigasin ngang tila brick hangga'y may plastik, gagawa't gagawa ng ekobrik - gregbituinjr.

Saglit na paglipad ng mga sisiw

wala pang dalawang buwan ay nakalilipad na ang mga sisiw na itong dati nga'y labing-isa sabi ng aking biyenan, namatay daw ang isa baka yaong pilay na sisiw, di ko na nakita sa tubong nakakabit nga sila'y palipad-lipad tutuntong doon, mamamahingang animo'y pugad pagsisiyapan nila'y musikang animo'y ballad kaysarap pakinggang animo'y orkestrang tumambad subalit di sila makalipad tulad ng ibon na sa ere'y kayang magpalutang buong maghapon tila ginaya nila'y mga mayang naglimayon na madalas makasama nila ritong humapon wala pa silang dalawang buwan ngunit kaylakas gamit ang pakpak ay palipad-lipad ding madalas subalit saglit lang, kakapit na sila sa baras sana'y maging matatag pa sila ngayon at bukas - gregbituinjr.

Ang nawawalang inahin

ang inahing manok ay dalawang araw nawala hinanap ko sa gubat, bandang ilog, sa kaliwa ngunit ang tinig niya'y di ko marinig sa lupa hanggang pinauwi ni misis, maggagabi na nga naalala kong isang paa niya'y nakatali kaya kinabukasan muli'y nagbakasakali alagang inahing manok ay hinanap kong muli di na sa kaliwa, tumungo sa kanang bahagi dala ko ang isang sisiw sa kulungang maliit upang kung marinig ng inahin, ito'y lalapit o magkukurukok ito't ako ang makalapit sana walang ibang hayop na sa kanya'y dumagit at malayu-layo na rin ang aking napuntahan sinuot ang baging at talahib sa kagubatan nilagay ang tenga sa lupa, aking napakinggan ang kurukukok niya't siya'y aking natagpuan pumulupot ang tali niya sa sanga ng kahoy, baging, at talahib, gutom na't tila nananaghoy mabuti't kinalalagyan niya'y aking natukoy mabuti't di naunahan ng hayop na palaboy ang inahin ay ikinulong, inuwi sa bahay di na pinakawalan, baka sa

Simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka

niyakap ko nang panuntunan bilang aktibista sa loob ng nagdaang higit dalawang dekada ang simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka para sa karapatan at panlipunang hustisya panuntunang yakap-yakap ng buong puso't diwa upang makapaglingkod sa manggagawa'y dalita upang maging bahagi ng hukbong mapagpalaya upang makiisa rin sa bawat laban ng madla nais kong ipakita ang buo kong katapatan sa prinsipyo't adhika ng niyakap kong kilusan kaya nag-oorganisa ng masa kahit saan nagsusulat, kumakatha para sa uri't bayan puspusan ang pakikibaka't simpleng pamumuhay habang nagpopropaganda, tula man o sanaysay na tinitiyak ang linya at direksyon ng hanay sa mga kasama, tuloy ang laban, pagpupugay - gregbituinjr. 07.20.2020

Hindi tuwing last Monday ng July ang SONA

Imahe
Hindi tuwing last Monday ng July ang SONA Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr. Maraming nagsasabing tuwing last Monday ng July o tuwing huling Lunes ng Hulyo nagaganap ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ng Pilipinas. Subalit hindi tuwing last Monday ng July ang SONA. Siyang tunay, mga kapatid. Mas eksakto, tuwing fourth Monday ng July nagaganap ang SONA. Pumapatak ito sa mga petsang Hulyo 22 hanggang 28. At kung pumatak ito ng Hulyo 22, 23 o 24, may fifth Monday o ikalimang Lunes ng Hulyo, na pumapatak ng Hulyo 29, 30 o 31. Tanging Hulyo 25, 26, 27 at 28 lang maaaring pumatak ang last Monday of July. Tulad noong nakaraang taon, Hulyo 23 ang SONA. Fourth Monday iyon at hindi last Monday ng July. Dahil Hulyo 30 ang last Monday ng July, 2019. Kaya mas tamang sabihin nating tuwing ikaapat ng Lunes sa buwan ng Hulyo nagaganap ang SONA, at hindi tuwing huling Lunes ng Hulyo. Ngayong taon, pumatak ng Hulyo 27 ang SONA. At SONA naman ay... (anong wish mo

Pahimakas na tula para kay Ka Miles

Imahe
Pahimakas na tula para kay Ka Miles isang taas-kamaong pagpupugay kay Ka Milo lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino noon at nagsilbing sekretaryo heneral nito magaling na lider, organisador, at obrero dating estudyante sa Feati University na tulad ko'y namulat bilang tibak sa Feati magaling siyang magsuri, marahil pa'y cum laude inalay ang buhay at sa uri't bayan nagsilbi batikan siyang organisador ng manggagawa matalisik magsulat ng mga isyu ng madla malinaw, madaling unawain ang kanyang akda bagamat malalim na puso't diwa'y tinutudla minsan, nabalita sa dyaryo ang kanyang pangalan na inaakusahang rebelde ng kapulisan sumama ako, apat kami, puntang Caloocan una'y sa presinto, di doon, kundi sa kulungan ang hepe sa balita'y naroon, kausap nila naiwan ako sa sasakyan, di na pinasama matagal sila sa loob, buti't naayos nila ang gusot na iyon, nangyaring aking naalala sa tanggapan ng B.M.P.'y nakasamang matagal pansin

Inspirasyon ang sinabi ni Sofia Kovalevskaya

Imahe
"It is impossible to be a mathematician without being a poet in soul."  - Sofia Kovalevskaya (Feb 15, 1950 - Feb 10, 1991), Russian mathematician sinabi nga noon ni Sofia Kovalevskaya na babaeng Rusong sa matematika'y kilala: "Imposible ang maging paham sa matematika kung di ka makata ng buong puso't kaluluwa." ang kanyang sinabing ito'y nagsilbing inspirasyon sa akin, makatang kumuha ng B.S. Math noon at kaysarap tuloy balikan ang mga ekwasyon, theorem, at iba pa sa pagdaan ng panahon ilang dekada na ring mga tula'y kinakatha inuunawa ang anuman, iba't ibang paksa sinabi ni Kovalevskaya'y tumining sa diwa kaya naritong matematika'y itinutula tula't sanaysay sa matematika'y tututukan titipunin ang mga akda sa munting aklatan na balang araw ay maisaaklat kong tuluyan at sa bagong henerasyon ay ibahagi naman - gregbituinjr.

Pagluluto ng kampanilyang sili

Imahe
namimigay ng libreng bell pepper sa nadaanan kaya nang aming makita'y nanghingi ng iilan namigay na iyon ay aming pinasalamatan at pagdating ng bahay ay agad kong hinugasan ang kampanilyang sili'y ginayat ko ng pahaba at doon sa kawali'y ginisa ko sa mantika pinalutong, aba'y anong sarap ng naihanda sa tanghalian, linamnam nito'y nakamamangha marahil sa kalusugan, ito'y makaganda rin may bitamina't mineral din itong makakain marahil, gawing pulutan sa inyong totomain at mga buto nito'y mabuting iyong itanim tikman mo rin itong ginisang kampanilyang sili tiyak sa sarap nito'y di ka mag-aatubili baka mapatula ka pa't maraming masasabi ingat, baka sa busog mo'y makatulog sa tabi - gregbituinjr.

Sinigang na bangus at adobong sitaw

Imahe
sinigang na bangus at adobong sitaw ang ulam karne'y iniwasan na ng sikmurang kumakalam lalo't malusog na pangangatawan itong asam kumain daw lagi ng pampalakas, anang paham kaya pagkain ng laman ay iniwasan ko na bagay na marahil sa iba'y nakapagtataka kumain ng paborito kong porkchop na'y bihira ang pag-iwas sa karne'y mas lalong nakakagana pagiging vegetarian nga'y naging panuntunan ko maggulay lagi, sitaw, talong, okra, talbos, upo sa pagiging budgetarian ay matagal na ako di bibilhin ang mahal, laging mura ang hanap ko pag nagkita tayo, huwag nang maghanda ng karne kamatis at bagoong lang, ayos na ako dine kung may gulay mang ihahanda, aba'y mas maigi salamat, inunawa mo ang aking sinasabi - gregbituinjr.

Isang munting pagninilay

nais kong makatulong sa mga organisasyon upang makapagpatuloy sa mga nilalayon kung runner, errand, o utusan ang trabahong iyon tatanggapin ko na basta magkatrabaho ngayon sa human rights organization ay pupwede ako sa IDefend Movement ba'y anong maitutulong ko? sa PhilRights, PAHRA, Balay, sana'y may opening dito para sa pagtatanggol sa karapatang pantao nakatapos ako ng labor paralegal noon sa Caritas, Manila, Ministry of Labor iyon dapat kong ipraktis, huwag munang magsolo ngayon kailangan ko pa ng gabay sa trabahong iyon sa grupong makakalikasan, ako'y pupwede rin sa Ecowaste Coalition kaya ako'y tanggapin? sa No Burn Pilipinas ay baka makatulong din sa Greenpeace, Green Convergence kaya'y baka may opening sekretaryo heneral man ng K.P.M.L ngayon sa X.D. Initiative ay gayon din ang posisyon dapat ding may kita't may pambili ng malalamon dapat may salaping panggugol, maliit man iyon sana'y may makatulong pa rin sa tulad kong tibak

Pag namatay kang dukha

di mo raw kasalanan pag dukha ka nang isilang pag namatay kang dukha, kasalanan mo raw iyan paano akong nabubuhay nang di nagpayaman di nag-angkin ng anumang pag-aari saanman dahil aking sinusunod ang simpleng pamumuhay mula nang magpakilusan, ito na'y aking gabay kakampi ng masa, maralita ang kaagapay at kumikilos tungo sa lipunang pantay-pantay ang mag-angkin ng pribadong pag-aari'y di ako pagkat iba ang aking paniniwala't prinsipyo nais kong walang mayaman o mahirap sa mundo lahat ay nakikipagkapwa't nagpapakatao ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari na siyang dahilan bakit may iba't ibang uri instrumento ng mapagsamantala't naghahari upang durugin ang uring kanilang katunggali simpleng pamumuhay man ang prinsipyo kong dakila ay di naman nagsamantala't walang kinawawa mayaman sa karanasan, mamamatay na dukha kaysa namatay ngang mayaman ngunit sinusumpa - gregbituinjr.

Ang esensya ng buhay

nasa pananahimik ba ang esensya ng buhay? at hinahayaan ang kapwang basta pinapatay? ang mga nangyayari ba'y tinatanggap mong husay? ang panlipunang hustisya'y balewala bang tunay? kaya may nanggugulo dahil sa mga tahimik na kahit alam na may mali'y di man lang umimik pagkat di naman daw sila tinatamaang lintik walang pakialam sa kapwang mata'y pinatirik lumagay man ako sa tahimik, magsasalita para sa karapatan ay gagawin anong tama wala mang pera'y ipagtatanggol ang masang dukha wala mang lakas ay may plumang kakampi ng diwa nasa paglaban ang esensya ng buhay sa akin nasa pagkilos upang bayan ito'y palayain mula sa kuko ng mapang-api't mapang-alipin di mananahimik sa tabi't hayaan lang natin wala sa pananahimik ang esensya ng buhay para sa akin ay nasa pakikibakang tunay kumakayod upang kumain? aking naninilay mabuhay nang kumain o kakain nang mabuhay? sa akin, esensya ng buhay ay ang paglilingkod at pag-oorganisa sa masa't

Kumikilos ako di upang kumita ng pera

kumikilos ako di upang kumita ng pera kundi upang magsilbi sa bayan, sa dukhang masa aanhin ko ang salapi kung sa layaw ang punta kung may pera'y gagamitin sa pag-oorganisa mas mahalaga sa akin ang pagpapakatao di ang anumang yaman, luho, bisyo, o kapritso anong halaga ng buhay nang isilang sa mundo kung sa salapi na lang umiinog ang buhay mo nais ko ng rason bakit nabuhay sa daigdig di ang mabuhay upang kumain, gawin ang hilig di lang kumayod upang mabuhay, gawin ang ibig kundi esensya bilang taong may prinsipyo't tindig "iisa ang pagkatao ng lahat," ang sabi nga ni Gat Emilio Jacinto, na bayaning dakila ang kanyang Liwanag at Dilim ay basahing kusa nang pagpapakatao'y ganap nating maunawa ang Kartilya ng Katipunan ay ating namnamin pagnilayan ang nilalaman at isapuso rin dapat walang amo at wala ring inaalipin dapat ang asam na ginhawa ng bayan ay kamtin kaya kumikilos ako di para sa salapi kundi sa pakikibaka laban sa mga mali itayo a

Kung mata ko'y tumirik

pangako, aalis ako rito't di na babalik pagkat di ito ang mundo ko, sa puso'y saliksik lugar ko'y nasa pagbaka, di sa pananahimik di ako naging tibak upang sa bahay sumiksik at sa mga isyu ng bayan ay basta hihilik pakikibaka'y nasa aking sugo natititik di mapakali sa mga isyung masa'y humibik kaya pag may mga pagkilos, ako'y nasasabik sumisigaw ang damdamin, bibig ma'y di umimik nais kong nasa labanan kung mata'y tumirik katawan ko man ay parang luya nilang madikdik tibak at mandirigma akong di natatahimik ayokong magiging pipi't bingi sa mga hibik ng bayang ang dignidad ay ginigipit ng lintik na diktador o among talagang napakaswitik nais kong nasa laban kung mata ko'y pinatirik na gamit sa pagtatanggol sa bayan ay panitik sa payapang buhay, aalis ako't di babalik pagkat ang mundo ko'y sa paglaban, paghihimagsik laban sa sistemang bulok at mapang-aping lintik sakali mang sa akin may balang magpatahimik sa larawa

Ang tanging kasalanan ko

ang tanging kasalanan ko lang ay ang pagtatanggol sa pinagsasamantalahang di pa makatutol sa mga inaapi ng burgesyang mapagmaktol sa mga dukhang hinamak dahil walang panggugol ang tanging kasalanan ko'y ipagtanggol ang masa upang kamtin ang asam na panlipunang hustisya lumalaban sa mapang-api't mapagsamantala, manggagawa't dukha ang kasamang nakikibaka ang tanging kasalanan ko'y ipagtanggol ang bayan laban sa mananakop na Tsina't ibang dayuhan laban sa mapangyurak ng pantaong karapatan laban sa katiwalian at sa tubo gahaman ang tanging kasalanan ko'y ipagtanggol ang uri mga dukha't manggagawa laban sa naghahari laban sa hirap dulot ng pribadong pag-aari dapat sa labang ito, uring obrero'y magwagi ang tanging kasalanan ko'y ipagtanggol ang tao itaguyod ang dignidad at karapatan nito itaguyod ang pagkakapantay-pantay sa mundo at walang pagsasamantala ng tao sa tao kung sa mga pagkakasalang iyan ay mamatay tinokhang ng sunud-su

Mga tanong sa ilang

sa ulo'y nagkakamot habang naroon sa ilang kung anu-ano'y nasa isip lalo't naiilang dapat maligo't may balakubak, sa ngayon ilang buwan nang lockdown na sa mga poste'y nagbibilang gugupitin ang kuko, gagamitin ang kukote ang mga pasaway ba'y bakit nila ginugulpi? paano nila tinitiris kung mama'y salbahe? bakit nadamay sa tokhang ang batang inosente? marami nang namatay sa coronavirus ngunit marami rin daw ang gumaling, ang kanilang giit ngunit siksikan na sa mga ospital, ang sambit paano kung maralitang gipit pa'y magkasakit? milyon na'y nawalan ng trabaho, paano ngayon? saan kakayod upang pamilya'y may malalamon? bata pa'y apektado sa kanilang edukasyon sa bagong normal na ito'y paano pa aahon? - gregbituinjr.

Di na ako hahawak ng gatilyo

di na ako hahawak ng gatilyo, di na muli ayoko itong kalabitin hangga't maaari sana'y mawala na ang mapagsamantalang uri sana'y wala nang mga mapang-api't naghahari ang lider at kasamang Mao nga noon ay nagwika himagsikan ay sa dulo raw ng baril nagmula subalit ngayon ito'y di na aking paniwala pagkat di lang baril ang instrumento sa paglaya pakikipagkapwa ang ating dapat itaguyod ang Kartilya ng Katipunan sa marami'y lugod organisahin ang masa bilang kanilang lingkod lumaban sa mapang-api hanggang sa aking puntod isa lang akong kawal ng hukbong mapagpalaya nananalaytay sa ugat ang dugong mandirigma di man baril ay pluma na ang nasa pulso't diwa habang patuloy pa rin sa adhikang paglaya ang kabulukan ng sistema'y aming ilalantad itaguyod ang karapatang pantao't dignidad labanan ang mapagsamantalang tubo ang hangad ito ang tutupdin kong misyon kahit magkaedad - gregbituinjr.

Pagtatanim ng talong sa karton ng gatas

Imahe
kanina'y nagtanim ng talong sa karton ng gatas lalagyang karton na nilagyan ko naman ng butas ginupit ang isang bahaging ngayon nakabukas nilagyan ng lupa't pataba, kaygandang mamalas sa lupa't patabang pinaghalo'y aking tinanim ang binhi ng talong habang langit ay nagdidilim may nagbabadyang unos, alapaap ay maitim sana'y lumago ang talong nang walang paninimdim kartong lagayan ng gatas na imbes ibasura ay gamitin upang tamnan ng talong na kayganda balang araw ay may aanihin, kaysarap pala sa pakiramdam, at di magugutom ang pamilya habang lockdown pa'y halina't magtanim-tanim tayo sa karton, lata ng sardinas, o plastik na baso sa walang lamang lalagyan imbes ibasura mo para sa kinabukasan ay may anihing totoo - gregbituinjr.

Nagpalitada ng hagdan

Imahe
dapat talagang naeehersisyo ang katawan at ngayon naman ako'y nagpalitada ng hagdan habang nasa lockdown, patulong-tulong pa rin naman sa munting gawain man ay maraming natutunan sa gawaing pagpapanday nga'y may nadamang saya lalo't tubig, buhangin, at semento'y pinagsama sa munting karanasan, may munting tula tuwina na balang araw, sa mga apo'y maibibida pinanood ko noon ang pagpalitadang ito na namasdan paano ginawa ng karpintero kaya nais ko ring gawin ay talagang pulido upang kahit ang sarili lang ay mapahanga ko dapat gagawing hagdan ay pantay na pantay, patag upang kalooban ng umapak dito'y panatag marahil, tagumpay ako rito't di matitinag at ito'y masisira lang pag sinadyang tinibag - gregbituinjr.

Pagkadulas

Imahe
kaninang umaga ako'y biglang nadulas dahil sa kawalang ingat ay nadupilas nawalan ng balanse, braso'y nagkagasgas gising na'y baka tulog pa, papungas-pungas dapat laging mag-ingat, bilin sa sarili lalo't nag-iisip, parang di mapakali kwarantinang ito'y di na kawili-wili walang maitulong sa bayan, tila bingi buti pang naging frontliner noong una pa sa kapwa tao'y baka nagbigay pag-asa kaysa ngayong masakuna ng walang kwenta o mensahe ito ng parating pang grasya mag-ingat, kagabi nga'y kaylakas ng ulan madulas ang lupa, lakad ay pag-ingatan tiyaking gising na't di tulog ang isipan maghilamos bago pumuntang palikuran - gregbituinjr.