Nagpalitada ng hagdan

dapat talagang naeehersisyo ang katawan
at ngayon naman ako'y nagpalitada ng hagdan
habang nasa lockdown, patulong-tulong pa rin naman
sa munting gawain man ay maraming natutunan

sa gawaing pagpapanday nga'y may nadamang saya
lalo't tubig, buhangin, at semento'y pinagsama
sa munting karanasan, may munting tula tuwina
na balang araw, sa mga apo'y maibibida

pinanood ko noon ang pagpalitadang ito
na namasdan paano ginawa ng karpintero
kaya nais ko ring gawin ay talagang pulido
upang kahit ang sarili lang ay mapahanga ko

dapat gagawing hagdan ay pantay na pantay, patag
upang kalooban ng umapak dito'y panatag
marahil, tagumpay ako rito't di matitinag
at ito'y masisira lang pag sinadyang tinibag

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi