Madaling araw naga-upload ng akda sa blog

malakas kasi ang wi-fi tuwing madaling araw
kaya pinipilit gumising kahit na maginaw
titipain na lang ang akdang sinulat sa araw
sa aking kwadernong lagakan ng tula't pananaw

kailangang ilagay sa blog upang di mawala
ang katha kung halimbawang kompyuter ay masira
upang maibahagi na rin sa kapwa ang akda
na nakatha habang sa langit ay nakatunganga

isinusulat ko na ang parirala't taludtod
na nahahagilap sa mga patak sa alulod
habang may nginunguyang pampatibay din ng tuhod
kahit na sa kaeekobrik, nadarama'y pagod

ganyan talaga ang buhay niring makatang tibak
nagninilay upang maghimagsik ang hinahamak
na dukha't manggagawang gumagapang na sa lusak
sa panahon ng pandemyang ang gutom na'y palasak

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi