365 basong karton kada taon

365 basong karton kada taon

ginagamit ko'y isang baso lamang sa tahanan
na matapos magkape'y akin namang huhugasan
walang basong kartong itatapon sa basurahan
kundi yaon lamang plastik ng kapeng pinagbilhan

ginagamit naman sa kapehan ay basong karton
kung araw-araw isang beses kang magkape doon
bilangin mo't ang nagamit sa isang buong taon
ay tatlong daan, animnapu't limang basong karton

ikaw pa lang iyon, paano kung ang magkakape
ay isang daan bawat araw, di lang ito triple
tatlumpu't anim na libo't limangdaang kinape
sangkaterbang basurang ito'y suriing maigi

kung sa kapehan, basong hugasin ang gagamitin
walang basong kartong basurang papatas-patasin
kaylaking tipid ng may-ari sa kanyang gastusin
nakatulong pa sila sa kapaligiran natin

sa ating pagkakape, minsan ito'y pag-isipan
mga plastik ng kape'y maiekobrik din naman
maaksayang pamumuhay ay dapat nang iwasan
at isipin din ang kalagayan ng kalikasan

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi