Basurahan para sa plastik na ieekobrik

may mga basurahan nang para sa nabubulok
panis na pagkain, pinagbalatan ipapasok
basang papel, dahong winalis, huwag magpausok
magsunog ng basura'y mali, dapat mong matarok

may para rin sa di nabubulok na basurahan
styrofoam at gawa sa gomang pinaggamitan
boteng babasagin, sa pagkain pinagbalutan
ibat't ibang uri ng plastik ay ilagay diyan

ngunit may basurang mabebenta't magagamit pa
boteng di pa basag, tuyong karton at papel, lata
aluminum, bakal, at anupang baka mabenta
iyan ang tinatawag na "may pera sa basura"

dapat may basurahang pinagbukod ang plastik
mayroong basurahang para sa single use plastic
ang mungkahi ko namang sa utak ko'y natititik
may basurahan para sa mga ieekobrik

tuyong plastik at boteng plastik ang lalamnin niyon
sa mga eskwelahan ay may karatula doon
tuyong plastik at boteng plastik lang doon itapon
sa mungkahing ito sana'y maraming sumang-ayon

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi