Nilalabanan natin ang mga hunyango't tuso

"Whoever fights monsters should see to it that in the process he does not become a monster." - Friedrich Nietzsche

nilalabanan natin ang mga hunyango't tuso,
mapagsamantalang trapo't sa bayan ay berdugo
inililigtas ang bayan sa diktador na gago
layon nating itayo ang lipunang makatao

nilalabanan natin ang mga tuso't tiwali
at bulok na sistema'y ayaw nating manatili;
para sa prinsipyo'y inalay ang buhay na iwi
gagampanang tapat ang tungkulin kahit masawi

ngunit tiyaking tanganang mahigpit ang prinsipyo
habang binabaka'y kalabang halimaw sa mundo
upang di rin maging halimaw pag tayo'y nanalo
lalo't ating itatayo'y lipunang makatao

pag nagwagi, adhika'y iluluklok sa pedestal,
magpapakatao, makikipagkapwa, may dangal
huwag tutularan iyang mga hunyangong hangal
upang di maakusahang isa ka ring pusakal

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi