Labis-labis na inhustisya

Labis-labis na inhustisya

Disyembre Diyes - araw ng pantaong karapatan
Pebrero Beynte - araw ng hustisyang panlipunan
pawang mahahalagang araw na pandaigdigan
at dapat laging ginugunita ng sambayanan

mula sa pantaong karapatan, alalahanin
ang katarungang panlipunang dapat pairalin
labis-labis na ang inhustisya sa bayan natin
tokhang, pagpaslang ng mga inosenteng bata rin

pulos preemptive strike sa mga wala pang sala
upang bantang krimen ay di na raw nila magawa
hustisya sa mga buhay na kanilang winala
katarungan sa mga pangarap na pininsala

may oras tayo para sa panawagang HUSTISYA!
may oras pa tayo upang maysala'y isakdal na
karapatang pantao at panlipunang hustisya
ay tila magkapatid na kailangan ng masa

sa mga araw na ito'y dapat tayong kumilos
laban sa inhustisya'y magpahayag tayong lubos
World Day of Social Justice ay araw ng pagtutuos
singilin ang maysala sa buhay nilang tinapos

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi