ANG TULA SA RALI minsan, may kredibilidad din ang nilikhang tula pag kasama sa pakikibaka ng manggagawa pag nakikipamuhay sa magsasaka't dalita at sa Mendiola'y binibigkas ang tulang kinatha madalas, may handa na akong tulang bibigkasin isang araw bago ang rali, paksa'y aalamin anong linya't tindig sa isyu, iyon ang sulatin bagamat bawat tula ko'y may tugma't sukat pa rin di ko pupurihin sa tula ang kapitalista kundi ilantad ang kanilang pagsasamantala di ko pupurihin ang tula sa kapitalista kundi ilahad ang nasang panlipunang hustisya iyan ang papel kong mahalagang ginagampanan nasa rali man, nasa komunidad o saanman ako'y makatang adhika'y makataong lipunan at pagtula ko sa rali'y pagsisilbi sa bayan - gregoriovbituinjr.
litrato mula sa google KABASIB (KAMATIS, BAWAT AT SIBUYAS) kamatis, bawang at sibuyas kinakaing hilaw at hubad ito ang aking pampalakas sa kilo-kilometrong lakad bawang ay ngunguyaing hilaw habang naglalakad sa lansangan pagkat ito'y bitamina raw upang tumibay ang kalamnan masarap naman ang kamatis habang tumatakbo ang isip panlaban sa problema't hapis habang pag-asa'y halukipkip sa sibuyas tiyak luluha ngunit nalilinis ang mata di mo ramdam ang pagkapata kundi katawan mo'y gagana paghaluin mo yaong tatlo nang may maalab na pagsuyo tiyak lalakas ka’t lilisto kaya di ka na madudungo - gregbituinjr.
SALITANG UGAT AT PANLAPI tula ni Gregorio V. Bituin Jr. huwad nga ba ang huwaran at ulid ang uliran? ano nga bang salitang ugat ng mga pangngalan? bulo ba sa kabuluhan, tarong sa katarungan? tuto sa katuturan, bihasa sa kabihasnan? ang salitang ugat ay salitang buo ang kilos tulad ng gayat, ihaw, luto, inin, kain, ubos ang wikang Filipino kung aaralin nang lubos ito'y madaling unawain, maganda't maayos ang salita'y binubuo ng ugat at panlapi kinakabit sa unahan ng salita'y unlapi at pag kinabit sa gitna ng salita'y gitlapi at pag nasa dulo naman ng salita'y hulapi iyo bang napupuna sa mga usapan natin nagbago ang kahulugan pag panlapi'y gamitin sa salitang ugat, kaya ito'y iyong alamin magkaiba ang kakain, kumain at kainin salitang ugat at panlapi'y dapat maunawa pagkat ganito ang kayarian ng ating wika halina't wikang Filipino'y gamitin sa tula sa pangungusap at pagkatha ng mga talata 01/15/2020
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento