Isa pang tula sa Earth Day 2021

ISA PANG TULA SA EARTH DAY 2021

"I am an ecobricker and a yosibricker," oo
iyan nga ang napili kong itatak sa tshirt ko
upang sabihing halina't gumawa tayo nito
nang kalikasan ay mapangalagaang totoo

kasama ko si misis sa paggawa ng ecobrick
kung saan aming ginugupit ang naipong plastik
sa boteng plastik nga'y talaga namang sinisiksik
upang sa kalaunan ay patigasing parang brick

saka nagawang ecobrick ay pagdidikitin pa
upang gawing istruktura tulad ng munting silya
at pagpatung-patungin ito nang maging lamesa
dapat talagang matigas nang makatayo sila

ginagawa ko rin ang yosibrik mula sa upos
bilang kampanyang basura itong dapat maubos
mga hibla nito'y anong produktong matatapos
oo, gawing produkto upang kumita ang kapos

at kung may pagkakataon ka'y iyong unawain
ang aming ginagawang ito't pag-aralan mo rin
nang ecobrick at yosibrick ay ating paramihin
mabawasan ang mga basura ang misyon natin

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi