Pagsamba sa mutya

PAGSAMBA SA MUTYA

sinasamba ko ang mutya sa aking pag-iisa
pagkat tulad siya ng aklat na nais mabasa
kanyang mga pahina'y nilalakbay ko tuwina
kahit aking pluma'y halos mawalan na ng tinta

sinusulat ko ang mutya sa aking panaginip
na pagdatal ng panganib ay aking sinasagip
kariktan niya sa puso ko'y walang kahulilip
habang larawan niya sa dibdib ko'y halukipkip

sinimsim ko ang kanyang nektar tulad ng bubuyog
sa kanyang bitag ang puso ko'y tuluyang nahulog
bakit ba siya pa? kailan ako mauuntog?
siya ang nais ko kaya pagsinta'y iniluhog!

ako ang bubuyog sa kanyang kaytinik na rosas
ang pag-ibig kong tigib ay sadyang walang katumbas
kung siya'y aklat, dahon niya'y ayokong malagas
kung siya'y bulaklak, sa kanya'y ako ang pipitas

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi