Talahuluganan

TALAHULUGANAN

talahuluganan itong kayamanan kong sadya
pinag-ipunang bilhin at iniingatang kusa
nakalagak sa munting aklatan, nakakahanga
malaking tulong sa pagsasalin at pagmakata

di lamang simpleng sanggunian ng salita ito
kundi binubuklat ko ri't binabasang totoo
upang mapahusay pa ang mga bokabularyo
at magamit sa mga tula, sanaysay at kwento

lalo ngayong Buwan ng Wika, napakadakila
ng papel ng talahuluganan sa pagkakatha
lalo na sa paggamit ng katutubong salita
totoong kahulugan ay mabatid ng makata

samutsari ang paggamit sa wikang Filipino
tulad ng talahuluganan ay diksiyonaryo
ang talasalitaan naman ay bokabularyo
habang yaong talatinigan naman ay glosaryo

kayamanang talaga ang mga nasabing aklat
na sa tuwina'y sinasangguni ko't binubuklat
mapangmulat, ingatang mabuti't huwag malingat
at baka may magkainteres ay mawalang sukat

- gregoriovbituinjr.
08.26.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi