Ang tula

ANG TULA

ang tula ay di kapara ng tubig na mainit
na basta mo kakapehin pag may sumang malagkit
lagyan mo ng asukal pag barako'y anong pait
upang saknong at taludtod ay umayon nang rikit

sinusubukan kong laging makalikha ng tula
bawat araw, maipakitang ako'y sumisigla
positibo man sa covid na nakakatulala
kakatha habang nasa kisame nakatingala

datapwat minsan pag nagsasalita'y inuubo
sinusunod ang payo ng doktor at ng misis ko
upang gumaling, upang lumakas, upang magbago
ang katawan tungo sa malusog na pagkatao

talaga kong kathain ang anumang nalilirip
gayunman, di man makatula'y huwag ikainip
mahalaga'y magpahinga, di gaanong mag-isip
saknong at taludtod naman sa puso'y halukipkip

- gregoriovbituinjr.
09.22.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi