Sabaw ng buko

SABAW NG BUKO

at muli akong nakainom ng sabaw ng buko
upang linisin ang bituka't tumibay ang buto
anila, pinipigil nito ang sakit sa bato
may kalsyum, magnesyum, potasyum, posporus pa ito

itinuring ang sabaw nitong inuming pangmasa
mula sa puno ng niyog na napakahalaga
sa kalusugan ng mamamayan, ng iyong sinta
salitang agham ng niyog ay cocos nucifera

pag naubos ang sabaw ng buko'y may makakain
pang masarap na puting laman, iyong kakayurin
sa loob ng matigas na bao bago namnamin
sabaw ng buko pa'y gata sa maraming lutuin

tara, at kita'y magsihigop ng sabaw ng niyog
o buko upang pangangatawan nati'y lumusog
sabaw ng buko'y mula puno ng buhay, O, irog!
ang inumin ng masa habang mundo'y umiinog

- gregoriovbituinjr.
09.30.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi