Init

INIT

sa init ng lungsod ay nabigla ang katawan ko
nang mula sa probinsyang malamig, lumuwas dito
para bang napapaso ang buo kong pagkatao
animo'y kay-init na pagtanggap sa akin ito

sa loob ng bahay, may bentilador man, wala rin
mainit man ang panahon, ulo'y di mainitin
mas maigi pa ngang nasa labas pagkat mahangin
pulos usok nga lang ng sasakyan ang lalanghapin

ibang-iba ang init, tagos sa kaibuturan
animo'y sumasagad sa buto't mga kalamnan
nanggaling kasi sa lamig kaya nababaguhan
tumagal-tagal pa'y masasanay din ang katawan

o baka nadarama na'y matinding global warming
katatapos lang ng COP, ano itong dumarating
marapat lang tugunan ang Climate Justice na hiling
nitong taumbayan upang daigdig ay gumaling

- gregoriovbituinjr.
11.21.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi