Mga tulang pambata

MGA TULANG PAMBATA

"One hundred nursery rhymes", mga pambatang tugmaan
na kung tutunghayan mo'y talagang kagigiliwan
"Munting Aklat ng mga Tula" ay buklatin naman
at bata'y tiyak na maraming mapag-aaralan

tila ba mga tula'y tulay sa magandang buhay
kung paano bang ang pagkatao'y dinadalisay
at pagharap sa mabuting bukas ang inaalay
at pangarap ay paghandaang maabot na tunay

O, kaysarap magbasa ng mumunting mga tula
dama'y kasiyahan ng damdaming animo'y bata
lalo't samutsari ang naroroong talinghaga
na parang naalpasan mo yaong nagdaang sigwa

tulang pambata man ay nagbibigay-inspirasyon
upang bata'y magsikap, sa hirap ay makaahon
upang makapag-ambag sa kanilang edukasyon
upang makakatha rin ng ganitong genre ngayon

- gregoriovbituinjr.
01.25.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi