Makatang lungsod

MAKATANG LUNGSOD

ako'y isang makatang lungsod
na pagtula'y ikinalulugod
maralitang kayod ng kayod
matatag, matibay ang tuhod

tula'y hinggil sa mga kwento
sa mga lansangang narito
na sementado't aspaltado
maging katawang buto-buto

makinang na ilaw sa gabi
mga nagkikinangang poste
maririkit ditong babae
kwento rin ng tuso't salbahe

ang mahahabang eskinita
ang naglulutangang basura
maruruming ilog at sapa
mga dyip na nagkakarera

madalas magbilang ng pantig
sa tugma't sukat niyang hilig
sa manggagawa'y kapitbisig
isyu nila'y sinasatinig

isang makata ng Sampaloc
sinusunod ang tinitibok:
bilin sa awiting Tatsulok
ang dukha'y ilagay sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
10.10.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi