May pag-asa pa

MAY PAG-ASA PA

may pag-asa pa bang mabago ang sistema
kung wala, bakit sa mundo'y naririto pa
mayroong pag-asa kaya nakikibaka
dito na lang kumakapit, tatanggalin pa?

hindi ba't may kasabihan ang matatanda
na hangga't may buhay, may pag-asa, di ba nga?
magsikap lang, pag may tiyaga, may nilaga
sa patuloy na pagkilos, may mapapala

hangga't may nangangarap ng laya ng bayan
mula pangil ng kapitalismo't gahaman
sa patalim man o pag-asa manghawakan
araw ay sumisikat pa rin sa silangan

kaya halina't magpatuloy sa pagkilos
laban sa kaapihan at pambubusabos
laban sa pagsasamantala ng malignos
na bundat na sa tubo'y di pa makaraos

- gregoriovbituinjr.
11.23.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi