Pagtunganga

PAGTUNGANGA

tingin nila'y di trabaho ang pagtunganga
pagkat nakatalungko lamang sa bintana
animo'y tamad pagkat walang ginagawa
imbis na bisig, ang nagtatrabaho'y diwa

ilalarawan ang nagliliparang ibon
o ang naganap noong panahon ng Hapon
eroplano'y nagbabakbakan sa kahapon
kayraming nakikita kahit wala roon

nagurlisan sa bisig ng tama ng bala
naroong lumuha nang iwanan ng sinta
hinabol ng leyon ang nagtakbuhang usa
namatay pala kaya wala nang nadama

matapos tumunganga ng ilang sandali
ay aapuhapin ang plumang siyang sanhi
upang isulat ang ihahasik na binhi
para sa panitikan, hustisya, at mithi

doon ay inilabas sa sinapupunan
ang mga niloloob sa kaibuturan
sa pagtunganga'y laksa ang natutuklasan
na sa taludtod na natin matutunghayan

- gregoriovbituinjr.
11.10.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi