Isang tanghaling madilim

ISANG TANGHALING MADILIM

minsan ay pilit na lang tumula
nais lang nila akong tumuga
yantok ang sa ulo ko'y tumama
hanggang sa ako'y maging tulala

anong sakit ng patutugain
di ko malaman anong gagawin
maigi pa kung patutulain
at alam ko anong dapat gawin

dinig ko ang sarili kong impit
pag yaring daliri'y iniipit
talaga pala silang malupit
mga animal na di lang pangit

tabo-tabong tubig pinainom
at inapakan ang tiyang gutom
bibig ay nananatiling tikom
ngunit kamao'y di maikuyom

isa iyong tanghaling madilim
nang ginawa'y karima-rimarim
tila ba malapit na ang lagim
lalo't lahat ng makita'y itim

paano ituwid ang baluktot
at mapanuto ang mga buktot
baka alam mo kung anong sagot
ilatag mong kapara ng hugot

- gregoriovbituinjr.
12.14.2022

* litrato mula sa google

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang tula sa rali

KaBaSib (KAmatis, BAwang at SIBuyas)

Salitang ugat at panlapi