ANG TULA SA RALI minsan, may kredibilidad din ang nilikhang tula pag kasama sa pakikibaka ng manggagawa pag nakikipamuhay sa magsasaka't dalita at sa Mendiola'y binibigkas ang tulang kinatha madalas, may handa na akong tulang bibigkasin isang araw bago ang rali, paksa'y aalamin anong linya't tindig sa isyu, iyon ang sulatin bagamat bawat tula ko'y may tugma't sukat pa rin di ko pupurihin sa tula ang kapitalista kundi ilantad ang kanilang pagsasamantala di ko pupurihin ang tula sa kapitalista kundi ilahad ang nasang panlipunang hustisya iyan ang papel kong mahalagang ginagampanan nasa rali man, nasa komunidad o saanman ako'y makatang adhika'y makataong lipunan at pagtula ko sa rali'y pagsisilbi sa bayan - gregoriovbituinjr.
SA RIZAL PARK nagtungo kanina sa Luneta upang maging saksi, nakiisa sa paggunita o pag-alala kay Rizal, bayani't nobelista doon binitay sa Bagumbayan na Rizal Park na ngayon ang ngalan; may dumating ding talaga namang isinagawa'y palatuntunan sa diwa tumagos ang mensahe ng nagwika tungkol sa bayani; naglitratuhan, pa-selfie-selfie bilang patunay, ako'y narine talagang inagahan ang gising nang sa diwa historya'y tumining nang magbangon sa pagkagupiling ang mga anak na nahihimbing - gregoriovbituinjr. 12.30.2022 (sa ika-126 anibersaryo ng pagbitay kay Gat Jose Rizal)
ang sarili mo'y huwag mong ituring na kawawa dahil tingin mo'y wala kang itsura lalo't dukha dahil turing mo sa sarili'y isang hampaslupa may itsura nga iyang kaldero, ikaw pa kaya sabi ng nanay mo, guwapo ka kahit maitim aniya, para kang rosas na kaysarap masimsim sabi pa, ikaw ang liwanag sa gabing kaydilim ganyan ka ipagtanggol ng nanay mong naninimdim may itsura ka, lalo na't puso mo'y anong ganda mag-ayos ka't magsuklay ng buhok, magsipilyo ka maligo ka, magdamit ka, at magpabango ka pa at gupitin mo rin ang kuko sa kamay mo't paa labhan mong maigi ang damit mo nang di bumantot kusuting maigi ang pantalon mong isusuot ang polo o blusa mo'y plantsahin upang di gusot ang kutis mo'y alagaan nang di kamot ng kamot kaya huwag mong kaawaan ang iyong sarili magtiyaga ka lamang, magsipag at magpursigi baka sa pagsisikap mo'y may isang mabighani ang sipag mo't tiyaga ang sa kanya'y bumalani - gregbituinjr.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento